Press Release
September 4, 2013

Poe's interview with Alvin Elchico ad Doris Bigornia on the FOI bill

Alvin Elchico: Nasa linya na natin si Sen. Grace Poe, matagal-tagal na nating hindi nakausap ito partner si Sen. Grace Poe. Tanungin natin ang development sa Freedom of information Bill. Ito ay komnek-konek naman sa kaso ni Napoles ano dahil kailangan ng ating mamayan na may access sa impormasyon. Siyempre ito po ang panukalang batas na ipinangako po ng administrasyon ni PNoy pero tila napako ano, hindi masyadong naaksyunan noong nakaraang Kongreso. Magandang gabi po sa inyo Sen. Grace Poe.

Sen. Grace Poe: Hi, magandang gabi po Alvin sa muling pagkakataon, matagal-tagal na at siyempre ewan ko kung nandiyan siya ngayon pero ang ating Mutya ng Masa magandang gabi po sa lahat ng nakikinig.

Alvin Elchico: Doris narinig mo?

Doris Bigornia: Ay Oo, pwede ba ako makahirit diyan. Ay magandang gabi po sa inyo Senador.

Sen. Grace Poe: Magandang gabi po at masaya ako nabigyan niyo ako ng pagkakataon ngayon.

Alvin Elchico: Senator pasensiya ka na siya ay mobile, pabalik pa lang dito sa base dahil siya ang nagbabantay sa amin doon. Siya yung pinapaharap naming sa SAF...Anyway Senator umpisahan natin yung ating talakayan tungkol sa FOI Bill. Kanina po napakinggan ko although hindi ko natapos. Kinuha po ninyo ang mga position ng iba't ibang sector. Sen. Anong sense ang nakuha mo? Kasi ang Malacanang at ibang ahensiya ng gobyerno parang Batulot eh. Teka muna may reservation, diba Senator?

Sen. Grace Poe: Alam niyo Alvin, ang maganda dito kaya tinawag natin sila, nandoon iba't ibang grupo. Nandoon ang Makati Business Club with Ramon del Rosario, Jr. , nandon din po yung Right To Know Right Now Coalition, nandiyan din po yung Transparency group, nandiyan din ang CenPEG at nandiyan din ang Malacanang, DND, lahat po sila sinasabi nila sang-ayon sila sa FOI, lahat sila without exception. Ngayon may kaunting reservations lang po, yun nga yung sa ibang ahensiya ng gobyerno na talagang talakayin nga yung National Security aspect kung papaano po ito mapoprotektahan at yung ibang privilege information in an executive session, yun po talaga. Ang sabi naman po natin na sa buong mundo ngayon, sa ilang bansa na mayroon na, halos 93 na mayroon ng FOI Bill. Ang Pilipinas matagal ng demokrasya pero hanggang ngayon nakalagay po sa ating Bill of Rights yung 1987 na The Right of the People to Public Information Shall be Recognized. Pero as enacted, as enabled by law hindi pa rin po nagagawa yan kaya napapanahon na naman. Ngayon para sa akin, maganda na rin na narinig natin na diretso sa kanilang mga bibig na sinasabi nila na sang-ayon sila dito. At ako naman po ay kumpiyansa dahil nga sa mga nangyari na pati naman si Senate President Franklin Drilon at mga kasama natin dito sa Senado sinasabi nila na ipapasa nila at ipinasa naman kasi sa Senado ito nong nakaraan.

Alvin Elchico: Senator, simplehan natin para makaarok yung ating mga nakikinig na masa. Ang nakikini-kinita mo ba na maging bersyon ng FOI Bill mo diyan sa Senado is kapag ang isang indibidwal pupunta sa isang ahensiya ng gobyerno sasabihin halimabawa niya na pahingi ako ng listahan kung saan mo ibinigay ang iyong pork barrel, kailangan ibigay sa taong iyon ang papel, ganon ba iyon?

Sen. Grace Poe: Opo, yun nga ang maganda dito eh. Kasi ganito ano, nakalagay po dun sa mga versions na bills na naisumite na, yung ating mga mamamayan either personal, pwede rin silang magpadala ng liham o pwede silang magpadala ng isang electronic inquiry at dapat masagot iyan kung ano man ang sagot within 15 days. At kung mali naman yung ahensiya na natanungan nila dapat within 15 days din ire-refer din yan sa tamang ahensiya. Ngayon ang maganda rin naman dito actually alam niyo po ito yung problema eh dating MTRCB ako, we could really reply within 15 days kaya lang po ang pagkakaiba ng walang FOI unang-una wala pong penalty kapag hindi mo sinagot iyon. Walang nakalagay na definite administrative or any penalties na magiging responsable ang isang kawani ng gobyerno. Kaya at least ito ini-institutionalize natin at yung mechanics ginagawa natin mas maayos. Kasi alam naman natin kung wala tayong panangutan eh hindi naman talaga tayo mapipilitan na gawin yung dapat natiing gawin.

Alvin Elchico: Anong balak mo na penalties sa mga opisyal ng gobyerno na halimbawa ayaw bigyan ang media or ordinary person na mga impormasyon na kailangan niya, anong penalty?

Sen. Grace Poe: Ganito po, iba't ibang version po iyan. Yung sa Right To Know Coalition ang kanilang suhestiyon ay magkaroon ng not less than a month but not more than 6 months imprisonment.

Alvin Elchico: Aba'y may kulong ha. Gusto nila may kulong.

Sen. Grace Poe: Siguro mayroon din iyang katumbas na amount o penalty yung fees pero hindi pa po iyan nakatalaga kung ano yan. Kaya nga sabi ko, dapat mayroon ding parang propose draft na IRR kasi po maraming magaganda namang batas in principle. Halimbawa yung Kasambahay Bill, ako dapat naman talaga bigyan ng benepisyo ang ating mga kasama sa bahay pero sa totoo lang po at sa tingin ko naman maraming sasang-ayon dito. Noong umpisa nagkandalito-lito tayo kasi ang daming mga ahensiya na kailangang puntahan natin para ayusin yan. So ganon din po, ayoko naman na magpapasa tayo ng isang batas na hindi maiimplementa dahil nagkakagulo. Halimbawa, sinabi ng KBP, ito yung kanilang suggestion, na lahat nang public documents as much as possible upload na kaagad sa inyong website para kapag may tinanong mabilis na yung reference. Ngayon nakalagay din po doon na yung mga hindi pa capable na mga ahensiya na magkaroon ng website na ganito, within 3 years of passing the bill they should comply at tutulungan sila ng national Computer Agency. So lahat po iyan dapat in place kasi ano namng impormasyon ang kukunin mo pagka wala naman tayong tamang record filing at yun po yung problema sa bansa natin, natutulog yung mga dokumento natin.

Alvin Elchico: Anyway, Mutya may tanong ka ba?

Doris Bigornia: Mayroon lang akong hirit. Mayroon lang akong gusting itanong kay Senador. Kasi parang siyempre yung iba nag-express ng kanilang reservation diyan sa bill na yan dahil baka daw medyo maabuso. Senadora may nakikita ka ba diyan na aspeto na pwedeng abusuhin?

Sen. Grace Poe: Alam niyo po para sa akin, may isang resource person na nagsalita hindi ko naman matandaan kung ano, na parang kung iisipin natin yung abuso parang piece of a problem yan. Then actually not allowing the information to be accessible dahil kunyari hindi natin papayagan ang impormasyon na ilabas mas maraming abuso diyan, nakawan at lahat na. Ito, ang pwedeng abuso let say for private citizen gamitin ito para ilabas yung kanyang mga bagay-bagay na hindi naman dapat ilabas. Kunyari ako, may kasalanan ako, pati yung mga pangalan ng mga anak ko kung saan sila nag-aaral yung mga bagay na ganyan na hindi na dapat ilabas maaaring gawin nung iba. Kaya nga yung mga safeguards kailangan lang natin asikasuhin. Pero yun nga po, may isang isyu rin po yung Right to Reply, wala na po kasi iyan dun sa version na isinusumite sa amin. Pero aminin ko sa inyo na may mga iba na gustong magtulak niyan pero ako personally that's another form of censorship para sa akin kasi ayoko kong dinidiktahan diyan kung papano isisiwalat. Katulad niyan maraming mga, sabi nila, mga mambabatas na hinihingan ng panig tungkol dito sa PDAF pero sila na mismo ang ayaw naman kaya mahirap din naman diyan na magpipilitan tayo sa Right to Reply.

Alvin Elchico: Speaking of dikta, kasi po dati di ba nagsabi na yung Malacanang, Sen. Poe na parang hindi priority. Anong tiyansa nito na maipasa kaagad diyan sa inyo sa Mataas na Kapulungan, sa palagay mo within the year kakayaning ipasa iyan kahit walang suporta ang Malacanang?

Sen. Grace Poe: Gusto ko namang maging patas sa Malacanang sa tingin ko naman po. Alam mo yung ating Pangulo kilalang Pangulo iyan at talagang nag-iingat eh. Diba kaya nga ang dami-dami nating naiipong pera kasi nga pati yung paglalaanan ng pondo na proyekto pinag-iisipan ng 10 beses bago gawin. Okay na rin yun na nag-iingat tayo pero ako talaga may kumpiyansa na hindi naman kasi nila ito hinaharang eh. In fact, nagbigay nga po sila ng version nila na para sa akin, sabi nga ni Sen. JV (Ejercito) na yun yung version na ipinasa niya, so wala naman ding masama ano. Ako po ay kumpiyansa na maipapasa sa Senado ito bago magtapos ang taon, kung hindi man early next year pero talagang yung pinag-usapan namin nina Senate President Drilon ang sabi niya nga gusto ko yung mga committee reports niyo as soon as possible lalo na ang FOI. So ako sa tingin ko makakapasa sa Senado ngayon. Ang alam ko po sa House ang isa pong champion ng FOI dun ay si Leni Robredo so mayroon naman po siyang moral reputation sa ating mga kababayan so maganda rin po na siya ang naglo-lobby doon sa lower House.

Alvin Elchico: Sen. Poe doon mas mahirap. Marami sila eh, kailangan niya ng masa maraming boto roon. Di ba Senator? Anyway maraming maraming salamat po sa inyo, Senator. Happy happy birthday.

News Latest News Feed