Press Release
April 22, 2010

WALANG IWANAN; KAPAKANAN NG BANSA ISUSULONG - ROXAS

Walang iwanan para sa kapakanan ng bayan.

Ito ang matibay na posisyong ipinabatid sa publiko nina Liberal Party tandem presidential candidate Senator Noynoy Aquino at vice presidential race frontrunner Senator Mar Roxas bilang reaksyon sa mapanirang atake na ipinapakalat ng kanilang katunggali para sa eleksyon sa Mayo 10.

"Ang aming kalakasan ay nakasalalay sa aming pagkakaisa at base sa aming sinumpaang komitment-ang pinagmumulan ng aming utang na loob ay galing sa sambayanang Filipino-upang ibigay sa minamahal nating bansa ang tamang landas," ayon kay Roxas.

Sa kasalukuyang estado ng kampanya kung saan 18 araw na lamang bago ang aktuwal na halalan, ang tambalang Aquino at Roxas ay pilit na tinitibag para sirain ang malaking tiwala sa kanila ng taumbayan habang papalapit ang Mayo 10, ayon kay Roxas.

Ilan sa mga mapanirang atake ay ang pagbuhay sa nadismis na kaso ng dating kasambahay ni broadcast at television host Korina Sanchez-Roxas, ang pagpupumilit ni Nacionalista Party vice presidential bet Senator Loren Legarda, Hacienda Luisita at value added tax na kasalukuyang pinakikinabangan ng gobyerno upang matustusan ang mga social projects at programs.

Iginiit niya na sa ngalan ng diwa ng pagkakaisa, kapayapaan at tuloy-tuloy na pag-unlad na isinusulong nila ni Aquino, isasaisantabi nila ang hidwaang nilikha ng bangayan sa panahon ng kampanya para na rin sa kapakanan ng bansa.

Sa panig naman ni Aquino binigyan-diin niya na kumbinsido siyang si Roxas lamang ang makakatulong sa kanya dahil bago pa man magsimula ang kampanya ay napagkasunduan na nila ang mga bagay na alam nilang gagamitin ng mga kalaban upang sila ay intrigahin.

Aminado si Roxas na batid niyang nasaktan ng husto ang kanyang mga kalaban ng mabalewala ang lahat na pagtatangka nila na makumbinse ang botante na sila ay mga huwaran at kuwalipikadong mga kandidato para sa nalalapit na eleksyon.

Ipinaliwanag ni Roxas na hindi pansariling ambisyon ang isinusulong nila ni Aquino kundi ang tunay na kapakanan ng bansa kaya kahit anong estratehiya ng paninira ang gamitin laban sa kanila ay mahirap paniwalaan ng publiko at patunay ito ng patuloy na pamamayagpag nila sa mga pre-election surveys.

News Latest News Feed