Press Release
March 26, 2010

Transcript of Interview of Senate President Enrile w/ DWLC Quezon

Radio Station: DWLC Radyo ng Bayan Quezon Anchor: Mae Fromaran Program: Pulso Publiko

Q: Magandang umaga, Senator.

JPE: Magandang umaga sa iyo, Mae, at magandang umaga sa DWLC Radyo ng Bayan sa Quezon. Magandang umaga sa mga kababayan natin sa lalawigan ng Quezon.

On Automated Elections

Q: Okay, Mr. Senator, bago po tayo dumako sa plataporma po ninyo, nagkaroon po ng mock election sa Senado kahapon at ayon po sa ulat wala pong naging problema o kaguluhan. Nakapagpalakas po ba ito ng confidence ng mga senador na kagaya ninyo at ng publiko na magiging maayos po ang ating automated election?

JPE: Sa simula pa lamang ay malaki na ang paniniwala ko na 'yang mga kuru-kuro, haka-hakang sinasabi na magkakaroon ng problema ang automated election ay hindi totoo. Ako, alam ko na 'yun na mangyayari 'yung ganoong usapan sa Senado sapagkat alam naman ng mga senador 'yon. Pinag-usapan namin 'yun, inusisa namin 'yon, kaya hindi kataka-taka na 'yon ang kanilang pasya.

Q: So ibig sabihin po niyan, Senator, 'yung balita po sa failure of elections, ano po ang opinyon niyo dito?

JPE: Espekulasyon lang 'yan. Panggugulo lang 'yan sa isipan ng mga tao. Panglilito lang 'yan at pananakot. Hindi mangyayari 'yan. Paano mangyayari 'yan kung napag-aralan na namin 'yong PCOS na 'yun. Sa aming paningin, talagang mahusay naman. Di naman namin aaprubahan 'yun sa Senado, sa Kongreso, kung hindi kami kumbinsido na mangyayari 'yon.

Q: Okay, Senator, may isa pong Obispo na nagsabi na kung magkakaroon ng failure of elections ay payag sila na mag-protesta sa lansangan ang kanilang mga miyembro o kasamahan. Ano po ang opinyon ninyo dito?

JPE: Okay lang sa akin 'yon pero ano ang basehan nila na mag-protesta? Kanino sila magpo-protesta? Sino ang kanilang sisihin at mayroon ba silang ebidensya na sinadya 'yung failure of elections? Kung may tao na tinutukoy sila na dahilan ng failure of elections, okay lang 'yun, paparusahan kung kinakailangan pero kailangang gawin nila ng mahinahon.

On Senator Enrile's Platform

Q: Okay, Senator, nais po itanong ng mga taga-lalawigan ng Quezon, ano daw po ba ang gusto ninyong gawin o kaya ay ipagpatuloy at kailangan pa ng sambayanang Pilipino na ibalik kayo sa Senado ?

JPE: Mae, ang dahilan kung bakit gusto kong bumalik sa Senado ay walang iba kundi para hadlangan ang mga bulok na batas na lalabas sa Senado sapagkat lahat ng batas doon ay sinusuri ko at hindi nakakalusot sa akin sapagkat, hindi naman sa pagmamayabang, ako na siguro ang may pinakamalawak na kaalaman at karanasan sa Senado.

Q: Okay, so sa plataporma po ninyo, Senator, talagang nagrerehistro 'yung inyong 'Gusto Ko Happy Ka' sa Senado. Ano pa ho ang gusto ninyong gawin bukod po sa sinabi ninyong gusto ninyong hadlangan ang mga bulok na batas sa Senado? Ano pa ho sa palagay ninyo ang kailangan nating mga Pilipino sa ngayon, most specifically 'yun pong sa power sa Meralco saka po 'yung sa text messages. Alam ko po kayo ang isa sa mga tumindig.

JPE: Alam mo, Mae, 'yung aking sinabi na 'Gusto Ko Happy Ka', 'yan ang plataporma ko sapagkat ang basehan ng gobyerno sa buong mundo ay 'yung Pursuit of Happiness. Gusto ko maging happy kayo sa kalusugan kaya isusulong natin ang kalusugan ng bayan. Bigyan ng sapat na pondo ang Dept. of Health at mga ospital sa ating bansa at isusulong yung Cheaper Medicines Act at iba pa. 'Yung mga senior citizen pinagbigyan natin, tinanggal 'yung VAT ng sa gayon pakinabangan nila 'yung discount card nila. Gusto ko happy kayo sa inyong kabuhayan, isusulong natin ang agrikultura, edukasyon, micro-financing, lahat 'yan para susulong at uunlad ang bayan. Gusto ko maging happy ka sa katahimikan ng inyong lipunan. Basic 'yan at ganun din gusto ko happy kayo na umiiral ang katarungan sa ating bansa. 'Yun po ang katunayan at dahilan kung bakit may mga batas at gobyerno sa mundo at 'yan ang dahilan kung bakit ginamit ni Enrile 'yang salita na gusto ko happy kayo.

On Education

Q: Senator, banggitin ho natin 'yung tungkol sa edukasyon kasi 'yun pong nangyari sa PUP at sa UP na nabawasan ang kanilang nasa pitong-daang bilyong mahigit na pondo ngayon at ginawa na lang pong nasa six hundred plus. Ano ho ang maitutulong ng isang senador dahil napakarami po sa ating mga estudyante ang mahihirap at hindi nakakatapos, hindi ho nagka-college at mas pinipili na lang ang magtrabaho. Ano ho ang inyong pwedeng gawin diyan?

JPE: Dapat nung pinag-uusapan 'yan, pumunta sila sa akin at nag-complain sila. Sigurado, kapag nagpunta sila sa akin, isinulong ko 'yung gusto nila o kaya at least nadagdagan 'yung kanilang budget.

Q: So ibig nyo bang sabihin, Senator, kung may problema, pumunta sa inyo at makakagawa kayo ng paraan hinggil dito lalo na kung kayo po ay papalarin?

JPE: 'Yun ang sinusulong ko, power rate reduction, cellphone rate control, para hindi sasamantalahin ang mga tao. At saka ang mga mamimili sa bayan natin ay kailangang maproteksyunan sa sabwatan ng nga negosyante at sa edukasyon, kailangang tinutulungan ko ang UP, lahat ng state universities sa ating bansa, kasama na 'yang PUP. Ang hindi ko malaman, bakit hindi sila umangal noong pinag-uusapan namin 'yung budget.

Q: Okay, nakarating na po ba kayo sa PUP Senator?

JPE: Oo, nagpupunta ako doon at marami akong tinutulungan doon.

Q: Nang mapuntahan po natin 'yun, nakakaawa po ang sitwasyon ng mga facilities, kulang na kulang and yet napakarami po ng mga estudyante pala doon.

JPE: Tama yon, dapat 'yung mga administrator ng unibersidad na kagaya ng PUP ay dapat kung meron silang kakulangan lumapit sila doon sa mga pwedeng makatulong sa kanila kagaya ng ginawa ng UP, tinulungan ko sila. Ganun din ang ginawa ko sa PUP, pag sila'y lumapit sa akin. Ganoon din ang ginawa ko sa Philippine Normal University ng ating bansa.

On Electricity

Q: Okay, Senator, siyempre gusto namin tanungin dito naman sa lugar ng Lucena at lalawigan ng Quezon, napailawan na po 'yung ilang lugar sa Quezon para maging isang solar electrification project ng Team Energy. Alam niyo po ba, Senator, dito po sa amin sa Lucena kami po ay highly-urbanized city pero alam niyo po dito sa amin, may mga purok na hindi pa rin po naiilawan sa mga sandaling pong ito.

JPE: Bakit? Ano ang ginagawa ng National Electrification Administration? Meron tayong programa na nasa Rural Electrification at nilagay din nila doon ang kapangyarihan ng Napocor to provide electrical power systems dun sa mga liblib na lugar sa buong bansa. Nagtataka ako at itong Lucena pala ay may hindi pa naiilawan na purok.

Q: Opo, dito po sa may Brgy. Handupay, Lucena City.

JPE: Pagkatapos ng eleksyon, sabihin mo sa kanila pumunta sa akin at tututukan ko 'yan at kakausapin ko 'yung National Electrification Administration kung bakit hindi pa dumarating doon ang elektrisidad.

Q: Opo, meron man po Senator, alam niyo po ba na mga nakalaylay at ang mga pinaglalagay lang po ay mga kahoy na talaga naman pong hindi mga poste ng Meralco.

JPE: Kailangan 'yan, trabahuhin 'yan noong electric cooperative diyan sa inyo.

Q: Senator, last question ko na po, ano pong mga lehislasyon ang balak ninyong gawin o isulat pa para mas mapagaan ang paggamit ng mga mamamayan sa cellphone at iba pa nating communication technologies?

JPE: Ginagawa ko niyan, nirereporma ko 'yung batas ng National Telecommunications Commissions para magkaroon ng ngipin at pwersa upang disiplinahin itong mga nagnenegosyo ng telepono na nagpapahirap sa bayan.

Q: Isang question na lang po, kayo ho ba ay nakarating na dito sa aming lalawigan ng Quezon?

JPE: Oo, madalas kami diyan at babalikan namin ang Quezon. Babalikan ng Pwersa ng Masang Pilipino ang Quezon province.

Q: Ano po ang pwede naming asahan sa inyo, Senator, na pwede ninyong maitulong sa mga taga rito?

JPE: Ako'y handang-handang tumulong, sabihin niyo lang kung ano ang pangangailangan ninyo. Hindi ko alam ang pangangailangan ninyo, eskuwelahan, ospital, irigasyon, kalsada sabihin lang sa akin at gagawan ko ng paraan upang makatulong sa Quezon.

Q: Okay Mr. Senator, Senator Juan Ponce Enrile, siyempre gusto ko happy ka. Good luck po sa inyong kampanya bilang isa sa mga naghahangad na maging senador muli ng Pilipinas.

JPE: Ako po si Senador Juan Ponce Enrile, ang Manong n'yo sa Senado, nagsasabing 'Gusto Ko Happy Kayo', walang pagbabago at walang kupas. Sana po, wag ninyo kalimutan sa araw ng eleksyon numero 15 sa balota ng Comelec, babalik sa Senado upang maging katulong ninyo, kasangkapan ninyo sa pag-aayos sa mga problema ng bansang Pilipinas. Salamat po .

Q: Salamat po. Si Senador Juan Ponce Enrile po iyan mga kaibigan, kandidato po sa pagka-senador sa ilalim ng Pwersa ng Masang Pilipino o PMP.

News Latest News Feed