Press Release
March 24, 2011

MGA INABUSONG OFW SA DUBAI, BIBISITAHIN NI VILLAR
mga problema at pangangailangan, aalamin upang madamayan

Personal na kukumustahin at aalamin ni Senator Manny Villar ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers na naghahanapbuhay sa Dubai, United Arab Emirates.

Si Villar, kilalang tagapagtaguyod ng kapakanan at kagalingan ng mga OFW ay nakatakdang makipagdayalogo sa mga Pilipino na kinakanlong ngayon ng Filipino Workers Resource Center (FWRC) sa Dubai. Ang mga ito ay biktima ng pang-aabuso at pagmamalupit mula sa kamay ng kanilang mga amo.

Ang dayalogo at pag-alam sa kalagayan ng mga OFW ay bahagi ng krusada ni Villar na matulungan ang mga Pilipinong naghihirap at dumaranas ng pagdurusa sa iba't-ibang bahagi ng mundo.

Layon din ng pulong na makapagbalangkas ng mga hakbang at programa para sa kapakanan ng mga OFW na nagbabanat ng buto sa mga bansa sa gitnang silangan.

"Mahalaga para sa akin na makausap ng personal ang mga kababayan natin sa abroad at makita ko mismo kung ano ang kanilang kalagayan doon. Daan-daang libong mga OFW ang nangangailangan ng tulong sa ibang bansa lalo na ang mga hindi dokumentado na naghihintay ng awa at aksyon mula sa gobyerno," ani Villar.

Bukod pa rito ani Villar ang mga OFWs na biktima ng trahedya sa Japan at New Zealand at ang mga naiipit sa krisis-pulitikal sa Libya, Yemen, Bahrain at sa namumuong gulo ngayon sa Syria.

Ang United Arab Emirates ay isa sa mga paboritong destinasyon ng mga Pilipinong manggagawa. Tinatayang mahigit sa 450,000 na mga Pilipino ang naninirahan at nagta-trabaho ngayon sa UAE. Ang Dubai ang may pinakamalaking populasyon ng mga OFW. Kasunod dito ang Abu Dhabi at Al Ain.

"Saklot ngayon ng pangamba ang marami sa ating mga kababayan sa ibang bansa kaya't marapat lamang na kalamayin ang kanilang mga loob sa pamamagitan ng pangungumusta sa kanilang sitwasyon at pag-alam sa kanilang mga problema at pangangailangan," dagdag pa ni Villar.

Makakasama ni Villar sa naturang dayalogo ang mga Filipino leaders sa Dubai at mga opisyal ng konsulado ng Pilipinas sa pangunguna ni Consul General Benito Valeriano, Vice Consul Edwin Mendoza at Labor Attache Amilbahar Amilasan.

"Para ano pa at tinuturing nating mga bagong bayani ng ating mga bansa ang mga OFW kung hindi natin sila matutulungan sa oras ng pangangailangan," giit pa ni Villar.

News Latest News Feed