Press Release
June 6, 2014

Transcript of Sen. Grace Poe's Net 25 interview
Hosted by Cong. Angelo Palmones June 6, 2014

Cong. Angelo Palmones: Napakaganda ng inyo pong programang naglalayong palawakin ang electoral reform natin. Bakit kailangang saklawin iyon pong pagbabago sa anti-wiretapping?

Sen Grace Poe: Alam mo, kapag ako ay nagbigay ng resolusyon para pag-aralan, hindi ko naman sinasabing dapat na itong gawin. Kaya nga po dapat pag-aralan sapagkat marami naman po tayong ibang mga karapatang ayaw naman nating mawala.

Halimbawa, itong wiretapping kasi, naalala po ng iba ang nangyari sa Hello Garci, hindi po ito pinayagang maging basehan ng isang kaso sapagkat sabi nga daw, bawal ang pag-tap ng telepono. Nandun naman ako, naniniwala ako sa ating karapatan for privacy, kaya lamang po, sa mga ibang kaso, halimbawa ay terorismo o kaya mga ibang bagay katulad ng threat sa ating national security, pinapayagan po ang wiretapping.

So sabi ko, tingnan natin kung hindi naman maselan na payagan din, kung meron mang utos ng korte, ang isang electoral offense o kaya pagpaplano na mandaya sa eleksyon.

Isa po iyan sa ating pag-aaralan, hindi ko naman sinasabing dapat gawin sapagkat kailangan din nating marinig ang mga punto ng mga mahistrado at mga expert tungkol diyan.

Palmones: Pero saang aspeto tayo papasok? During canvassing, during campaign? Aling aspeto po ng eleksyon ang kinakailangang patutukan natin kung gagamitin natin itong element ng wiretapping as a strategy to avert fraud?

Poe: Isa yun sa dapat nating pag-aralan, sapagkat kung masyadong malawak, halimbawa, ongoing suspicion, maaaring napakalaki ng saklaw niyan, baka naman habambuhay na lang ay tina-tap natin ang ating mga commissioner.

So siguro dapat meron talagang dahilan, kunwari may nagturo o may isang insider tip, nakakuha ng utos ng korte, doon lamang dapat payagan ang wiretapping. Pero alam niyo po, sa puntong ito, para sa akin kasi, hindi pa ito malinaw ngunit dapat pag-aralan.

Sapagkat isa rin sa ating pag-aamyenda ng wire-tapping law ay ang pagtanggap din ng wiretapping cases pagdating sa drugs. Kasi sa America po, pinapayagan iyan kapag may mga drug cases, pwedeng matanggap ang mga wire-tapping evidence.

So iyon po, hindi ko naman sinasabi na dapat ay payagan na ito pero dapat din ay pag-aralan ito sapagkat ayaw naman nating abusuhin ang batas, pero dapat din ay meron tayong ebidensya kung saka-sakaling malinaw namang ito ay hindi ginagamit para lamang labagin ang ating karapatan.

Palmones: So papasok siya as post surveillance?

Poe: Parang ganon, parang kunwari may nag-tip at sabihing "meron na kaming napansin na may galaw ang isang election officer at ang isang kandidato," mahabang proseso iyan ng pagpapatunay kahit sa korte, hindi nga natin alam kung papaano iyan, kailangan patunayan muna bago maglabas ng kautusan ang korte. Kaya nga po, kapag meron tayong resolusyon na pag-aralan ang isang bagay, hindi naman agad-agad nating sinasabi na ipasa ito pero dapat naman ay pag-aralan.

Palmones: Anyway, electoral reform po ang ating pinag-uusapan. Senator, isa sa mga naging problema talaga ng electronic election ay naging very rampant ang vote buying, kasi nga sabi ng iba mas madali na impluwensiyahan ngayon ang pagboto dahil hindi mo na kailangan pakialaman ang pagbibilang dahil electronic na nga po. Napapanahon na po ba para taasan natin ang parusa para po sa mga involved sa vote buying?

Poe: Alam niyo, iyon talaga ang naging kaso, ito nga daw diumanong maraming vote buying, maraming nagsasabi, halimbawa lang, sa probinsya ng kaibigan natin, hinahagis nga lang daw sa bintana nila ang sample ballot na merong naka-rubber band na P500. Mura pa nga ang P500, itong mga kwento-kwento na lang, pero sa ibang probinsya umabot sa P8,000 ang bilihan, ibang klase iyon ah.

Pero alam niyo, iyan ay mga salita-salita lang kaya mahirap sabihin, ngayon kung saka-sakali ang vote buying, syempre sa kalagayan ng ating mga kababayan ay malaking temptasyon ito, kaya para sa akin, pag-aaralan natin ang pagpaparusa diyan sa vote buying. Talagang yung mga namimili o kaya yung mga nauutusan na magkalat ng pera ay iyon dapat ang una nating bigyan ng parusa. Ngayon, yung mga tumatanggap, siguro ang laban na lang natin diyan ay talagang maturuan sila ng kahalagahan ng kanilang boto pero napakihirap kumausap ng mga tao lalo na kung kumukulo ang tiyan nila at nandiyan ang pera, hindi po ba?

Palmones: Yung iba naman daw po ay okay lang na mag-vote buying kasi peke naman pala yung perang ginagamit pang vote buying.

Poe: Ibang usapan na nga iyon e, grabe talaga. Alam mo yung Pilipino talaga pong kapag ginamit natin ang ating pagiging creative at talino sa tamang paraan ay nasa-subvert natin e. Gagawa tayo ng mga bagong batas tapos gagawa naman ng bagong paraan para maikutan ang batas na iyon. So kahit naman sa atin ay ganoon talaga kaya nga po sa akin sa Senado ay dapat talagang tayo ay nakikibagay sa panahaon at talagang pinag-aaralan natin kung ano ang bago, bago tayo gumawa ng batas. Kasi hindi naman pwedeng pasa tayo ng pasa, yun pala ay outdated na rin ang ating mga solusyon.

Palmones: Ang Comelec noong bago po nag-eleksyon, may ipinatupad na patakaran na nabatikos sila ng husto. Yung paghihigpit sa pagpapahintulot sa mga kandidato na mag-withdraw ng napakalaking halaga during the campaign period. Palagay ko, Sen., magandang hakbang iyon if we really want to address the issue of vote buying para yung pagkalat ng pera during campaign period lalo na towards the end of the campaign ay ma-restrict o malimitahan.

Poe: Iyon na nga po, kaya lang, diba sabi natin, binabalanse natin yung ating mga karapatan. Mahirap kasi pong mag-restrict sa ating ekonomiya, halimbawa yung free flow ng pera, kapag hindi ito ginagamit sa terorismo, mayroon tayong AMLC, pero hindi naman pwedeng basta bastang ilabas iyan, ang mga listahan hangga't walang utos ng korte. Para sa akin po, hindi ako basta-basta sasang-ayon diyan. Sapagkat alam niyo po, kapag mayroong mga lehitimong establisimyento naman na naglalabas ng pera sa panahon ng eleksyon ay napakahirap naman kasing manmanan mo lahat iyan. Pero isang hakbang iyan.

Ang isa pa po na magandang gawing ehemplo nito ay yung pag-restrict ng Comelec sa airtime sa television. Maganda iyon, alam mo mahirap, syempre sinasabi na bakit dinidiktahan ano, pero yung campaign spending, kahit iyong campaign donations sa Amerika, may limitasyon iyan e. Dito sa atin, yung campaign donors hindi mo masyadong natututukan pero yung paggasta ng kandidato lalong lalo na sa mga lehitimong establisimyento katulad ng mga network, nirereport talaga nila. Katulad ng kaso ni Governor ER ay talagang nakita dahil nga may resibo iyon. Ngayon, bakit sa telebisyon lamang ako nagmumungkahi ng ganito? Kasi ang sa telebisyon ang mahal ng ads, diba? Parang P350,000 per 30 seconds. Samantalang sa radio or sa internet, iyan ay affordable kahit sa mga regular na kandidato. So pag-aralan natin iyan spagkat nag-uumpisa kasi ang kurakot sa sobrang mahal ng kampanya. So isa po iyan sa aking iminumungkahi noon at ngayon.

Wala pa namang batas tungkol diyan, kaya ang Comelec diba noong bandang huli sabi nila 'Hindi pwede yung 180 minute/network, hindi iyan for the whole campaign period.' So tignan natin kung ano ba ang makatarungan talaga.

Palmones: May panahon pa po ba para pag-usapan iyan, considering na papalapit na naman ang susunod na eleksyon?

Poe: Kung tututukan talaga iyan ng gabi't araw bakit hindi? Pero alam mo sa pagiging realistic, sa tingin ko may mga bagay na dapat unahin natin ngayon. Katulad po, kung gagamitin ba uli ang mga PCOS na ito, o tayo ba ay bibili ng bago sapagkat nakita naman natin ang naging kasaysayan ng pag-bi-bid ng last minute either nagkakaroon ng failed bidding o doon sa pinakahuli, nagkakaroon ng kwestiyon sa source code.

So sabi ko, ngayon na halos dalawang taon na lamang ang natitira, siguro naman dapat mag-umpisa na kayo, ano ba ang proposal ng Comelec. Ipakita ninyo, ako supportive ako, sabihin ng Comelec, ito ang mga bibilhin natin. Basta't hindi overpriced at basta talagang mayroong patunay na ito'y epektibo at hindi madadaya, bakit hindi? Kasi alam mo yung ating investment o yung ating gagastusin para sa kalayaan nating bumoto ay napakahalaga rin.

Palmones: Anyway senator ang himpilang ito ay lagi pong bukas sa inyo to educate the public lalung lalo na po sa ating karapatan sa pagboto. Maraming salamat po.

Poe: Maraming salamat po, Cong. Palmones at sa lahat po ng nakikinig.

News Latest News Feed