Press Release
November 17, 2013

Panawagan sa gobyerno
Nancy: 'Huwag pagkakitaan ang mga donasyon'

Umapela ngayon si Senadora Nancy Binay sa pamahalaan na huwag patawan ng buwis ang mga donasyon ng iba't ibang bansa para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Ito ay matapos linawin ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares kamakailan na sa ilalim ng Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, ang mga donasyon para sa bansa na dadaan sa mga "disaster relief and management council" ng bansa ay "duty-exemp"' o hindi papatawan ng buwis.

Idinagdag din ni Commissioner Henares na wala ring ipapataw na buwis sa mga donasyon na papasok sa accredited relief organizations ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

"Akma lamang na ipatupad ito ng pamahalaan lalo na ngayong maraming pumapasok na tulong mula sa lahat ng panig ng mundo, kahit dito sa ating bansa. Nais ko lang malaman ay kung bakit hindi pa natin i-exempt lahat ng donasyon?" tanong ng senadora.

Hinayag din ni Henares na kung ang donasyon ay may value added tax (VAT) ngunit dumaan sa NDRRMC, ang pamahalaan ang magbabayad ng 12% VAT nito mula sa tax expenditure fund.

"Sinabi ni Commissioner Henares na wala nang VAT (ang mga donasyon) dahil ang gobyerno ang magbabayad dito pero buwis pa rin ng taumbayan ang magbabayad. Bakit hindi natin gamitin ang tax fund na ito para sa relief, rehabilitation at restoration efforts?" dagdag ni Binay.

Nanindigan si Binay na mabuti ang intensyon ng BIR sa pagpapatupad nito ng mga polisya sa buwis ng bansa ngunit dapat isapuso muna ng ating gobyerno ang kalagayan ng ating mga nasalantang kababayan.

"Maganda ang mga panukala ng BIR ngunit sana, sila ang dapat manguna sa pagbawas sa bayarin sa ipinapaabot tulong para sa mga nasalanta. Nakakahiya sa ating mga donor at sa lahat ng tumutulong sa atin," ani Binay.

Sa kasalukuyan, mahigit sa P4 bilyon o $90 milyon na ang pumapasok na tulong sa Pilipinas mula sa ibang bansa ayon sa pangangalap ng Department of Foreign Affairs (DFA)--hindi pa kasama rito ang mga indibidwal na donasyon mula sa iba't ibang organisadong grupo ng mga Pilipino at banyaga sa abroad.

"Ang halaga na ito ay hango sa mga donasyon at tulong na kayang bigyan ng monetary value o halaga. Sana huwag na nating pagkakitaan pa," ani ng senadora.

News Latest News Feed