Press Release
September 18, 2012

'Makatwirang' sin tax, suportado ni Trillanes

Suportado ni Senador Antonio "Sonny" F. Trillanes IV ang panukalang dagdagan ang buwis na ipinapataw sa alak at sigarilyo hangga't ang karagdagang halaga ay naayon at makatwiran.

"Sinusuportahan ko ang sin tax bill bilang isang paraan ng pagdaragdag ng kita ng gobyerno sapagkat ang halagang ipapataw ay nakabase sa inflation rate ng bansa, ngunit ito rin ay dapat makatwiran," ani Trillanes.

Ayon kay Trillanes, ang panukalang taasan ang tinatawag na "sin tax" ay masasabing makatwiran kung ito ay naaayon sa makatotohanang revenue target at nakabase sa mga kasalukuyang klasipikasyon ng mga produktong alkohol at sigarilyo.

Paliwanag pa ng senador na miyembro ng Senate Committee on Ways and Means, ang panukalang batas ay hindi rin dapat magresulta sa pagbagsak ng kabuhayan ng mga magsasaka ng tabako.

"Kinakailangan na masigurado natin na ang sistemang ipapatupad ay pantay, at ang halaga ay hindi masyadong mataas na magiging dahilan upang bumagsak ang merkado at mahikayat ang pagpasok ng mga ilegal na sigarilyo," dagdag ni Trillanes.

Ayon sa bersyon ng Mababang Kapulungan, ang pagdaragdag sa "sin tax" ay nakabase sa isang klasipakasyon at pare-parehong rate maging ano pa man ang kalidad ng produkto.

"Ang sistemang ito ay discriminatory sa mga lower-tier products at maaaring paboran lamang nito ang mga banyagang produkto," giit ni Trillanes.

News Latest News Feed