Press Release
August 5, 2010

Kombokasyon sa Pangangalaga ng Wika at Kalikasan
Kagawaran ng Filipinolohiya
Kolehiyo ng mga Wika at Linggwistika
Polytechnic University of the Philippines
Ika-5 ng Agosto, 9:00 ng umaga

SENATOR EDGARDO J. ANGARA
Susing Tagapagsalita

Binabati ko po ang Kagawaran ng Filipinolohiya na nanguna sa pagbuo ng kombokasyong ito. Isasabay ko na rin ang pasalamat sa mainit na pagtanggap ninyo sa akin bilang susing tagapagsalita.

Katumbas ng pagmamahal sa bayan ang pagmamahal sa sariling wika. Wika ang pundasyon ng pagkakaisa. Ito rin ang puso at kaluluwa ng isang bayan. Dahil dito, wika ang ultimong pagkakakilanlan sa ating pagka-Pilipino.

Ikinatutuwa ko rin na kabilang sa tema ng kombokasyong ito ang pagpapahalaga sa kalikasan. Sa panahong ito, ang pangangalaga sa kalikasan ay ang pinakamalaking hamon sa sangkatauhan. Ito ang magtatakda ng ating kinabukasan at ng kinabukasan ng ating mga anak.

Noong 1887, sinulat ni Dr. Jose Rizal sa Noli Me Tangere ang ganitong parirala:

"Huwag kalimutan na ang karunungan ay pamana ng sangkatauhan, at tanging matatapang lamang ang nagmana nito."

Lahat ng nasa bulwagang ito ngayon ay kabilang sa sinasabi ni Dr. Rizal na may karapatang magmana ng karunungan.

Ngunit ang tungkuling itaguyod ang ating wika at ipagmalaki ito sa buong mundo - iyan po ay tungkulin ng bawat isa sa atin.

Masuwerte po tayong nabiyayaan ng isang wikang matalinghaga, madaling aralin at maintindihan.

Sa panahong ito ng mabilis at kagila-gilalas na kaunlaran, malaking hamon ang isulong ang wikang Filipino, lalu na't naging isang "global village" na ang mundo, kung saan nagsama-sama ang iba't-iba wika at kultura ng buong daigdig.

Ito'y isang pakikibaka at pakikidigma sa bahaging ito ng kasaysayan. Kung wala tayong sariling wika, hindi rin natin makakamit ang ating mga layunin bilang isang bansa.

Bawat kababayan nating mandayuhan ay taglay sa pagkatao ang pagiging Filipino. Maaaring iwanan nila sa Pilipinas ang marami niyang kaangkinan o mga katangian.

Pero may isang biyaya ang Diyos na mahirap hubarin sa pagkatao. Hindi puwedeng palitan. Ito ay ang wikang kinagisnan at kinamulatan hanggang lumaki at magkaisip. Hindi natin puwedeng palitan ng anumang wika sa mundo ang mga unang salita sa ating buhay. Dito tayo natuto, nagsimulang mangarap, magtagumpay.

Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang may pinakamaraming wika.

Sa ngayon, 171 lenguwahe ang aktuwal na nakatala bilang mga buhay na wika sa Pilipinas. Dati ay 175 ang nasa listahan. Ang apat dito ay walang kilalang nagsasalita pa ng mga wikang ito sa ngayon. Kusang namatay o nawalan na ng gumagamit. Sa mga oral history and literature na lamang nananatiling buhay.

Mayroon din tayong mahigit na 500 diyalekto at kalayaan sa hindi mabibilang na mga code switching at word mixing sa mga pag-uusap.

May mga nagsasabing pinapatay ng English ang maraming wika sa mundo. Pero hindi ito mangyayari sa ating wikang pambansa.

Buhat nang pagbatayan ang Tagalog bilang nucleo ng Wikang Pambansa, malayo at malawak na ang narating nito. Tinataya na sa kasalukuyan, nubenta por siyento (90%) ng mamamayan ng Pilipinas ang nakapagsasalita at nakakaintindi ng Filipino.

Ebidensiya ang media na halos 85% ay Filipino na ang ginagamit sa pagbabalita. Sa broadcast media, halos lahat ay sa wikang Filipino na. Sa news broadcast sa radyo at telebisyon, napatunayan na higit na naiintindihan ng tagapakinig kapag Filipino ang ginamit at hindi English.Ang mga teleserye ay sa wikang Filipino rin at isinasalin sa Filipino ang mga inaangkat na teleserye. Ang mga local na pelikula ay sa Filipino na ring lahat.

Ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang may malinaw na polisiya sa wika. May mga probisyon sa Saligang Batas ng 1987, particular sa Artikulo 14, seksiyon 6 at 7, na mga legal na basehan ng maraming polisiya sa wika. Ang mga naiwang usapin sa wika sa mga Saligang Batas noong 1935 at 1973 ay ganap na naliwanagan sa niratipikang ng 1987 constitution.

Bago ipalabas ng DepEd noong 2009 ang Memorandum 74 tungkol sa multi-lingual education (MLE), na nagsasabing ang kinagisnang wika ay gagamiting opisyal sa pagtuturo, 1974 nagsimulang pairalin ang bi-lingual education na ang Filipino at English ay may kani-kanyang subject areas. Nagkaroon ng alokasyon sa wikang gagamitin sa mga subjects sa pag-aaral.

Base sa DECS order no. 25, Filipino ang gamit sa social sciences, music, arts, physical education, home economics, at character education. English naman sa science, mathematics at mga technology subjects. Naging epektibo ang patakaran na katunayan ay nakatugon ang Pilipinas maging sa tinatawag na global competetiveness na siyang hinihingi ng panahon.

Ang paglabas naman ng memoramdum 74 ng DepEd ay pagsagot din sa kahalagahan ng mother tongue sa mabilis na pagkatuto ng mga bata, na sa practice, ay siya namang ginagawa ng mga guro noon pa lalo na sa mga lalawigang prinsipal na sinasalita ang wika ng lugar o rehiyon. Kaya hindi na rin bago ang MLE policy.

Noong nakaraang Setyembre 16-18 sa paksang diwa na "Wikang Filipino: Mula Baler Hanggang Buong Pilipinas" kaugnay ng Presidential Proclamation No. 1696 na nagsasabing ang 2009 ay taon ng pagdiriwang ng ika-400 pagkakatatag ng Baler, idinaos sa aming bayan ang Pambansang Kumperensiya sa Wika na dinaluhan ng 584 na delegado mula sa lahat ng lalawigan ng Pilipinas.

Nakakagulat ang daloy ng mga dumalo na kinabibilangan ng mga opisyal ng pamahalaan, mga edukador, guro, lider ng wika, mga manunulat, at iba pa. Noon lang nangyari sa Baler na mula Batanes hanggang Jolo, Sulu ay natipon ang ganoon kalaking delegasyon para sa pag-uusap sa wika. Baka nga sa buong bansa natin ay noon lang nangyari ang gayon kalaking asembliya para sa wika.

Ang naturang kumperensiya ay itinaguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ginawa sa Baler dahil doon isinilang si Pangulong Manuel L. Quezon, ama ng Wikang Pambansa. Kabilang sa tinalakay ay (1) gaano na kalayo ang narating ng wikang Filipino, (2) ang intelektuwalisasyon ng mga wika, at (3) kung gaano kahalaga sa buhay ng tao ang wika. Pinatunayan sa naturang kumperensiya sa pamamagitan ng resolusyon ng pagkakaisa, ang pagpapahalaga ng buong bansa sa ating identidad na ang puso at kaluluwa ay ang Wikang Pambansa at iba pang wikang ating nagisnan.

Sa naturang kumperensiya, nabigyang-diin ang dati na nating alam. Na ang mahusay at tunay na epektibong kahalagahan ng wika ay ang pag-aangat ng wika sa tao para sa lalo pang marangal na antas sa kabuhayan, pagkatao at mayroong malinaw na pagkakakilanlan. Sa maikling salita, dignidad ng mamamayan bunga ng wika.

Sinasabing isa sa dakilang biyaya ng Maykapal sa bawat tao ay ang wika. Wika ang susi kung magtatagumpay siya o mabibigo sa buhay. Wika ang sandata sa pakikipagsapalaran kung ano mang career o propesyon ang hinaharap sa buhay. Wika ang susing tagapagbukas sa pintuan ng pandaigdig na pagkakaunawaan.

Mabuhay po kayong lahat at mabuhay ang wikang Filipino.

Marami pong salamat.

News Latest News Feed