Press Release
September 17, 2014

Transcript of Sen. Grace Poe's dzMM Interview
with Mr. Ted Failon

SEN. GRACE POE: Magandang umaga po muli, Manong Ted at sa lahat po ng nakikinig, magandang umaga po!

TED FAILON: Yes po, Madame Chair, una po, ano po ang adhikain at mithiin ng inyong komite kung bakit po kayo nagpatawag ng hearing concerning ito hong PNP natin.

POE: Alam niyo po kasi ako po yung chairman ng public order and dangerous Drugs. Marami na pong mga batas ang sa tingin namin na karapat-dapat pa ring matugunan ng pansin-- iyong PNP Modernization tapos yung 911, parang national emergency line na pinatawag namin kasi kasama po yan sa proseso kaya pinatawag po namin sila para dumalo sa hearing. Ganito po yun, nakalagay at standard po sa mga sulat sa mga ahensiya ng mga gobyerno na kung yung namumuno ay hindi makakarating, pwedeng magdala ng kinatawan. Pinapadala lang namin yan kasi kunwari nagkaroon ho kasi ng emergency sa opisina, siyempre bilang pinuno binibigyan ka nila ng konting palugit. Hindi ko naman masyadong inisip yun sapagkat until the night before the hearing nag-confirm naman po through liaison na mag-a-attend po si Chief Purisima. So, hindi ko po yun inisip. Pagdating po ng mga gabi na bago po ang hearing tapos na yung office hours sabi hindi daw siya darating. So pinatawagan ko ulit yung mga representantes na sinabi ko, "hindi, kailangan siyang pumunta kasi importante yun unless may talagang emergency." To cut the long story short, hindi po dumating. So sinabi ko po dun sa kanyang kinatawan na hindi niya naman kasalanan yun pero nais ko po sanang i-state lang niya for the record kung bakit hindi nakadalo si Chief PNP. So, sinabi nga niya na hindi daw niya alam yung schedule pero sinabi niya na sila ang pupunta. So, dismayado at nalulungkot kami sapagkat para sa akin bugbog na rin po ang PNP. Sabihin natin yung iba sa kanila ay talagang they deserve it pero mas marami sa kanila na naniniwala pa rin ako at gusto ko maniwala. At ang gumagawa ng kabutihan at yung mismo namumuno na kung tayo tinitingnan natin ang mga pulis na parang mga tatay natin na po-protektuhan tayo, sila rin naman na naghahanap ng liderato at pagkakataon na rin ni Chief PNP na patunayan na hindi naman nasayang ang tiwala rin ng Pangulo sa kanya. Ang kaso hindi naman siya dumalo, so, yun. Yun ang ang nangyari kaya sinuspend ko with regret pero itutuloy namin ang hearing na ito.

FAILON: Kailan po Madame ang inyong next scheduled hearing?

POE: Iniisip ko po by next week. Kasi actually nasayang in the sense na hindi siya nakapagsalita dun at hindi namin siya natanong pero yung VACC ay nandoon naman, nagbigay ng kanilang mga saloobin at mga datos at mahalaga rin ang kanilang mga punto. Kaya next week po tatanungin natin siya uli.

FAILON: Okay, Ma'am. Ma'am kasi po sa akin pong pag-oobserba during my time po na naging kagawad ng kapulungan ng Kongreso. Alam niyo kapag kami po nag-hearing Madame, practically pwede mong itanong lahat, pwedeng itanong lahat. Maaaring ang tanong ay wala sa topic, wala sa subject matter na maaari ang chairman ang magsasabi na mukhang out of line yan, mukhang out of order yan. Pero dito sa hearing ninyo concerning PNP, I'd like to get your thought on this Madame. Papayag ba kayo na may maitanong kay Chief PNP tungkol sa for example lang tulad sa kontrobersiyal na white house niya, yun ba ay tingin niyo ba, is that a valid issue na dapat niyang masagot sa hearing.

POE: Alam niyo po siyempre, kasi ganito, alam ko it borders on personal and constitutional. Pero tungkol sa white house, part of the property of the PNP and we are talking about modernization and to improve the entire institution. Andoon po tayo sa white house accountability nila. Sabi nga nila ay yan po ay isang donated structure, yung pagre-repair. Ok naman po kung donated but let's just make sure na yung nag-donate ay hindi naman yung may vested interest na mas mahirap tugunan. So, yan po yung transparency na hinihingi natin duon.

FAILON: So, ang inaasahan po ninyo na kapag humarap po diyan sa inyong pagdinig si Chief PNP, he must be ready for all his answers because pag sinabi po na ok dino-nate po yun ng isang grupo meron po ba kayong dokumentong dala diyan? We will submit po your Honor, e matagal na po nating pinag-uusapan po yan.

POE: Salamat sa pagpapaalala siguro dahil sa nga nagkaroon tayo ng delay. Siguro yung bagong liham na ipapadala namin, isasama na rin namin yung mga dokumento na most likely na diringgin para wala na tayong sisihan doon. Yun lang naman sinasabi ko e, sana nagpakita na siya.

FAILON: Kasi po sabi nga po ninyo, marami ho talagang mga alagad ng batas na mahuhusay, matitino at yun po bang ang habol pa rin ngayon ay performance... paramihan tayo ng medalya, 'di ba? Paramihan tayo ng citation, ng mga awards hindi yung payamanan tayo o paramihan tayo ng kung anu-anong properties no? So, ang damdamin po ng mga pulis na aking nakakausap, Ma'am, na hindi po lumalantad for fear of reprisal, ay talaga hong hindi nila maramdaman ang liderato po ni Chief PNP. At may mga issues po para po sa mga mabababang ranggo ng mga pulis na hindi daw ho naa-address ni Chief PNP. Ito lang po, example Madame: you can call on the people in-charge dito. Dyan po sa Campo Crame, Madame chair... mayroon po dyan ang tawag po Kiangan Billeting Center, ito po yung hotel sa loob ng Camp Crame. Yang hotel na yan Ma'am, yan po dapat ang pinupuntahan, dyan po tumitira yung mga pulis na may mga nilalakad na papeles sa Kampo Crame o sa Napolcom. Either may kaso sila o kaya po naman mga promotion o kaya kung anu-anong benepisyo. So, ito ho yung dinesign dati para ang mga pobreng pulis kasi hindi ho naman libre ang kanilang biyahe e, they spend for all pamasahe at saka yung kanilang akomodasyon, yung walang matitirhan sa Maynila. Kung pupuntahan niyo po sila Madame doon, nakakaawa po ang sitwasyon. Mas maganda pa ho ang tinutuluyan, with all due respect, ng mga akusado ngayon sa PDAF, 'di hamak. Ang ika nila, ultimo pambili ng kanilang beddings, yung pambili ng aming mga punda, kami-kami na lang. Naaawa na kami sa aming sarili, hindi kami pinopondohan dito kaya nung narinig namin yung white house na yan, ang feeling namin, kung yaan ay donasyon, ay okay. Patunayan mo sa amin na talagang donasyon yan dahil ang feeling namin, pera dapat yan dito sa amin e. So, ito ho yung mga damdamin ma'am ng hindi makapagsalita na mga pulis na ika nila yung prayoridad ng gobyerno kung totoong mahal ni Presidente, kung totoong mahal ni Purisima ang mga pulis lalo na yung mga mabababa ang ranggo. Ito ang mga dapat na inuuna pero hanggang ngayon walang pagbabago. Ito lang po ay isa lang po sa mga halimbawa Madame na damdamin po ng mga low ranking officials na hindi makapagsalita, Madame chair.

POE: Opo, medyo naiintindihan ko po sapagkat ako po'y naging isang judge don sa isang competition ng outstanding police officer. Talagang hahanga ka sa mga... yung ang hangad talaga ay karangalan. Pero yung nga, yung kakulangan ng liderato... hindi ko babanggitin kung sino nagsabi no? Nararamdaman nila yan. Kaya nga sabi ko, I still want to give him the benefit of the doubt kasi diba dapat impartial ka naman sa pagdinig e. So, sa kanya naman... yun nga e, alam ko marami kang responsibilidad bilang PNP Chief pero kasama sa pagiging namumuno ng ahensiya, kailangan mayroon ka ring pagkakataon na magsalita para mas maintindihan ng mga sinasakop mo kung anong mga plano mo. Kaya't diba nga sabi nila: police presence is important. E, yung presence niya ang hindi maramdaman na unang-una. So, sa tingin ko salungat yan sa mensahe na gusto nilang ipalabas.

FAILON: Well, yun nga po Ma'am na itong inyong paghikayat po sa kanya na humarap nga po sa hearing para masagot nga ang mga issues na ito no? Kasama po dun siguro po dito ho kung mamarapatin ho ninyo, you can take note of this, yung pag-aalis daw po sa physical fitness na requirement at programa ng PNP. Dati-rati po Ma'am, yung kanyang pinalitan, dati-rati po si Gen. Nick Bartolome, every Monday at Friday. Before Nick Bartolome, lahat yan, sina Gen. Bacalzo, Gen. Versoza, ofcourse, sinimulan po ito ni former Sen. Ping Lacson no? Yung nagpapakita po ang chief PNP kasama ang mga opisyales. Okay boys, eto dito pasiklaban to sa inyong kakayahan diba? Na tumakbo, kakayahan mo mag-barracks, mag-push up, mag-pull up, lahat no? Para din sa maganda hong pangangatawan ng ating mga alagad ng batas. Hinahanap yan ngayon ng kanyang mga opisyal dahil inalis niya.

POE: A, ganon ba? Hindi ko alam kung inalis niya pero...

FAILON: Oo, inalis niya ho Ma'am. Yan po ang hinahanap. Wala na po yan ngayon. Wala na yung regular na physical fitness na dyan sa grandstand ginagawa po yan. Ang nangunguna dyan ay Chief PNP ma'am.

POE: Maraming salamat sa inyong input tungkol dito. Syempre tatanungin natin kasi kasama yan sa hindi lang physical boost ano, pati moral boost ng ating mga kapulisan. Sa ating mga kababayan hindi lamang po ito pagdinig para magbintang. Kasama po sa aming pinag-aaralan ay magkaroon tayo ng national emergency line. Kasi po merong 117, pero hindi po alam ng marami ang nagpapatakbo po nyan ay isang foundation hindi po gobyerno. Iilan lang po ang seats sa call center nila. Yung sabi nga ng isang VACC rep, ang Pilipinas kapag tumawag tayo ng Jolibee o kaya McDonalds agad-agad within 30 minutes may delivery na daw. Tapos sabi nya, dapat naman siguro meron din tayong crime fighting line. Kasi yun po ang aming panukalang batas ano. Tayo ang call center capital of the world, one of the capital to the world in call centers, bakit hindi natin kaya ang ganitong uri ng ano. Lahat naman ng ating presinto meron sa iba't-ibang lugar. So dapat agarang pagpunta sa mga nangangailangan ng emergency. Pero bago pa yan magtagumpay, dapat syempre may tiwala ang ating kababayan sa liderato ng pulis. Kasi kung hindi, hindi na sila tatawag, matatakot din naman sila. Kaya yun po marami rin po ang dapat ayusin dyan.

FAILON: Opo. So mga kapamilya ano po, ito po ay hearing hindi lamang para manisi or maghanap ng sasangkalan dito kundi para iimprove pa ang serbisyo ng pulisya at ibigay ang kanilang pangangailangan.

POE: Tama po. Nabanggit nga natin pati ang housing ng pulis, nabanggit ni Sen. Marcos, ay uusisain. Ang isa pa po ay yung reporting system ng administrative cases ng mga pulis, yung Napolcom hinihingan natin ng datos kung ilan na ang nareresolba nila at gaano kabilis. Kasi po may mga usap-usap, sinabi nga ng VACC na merong nadismiss na kaso ng Napolcom sapagkat inuutos daw. Pero lahat ng ito ay alegasyon lang. Kaya nga po hinihingan natin sila ng patunay kung ano ba talaga ang ginagawa nila. So dapat standard database ng mga police administrative cases. Kunyari ako, isang lider ng isang presinto, bata ko yung nagkaroon ng sala, itatapon ko sa isa, hindi naman nila alam kung anong mga naging kaso nito. So isa po yan sa ating tinutulak.

FAILON: Madam ano ho, we will give you materials kasi po, meron na po tayong RA 8551, The Philippine National Police reform and re-organization act of 1998. Dito rin po nakalagay, Napolcom, etc at klaro na dito pati sa rules nila kung gaano kabilis dapat maresolba ang reklamo, etc. So para ho kapag nag-hearing kayo, you can ask Napolcom na kumpleto naman na kayo, ano pa bang batas na kailangan ninyo. Meron na kayong batas.

POE: Oo nga po.

FAILON: Just a matter of implementing it ano ba ang problema ninyo ba't umaabot ng limang taon yung inaakusahan ng hulidap dati andyan pa rin.

POE: Tama po. Salamat po kasi alam ko pati naman yung mga courts natin meron naman talagang hangganan yung mga kaso nila e. Merong 1 year or six months depende sa sitwasyon.

FAILON: Yes ma'am balak din po namin kayong tulungan. Ang hanap po talaga namin dito ay reporma, reform po ang hangarin natin sa hearing na ito. Ma'am, last point lang po kung mamarapatin niyo po ito, sinabi po ni Sec. Mar Roxas lifestyle check, sinabi din po ng Malacañang ay lifestyle check, pwede po ba nating balikan yung sinasabi nilang leadership by example na ikaw ang ehemplo, ikaw ang leader, sa'yo tumitingala ang lahat, ikaw ang dapat maging, sa aming mga Waray ay sus garanan, ikaw dapat yung idolo. Ma'am, marerequire niyo po ba si Gen. Purisima na magdala ng kanyang statement of assets, liabilities and net worth?

POE: Sa tingin ko iyan ay public record dapat. Hihingin po natin iyan, alam niyo para sa akin, hindi para mang-insulto pero iyan din po kasi yung batayan ng paninilbihan natin sa gobyerno at alam naman natin kung ano ang sweldo natin. Ang problema lang at ang makakalusot lang ay kung alam mo na ang kabiyak mo o ang iyong pamilya ay merong ibang pinagkukunan. Hindi naman kasi ibig sabihin na kapag tumaas ay may ibig sabihin na pero pwede po siguro nating hingin. Maari pong hingin iyon.

FAILON: Yes ma'am kasi tingin ko po ito ay valid dahil number 1, ito ay official public document na dapat with or without FOI ay madali mong makukuha.

POE: Tama po.

FAILON: Pero we will inform you ma'am, if I'm not on the air kung ano ang issue diyan, but again ito ay kumbaga request lang din po sa inyo na kung kayo po mismo na committee chair na nagsusulong ng FOI at isang kagalang-galang na senador ng bayan, halal ng bayan ay hindi pinagbigyan sa SALN papano pa kaya kami?

POE: Hindi, actually sa pagiging patas na sinabi naman ng Malacañang na they also encourage the investigation, even the chief of PNP. Kung totoo yung sinasabi ng Malacañang, walang problema politically dahil sinabi na mismo ng mga boss niya.

FAILON: Sige po madam, we will be keeping in touch at abangan po namin ang next hearing niyo and we hope and we pray na si General Purisima ay maka-attend na po sa hearing after all ng pinag-usapan natin dito ay hindi lang po siya kung hindi ang buong Philippine National Police na inaasahan po natin ang magandang serbisyo, mabuti na lang po at maganda po kayo.

POE: Naku naman maraming salamat sa kabaitan mo. Para sa mga nakikinig, ang punto ng hearing na ito ay para maitaas ang antas ng seguridad sa ating bansa hindi lamang po para mambintang. Gusto ko rin pong magbigay ng mensahe sa ating mga kapulisan na gumagawa ng kanilang trabaho na sana po ay huwag kayong mawalan ng loob at ginagawa namin ang aming makakaya pagkat limitado sa Senado para maisaayos din ang pagpapatakbo ng institusyon pero alam ko na marami din namang mabubuting pulis pero para dun sa mga iba na inaayos na namin yung batas para mahirapan na silang makalusot.

FAILON: Yes ma'am. Madame Chair again good luck po sa inyo

POE: Salamat din sa inyo.

News Latest News Feed