Press Release
June 5, 2012

Pagpapalakas sa SK sinuportahan ni SBBM, tangkang pagbuwag tinutulan

Suportado ni Senator Ferdinand "Bongbong" R. Marcos, Jr., chair ng Senate Committee on Local Government at may akda ng panukalang batas na lilikha sa National Youth Commission, ang pagpapalakas sa Sangguniang Kabataan a habang tutol siya sa planong pagbuwag sa nasabing institusyon.

Ginawa ni Senator Marcos ang pahayag sa harapan ng mga kabataan na dumalo sa SK Island Congress noong nakalipas na Sabado (June 2) na ginanap sa Grand Regal Hotel sa Davao City.

Ayon kay Senator Marcos, mas gusto niya na palawakin at lalong palakasin ang papel ng Sangguniang Kabataan (SK) sa lipunan kesa buwagin ito bilang isang institusyon.

Nauna nang ipinanukala ng Department of Interior and Local Government ang pagbuwag sa SK dahil naniniwala sila na ang kapakanan ng mga kabataan ay mapapabuti at mapapangalagaan kahit wala ang samahan dahil ang pamahalaan ay may umiiral na batas para sa kanila.

Ikinatwiran ng DILG na may mga programa at batas ang gobyerno para paunlarin ang sistema ng edukasyon upang matiyak ang magandang kinabukasan ng mga kabataan.

Ang iba pang argumento ay ang mga sumusunod: na maiiwasan ang walang katuturang paggasta sakaling mabuwag ang SK; ang SK ay nagsisilbing breeding ground ng korupsyon; at ang SK ay hindi kailangan ng mga kabataan dahil nahihirapan silang balansehin o pagsabayin ang pag-aaral at pagsabak sa larangan ng pulitika.

Para kay Senator Marcos, hindi kailangan na buwagin ang SK at sa halip ay dapat pa itong palakasin. "Pabor ako para ireporma ang Sangguniang Kabataan kaysa buwagin ito. Ang partisipasyon ng kabataan ay hinihikayat base sa isinasaad sa Sec. 13, Article 2 ng ating Konstitusyon, at sinasabi rito na 'kinikilala ng Estado ang partisipasyon ng mga kabataan sa pagpapa-unlad ng bansa at tiyaking maitataguyod ang kanilang kapakanan gaya ng pang pisikal, moral, ispiritwal, at intelektuwal, at pakikisalamuha sa kapwa. Nararapat ring itanim sa utak ng mga kabataan ang pagka makabayan at pagpapahalaga sa diwang makabansa, at hinihikayat din ang pakikilahok nila sa pampubliko at pang-sibikong gawain.'

"Malinaw na ang pagbuwag sa SK ay ang pagtanggal sa karapatan ng mga kabataan na magkaroon ng partisipasyon sa pagpapa-unlad ng bansa na nakasaad sa ating Konstitusyon," ayon kay Senator Marcos.

"Ang SK ay dapat na patibayin kesa tuluyang buwagin, sapagkat mabisa itong puhunan para sa kinabukasan ng mga kabataan. Dinisenyo ito para himukin ang mga kabataan tungo sa pamamahala, at mahikayat silang makialam habang bata pa tungo sa larangan ng pamamahala sa gobyerno. Binibigyan rin sila ng pagkakataon na maiparating ang kanilang hinaing at mga ideya sa pamahalaan. At iyan ang ginagawa ng SK. Masasabing hindi ito perpekto, ngunit hindi ito nangangahulugan na kailangan na silang buwagin," dagdag ni Senator Marcos.

Sa kanyang talumpati, hinamon ni Senator Marcos ang mga kabataan na ipakita sa sambayanan na nararapat silang bigyan ng oportunidad na makatulong sa paghubog ng kinabukasan ng ating bansa.

"Sa bandang huli, kayo rin ang magkukunbinse sa amin, lalo na sa mga lider ng ating bansa, at sa mga tao sa pangkalahatan, na kayo ang malaking kaibahan ng ating bansa," banggit pa niya.

Bago matapos ang programa, personal na iniabot ni Cong. Anton Lagdmeo at ni SK National Federation president Luis Gabriel del Rosario ang certificate of appreciation dahil sa pagdalo niya sa SK Convention.

News Latest News Feed