Press Release
September 23, 2014

Transcript of Sen. Grace Poe's dwIZ interview

On Gen. Purisima's SALN

CELY BUENO: Makakasama natin ang chairman ng Senate committee on public order, Sen. Grace Poe. Hi Ma'am, magandang umaga po.

SEN. GRACE POE: Hi, magandang umaga Ms. Cely, Manong Jess at Manong Joel. Magandang umaga po!

BUENO: Ma'am, mukhang bukod sa inyo ay dumarami na po yung mga grupo na nananawagan na talagang isapubliko itong SALN ni PNP Chief Purisima dahil nga daw po sa mukhang dumarami yung nagsasabi na mayroon yatang hindi maipaliwanag na yaman itong ating hepe ng Philippine National Police.

POE: Opo, alam mo ito po dapat ang maisip ng ating mga kasama sa gobyerno--lahat ng naninilbihan pati yung mga hinala--na ang SALN ay isang public document. Ang ibig sabihin po niyan ay dapat yan po ay madali mong maipapakita kung yan po ay hihingin. Hindi naman po sa pagsi-single out sa kanya lamang, pero lalong-lalo na po dahil siya ay namumuno ng kanyang tanggapan. Hindi ko po maintindihan bakit napakahirap kunan, napakatagal, nawawala pa sa civil service tapos yung OP ay walang kopya tapos ang PNP mismo ay wala. Mas lalong kaduda-duda yan.

BUENO: Pero dun ho sa inyong ipinadalang sulat na inuutusan nga po itong si PNP Chief Purisima na i-submit ito, nagbigay na po ba sila ng commitment na sa hearing ninyo next week, Sept. 30 ay haharap na po siya, dala yung naturang dokumento.

POE: Opo, mayroon naman po... nagpahatid naman po ng mensahe sa pamamagitan ng kanyang representative, kausap po ng chief of staff namin na magbibigay naman po sila ng kopya at siya naman po ay dadalo sa aming hearing sa Sept. 30.

BUENO: Ma'am, itong ganitong hakbang ng inyong committee ay hindi lang naman po ang nag-trigger dito ay yung medyo pagka-irita po nung nakalipas na hearing na sa halip na siya yung dumalo ay nagpadala lang po ito ng representative.

POE: Oo nga e, Ms. Cely kasi 'di ba alam naman po ninyo yan sa Senado, standard procedure naman na nagbibigay kami or your representative pero pag hindi ka naman makakadalo, for the record kailangan sinasabi kasi mayroong conference abroad, mayroon talagang bagay na hindi maiiwasan. E, yung sa kanya po yung kanyang pinadalang representante ay hindi naman po alam ang kanyang schedule, hindi ko naman po sinasabing kasalanan ito nung kanyang ipinadala, ito po'y kanyang responsibilidad. Sabi ko nga, yung hindi niya pagkadalo ay mas lalong nagkaroon ng pagdududa sa kanya dahil sabi nga niya, sabi nga nila: police visibility, isa sa kanilang gusto sa PNP. E, siya nga mismo hindi visible, hindi ba? So, medyo nakaka-disappoint po yun.

BUENO: Ma'am yung isa sa kinukwestiyon, yung sinasabing pinatayo, pina-renovate na white house dyan sa Kampo Krame. Kung yung ginamit po ba doon ay idinonate, kwestiyonable po ba yon? Tama po ba sa isang opisyal ng PNP na tumanggap ng malaking halaga na donation mula sa isang grupo?

POE: Hindi naman po masama kasi alam niyo kahit po yung National Historical Institute o kaya yung foundation, maraming mga fundraising events yan kaya lang po lahat ng fundraising event, usually nireresibohan yan diba? Kasi donation nga iyan na legal. So, hindi naman masama yun sigurong white house nila kung yan siguro ang gusto nilang gawin kaya lang kailangang ipakita sino nag-donate at bakit yun ang inuna dahil diba marami naman tayong mga proyekto para sa ating PNP lalo na yung talagang mga nangangailangan na bigyan ng tamang housing. Para sa akin yung mismong SALN niya atsaka yung leadership capability. Kasi yung white house pag-alis naman niya sa pwesto, hindi naman niya madadala yun e. Yun ay isang property ng gobyerno, pero kunwari ako isang donor, nagbigay ako ng sabihin na natin ten million sa white house, aba e gusto kong masigurado na yung ten million na yun ay napunta talaga sa white house diba? At hindi napunta sa iba pang mga personal na proyekto.

BUENO: So, Ma'am sa hearing next week, Sept. 30, ang pagtutuunan po dito ng pansin sa inyong imbestigasyon ay ito ngang kakayanan ni Purisima bilang pinuno ng PNP and at the same time yung kanyang SALN. Kasi ngayon po mayroon nang nag-file ng kaso sa kanya sa Office of the Ombudsman, kinasuhan po siya ng plunder, graft at indirect bribery.

POE: Tama po, alam mo kasama kasi sa liderato mo ay yung iyong kredibilidad diba? Pwede tayong gumawa ng mga batas na kung anu-ano para ayusin ang sistema pero papaano mo yun iimplementahin kung wala namang tiwala sa'yo ang iyong mga sinasakupan. So, isa po yan sa tatalakayin natin, ang SALN, pero tama yung sinabi ni Ms. Cely, may kaso na po sa Ombudsman, mayroon pong finile dyan. Ngayon, nirerequest ko, alam ko maraming trabaho ang Ombudsman pero sa mga kaso ng SALN lalong-lalo na sa mga pinuno ng tanggapan, siguro pwede silang magbigay ng deadline na pag kaso ng SALN, within one month or within two weeks, pwede ng magsabi kung magkakaroon ng administrative leave yung tao na yon habang iniimbestigahan namin sapagkat alam mo, palagi kong sinasabi, hindi yan murder investigation na kailangan na mayroon kang witness, thumb print o kung ano pa man. Eto, nandon lahat--public document ang magbeberipika. Magkano ang sweldo mo, kaya mo ba talagang bumili niyan, tama ba yung deklarasyon mo o nagkamali ka by the millions? Parang hindi na pagkakamali yan, malisyosong pagtatago na yan. So, sa tingin ko mas madaling maberipika ang mga sinasaad sa SALN kaysa sa mga iba pang mga imbestigasyon. So, tapusin natin within a few weeks bigyan na ng administrative leave kung kina-kailagan at within a month, pwedeng ma-suspend o tanggalin.

On the rising crime rate

PAREDES: Senador, ganito po diba? Mukhang ang senado, paborito nila mga personalities sa imbestigasyon. Sa public order, sa komite niyo... marami pong problema e, kidnapping, yung pagtaas ng kriminalidad na dine-deny ng pamahalaan, hindi niyo pa ito tinitingnan ngayon?...

POE: ...Tama po Mr. Paredes, yun nga yung nakakalungkot. Nababalot ng kontrobersiya yung dapat natin talagang pagtuunan ng pansin na yun yung kriminalidad at yung puno't dulo niyang kriminalidad na yan ay yung kung kaya mo ba talagang mamuno sa ahenisya na yan. Kasi nga, isa yan sa aming sasabihin, yung modernization ng PNP may mga batas kami na nakabinbin na tatanungin natin sila ng kanilang opinyon. So, bago pa man yon e dapat masiguro natin na ang mag-iimplementa nito, yung PNP mismo ay may kapabilidad. Yung kanila bang liderato ay marunong. Kaya nga po yung unang hearing na hindi niya sinipot, yun talaga yung pakay nun kaya nga nandun pa yung Volunteers Against Crime and Corruption di ba? Dahil nga magbibigay din sila ng opinyon nila.

PAREDES: Nandito yung 'hulidap' ano? Sabi ng pamahalaan natin: nakita niyo ba na na-solve natin kaagad ang problemang ito. Pero isa lang 'to sa dose-dosenang o daan-daang kaso...Ngayon tulad nito sabi nga natin kidnapping, it was an issue last week or two weeks ago. Suddenly nawawala na ho in the meantime, siyempre ang mayayaman kasama na ang Chinese community ay nababahala ho. Ano po ang magagawa ninyo?

POE: Opo, alam niyo po sa mga hearing namin may napasa na po kaming batas at kahit sa dangerous drugs. Halimbawa yung isang amendment doon sa section sa Dangerous Drugs Act ay ginawa po namin na madaling makakahuli ng mga drug dealers. Halimbawa dahil hindi na kailangan ng tatlong witness at two witness na lang. At malaking tulong po yan kaya nga ang pagdinig natin hindi talaga dapat lamang na pagbusisi ng lifestlye ni chief PNP. Kasama po diyan sa batas katulad ng pagkakaroon ng national emergency hotline katulad ng 911 sa Amerika. Pagrerepaso doon sa mga sweldo ng ating mga pulis. Pangatlo pagkakaroon ng pag-uusisa ng kung yung mga graduates ng K to 12 para hindi naman lahat college graduates na iba naman...may ibang posisyon sa PNP na pwedeng mga graduates ng PNP...ng K to 12 ang pumuno para mas mabilis tayo makaka-recruit. Ang mahirap niyan, ikaw college graduate ka tapos ang sweldo napakaliit natural iisip ka ng paraan para mapunuan yung kinikita mo at hindi nagagawa lang diyan sa sweldo ng pagiging pulis na tapat. Kaya nga po isa po yan sa ating tatalakayin sa hearing natin.

BUENO: So, Ma'am kahit po itong imbestigasyon ng inyong committee na in-aid of legislation pero sabi niyo nga kanina kung lilitaw duon sa pag-iimbestiga kay PNP Chief Purisima na wala siyang kakayahan na gampanang epektibo yung kanyang tungkulin at parang meron pang issue duon sa kwestiyunableng mga property na maari pong mag-rekomenda ang inyong komite na isuspinde o kaya sisibakin po siya sa puwesto.

POE: Alam niyo po kasi pagdating sa personalidad o kaya pagdating sa trabaho ng isang government official ang pag-uusisa ng kredibilidad, yan po ay sa Blue Ribbon Committee. Pwede po kaming mag-submit ng findings namin sa Blue Ribbon tapos sila ang mag-uusisa niyan. Kasi yun po yung kanilang poder.

BUENO: Ma'am si Thelma po.

On police involvement in criminal activities

THELMA DUMPIT-MURILLO: Good Morning Senator, Thelma Dumpit. Nabanggit niyo po kanina yung sa K to 12, yung sa educational background kasama po diyan siguro yung values formation para sa pulis.

POE: Opo, tama po kayo Ms. Thelma kasama po talaga diyan. Alam mo maganda naman siguro ang lesson plan nila kaya lang ang problema nga yung totoong serbisyo nila na pagkatapos nila diyan mababa yung sweldo nila pati sa housing nila hindi pa maganda, yung demoralization nila pagdating sa kanilang leader. Kaya systemic po, tama po yung sinabi ni Mr. Paredes, systemic po talaga yung problema. Kaya nga po hihimay-himayin natin hindi natin masasabi na matatapos agad ito ng isang hearing sapagkat napakatagal na po ng ugat ng problemang ito. Pero kailangang matunton kung ano magagawa natin sa lalong madaling panahon. Ang isa na nga diyan yung recruiting process natin. Sinasabi ko nga yung sample exams sa promotion and recruitment for police officers. Nakakalito, halimbawa may mga questions nga dun sinasabi ko, 'Where is the Summer olympics in 1976 held?' Yung mga questions na ganyan, tinatanong ba talaga sa pulis yan. Hindi naman dapat kaya naman tuloy madaming nahuhuling nandadaya sa exams. Duon pa lamang sa exams may nakahuli na silang pitumpung mga nandadaya, I think that was two years ago. So, obviously may problema kahit duon sa sistema nila.

BUENO: So Ma'am, dahil dito sa dumaraming krimen like kidnapping, hulidap ay naiinvolve yung mga pulis. Ilang mga kasamahan po gaya ng samahan ni Teresita Ang-See na nanawagan na para magbitiw sa tungkulin si PNP Chief Purisima. Masisisi po ba natin yung mga ganitong grupo, ang mga concerned citizen na manawagan ng ganito dahil naalarma na sila sa mga dumarami o tumataas na crime rates sa ating bansa.

POE: Alam mo siyempre hindi. Alam mo para sa akin ganito lang yun, kapag ikaw ay namumuno ng isang tanggapan, dapat mayroon ka talagang purpose na mas mataas. Meron kang layunin na mas mataas kaysa sa sarili mo. Hindi mo pwedeng ikaladkad ang iyong ahensiya sa dumi na kapag mayroong paratang sa iyo ang pinaka-siguro na pwede nating masabi, bakit hindi nalang boluntaryong mag-leave habang iniimbestigahan yung kaso. Alam niyo, alam ko, tiwala ang ating Pangulo sa chief PNP pero siguro pwede niya ring suklian ang pagmamahal ng Pangulo sa kanya sa pamamagitan ng pagbo-boluntaryong ipaubaya ang imbestigasyon na walang duda. Kasi alam niyo naiintindihan ko talaga ang loyalty na kung siya'y pino-protektahan niya ang pamilya ng Pangulo, naiintindihan ko yun kaya sa tingin ko may natitirang pagmamahal at paggalang sa kanyang sarili para sabihin na 'mahal na Pangulo wala po kayong problema na hindi ko po sinasabi na ako'y may sala pero bigyan ninyo ako ng pagkakataon na maidepensa ang aking sarili para hindi na makaladkad pa ang inyong tanggapan dito sa gulo ko'.

MURILLO: Ma'am in fairness po sa ating kapulisan hindi naman po ganung kalaki ang mga tiwali, ano po. At saka...

POE: Hindi naman lahat...

MURILLO: Oo at isa pa po duon ay marami pa ang pumapasok na idealistic di po ba, pero kapag nasa sistema na nasisira sila at nakakadagdag pa ito pong mga utos na nangagaling kung saan-saan na mas nakakataas sa kanila.

On PNP's Budget

POE: Isa pa kasi nating dapat tingnan mayroong mga alegasyon na sinasabi na yung low ranking officers ay may P7,000 a week na binibigay sa higher ranking officer. Isa po iyan sa pwede nating tingnan kaya po, alam niyo po, tama po kayo mas maraming gumagawa ng kabutihang na mga pulis isipin po natin yan. Kaya nga lang ay yung konting gumagawa ng kasalbahian ay malakas ang impluwensiya na nahahawa. Ang sabi nila yung bulok na prutas sa kaing kapag hindi mo tinanggal diyan, mahahawa yung mga katabi. So, ito po yung isang tinitingnan natin, alam niyo po yung maintenance and other operating expenses ng pulis sa presinto, P1,000 per police officer per month. Yan ang kinukuha nilang pambayad ng kape at pambili ng panglinis duon at kung ano pa. Eight liters of gas lang ang ginamit para sa kanilang patrol. E anong gagamitin nila panghabol sa mga gumagawa ng kalokohan? Talagang kulang na kulang ang suporta doon sa ibaba pagdating sa allowances ng ating mga pulis kaya nga ang sabi nila, ito yung kwento-kwento, sino pa ang magiging padrino nila kundi ang gobyerno, e di siyempre yung mga drug lord at jueteng lord. Dahil sila yung pupuno ng allowance na hindi mabigay ng ating gobyerno.

PAREDES: Senadora, Jess Paredes po.

POE: Hello, magandang umaga po Manong!

PAREDES: Sinabi niyo ho na nahahawa, nahahawa ho ba o naiinggit? Naiinggit po pala yung iba dahil highlight yung mga kasama nila, sila hindi.

POE: Oo, tao lang naman po diba?

Jess PAREDES: Oo tsaka sumusunod lang sa sistema.

POE: Opo.

Jess PAREDES: Oo, kasi alam niyo ang aking tao sa opisina... sumakay ng bus galing sa Muntinlupa hanggang dito sa Maynila. Tatlong pulis ang pumigil sa kanila, panay lagay along the way.

POE: At saka alam niyo po Manong Jess, kasi yung problema... kung hindi ka naiinggit? Eto ang mangyayari, sasabihin sa'yo: o, ano mag-iingay ka ba? Edi, mao-ostracize ka pa o ikaw ay parang out dun sa barkada kung ikaw ay nagsumbong diba? So, talagang napakahirap po talaga ng mga sitwasyon rin nung mga nais gumawa ng matinong bagay kasi yun nga yung mga ibang mga 'bully' na mga pulis ang magsasabing: wag kang magsusumbong, kung hindi lagot ka sa amin. O, papaano na ngayon yan?

BUENO: Okay, Sen. Poe... kasama ho natin at babati po si Cong. Jonathan dela Cruz. Cong. Jonathan, good morning.

DELA CRUZ: Good morning! Magandang-magandang umaga!

POE: Good morning Congressman!

DELA CRUZ: Magandang umaga po Senadora! Maganda po itong ginagawa po ninyo at importante po na mailagay natin sa tama ang gawain natin sa gobyerno. At itong kapulisan, napakaimportante pong sangay ito ng gobyerno natin at sila dapat ang nagpapatupad ng kaayusan.

POE: Tama po, salamat po Congressman.

On the PNP Modernization Bill

DELA CRUZ: Oo at kami rin po sa House, may on-going probe team po kami kasi it's part of the hearings on the PNP Modernization Act kasi marami pong kailangang ayusin doon pati na yung kanilang training, pag-aayos. Kasi minsan, nagkakaroon... o hindi lang minsan, nagkakaroon ng malaking problema mismo yung kaayusan ng kanilang pagte-training sa loob ng PNP pati na yung PPSC o Philippine Public Safety College, kailangan ma-harmonize ng mabuti at iyong values formation po ay napakaimportante po nun.

POE: Tama po kayo Congressman.

BUENO: Isang tanong na lang po siguro galing sa akin. Napag-aralan po ba o may nagawa kayong pag-aaral kung ano pong buti ang ginawa na civilian in character yung PNP dahil kung hindi niyo pa po nalalaman, yung ating kapulisan ay dating parte ng Armed Forces of the Philippines?

POE: Tama po. Tama po.

BUENO: Meron po bang mga ganyang pag-aaral na nakabuti po ba ang paggawa niya ng civilian in character o mas mabuti yung dating estado natin?

POE: Hindi. Alam niyo po kasi anibersaryo na ngayon ng Martial Law. Kailangan talaga malinaw kung ano ba talaga yung pumoprotrekta sa atin domestically at yung iba naman ay kung merong threat sa ating souvereignty. May pagkakaiba po dun. Sa tingin ko maraming kailangang ayusin. Tama po kayo kasi ito nga yung problema, kung merong kaso sa internal affairs ng pulis tapos bigla na lang papatungan ng parusa siyempre inaapila pa nila sa Civil Service Commission. Napakatagal po ng proseso kasi nga sibilyan na nga sila. Kaya nga isa po iyan sa tinalakay nung isang hearing kung papano ba natin ma-streamline ito kasi nga dahil sa sibilyan na nga po yung status ng ating mga pulis siyempre yung mga proseso at kanilang karapatan pareho din sa sibilyan na government employee. Napakatagal po.

DELA CRUZ: Kasama na din siguro Senadora yung pagtitingin kung dapat bang ibalik sa dating kaparaanan kasi dati may local police forces ibig sabihin yung mga kapulisan nanggagaling mismo sa lugar nila at dun sila mismo nagsisilbi at meron namang national police force parang national guard na ang tawag natin dati ay Philippine Constabulary.

POE: Tama po. Well pag-aaralan naman pero siyempre uunahin natin yung modernization. Titignan muna natin ano ba yung matutulong natin pero isa nga po iyan sa mga tatalakayin kasi nga po papano nagiging mahirap ang pagsugpo ng katiwalian within the organization dahil ngayon ay naging civilian na sila. Hindi na sila part ng constabulary pero isipin din natin ang ating demokrasya lalong lalo na kung military po ito makikita natin na marami pong secrecy within the AFP na hindi po natin basta basta pwedeng imbestigahan kung saka-sakaling nakikita nating may anomaly at nakikita natin na may mga kaso na dun lang sa Court Martial malilitis at hindi man lamang tayo informed kapag national safety ang pinag-uusapan at baka lang gamiting dahilan iyan kaya yun dapat ang ating iwasan kapag binalik sa military...

BUENO: ...Sige ma'am hindi namin kayo aabalahin dahil may hearing pa nga po diyan sa Senate. Maraming Salamat po sa oras ninyo.

DELA CRUZ: Maraming Salamat!

POE: Maraming Salamat karambola.

News Latest News Feed