Press Release
August 18, 2010

ANGARA: ANG WIKANG PILIPINO AY UNIBERSAL

Ayon kay Senador Edgardo J. Angara, tulad ng manggagawang Pilipino, ang wikang Pilipino ay may katangian ding unibersal dahil ito ay ginagamit ng libu-libo nating kababayan sa iba't ibang panig ng mundo.

"Ako po'y walang kaduda-duda na itong ating wikang Filipino ay magiging unibersal. Dapat natin itong ipagmalaki," giit ni Angara.

Nagbigay ng maikling talumpati si Angara bilang susing tagapagsalita sa Forum Pangwika na ginanap noong Agosto 16 sa Malacanang Palace. Ito ay isang bahagi ng ika-74 na taong anibersaryo ng pagkatatag ng KWF o Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang forum na ito, pinamunuhan ni KWF Komisyoner Jose Ladera Santos, ay kabilang sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2010 na may temang: "Sa Pangangalaga ng Wika at Kalikasan, Wagas na Pagmamahal Talagang Kailangan".

Ipinakita din niya ang pagdami ng mga gumagamit ng Filipino sa ating bansa. Ayon sa mga statistics ay 95% na ang nakakaintindi habang 85% ng midya ang gumamagit ng Filipino. Buong-buo ang paniniwala ni Angara na magpapatuloy ang pagtaas ng mga numerong ito hanggang sa umabot sa ibang bansa ang wikang Filipino.

Bilang kilalang suporter ng pagpapaganda ng edukasyon sa Pilipinas, iginiit ni Angara ang kahalagahan ng pagkilala sa sariling lenggwahe ng mga guro at mag-aaral.

"Siyempre, ang priority natin ay ang ating Wikang Pilipino. Diyan tayo nahubog ang isip, at diyan din tayo makikilala bilang isang Pilipino.

Hiniram din nya ang mga naunang salita ng aktor na si Lito Legaspi, isa pang panauhin sa forum: "Ang hindi magmahal sa sarling wika ay hindi nagmamahal sa bansa". Ipinaliwanag ni Angara na sa kabila ng natatanging abilidad ang mga Pilipino na matuto ng ibang lenggwahe, dapat tuunan ng pansin ang pag-aaral at paggamit ng sarili nating wika.

Nagbigay pa si Angara ng isang tip upang hindi mawala sa uso ang paggamit ng wikang Filipino sa mga nakababata.

"Huwag nyong pahihirapan ang translation ng salita [sa Tagalog] sapagkat nate-turn off ang iba. Kung simple lang, mas matatandaan nila."

News Latest News Feed