Press Release
October 29, 2014

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon

Q: Yung update po sa Senado ngayon, ang ating pong pina-follow up ay yung amendments sa Fisheries Code of the Philippines para hindi na maban yung mga ating produkto sa Europe, tulad ng tuna. Update po diyan, Mr. Senate President?

SPFMD: Tama po iyan. Siguro ipaliwanag natin, dahil hindi pa ata ito nalalaman ng ating taumbayan. Nalalagay po kasi sa panganib ang ng ating mga kababayan sa fishing industry lalo na po sa General Santos at sa Navotas, dahil po mayroon pong balak na iban ang ating mga export products sa European countries.

Ano daw ba ang dahilan? Dahil daw po marami ang Illegal, Unregulated at Unreported (IUU) fishing daw sa bansa, tulad nuong mga gumagamit pa rin ng dinamita. Mahina po ang enforcement, at higit diyan, mababa ang parusa. Kaya ang sabi sa atin ng Europa, kapag hindi niyo inayos ang inyong mga batas, ay baka hindi na nila payagan na pumasok ang ating mga tuna at iba pang export. Pangalawa, kung makapasok man ang ating produkta, itataas nila ang taripa - o yung customs duties sa kung ano man ang papasok.

Kaya naman aming sinikap na maipasa itong isang panukalang batas, yung SBN 2414. Tinaasan natin diyan ng husto yung mga fine o multa sa sinumang mahuhuli. Sino mang mahuhuli na illegal yung kanilang paraan ng pangingisda tulad nuong mga gumagagamit ng dinamita ay haharap sa multa na aabot sa P10 million, kung yan ay large scale fishing.

Yung mga makokolektang fines o multa ay ilalagay sa isang pondo, kung saan ang mga nalilikom na pera sa registration o sa mga iba't-ibang fine ay ibabalik natin sa mga mangingisda mismo, para sa kanilang hanap buhay, to help improve the local fishing industry. Malaking bagay po iyan, at bago matapos ang taon ay maisasabatas na iyan - sa kadahilanang kapag hindi natin gagawin ito ay marami sa ating mga mahihirap na kababayang mangingisda ay lalong mahihirapan, o baka mawalan pa ng trabaho.

Q: Ano po ang enforcing agency na dapat managot diyan?

SPFMD: Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, o yung BFAR, at ang ating mga local government units, sila po ang enforcing arm pati na po yung maritime section ng ating Philippine National Police.

Q: Yung Philippine Coastguard at Navy po?

SPFMD: Kasama rin po sila. Magdedeploy rin po sila, but yung deployment ay manggagaling mainly sa BFAR.

Q: Ano po ba ang pakialam ng Europa at pati yung ating enforcement at yung mga mababang parusa, sa illegal fishing, ay pati yun ay pinakikialaman nila?

SPFMD: Dahilan po na hinihingi natin sa kanila na babaan yung taripa o yung custom duties pagpasok ng ating mga isda sa Europa. Pangalawa, ay siyempre, may mga environmentalists duon na nagsasabi na hindi nakasangayon ang ating mga batas, at hindi sapat para bawasan ang illegal na pangingisda dito sa atin.

Q: So ito po ay out of concern nila?

SPFMD: Tama po iyan, ito po ay out of concern nila. Malaki pong bagay iyan, dahil malaki ang epekto nito sa ating bansa. Ang local fishing industry kasi, ay bumubuo ng 2% ng GDP o buong ekonomiya ng Pilipinas. Libo-libong pamilyang Pilipino ang umaasa sa pangingisda, both large-scale and small-scale.

Q: Ang Customs Modernization Act, para naman maaddress itong delay sa delivery ng mga Christmas parcels at balikbayan boxes, ano na po ang ginagawa ng Senado diyan?

SPFMD: Ay tama po iyan. Ngayong malapit na ang Pasko ay marami sa ating mga kababayan ang naghihintay o nagbibigay ng regalo sa kanilang mga kaanak dito sa Pilipinas. Kaso, may problema tayo sa ating Customs. Alam naman natin na may port congestion, at may mga delay sa packaging, kaya merong mga hindi nakakalabas. Ngunit yan po ay isang problema na tinututukan ng ating task force duon sa traffic, kasama si Mayor Erap sa Maynila.

Pero maliban diyan, alam naman natin na malaki ang nawawala sa ating bayan dahil sa smuggling. Kaya ngayon po ay pinapatibay natin ang Bureau of Customs. Isang mahalagang bahagi niyang pianguusapang batas ay yung modernisasyon ng sistema at proseso sa BOC. Ibig sabihin niyan, gaya sa mga mauunlad na bansa, dapat electronic ang pagproseso sa import at export.

Sa ngayon kasi, madaming human intervention sa proseso. Alam mo naman kapag may human intervention ay medyo naiiba ang usapan. Kaya nga po aming in-aauthorize sa batas na iyan na dapat ay hindi na manual ang proseso. Kung via computer na ang proseso, malaki po ang matitipid natin na oras at pera ng pamahalaan, at sabi ko nga, mababawasan ang pagkakataon sa korapsyon at smuggling duon sa ating mga pier.

Ipapasa po natin ito sa Kongreso, at sa susunod na taon ay meron na yang Customs and Tariff Modernization Act.

Q: Flashback lang po, tinatanong lang ng mga kawani ng ating pamahalaan, yung tax exemption sa 13th month pay, at Christmas bonuses, ay aabot daw po ba ngayong Pasko?

SPFMD: Pagbalik po namin pagkatapos ng Undas, amin pong ipapasa sa Senado po sa November 17 or 18 thereabouts, itong batas na iyan. Ngayon ang implementation niyan ay nasa Bureau of Internal Revenue. Pero sa buwan ng November, amin na pong ipapasa iyan sa Senado.

Q: Sana naman daw umabot, para po yung kanilang bonus ay wala nang tatanggalin duon sa sanang makukuhang benepisyo.

SPFMD: Ang aking pong maipapangako ay, dahilan po ito ay ini-sponsor ni Sen. Sonny Angara at ni Sen. Ralph Recto nuong nakaraang linggo, at ito po ay magtataas ng tax exemption sa 13th month pay mula sa kasalukuyang P30,000 papunta sa P75,000. Ipapasa na po iyan sa Senado sa Nobyembre. Ang date ng implementation niyan ay nasa Bureau of Internal Revenue.

Q: Ang follow up namin diyan pala ay dapat sa BIR na ano po?

SPFMD: Opo, tama ka diyan.

Q: Update naman po sa Bangsamoro Basic Law?

SPFMD: Ay katatapos lang po ng pagdidinig diyan ng Kongreso. Kausap ko po kahapon ang chairman ng Senate Committee on Peace, Unity and National Unification na si Sen. Bongbong Marcos at ibinahagi niya yung usapan sa Mindanao. Nagikot po sila sa buong Autonomous Region of Muslim Mindanao. Siyempre, may mga kasamahan tayong hindi sangayon, pero by and large, higit na mas nakakarami ang sangayon sa Bangsamoro Basic Law.

Ito po ay kailangan natin. Ang kapayapaan sa Mindanao ay kailangan hindi lamang ng mga taga-Mindanao kung hindi ng buong bansa, para matulungan natin ang mga mahihirap na kababayan natin diyan sa ARMM. Natutuwa po ako na kahit hindi man lahat ay vast majority of the people - o malaking mayorya- ay sangayon po dito sa peace process, at pagbuo ng Bangsamoro Basic Law.

Sabi ko nga po, bago matapos ang Marso ng susunod na taon ay atin pong matatapos itong panukalang batas.

Q: May binanggit po si Retired Justice Vicente Mendoza na 5 sa mga provision ng Bangsamoro Basic Law ay sumasalungat sa nakatakda sa Saligang Batas.

SPFMD: Pag-aaralan po natin ang sinasabi ni Justice Vic Mendoza. Yaan po ay opinion ng isang dating hukom, at yaan po ay dapat ating pag-aralan. May iba-ibang pananaw talaga dito sa BBL, at ultimately, aabot ito sa Korte Suprema dahil siyempre may mga sector na hindi sangayon diyan. Pero ang importante rito, ay ang kapayapaan, at dapat we should resolve all doubts in favor of sustainable peace and development.

Kung meron mang mga konting technicality diyan ay hindi mo maiwasan na mayroong sasalungat. Pero lahat po iyan ay paguusapan natin, kung paano maiaadjust iyang panukalang batas, basta po hindi sasalungat sa Konstitusyon at sa peace agreement, ay gagawin po ng Kongreso iyan. Q: Tinuldukan na po ni President Noynoy Aquino yung mga spekulasyon tungkol sa kanyang term extension. No more reelection.

SPFMD: Sabi ko nga Neil, ang ating Pangulo ay laging nakikinig sa kanyang mga bosses. Tumitingin siya sa mga resulta ng survey. Umaakto siya ayon sa interes ng sambayanan, at nakikita niya na naman na siguro na masyadong divisive lang itong pagkakaroon ng term extension, kaya kahit ano pa ang nakikita ng mga ilang supporters ng administrasyon - na mabuti ang gawain ng Pangulong Aquino, kaya dapat ipagpatuloy - sabi niya tuloy, "Basta tama ang ating ihalal na mga susunod na lider at ang mga repormang ating nagawa ay siguradong ipagpapatuloy."

Q: Ang sabi ni President Aquino, bomalabs daw ang pagbibigay sa kanyang emergency powers dahil hanggang ngayon ay hindi pa naipapasa ng Pangulo ang mga hinihiling na emergency powers para sa energy crisis. Sa Senado po ba, kamusta?

SPFMD: Alam mo Neil, hindi lang basta-basta o madali itong hinihiling na emergency powers. Ibinigay sa amin ito, last week na ng Setyembre. Ang sabi nila, kailangan natin ng P6 billion haggang P10 billion na dapat pambili ng generating sets. Hindi po basta basta nating pwedeng sabihin na kailangan natin ng generating sets.

Unang una, hindi po sapat ang panahon. Pangalawa, tinatanong namin sa Department of Energy na, "Ito ba ay talagang kailangang kailangan na pera ng taumbayan ang gastusin, o pwede ba na sa sector pribado tayo tumingin?" It turns out Neil, ayon sa paliwanag ni Sec. Petilla sa mga hearing, wala na pong brown-outs sa susunod na taon dahilan po sa Marso hanggang Hulyo na kinakatakutan nila, ay may sapat na pala na kuryente. Ang kulang ay yung reserve energy, na umaabot sa 21 hanggang 31 megawatts. Ang sinasabi nila, kaya po, hindi kailangang bumili ng emergency generation sets, kaya hindi na kailangang gumastos ng P6 to P10 billion para bilhin o rentahan yang generating sets.

Yan po ang dahilan kung bakit hindi na namin ipinagpatuloy ang debate sa emergency powers dahil mismong Department of Energy na ang nagsasabing hindi na kailangan bilhin yung generating sets na dating sinasabi na kailangan. Ngayon titingnan na lang natin kung paano mapapagtibay yung pagtulong ng sektor pribado, yung mga private generating sets na pwede natin gamitin ng Meralco para maipasa sa mga mamamayan. Ang mahalaga lang, importante siguro na isubsidize natin para hindi magmahal ang singil kung yung kuryente ay galing sa private sector.

Q: Kelan po ba tatalakayin ng Senado yung pagrebisa sa Visiting Forces Agreement natin with the United States?

SPFMD: Yaan po ay irerefer sa Senate Committee on Foreign Relations. Dyaan po ay kanilang pakikinggan ito sa mga hearing ng committee. Hindi ko po alam kung kalian sila magkakaroon ng committee hearing. Marami po kasing constitutional at legal issues diyan, kaya dapat pagusapan ng husto, dahil iyan ay in effect ay isang agreement na pinasok ng ating bansa kasama ang bansang Amerika, at hindi po basta bastang ito ay desisyunan kaagad. Kailangan pong pakinggan natin lahat ng sector,at pagaaralan ng husto ang ating Saligang Batas.

Ako po ay nakakasiguro na pagaaralan iyan ng husto ng Committee on Foreign Relations at ang kanilang report po ay dadalhin sa Senate floor. Hindi ko pa po alam kung alam kung kalian, at kung ano ang kalalabasan ng report, kaya hintayin na lang po natin.

Q: Yung debate nila Sen. Trillanes at VP Binay, dapat po bang ituloy?

SPFMD: Ay nasa sa kanila po iyan, yaan po ay isang debate, naghamunan po sila, ay sa akin mas tamang ilabas ang katotohanan. Kahit ano ang venue, anu mang pintuan, wag po natin sarahan, nang makapagbigay tayo ng liwanag sa issue na ito. Ilabas natin ang katotohanan, dahilan po iyan ang aming objective sa Senado - na ilabas sa ating mga kababayan ang buong katotohanan.

News Latest News Feed