Press Release
February 24, 2014

Transcript of DZRH Radio Interview of Senate President Drilon

Q: Senator, si Speaker Sonny Belmonte nagbigay ng reaction tungkol dito sa naturang issue. Sabi niya hindi niya ho matandaan. Kayo po ba bilang Senate President, - pero kung sabagay hindi kayo ang pangulo noon - natatandaan niyo pa po ba ang naturang insidente?

SPFMD: Sabi po ng diyaryo ito'y sa House of Representatives. Correct siguro. Baka naman ang ating bigyan natin ng tuon ay kung saan napunta ang perang ito? Ginamit ho ba ito ng tama? Kaya nagiging isyu ito ay dahilan po sa sinasabi na ibinulsa ng ilang kongresista at senador itong mga pork barrel sa pamamagitan ng pekeng NGO. Siguro iyan ang tuunan natin ng pansin. Paano ginamit ang pera ng taong bayan sa pamamagitan ng tinatawag nating DAP? Sa akin po dapat higpitan ang audit at parusahan iyong mga makikitang nang aabuso sa paggamit ng DAP.

Q: Sabagay nagiging isyu lang ito Mr. Senate President kasi nga may iniharap na petisyon sa Korte Suprema at hanggang ngayon ay naka pending pa ito. Nabanggit din niyo ang paghihigpit ng paggamit ng pondo. Ngayon, may deriktiba ang COA para sa Senado, na iyong mga chairman ng mga oversight committees na higpitan na rin ang pagpapalabas ng pondo. Hindi iyong nagka cash advance na wala namang hearing, eh kung sa ilalim pa naman ng iyong pamunuan bilang Senate President.

SPFMD: Sinusuportahan ko po iyon na dahilan sa iyon ang panawagan ng ating mga kababayan na higpitan ang proseso at ang pag check sa paggamit ng pondo ng taumbayan. At, kami naman sa Senado ay magcocomply doon sa mga hinihingi ng COA. Ito po ay pagbabago sa mga nakaraang gawain at ang sabi ng COA ay dapat ayusin natin at tignan natin ng husto. Ngayon, I can tell you, nagcocomply ang lahat ng mga senador . In fact, hirap na hirap mag liquidate ng mga budget ng bawat komite.

Q: Ngayon po ba ay required na may resibo at hindi puwede na certification lang?

SPFMD: Mayroong maliit na portion na certification lang. Dahilan sa hindi mo naman maiwasan. Lalo na ngayon na wala ng PDAF, pag humingi ang isang mamamayan, lumapit sa atin, may namatayan, humingi ng abuloy at konting pamasahe, ang hirap naman na hingan pa natin sila ng resibo. That is allowed. At hindi lang naman sa mga kongresista ito, pati sa buong bureaukrasya po. A certain portion of the funds is liquidated by certification. Pati mga mahistrado sa Korte Suprema, meron din po silang portion na liquidated by certification. Dahilan sa ito ay kailangan at kasama sa mga function bilang kawani ng pamahalaan.

Q: Ang hindi lang namin maunawaan dito Mr. Senate President, bakit kailangan po ng mga oversight committees, ano samantalang napakalaking pondo pala ang ginagamit sa mga ito. Hindi rin ba bahagi na ito ng responsibilidad ng ating mga mambabatas?

SPFMD: Karamihan po nito ay required sa batas. Pareho po ang Kongreso at Senado na may mga kinatawan sa Oversight Committee. Halimbawa, yung Oversight Committee sa Energy. 'Yan po ay by law, nakalagay po 'yan.

Q: Merong advise Mr. Senate President ang COA sa mga Oversight committees. Ano daw po ang sistema ngayon? Dahil ang pagkakaalam po namin, 20 million per Oversight Committee pero sa ilalim po ng inyong liderato, meron po kayong mga reporma na pinatutupad po tungkol dito.

SPFMD: Isa na po yun sa mga sinasabi. Unang una kailangan yung mga resibo sa liquidation except for a small proportion of the budget which is traditionally followed sa buong byurokrasya subject to liquidation by certification lamang and maliliit lamang na mga pangangailangan. Binabaan po natin yung budget ng oversight committee. Pinag-parepareho ko yun nung panahon natin. Ang importante ay mapangalagaan ang kaban ng bayan at sumunod sa tayo sa liquidation requirement ng COA.

On the Go Negosyo bill

Q: Pakilinaw po in short words, paano po gagawin ang Go Negosyo bill?

SPFMD: Sa Senate bill no. 2046 na akda ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship na pinamumunuan ni Bam Aquino, ating ipapasa itong lingo na to - in fact, itong araw na ito, on third and final reading. Ang isang panukalang batas na ang layunin ay maipromote ang paglago ng micro, small and medium entreprises or MSME.

Siyam sa bawat sampung negosyo ay pwede nating sabihin na small and medium or micro enterprise sa ating bansa. Uulitin ko, 9 out of every 10 namga negosyo would fall under the Small, Medium and Micro Enterprise at mahigit sa sisenta'y singkong porsyento ang mga small and medium scale enterprises ay higit po sa 65 percent ng ating trabaho ay dun po nanggagaling ang labor force ng ating bansa. Doon po matatagpuan sa maliliit na negosyo. Ang layunin ng batas na ito ay matulungan ang mga small and medium scale enterprises.

Halimbawa, doon po sa kakulangan ng trabaho sa ating bansa, sa tingin ng Senado, pwede ba natin tulungan ang manggagawang walang trabaho subalit ang nagbigay ng insentibo sa small and medium scale enterprises. Nadagdagan ang deductible expense. Pagdating sa mga bagong hires halimbawa, kung isang small and medium micro-enterprise mag-hire ng isang manggagawa, yun pong hindi lamang P1000 ang sweldo o P2000. Hindi lang dalawang libo ang mababawas sa expenses sa pagfile ng income tax. Kung hindi madaragdagan, let's say another P500. So ang deduction ay magiging P2500 sa isang manggagawa na i-hihire ng isang small or medium enterprise.

Yan po ang tulong. At magkakaroon pa po ng tinatawag na "one-stop-shop" sa bawat lungsod o bayan under the direct supervision of the DTI na makakatulong sa training o initial operations nitong mga small, micro and medium enterprises.

Q: In other words, maeenganyo pong maghire ng workers etong mga negosyante, dahil sa kanila ay may benepisyo din po.

SPFMD: Dahil daan libo po itong mga micro, small and medium enterprises sa buong bansa. At atin pong inaasahan na dito ay makakatulong itong sector na ito sa ating ekonomiya.

Q: Eto nga po yung tinatawag na masa, underground economy. Eto po ba yung kasama diyan sa naturang programa sa bill na iyan?

SPFMD: Tama nga po. Yan nga po yung underground economy na sa ngayon ay hindi natutulungan at nakakatulong, dahil nga sa hindi sila napapansin. Ngayon, ieencourage natin na lumago sila, dahil sa ating pananaw na ito ay makakatulong hindi lang sa pambansang ekonomiya, pero para na rin sa pagbibigay ng hanapbuhay sa ating mga kababayan.

On Graphic Health Warning Act

Q: Isa po kayo sa mga nagsulong ng Sin Tax Reform Act. Mukhang may isa na naman pong kahalintulad na batas ito ngayon sa Senado?

SPFMD: Tama po iyan. Isa po sa isa sa mga tatapusin sa ating komite ay yung tinatawag na Graphic Health Warning Bill, o Senate Bill 499. Ito po ay isang batas na itinutulak ni Senator Pia Cayetano at ng inyong lingkod para po makatulong makabawas sa kaso ng pagsisigarilyo.

Sa ibang bansa po ating makikita na may graphic warning - imahe ng baga ng mga naninigarilyo - na makikita mo duon sa pakete mismo ng sigarilyo. Para po makita kung gaano kasama yung epekto ng sigarilyo sa ating katawan - sa ating baga, sa ating ipin. Dito po kasi sa atin, wala pong nagrerequire ng graphic warning sa mga pakete. So ito pong batas na ito, irerequire na kalahati po nung harap ng pakete - or a certain portion of the packet - duon po ilalagay yung picture ng epekto ng paninigarilyo sa ating kalusugan.

Ayan po ay isang batas na makakatulong na mabawasan na ang paninigarilyo ng ating mga kababayan, lalo na sa ating mga kabataan. Dahilan po ang laki ng ginagastos mula sa kaban ng ating bayan sa mga sakit na nanggagaling sa paninigarilyo - high blood pressure, sakit sa puso, - karamihan ay galing po sa sigarilyo. Kaya nga po noon ay pinagsikapan natin noon na ipasa yung tinatawag na Sin Tax Law na siyang magtataas ng buwis upang matulungan naman yung mga public hospital na siyang nagbibigay ng libreng panggagamot sa mga nagkakasakit mula sa paninigarilyo.

On People Power Revolution

Q: Bilang Senate President po, hihingan po namin kayo ng mensahe para po sa ating mga kababayan, kaugnay po sa pagdiriwang ng 28th pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution.

SPFMD: Salamat po. Sa atin pong mga kababayan, atin po sanang huwag kalimutan na ang People Power ang isang naging paraan upang maibalik natin ang ating kalayaaan - ang demokrasya ng ating bansa. Kung malaya po tayong batikusin ang ating pamahalaan, kung malaya po tayong bantayan ang paggastos ng ating pamahalaan sa pera ng bayan, yaan po ay dahil sa ating demokrasya, sa ating bukas na pamamahayag. Tayo ay nagsama sama nuong 1986 na baguhin ang ating sambayanan, ang ating mga gawain, at ang mga reporma na isinulong nuon. Ito po ay huwag natin sana makalimutan, kahit ano po ang mangyari, tayo po ay malaya ngayon, dahil sa EDSA Peope Power Revolution. Maraming salamat.

Q: Maraming salamat po, Senate President Franklin Drilon.

News Latest News Feed