Press Release
February 23, 2012

Transcript of Interview of Senate President Juan Ponce Enrile with Mike Enriquez DZBB

On the impeachment trial of Chief Justice Corona

Q Napapanood po ito ng marami.

SP Alam namin yun. Kami rin, napapansin rin ng tao ang kamalian namin. Tinatanggap namin yun, pero ano ba ang gusto nilang gawin namin, na kami ay kahit na mali, tatanggapin namin? Kaya ko binasa sa kanila yung alegado nila. Hindi ko naman sinabi na hindi ko tatanggapin yung testimonya nung tao. Natatandaan ninyo, binasa ko yung kanilang alegado? Sabi nila, yung nasasakdal na isang mahistrado ay kulang daw sa indipendensiya, sa katalinuhan, sa probity, sa integridad, dahil dito sa mga sumusunod. Pagkatapos, wala naman yung sinasabi nila na ipapasok yung tungkol sa Platinum. Ano ba yun? Ibig sabihin nung Platinum, ang dating sa akin, parang nasuhulan yung mahistrado.

Q Ang sabi ninyo, nagpapasugpo ng issue na wala naman doon sa sakdal?

SP Yun nga, wala. Kagaya rin yun nung 2.4 doon sa Article 2 na hindi namin pinayagan.

Q Ang lumalabas kasi, ang issue ng mga Kongresista, hindi yung sinasabi ninyo sa kanila, kundi yung paraan daw nung pagsalita ninyo sa kanila, na pinapagalitan ninyo.

SP Ang sinabi ko, yung ipapasok ninyo na ebidensiya, basura yun sapagkat hindi nakakabit sa maski anumang alegasyon ninyo. Basura yun. Saan namin itatapon yun? Maski na sa husgado yun, maski na anong Korte Suprema yun, maski na sa Court of Appeals o anumang jury trial, basura yun. Trash. Ano ba ang trash? Basura.

Q Trashcan?

SP Correct. Masama ba yun? Ano ang sasabihin ko sa kanila? Yun ay magandang punto, pero wala dito. Hindi ako ganun. Ako ay nagpre-preside at ako ay isang tao lamang. Kung sa paningin nila na ako ay mali, di sabihin nila at ako ay magbibitiw. Kumuha sila ng magaling na magpre-preside.

Q Ang sinasabi po nila ay hindi kung ano yung sinasabi ninyo kundi yung paraan ng pagbigkas ninyo na napapanood sa live national television at radyo?

SP Nag-ruling na ako. Pinabayaan ko na lang, hindi ko na tinanong sila. Sila ba ay nagmo-motion for reconsideration? Wala silang karapatan to move for a motion for consideration of the ruling of the court. Alam nila yun. Kaming lahat ay mambabatas, alam namin yun.

Q Masasabi ba natin na sa harap nitong mga obserbasyon na lumulutang na ito, lalo na sa panig ng mga Kongresista, wala kayong balak na palitan yung estilo ng pamumuno ninyo sa impeachment trial na nagaganap ngayon?

SP Hindi ko mapapalitan yan. Kung pupunta sila sa husgado, talagang ipakita nila na preparado sila. Ang tagal na namin, ilang araw na kami. Sinabihan na namin, ayusin ninyo yung mga pagpre-presenta ninyo. Kami, tumutulong na nga ako. Ako na nga mismo ang nagtatanong ng question, dahil yung pagtatanong nila, talagang objectionable. Pero, kalimitan kung nakikita ninyo parang ako na ay nagiging abogado sa kabila. Sa panig nila. Ngayon, hindi nila masasabi na hindi ko iginagalang yung House of Representatives, sapagkat kung hindi ko ginagalang yung pina-subpoena sila nung kalaban ng prosekusyon, eh di sana pinayagan ko yun. O kaya yung si Congressman Banal, di sana pinatawag ko yun. Dahil nga sa kurtesiya sa bawat isa sa amin, hindi ko ginawa yun. Ako, I am a presiding officer, I am also thinking doon sa interest nung kabila. Hindi naman pwedeng ako ay kikiling maski kanino. May objection, ano ang gagawin ko? I will not rule?

Q Ito ba ay damn if you do, damn if you don't o hindi naman?

SP Hindi naman. I cannot please everybody.

Q Kasi pag pinabayaan ninyo, sasabihin, so Enrile masyado namang relaxed ito.

SP Pag pinayagan ko naman yun sasabihin ng kabila... kahit yung ibang abogado na nakikinig, alam nila na hindi tama yun. Ngayon, kung sila ay masasaktan sa pananalita namin, o kaya pananalita ko bilang presiding officer, sabihin nila sa akin kung ano ang ginawa ko na masama. Sinabi ko na sa kanila, may ruling na. Hindi ko babawiin yung ruling ko, di hilingin nila sa mga Senador na ireverse ako.

News Latest News Feed