September 5, 2012

Sen. Vicente C. Sotto III
Turno en Contra
RH Bill

Sept. 5, 2012
PART III

Please check against delivery

Mr. President, mahal kong mga kasama:

Sa nakaraan kong mga talumpati, tinalakay ko ang mga mahahalagang usaping nagkukubli sa literal na pagkakasulat ng RH Bill---mga isyung nangangailangan ng maingat na pagbusisi, kung nais talaga nating magkaroon ng mapanuring desisyon sa usaping ito. Partikular kong tinutukoy ang aking mga expos-- sa mga iba't ibang makinasyon ng panlilinlang na ginamit ng mga lokal at banyagang organisasyon, na ang tanging layunin ay gawing katanggap-tanggap sa populasyong Pilipino ang makabagong paraan ng pagpaplano ng pamilya, mula artificial contraceptives hanggang abortive medicine.

Noong nakaraang lingo, napatunayan ko ang mga sumusunod na punto: Na ang RH-Bill ay isang batas na idinidikta ng mga banyaga.

Na pinopondohan at ginagamit ang iba't ibang organisasyong lokal para i-pressure ang mga mambabatas na ipasa ang nasabing bill.

Na nililinlang ang ating bansa ng mga organisasyong ito sa pamamagitan ng mga mali at mapagpanggap na impormasyon.

Ngayong araw na ito, kung mamarapatin ninyo, nais kong magpatuloy sa ikatlong bahagi ng aking turno en contra.

Pinaniniwala tayong ang batas na ito ay tungkol sa reproductive health concerns ng ating kababaihan, isang paraan para pababain ang bilang ng mga namamatay mula sa napakahirap na prosesong pinagdaraanan ng katawan ng babae sa pagbubuntis at panganganak. Sa madaling sabi, ayon sa mga sponsor ng bill na ito, nilalayon ng batas na iligtas ang buhay ng mga ina at ng kanilang hindi pa naisisilang na sanggol. Ang interesado akong malaman ay kung papaano mahahadlangan o mababawasan ng artificial contraceptives na ito, na walang dudang walang medicinal value at hindi rin nakagagamot, ang mga insidente ng pagkamatay ng ina sa panganganak? Kung totoo man na ito ay isang reproductive health bill, paano makapagliligtas ng buhay ang mga gamot na isinusulong ng batas na ito?

Ang totoo, mali ang denominasyon ng pamagat ng batas na ito dahil unang-una, isa itong population control bill. Nilalayon nitong paliitin ang ating populasyon sa pamamagitan ng mga contraceptives at iba pang birth control methods. Siyempre, ayaw nilang mahalata natin ito, kaya nila ginagamit ang terminong "essential medicines" para tumukoy sa iba't ibang birth control supplies at device. Pero noong huli kong pagsangguni sa diksiyonaryo, ang depinisyon ng "medicine" ay "substance or preparation to treat a disease," at ang "disease" naman ay nangangahulugan ng "abnormal body condition that entails functioning and can usually be recognized by signs and symptoms." Pero maituturing bang "medicines" itong contraceptives, intrauterine devices, condoms, injectables, at ang iba pang tinatawag na legal at ligtas na produkto at kagamitan para sa pagpaplano ng pamilya? Makagagamot ba ang mga ito ng karamdaman o makapapawi ng sakit, o kaya ay may kakayahang makapagpagaling? Siyempre, ang sagot ay tumataginting na HINDI.

Pero bakit natin kailangang talakayin ang mga hindi naman nakagagamot at nakagagaling na contraceptives, intrauterine devices, injectables, condoms at ang iba pang produkto at kagamitan para sa pagpaplano ng pamilya, kung wala naman itong kinalaman sa reproductive health? Ang totoo kasi, ang isinasalang natin ngayon ay isang population control bill. Katulad ng nauna nang tinukoy ng ating Senate President, magaling ang pagkaka-package sa bill na ito. Populasyon ang nasa sentro ng nakahaing panukalang batas, dahil ang mga terminong ginamit sa sponsorship speech gaya ng "fertility rate," pati na ang istatistika sa populasyon, kamatayan, at kapanganakan ay pawang gana o functions ng populasyon. Mapapansin ring mahusay at maingat ang pagkakapili ng mga salita sa panukalang batas, na gumagamit ng mga neutral na salita na tumitimo sa isip ng mambabasa, pero wala namang tiyak na depinisyon. Bagamat inilalatag ito bilang reproductive health bill, isang makitid na aspeto lamang ng reproductive health problem ang pinatutungkulan nito, at ni hindi ang kalusugan sa kabuuan. Hindi lamang ito pambansang polisiya sa reproductive health, kung hindi isang polisiya sa populasyon, dahil hindi tayo makabubuo ng ang isang situwasyon kung saan tatapyasin ang laki ng mga pamilya ng hindi pinaliliit ang populasyon ng bansa, kaya ang kalalabasan ay ang paggamit ng birth control bilang instrumento para paliitin ang populasyon. Ito ang tunay na layunin ng panukalang batas na ito.

Mapapansin na humahadlang sa paglabas ng egg cell o pumapatay sa sperm cell ang karamihan sa mga contraceptives na binanggit sa nakahaing panukalang batas. Walang ibang silbi o pakinabang ang mga produkto at kagamitang ito sa reproductive health ng mga kababaihan at kalalakihan, maliban sa hadlangan ang pagkabuo ng buhay.

Ginamit ng sponsor ng panukalang batas ang pariralang "enable individuals and couples to have the number of children they desire with due consideration to the health" sa kanyang sponsorship speech. Ang bill na ito ay hindi tungkol sa pagpapahalaga sa reproductive health ng ating kababaihan, kung hindi tungkol sa pagkontrol sa demograpiya at populasyon sa pamamagitan ng tuloy-tuloy at sadyang pagpapaliit sa laki ng pamilyang Pilipino.

Kaya naman, pasintabi sa sponsors ng nasabing bill, kailangan kong sabihin na ang terminong "reproductive health" ay obra maestra sa panlilinlang. Isa itong mautak at masisteng pagkukubli ng pangunahing layunin ng batas: ang birth control bilang paraan para paliitin ang populasyon ng ating bansa.

Kung ang bill na ito ay isang population control bill, ito ang tanong ngayon:

Bakit, over-populated na ba ang Pilipinas? Kailangan na ba talaga natin ng ganitong batas upang mabawasan at kontrolin ang paglago ng ating populasyon? Kung maituturing mang suliranin natin ito, ito ba ang nararapat at pinakamahusay na solusyon para dito?

Sinasabi ng mga nagsusulong ng RH bill na over-populated na raw ang Pilipinas at kinakailangan na ng gobyerno na magsagawa ng mga drastikong pamamaraan para makontrol ang populasyon ng bansa dahil kung hindi, mananatili tayong mahirap na bansang kapos sa kaunlaran.

Ginoong Pangulo, hindi po ako sumasang-ayon sa mga ideyang ito na walang basehan at matibay na saligan. Hindi po overpopulated ang bansa natin. Mapatutunayan ito ng mga awtoridad at eksperto sa larangan ng demograpiya. Isa na sa kanila si Dr. Rosalinda Valenzona. Sa kanyang librong "A Paradigm for Demography," ipinahayag niyang hindi labis ang populasyon ng Pilipinas, kundi hindi pantay-pantay ang distribusyon ng populasyon sa ating bansa. Napansin ni Dr. Valenzona na batay sa datos sa populasyon ng bansa noong 2007, may mga probinsyang hindi ganoon karami ang naninirahan kumpara sa ibang lalawigan.

Dagdag pa rito, patuloy sa pagbaba ang fertility rate sa bansa mula pa noong 2000, kung kailan naitala sa 3.48, hanggang sa 3.19 noong 2011. Napakalaki ng ibinaba nito mula sa 7 noong 1960. Pati na din ang ating population growth rate ay bumaba na mula 2.07% noong 1948 hanggang sa 1.90% sa 2010. Dito, masasalamin ang pagpili at pagpapasya ng kababaihan sa pagdadalangtao sa nakalipas na mga taon, nang walang pakikialam o panghihimasok ng estado, na siyang mangyayari sa RH bill. Noong 2006 ang prevalence rate ng contraceptives sa ating bansa ay 51% na. Samantalang maaaring totoo ang overpopulation sa Metro Manila, hindi naman ganito ang sitwasyon sa marami pang lugar sa bansa. Ayon kay Dr. Bernie Villegas, isang respetadong ekonomista, "the squatter's areas with large families in the Metro Manila area are only a consequence of at least three decades of erroneous policy of utterly neglecting countryside and rural development." Wala po itong kinalaman sa pagtaas o pagbaba ng fertility rate sa bansa. Sa kanyang artikulo, sinabi ni Dr. Villegas na overpopulated ang National Capital Region sapagkat sa loob ng maraming dekada, ginamit natin ang karamihan sa ating yaman sa pagtatangkang makalikha ng mga industriyang "inward-looking" at naghangad ng "import-substitution," di nagtagal ay bumagsak din naman nang masabak sa kompetisyong pandaigdigan sa pagtatapos ng nakaraang dantaon. Ayon sa kanya, kung inilaan lamang sana natin ang mga yamang iyon sa pagtatayo ng mga farm-to-market roads, sa mga sistema ng irigasyon para sa lahat ng uri ng pananim at hindi lamang sa palay, sa mga post-harvest facilities at iba pang inprastrakturang rural, sa ngayon sana, mas mataas pa ang per capita income natin sa Thailand, Malaysia at Indonesia sapagkat nakauna na po tayo noon pa lamang dekada '50 bilang pinakamaunlad na ekonomiya sa rehiyon.

Sana po, unawain muna nating mabuti ang tunay na kalagayan ng bansa bago tayo gumawa ng mga hakbang na sa huli'y tayo rin naman ang mapapahamak. May mga gamot na nakapagbibigay ng panandaliang ginhawa, pero permanente ang nagagawang pinsala na makikita lamang sa kalaunan.

Ginoong Pangulo, mga kasamahan sa Senado, marapat lamang na matuto tayo mula sa ibang mauunlad na bansang nakararanas ngayon ng negatibong epekto ng maling polisiya sa pagkontrol sa populasyon. Batid ng halos lahat na ang mga bansang mauunlad ang ekonomiya tulad ng Germany at iba pang bansa sa Europa, ang Estados Unidos, Japan at Singapore, ay kumakaharap sa panganib na dala ng bumababang populasyon dulot ng agresibo nilang kampanya sa pagkontrol ng populasyon at pagsuporta sa contraceptives bilang paraan para kontrolin ang birth rates. Pinagdurusahan nila ngayon ang pagkakaroon ng "aging population," at hindi na nila masusustenahan ang kinakailangang lakas-paggawa para mapanatili ang sigla ng kanilang ekonomiya at maprotektahan ang kanilang interes sa seguridad.

Nasa bingit ng malawakang pagbagsak ng demograpiya ang Japan. Ang populasyon nitong 127 milyon ay huminto na sa paglago at kung magpapatuloy ang birthrate sa ganitong level---di magtatagal, liliit ito sanhi ng napakabagal napaggalaw. Ayon sa pagtantiya ng UN, sa taong 2050, bababa ng 35 milyon ang tao ang Japan kumpara sa populasyon nito sa ngayon. Ang 92 milyong Hapones na mananatili ay ang mga nasa gitnang edad na 54, samantalang bubuuin ng mga may edad na 75-80 na bumubuo ng pinakamalawak na pulutong. Ang ratio ng mga manggagawang may edad na 20-65 hanggang sa magreretiro na ay babagsak sa isa-laban-sa isa na lamang. Sa panahong iyon, maliban na lang kung magkaroon ng biglang pagtaas ng fertility, halos sigurado na ang demograpikong pagbagsak ng Japan, lalo pa't sa projections, ipinakikita na kakaunti na lamang ang mga kababaihang nasa edad ng panganganak, kaya di maiiwasan ang pagbilis ng pagbagsak ng populasyon.

Hindi makakaiwas ang iba pang bansa sa Asya sa banta ng tsunami sa populasyon na maaaring tumama sa Japan. Ang apat na tigre--Taiwan, Hongkong, South Korea, at Singapore ay nangangamba na sa ganitong panganib.

Sa loob ng ilang taon, may average na 1.7 na anak ang mga babaeng Tsino, isang napakababang birthrate. Inaasahang sa taong 2020, ang mga nasa gitnang-edad ng China ay mas matanda pa kumpara sa mga nasa Estados Unidos. Sa pagitan ng ngayon at 2025, ang bilang ng mga taong higit 60 anyos ay nakatakdang magdoble ng dami, mula sa 140 milyon pataas patungong 300 milyon. Inaasahang dahil rito, mawawalan ang China ng isang quarter ng populasyon nito sa bawat henerasyon ng populasyon nito pagsapit ng kalagitnaan ng siglong ito.

Ang Estados Unidos ay kinakikiitaan na ng mga paghahahanda para maiwasan ang geriatrikong bitag na ito na lumalamon sa populasyon ng mga bansang mauunlad. Ang birthrates na bumaba sa 2.1 dulot ng legalisasyon ng aborsiyon noong 1973 ay unti-unti nang bumabalik sa normal nitong nakaraang mga taon. May kinalaman dito ang maluluwag na tax breaks na sinamantala mga mag-asawang Amerikano na may maliliit pang anak noong kalagitnaan ng dekada '90. Bawat batang ipinanganak noong 2007 ay may katumbas na karagdagang 4650 dolyares na bawas sa kita ng kanilang magulang at karagdagang 1000 dolyares na kredito sa kanilang tax liability. Ang positibong resulta nito ay ang halos pagkakaligtas sa income tax ng pamilyang Amerikano na may dalawa o higit pang mga supling.

Ang Estados Unidos at ibang mauunlad na bansa ay naglatag na ng pamamaraan para pangunahan ang pagbaba ng fertility sa mga bansang kabilang sa Ikatlong Daigdig. Ang mga mahihinang bansang umaasa sa Estados Unidos at Europa para sa tulong pinansiyal, seguridad pang-militar at lagusan sa mga merkado, ay diniktahan para magpatupad ng mga anti-natal measures gaya ng paggamit ng contraceptives hanggang sa puwersahang mga programa ng sterilization. Tinatawag ng UN Population Division ang tatlong pangunahing population projection nito na "high variant," "medium variant," at ang "low variant." Bawat isa ay kalkulado sa paggamit ng iba't ibang paghahaka ukol sa future fertility. Ang medium variant ay di-makatotohanang pagpapalagay na ang lahat ng bansa ay lalapit sa "fertility floor" na may 1.85 sa susunod na kalahating daantaon. Hindi nito ipinaliwanag kung paano tinukoy ang fertility floor na ito. Hindi rin nito ipinaliwanag kung paano gagawin ng mga bansang gaya ng Italy na makabalik sa dati nilang fertility floor matapos manatili sa fertility basement nitong huling dalawang dekada.

Nakabatay ang RH bill sa mga sablay na datos ukol sa population growth rates at fertility levels. Binabalewala nito ang negatibong epekto sa ekonomiya at lipunan ng nagkakaedad na populasyong dinaranas ng maraming mauunlad na bansa. Kung gagamitin natin ang kakatiting na lamang na resources natin sa birth control, magsusulong tayo ng di-kanais-nais na epekto ng depopulasyon. Mr. President, ang mahirap, mali na ngang sabihing kailangang magbawas ng populasyon, ang gusto pang mangyari ng mga nagtutulak ng bill na ito ay ang isisi sa paglago ng populasyon ang kahirapan ng bansa. Siguro, dahil mas madali nga naman nilang makukumbinsi ang mga Pilipino na pumayag na ipasa ang RH bill pag sinabi nilang ang sagot sa kahirapan ay ang pagbabawas ng populasyon.

Ngunit nagkakaisa ang mga ekonomista sa kanilang paniniwalang sa usapin ng ekonomiya, ang problema sa kahirapan ay nakatali sa di-pantay na distribusyon ng yaman at kaunlaran, at may mabigat na pagkiling pabor sa pagtutuon ng yaman at kaunlaran sa mga urbanisadong lugar tulad ng Metro Manila at ibang mga syudad.

Nagsasagawa ang National Statistics Office ng periodic survey ng Family Household at Income expenditures. Ito ang nagbibigay ng batayang istatistiko sa pagtantiya ng paglaganap ng kahirapan sa Pilipinas. Sa nakalipas na sampung taon, ang poverty incidence ay tumaas at bumaba samantalang ang populasyon ay patuloy na lumalaki bagamat bumabagal ang pag-usad. Ito ay indikasyon na walang kinalaman ang paglaganap ng kahirapan sa paglago ng populasyon. Mas maikakabit ito sa pamamahala ng ekonomiya ng ating bansa, sa pakikipagtagisan natin sa pandaigdigang merkado, at iba pang salik.

Isa sa mga salik na kailangan nating kilalanin sa paglaki ng ating populasyon ang paghaba ng buhay ng tao. Gaya nga ng sinabi ng iskolar na si Steven Mosher sa kanyang aklat na "Population Control: Real Costs, Illusory Benefits:" "Our numbers didn't double because we suddenly started breeding like rabbits. They doubled because we stopped dying like flies." Bumaba ang antas ng fertility, mula sa karaniwang anim (6) na anak kada ina noong 1960 patungo sa 2.6 na anak kada ina na lamang nitong 2002. Humaba ang life expectancy ng tao. Mula sa 46 na taong mula 1950-1955, umakyat ito sa 65 noong 2000-2005. Pinaka-dramatiko ang pagtaas ng life expectancy sa mga bansang hindi gaanong maunlad: humaba ang buhay ng mga tao rito mula 41 hanggang 63.5 years.

Ginoong Pangulo, isinusulong ko na ang kahirapan at pagkagutom ay hindi nanggaling at hindi rin pinalalala ng overpopulation, kundi ng mga maling polisiya sa ekonomiya, di-mahusay na pamamahala, at sistematikong korapsyon. Napakaraming mga pag-aaral sa ekonomiya ang nagpakita na walang ugnayan ang populasyon, kahirapan, at GDP growth. Ipinapakita ng istatistika ng Food and Agriculture Organization (FAO) na nalampasan pa nga supply ng pagkain sa Pilipinas ang population growth rate sa pagitan ng mga taon ng 1960-2002.

Kontra-mahirap ang bill na ito dahil hinahangad nitong bawasan ang bilang ng mga anak ng mahihirap na pamilya para lutasin ang problema sa kahirapan. Sa paggawa nito, nagkakaroon ng diskriminasyon laban sa mahihirap at sa mga marhinalisadong nais nitong tulungan. Tila sinasabi ng panukalang batas na ito na maaaring mag-anak ng kasing dami ng gusto nila ang mayayaman, pero ang mahihirap, hindi maaari. Sa halip, kailangan nilang limitahan ang bilang ng kanilang anak sa kaya lamang nilang suportahan. Samakatuwid, ang nakapailalim na polisiya sa Senate Bill No. 2865 ay ang paliitin ang populasyon ng ating bansa, upang bawasan ang bilang ng taong makikibahagi sa economic pie, sa halip na palakihin ang economic pie na paghahati-hatian sana ng lahat. Ang nararapat sanang polisiya ay ang pagbubukas sana ng ating bansa sa malalaking lokal at dayuhang investments na makalilikha ng mga trabaho, sa halip na kontrolin ang panganganak para paliitin ang populasyon. Ang pagpapaliit ng populasyon para makalikha ng imaheng kahawig ng kaunlaran ay isang mapanlinlang na paraan ng pagharap sa kahirapan, at isa ring pulitikal na panlilinlang sa mga tao.

Sa halip, ang nararapat nating gawin ay bigyan ang mga mag-asawa ng trabaho, pagkakakitaan, impormasyon, at edukasyon para malasap nila ang pakinabang ng kaunlaran, sa halip na paglaruan ang sigla ng ating sambayanan.

Mr. President, mga kaibigan, kinakailangang may gabay o giya sa pagdidisenyo ng mga polisya sa populasyon na may pagpapahalaga sa pagpapalit ng mga namamatay na Filipino para hindi mawasak ang sigla ng buhay ng ating bansa.

Ang isyung kinakaharap natin ay ang totalidad ng lipunang may sarili at natatanging mga interes, gaya ng pagpapahalaga sa integridad at seguridad ng bansa, ang pagpapanatili ng kabuhayan ng sambayanan, at ang kalusugan ng kondisyon ng pananalapi, upang makagalaw ito bilang iginagalang at umiiral na estado, bukod pa sa ibang konsiderasyon.

Kung nais talaga nating harapin ang mga isyu ng kahirapan at hindi pantay na distribusyon ng ating populasyon, panahon na kung gayon para tutukan natin ang pagtatama ng ating pagkiling laban sa pagpapaunlad sa agrikultura, mga labor-intensive na industriya, at sa mga small at medium-scale enterprises, mga pagkiling na pinatatag ng ilang dekada ng maling polisiyang pang-ekonomiya.

Mr. President, ang mga mahihirap nating kababayan sa mga nayon at lalawigan ay nangangailangan ng maraming anak dahil ang kamay ng mga anak na ito, ang yamang tao, ang kanilang natatanging kayamanan. Magiging kalabisan ng kawalang-pakialam sa kanilang pamumuhay kung sasabihan natin ang isang magsasakang may ilang ektaryang sakahan na dapat hanggang dalawa lamang ang maaaring ianak niya. Napabayaan na siya ng estado, kaya't nagtitiis sa lubak-lubak na daan, sa kawalan ng irigasyon, sa kawalan ng mga pasilidad para sa kaniyang mga ani. Kailangan niya ng mga kamay na tutulong sa kanya sa paghahanap-buhay. Sa pamamagitan ng mga de-kalidad na imprastraktura at mahusay na edukasyon, mawawala ang pangangailangang mag-anak ng marami, at magkakaroon ng mga natural na puwersang lilikha ng mabilis na paghupa ng pertilidad. Hindi na mangangailangan ng pamamahalang pampopulasyon ng ating bansa. Tulad ng sinabi ng yumaong Pangulo ng Estados Unidos na si Ronald Reagan, ang kaunlaran---lalo na sa mga lugar na rural- ang pinakamabisang contraceptive. Sa pag-apuhap sa kaunlaran natin nararapat ituon ang ating panahon at lakas, kung tunay nga tayong nagmamalasakit sa kabutihan ng ating bansa.

News Latest News Feed