Press Release
November 14, 2011

Senator Teofisto Guingona III
Opening Statement
Resumption of DBP Probe

Magandang umaga po sa ating lahat. Noong nakaraang linggo, masaya ang mga kababayan natin dahil nanalo bilang runner-up sa Miss World Beauty Pageant ang isang Pilipina. Kamakailan lang, pumuwesto din ang isang Pilipina sa isa pang beauty pageant - third runner-up sa Miss Universe contest.

Sabi nga, mukhang nagsusunod-sunod ang swerte natin sa beauty contests - pero hindi natin makuha ang korona.

Ngayong umaga, masaya din tayo dito sa Senado. At umaasa din tayong magsusunod-sunod ang swerte natin sa paghahanap ng katotohanan. At sana, dito sa pagdinig natin patungkol sa mga usaping kaugnay ang Development Bank of the Philippines, makuha natin ang korona - makita natin ang buong katotohanan.

Masaya tayo dahil dumalo sa umagang ito si Ginoong Roberto Ongpin, ang taong nasa sentro ng usapin. Masaya tayo dahil umaasa tayo na tutulungan tayo ni Mr. Ongpin na maliwanagan ang mga pangyayari at mga issue.

At masaya din tayo dahil maipakikita natin sa umagang ito na ang Senado ay patas sa mga pagdinig na ginagawa natin dito. Patas - dahil mabibigyan ng pagkakataon si Mr. Ongpin na ibigay ang panig niya sa mga issue na siya ay nauugnay.

Kaya sa umagang ito, we hope the Truth will emerge a winner.

At alam kong naiintindihan ni Mr. Ongpin ang dahilan ng paghahanap natin ng katotohanan: ang pera ng DBP ay pera ng isang bangko ng pamahalaan kaya't ito ay pag-aari ng taumbayan. Kaya't gusto nating masiguro na ang perang ito ng DBP ay ginagamit sa paraang ayon sa batas at sa mandato nito.

At gusto nating masiguro na ang mga transaksyong pinasok ng mga kumpanyang pag-aari ni Mr. Ongpin sa DBP ay hindi sisira sa integridad ng sistema ng pagbabangko at ng pangangalakal sa ating bansa.

Maraming tanong ang hindi nasagot sa mga naunang pagdinig dahil wala dito si Mr. Ongpin. Ngayong naririto na kayo, inaasahan nating madidinig na natin ang sagot na hinihintay ng mga kababayan natin. Salamat po sa pagpunta dito.

Umpisahan natin ang pagdinig.

News Latest News Feed