Press Release
July 28, 2011

Senator TG Guingona Opening Remarks
PNP Helicopter Purchase Probe

Mga kaibigan, mga kababayan:

Magsisimula tayo ngayong umaga ng isang panibagong imbestigasyon.

Sa araw na ito, sisiyasatin natin ang bintang na nagkaroon daw ng katiwalian sa pagbili ng Philippine National Police o PNP ng ilang helicopters nuong taong 2009. Sabi sa kontrata, bago daw ang mga ito ngunit ayun sa mga dokumento na naisumite sa komite na ito, second-hand na pala ang mga ito. Luma. Matagal nang ginagamit ng iilang mga tao sa bansa. Gamit na gamit na.

Hindi brand-new pero pinagbayad ang gobyerno ng presyong pang-brand new.

Siguro, may iilan na namang magsasabi: ayan na naman ang mga senador; mag-iimbestiga na naman.

Minsan, parang tama ang ganitong pag-iisip. Minsan nga naman, mabuti pang manahimik na lang tayong lahat.

May isang problema lang sa ganyang isipan. Kapag nanahimik tayo, para na din tayong naging kasangkapan ng mali at kasama sa katiwalian.

Kaya nandito tayo ngayon para alamin kung ano ba talaga ang nangyari sa kontratang ito.

Inimbitahan natin ang mga iilang mga taga-PNP upang maipaliwanag nila kung paano sila pumasok sa kontratang ito at talaga po bang tinanggap nila ang mga second-hand na helicopters kahit nakalagay sa kontrata na brand-new dapat ang bibilhin ng gobyerno.

Inimbitahan din natin ang mga taga-MAPTRA--ito ang kompanyang nagbenta ng helicopters sa PNP. Sila ang nasa posisyon upang ipaliwanag kung bakit pinagbayad nila ang mamamayang Pilipino ng presyong pang-brand new sa mga helicopters na segunda mano naman pala.

Kung totoo ang bintang, paano nakalusot ito? May depekto ba sa sistema ng pagbili ng gamit ang PNP? Paano natin sila tutulungan para ayusin ang sistemang ito? At siyempre, kung totoo ang bintang, sino ang may sala at bakit nila ginawa ito?

Para mas klaro para sa lahat, payagan nyo po akong ikwento ang background ng imbestigasyon na ito.

Magsimula po tayo sa isang simpleng kwento.

Noong 2008, ang PNP ay nangailangan ng 3 fully equipped helicopters. Alinsunod sa batas, nagkaroon ng Notice of Bidding para dito. Pero walang sumali sa unang bidding kaya nagkaroon uli ng second bidding. Muli, wala pa rin sumali sa second bidding.

Dahil dito, nagpasya ang PNP na magkaroon ng negotiation conference. Sa negotiation conference, sumali ang mga bidders na MAPTRA at BEELINE. Hindi nagtagumpay ang unang negotiation dahil ang inialok ng MAPTRA ay 1 fully equipped helicopter at 2 standard helicopters sa halagang P105 Million.

Samantalang ang Beeline naman ay nag alok ng 2 helicopters sa halagang P119 Million. Alalahanin natin na ang PNP ay nangangailangan ng 3 fully equipped helicopter na may budget na P105 Million.

Ang sumunod na pangyayari ang nakapagtataka. Nagpasya ang PNP na okay na rin sila sa isang fully equipped helicopter at 2 standard helicopter na nagkakahalagang P105 Million. Dahil dito, napagpasyahan na ang MAPTRA ang nanalo ng Supply Contract. Klaro sa kontrata na BRAND NEW ang pinag-usapan ng MAPTRA at PNP. Sa kontrato mismo, nangako ang MAPTRA na BRAND NEW nga ang mga helicopters nila.

I-diniliver ang mga helicopters at ito naman ay tinanggap ng PNP.

Ang higit na nakapagtataka at nakakagalit ay napag-alaman namin na sa kabila ng dalawang inspeksyon na isinagawa ng PNP, ang 2 standard helicopters na idiniliver ay hindi pala mga brand new kundi second hand. Bakit po namin nasabi na second hand ang mga ito? May mga dokumento po tayong magpapakita nito.

Alam ko pong maraming po tayong katanungan tungkol dito. Kung second hand ang helicopter, bakit ito pinalabas na brand new? Paano ito nakalusot sa PNP? At sino-sino ba ang nagpalusot nito?

Mga kababayan, ang kwentong ito ay nagsisimula pa lamang. Hindi pa natin alam kung ano ang magiging katapusan nito. Sama sama po natin buuin ang kwentong ito.

Ngayon po, simulan na natin ang mga pagtatanong.

News Latest News Feed