Press Release February 13, 2012
Remarks of Sen. Manny Villar during the impeachment trial
Villar: Sa akin pong kaisipan, hindi natin dapat balewalain ang ating ekonomiya dahil ang mga mahihirap ay tuloy-tuloy ang paghihirap. Tumataas po ang presyo ng mga bilihin. Dumadami ang mga walang trabaho. Kaya kahit paano hindi pwedeng hindi natin sulyapan ano ba ang FCDU o iyong foreign currency deposit? Iyan po ay $31 billion na ngayon o P1.3 trillion. Iyan po ay pinapangalagaan ng Bangko Sentral para maging stable ang ating ekonomiya at hindi po dapat basta-basta nating isugal. Kung magkakaroon po ng problema ang FCDU, magkaka-bank run po iyan. Napakalaki pong tama sa ating ekonomiya. Marami po sa atin dito ang mayayaman, hindi po maapektuhan. Subalit iyong milyun-milyong mahihirap naman po na wala namang diretsong kinalaman dito sa ating pinag-uusapan, sila na naman po ang tatamaan. Matanong ko po, kailangan po ba na talagang labagin natin ang batas diyan? Sa aking palagay, hindi naman kailangan. Sinabi naman po ng Defense na ilalabas naman, sinabi naman po na hindi naman natin kailangang banggain ang Supreme Court. Pangalawa po, ako ay natatakot din baka po wala tayong takbuhan. Sa hangarin po ng iba na maimpeach ang ating Chief Justice, marami pong institusyon ang nawawasak na po. Baka pati Supreme Court ay masama na diyan. Natatakot po ako doon sa maliliit o malalaki na balang-araw ay maaagrabyado. Saan po sila tatakbo kung ang Supreme Court po ay nawalan na ng karangalan at nabastos na? Kaya ako po ay naniniwala na hangga't maari kung kaya naman nating gawing patas ang trial na ito nang hindi natin babastusin ang ating Supreme Court, bakit hindi po natin gawin? Ako naman po naniniwala na kaya kong magdesisyon dito. Hindi lamang ang FCDU account ang tanging basehan. Napakaraming basehan kung iimpeach natin o iaacquit si Chief Justice Corona. Mahaba pa po ang trial, papakinggan pa po natin ang depensa. Ang akin lamang pong hangarin ay isipin din natin ang milyun-milyon nating kababayan kapag nagka-bank run at iyong karapatan natin. Baka balang-araw po ay wala na tayong matakbuhan kung tayo po ay naagrabyado o nawawalan ng hustisya. |
Thursday, November 7
|