Press Release
October 25, 2012

PIMENTEL: 'BLACK PLAGUE' MINING PIGILAN!

Mariing tinuligsa ni Senator Aquilino "Koko" Pimentel III ang anya'y walang-humpay na pagmimina ng itim na buhangin sa mga dalampasigan ng bansa na nakasisira sa kapaligiran.

Inihalintulad ni Pimentel ang quarrying ng black sand na ini-export sa mga steel mills ng China sa Black Plague na kumitil sa buhay ng daan-daan libong tao sa Europa noong kalagitnaan ng 14th century.

"Walang masama na manggaling sa Pilipinas ang ilang uri ng mineral na ginagamit ng China sa mga industriya nito. Pero hindi naman natin mapapayagan na masira ang ating kapaligiran," wika ni Pimentel.

Pinansin ni Pimentel sa kanyang talumpati sa Provincial Board Members League of the Philippines-Luzon Chapter na aktibo ang mga lokal at banyagang kumpanya sa pangunguha ng buhangin sa bansa.

Kasabay nito ay hinimok niya ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan na pigilan ang black sand mining sa kani-kanilang mga nasasakupan para mapigilan ang polusyon.

"Minsan ang progreso ay nagreresulta sa polusyon sa tubig, hangin at kalupaan. Ang masasamang praktis sa pagmimina gayundin ang walang-habas na pamumutol ng punungkahoy ay ilan lang sa masamang epekto ng modernisasyon," anya.

Binigyang-diin ni Pimentel na malaki ang magagawa ng provincial boards sa pangangalaga sa kalikasan sa ilalim ng Local Government Code na iniakda ng kanyang amang si dating Senator Aquilino "Nene" Pimentel.

News Latest News Feed