Press Release
August 9, 2010

Pia: "Kopyahan" ng bills at "lamayan" sa Senado,
dapat aksyunan ng Senado

Umapela si Senadora Pia S. Cayetano sa liderato ng Senado na aksyunan ang aniya'y "antigo" o "makalumang" pamamaraan ng paghahain ng mga panukala sa Mataas na Kapulungan, kabilang ang napaulat na "kopyahan" ng bills at "paglalamay" ng ilang linggo ng mga staff ng mga senador para makipag-unahan sa numero ng indexing ng Senado ang kanilang mga panukala.

Nauna nang tumindig sa plenaryo si Cayetano noong Hulyo 27 para hilingin ang aksyon ng Kapulungan ukol sa napaulat na "kopyahan" at "lamayan" para mag-unahan sa paghahain ng panukalang batas at resolusyon tuwing magbubukas ang Kongreso.

"Sana'y magkaroon ng malinaw na regulasyon ang Senado sa sistema ng pagre-refile ng mga panukalang batas. Wala naman sigurong masama sa pangongopya ng panukala, lalo't kung maganda ito, kahit nauna na itong naihain ng ibang senador o retiradong senador sa mga nakaraang Kongreso. Pero dapat naman ay kilalanin ang orihinal na awtor nito, kahit man lang sa 'explanatory note' ng ni-refile na panukala," ani Cayetano.

Bagama't walang pinanangalan ang senadora, kanya namang sinang-ayunan ang obserbasyon na may ilang mga panukala ang palagiang "nire-recycle" o hayagang kinokopya ng mga mambabatas tuwing magbubukas ang bagong Kongreso.

Pinuna rin ni Cayetano ang nakagawiang sistena ng pagpapapila at paglalamay ng kung ilang linggo, at minsa'y pag-oovernight pa ng mga staff ng ilang mambabatas para lamang mauna sa bilang ng ihahaing panukala o resolusyon.

"Ganito rin ang kumplikadong sistema na naaalala ko sa UP noong estudyante pa ako. Minsan ay kailangan ko pang pumila ng gabi o madaling-araw para lang makipag-unahan ng slots sa subject at iskedyul na gusto kong makuha. Pero naresolba naman ito ng UP mula nang gawin nitong electronic ang registration system ng mga estudyante." Kaugnay nito ay dapat na ring i-"modernize" ng Senado ang sistemang ito para di na kailangan pang maghirap sa pagpila at paglalamay ng mga kawani ng mga mambabatas.

Iminungkahi rin ng senadora ang isang "paper-less" o "eco-friendly" system sa paghahain ng mga panukala para mabawasan din ang pag-aaksaya ng papel sa pagpapagawa ng maraming kopya ng mga inihaing bills at resolutions.

Nabatid na dapat gumawa ng minimum na tatlong kopya ang isang senador bago makapaghain ng panukala sa Bills and Index Section ng Senado. Matapos nito ay kailangan ding gawan ng dagdag na kopya ang naturang panukala para sa bawat senador, resource speaker at iba pang panauhin na dadalo sa public hearing sa naturang panukalang batas.

"Kahit yung mga position paper at resource documents na minsa'y wala nang pagkakataon na basahin ng ibang senador ay kailangan ding i-photocopy ng maraming kopya. Tayo naman ay nasa electronic age na, kaya dapat din naman sigurong i-encourage ng Senado ang paggamit ng electronic copies o 'e-copies' ng mga panukala, resource documents at position papers. Mas praktikal ito at makakatulong pa tayo sa kalikasan."

Inaasahan namang aaksyunan ng Committee on Rules ngayong linggo ang isyung inihatag ni Cayetano sa plenaryo.

Magugunitang uminit din ang isyu ng kopyahan o "plagiarism" sa Korte Suprema matapos akusahan ng "pangongopya" ng isang grupo ng comfort women ang isang associate justice kaugnay sa desisyon nitong nagbabasura sa kanilang kahilingan na pormal na humingi ang gobyerno ng Pilipinas ng official public apology mula sa pamahalaan ng Japan.

News Latest News Feed