Press Release
August 28, 2014

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon

Q: Kamusta po ang pagdinig ng Senado sa isa sa pinakamahalagang batas ng bansa- ang taunang national budget?

SPFMD: Patuloy po ang pagdinig ng Senado diyan sa ating 2015 national budget. Kahapon po ay aming tinalakay sa Comiittee on Finance ay ang budget ng Department of Health, kung saan sa 2015 ay magtatalaga ng mahigit sa P102.2 billion. Ito po ay tumaas ng mahigit sa P12 billion mula sa kasalukuyang taon na P 90 billion.

Malaking bahagi po ng budget ng DOH ay mapupunta sa Philippine Health Insurance o Philhealth - nasa P37 billion- para magenroll po ng mahigit sa P14.7 million mga Pilipino sa ating Philhealth, para po malibre sila sa gamot at gastusin sa mga pampublikong hospital.

Q: Isa po ba sa dahilan ng pagtaas ng budget ng Department of Health ay yung mga nakuha sa Sin Tax Reform Act?

SPFMD: Tama po iyan. Noong 2012, amin pong ipinasa, at pinaghirapan po iyan ni Sen. Drilon, yung Sin Tax Reform Act, kung saan nakalikom tayo ng P51 billion na nadagdag sa kaban ng bayan. Ito po ay ibinuhos natin sa budget ng Department of Health, na itinaas nga natin ng P102 billion.

Sa susunod na taon, siguro ay tataas ang collections ng Sin Tax Reform Act sa siguro mga P65 billion. Ang kagandahan dito ay habang tumataas ang ating Sin Tax collection ay bumababa ang bilang ng mga naninigarilyo. Kokonti, pero umeepekto na. Kaya dalawa ang dahilan kung bakit natin ipinasa itong Sin Tax Reform Act - para tumaas ang budget ng Department of Health lalo na ang Philhealth, at para mabawasan ang dami ng mga naninigarilyo, lalo na sa mga kabataan, na para po hindi na sila pumasok dahil mahal na.

Q: Hindi kaya dahil nabawasan ay dahil patay na?

SPFMD: Hindi naman siguro. Pero habang naguusap tayo ay may 7 Pilipino na namamatay sa paninigarilyo kada 5 minuto bawat araw.

Q: Kumusta po yung ibang legislation na ipinangako niyo sa bayan?

SPFMD: Patuloy po. Halimbawa yung bill on GSIS Coverage for barangay workers. Kahapon isinalang sa plenaryo yung panukalang batas na magsasama sa ating mga barangay official para sa programa at serbisyo ng GSIS. Alam mo sa kasalukuyan ay ang ating mga barangay official ay ang natatanggap lang ay burial benefits. Ibig sabihin niyan pag namatay sila, tsaka pa lang makakatanggap ang pamilya nila ng P50,000. Ito po ay para sa akin ay hindi tama. Kaya nga po ito ay tinutulak natin na kung makakaya ay maisama natin ang ating mga barangay workers sa GSIS. Kung hindi naman kaya ay magkaroon sila ng retirement benefits na matatanggap pagkatapos ng mga taon ng kanilang pagtatrabaho bilang opisyal ng mga barangay.

Q: Sa Kongreso po ay nagkakagulo duon sa mga ipinapatawag na Cabinet Secretray na ipinatawag duon. Nagkainitan sila ACT party-list Rep. Antonio Tinio na kinikwestyon ang ilang napakalaking budget tulad nitong P2 billion Grassroots Participatory Project. Masyado daw pong generic, ang dating daw po ay budget ito for 2016 dahil ang dating daw nito ay lumpsum at walang description kung paano gagastusin. Paano po ba iyan?

SPFMD: Ay sa akin po ay sige. Kung yan po ang nirereklamo ni Rep. Tinio ay magsuggest po siya ng paano po hihimayin at paano paghihiwalayin itong lumpsum. Halimbawa dito sa ating mga bayan dito sa Manila may allocation yan, kung hindi ako nagkakamali mga P20 million. Hindi po kami tutol na inumerate niya kung saan ang gastusin diyan.

Ang paliwanag ni Sec. Roxas, hindi na po umabot, talagang nakahiwalay. Ngayon ay hindi pa naman po huli na sabihin sa administrasyon na oh, "Dito sa Maynila, bawasan o dagdagan niyo ng ganitong alokasyon." Lagyan niyo ng detalye. Hindi lang yata nagkaroon ng sapat na panahon para idetalye - hindi yata nagkaroon ng sapat na panahon para sa mga mahigit na 4,000 barangay para magsumite lahat ng kanilang proposed projects.

Q: Yung issue sa Metro Manila, ay may inilaan ang NIA para sa irigasyon ng Kamaynilaan?

SPFMD: Hindi ko pa po nabasa iyan. Pagdating niyan sa Senado, aming bubusisiin yan. Sa amin sa Senado ay aming hinahanap ang katotohanan lamang.

Alam mo malapit na ang eleksyon, nahahaluan ang mga isyu ng politika. Duon sa Makati overpriced building ay pinayuhan ko ang aking mga kasamahan pati yung mga testigo ng harap-harapan na huwag gumamit ng mga salita na parang namumulitika tayo. Hanapin natin lamang ang katotohanan. Let us stick to the facts. Yun po ang kailangan natin dito. Kung ano ang totoo diyan sa Makati Building, ilabas natin. Huwag yung -sabi ko mga testigo sa Senado - yung mga salitang "bukol," aakalain ng tao ay namumulitika lang tayo.

Ganun din po sa budget. Kung ibig natin ihiwalay, ihiwalay natin. For the sake of transparency, ako po ay payag na let us disaggregate - hanggang kung saan makakaya - the budget, kung iyan po ang hinihiling ng taumbayan.

Q: Marami na po ang nagpaparamdam na tatakbo sa pagkaPangulo at bise-Pangulo. Ano po ang palagay niyo diyan?

SPFMD: Hindi ko pa alam. Marami ang nagtetesting, mga personalities na sa tingin nila ay sila dapat ang maging pinuno ng bansa, ngunit pag lumalapit na ang 2016 ay makikita natin kung sino talaga ang seryoso.

Q: Kayo po ba, ano ang inyong tatakbuhan?

SPFMD: Hindi po muna natin iniisip iyan. Mahirap magpatakbo ng Senado. Tayo po ay nagcoconcentrate muna sa mga batas na makakatulong sa ating mga kababayan.

News Latest News Feed