Press Release
February 6, 2015

Transcript of Sen. Grace Poe's dzMM interview with Ted Failon

Ted Failon: Mga kaibigan, si Senadora Grace Poe. Magandang umaga, ma'am!

Sen. Grace Poe: Magandang Umaga po!

Failon: Thank you ho again sa inyong pagtugon sa amin sa pagtawag this morning. Una po sa lahat Madame Grace, what is your stand dito sa proposed Bangsamoro Basic Law?

Poe: Alam niyo po sa totoo lang, kailangan pa pong kilatisin sa Senado. Sa ngayon hindi ko po sinasabi na 'wag na natin ituloy ito, salungat nga niyan para sa akin habang tayo ay emosyonal hindi tayo dapat padalos-dalos sa ating mga desisyon basta ang layunin talaga natin magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao at maging progresibo ang buong bayan natin. Kaya nga lamang po hindi natin talaga ito magagawa kung hindi din natin bibigyan ng katarungan ang mga kaganapan noong mga nakaraang araw.

Failon: So, para ngayong po meron hong koletilya, meron po munang mga dapat na mangyari sa inyong palagay bago kayo mismo, as one vote in the Senate, tumuloy po sa usapin sa pagpapasa ng BBL.

Poe: Siyempre po nakaka-apekto talaga yan. Pero para sa akin, kailangan tuloy-tuloy pa rin ang pag-aaral nitong Bangsamoro Basic Law. Kasi hindi naman minamadali yan eh. Bawat probisyon po diyan ay dapat talaga pag-aralan lalong-lalo na pagdating doon sa law enforcement, yung tulungan ng ating national government. at ang pagkakaroon nila ng sariling domestic law enforcement. Hindi po ako panig sa mga nagsasabing dapat 'wag nang ituloy yan sapagkat para sa akin dapat pag-aralan kung paano makakatulong sa ating mga kababayan at sa buong bayan natin, hindi lamang sa mga taga-Mindanao kundi sa buong Pilipinas. Dahil kung may kapayapaan sa isang panig ng bansa lahat naman talaga tayo ay apektado dito sa mabuting paraan sapagkat at least mga kapulisan natin ay hindi napapahamak doon.

Failon: Ma'am specifically po, ano kayang probisyon sa draft BBL ang inyong mga reservations.

Poe: Reservation na lamang 'no, hindi ko sinasabing dapat ako'y kontra dito ng 100%. May reservation--tingnan natin talaga ang pagkakaroon ng sariling domestic security. Sapagkat ang ibig sabihin ba nito sa tuwing tayo ay pupunta doon ay kailangan tayo ay magpaalam sa kanila? At yung ating national police ay kailangan humingi ng paalam sa kanila pati yung pagpapatrol halimbawa ng mga napapaligiran nilang tubig. Yung tubig sa mga paligid, yung atin bang mga coast guard ay kailangan na bumusina sa kanila bago tumawid sa mga teritoryo. Tapos yung sharing sa Mindanao; tama naman yung buwis nila dapat sila ang makinabang dito. Subalit kailangan talaga yung mekanismo kung saan talagang titingnan natin kung tama ang pagka-gasta. Kasi alam mo sa totoo lang at pasensiya na pero ito po talaga yung nakakarating sa amin. Bibigyan mo nga sila ng malaking profit sharing, halimbawa sa buwis, pero hindi naman nila talaga naitatama, ang COA natin wala nang poder para tingnan kung saan ginamit ang pera nila; mas lalo tayong mahihirapan. Ang mga nakakaabot na kwento sa akin, halimbawa, ang COA hindi nakakagawa ng proper audit sa ibang parte ng Mindanao sapagkat natatakot. Pupunta doon, sasabihin wag mo na pakialaman ito bumalik ka na diyan. Ano ang sasabihin nila kung wala naman silang security na magbabantay sa kanila. Yun po yung sa akin. Okay lang na bigyan sila ng mas malaking parte dahil sa mga kinita nila doon sa kanilang mga buwis at bigyan sila ng suporta ng gobyerno, pero yung accountability at security and importante.

Failon: Well, that is a very good point. Yan din po ang ibang punto ng ibang mambabatas ngayon na namulat. Itong pangyayari sa SAF 44 ang nilikha din po nito ay kamalayan sa napakaraming kongresista at mambabatas. The more na ngayon ay because, with all your due respect kasi ho sa Congress ho for example, yung iba ho diyan, hindi naman po lahat, maybe a few if I may say so, na kung ano ang isinubo kakainin yun ay dahil sa loyalty sa liderato. Hindi na kokontra pa pero dahil sa pangyayaring ito ang iba ho talaga, nag aaral na ngayon ng panukalang ito. Do you agree?

Poe: Opo malaking bagay talaga ang public opinion. Siyempre malaki ang tiwala ng ating mga kababayan sa Pangulo at dahil doon talagang mas madaling makakuha ng suporta sa mga kapulungan. Ngayon pa lang ang ating gobyerno ay nahihirapan na tuntunin ang mga kung sinu-sino, yung mga may mga kasalanan sa batas yung mga wanted kung magkaroon ba ng BBL mas lalo tayong mahihirapan sapagkat magiging maliwanag na teritoryo nila ng grupo na yon. Okay lang po ang autonomy kasi alam niyo po kahit po sa America, yung mga American Indians meron silang autonomy sa kanilang mga lugar. Binibigyan din sila ng tax exemptions para tumulong po sa kanila. Ang tanong po ay ganito, may kapayapaan totoo, hindi sila nakikipag away na katulad noon. Pero tignan din natin, umigi din ba ang buhay nila? Marami sa kanila umigi din ang buhay pero meron din na dahil nga sa sarili nilang teritoryo, wala ring control ang gobyerno, parang nagiging welfare state. Hindi rin umusbong sapagkat yung mga leader lamang ang kumikita.

Yun ang kailangan natin pag-aralan, accountability dun sa governance din ng mga namumuno doon at dapat merong checks and balance na kahit yung national government ay pwede silang i-impeach kung saka-sakali. Ang mahirap diyan, kung sila-sila nalang tapos maging kalaban na nila ang national government, magsarili sila. Pero yun naman ay pwede natin bantayang mabuti sa batas para hindi na umabot sa puntong yun. Kasi kailangan may sarili din silang independence. Kasi tama yung sinabi ni Prof. Clarita Carlos, isipin mo kung ang mga Katoliko ang 10% ng minority at tayo ay tinatrato ng ganoon- gusto ba natin ganon ang trato sa atin? So, isipin din natin yung kanilang kinalalagyan.

Failon: Yes ma'am opo. Talaga hong dapat natin tangkilikin din po ang katotohanan na mayorya ang Katoliko, mas kakaunti po sila. So parang hindi ibig sabihin nun na hindi mo na pagbibigyan, pakikinggan ang kanilang kahilingan. 'Di ho ba? Kasi papaano tayo kung baliktad ang sitwasyon di ba? If we're a predominantly Muslim country. So okay na tayo sa puntong yun madam. Para maintindihan po ng ating kababayan din, itong binabanggit ni Madam Grace Poe ay yun pong pagkakaroon ng COA. Independently from COA national, itong proposed BBL. Kasi po sa panukala nila ngayon ang gusto nilang mangyari hindi sila sakop ng COA ng ating republika sapagkat magkakaroon sila ng sariling COA. Ang binabanggit ay yung accountability, popondohan mo sila okay, pero papaano pag winaldas yung pondo?

Poe: Yun po, pero alam nyo po gusto ko lang masiguro na klaro yung sarili ba nilang COA. Kasi pagdating sa probisyon ay kailangan ko pang balikan yun. Gayunpaman, kailangan talaga meron sa national government. Ngayon pa lang po hindi na makapag audit ng tama kasi natatakot silang pumunta sa ibang teritoryo, pagdating pa kaya sa puntong yun. Sayang naman yung pera kung iilan lang ang makikinabang.

Failon: Actually po, Madam Sen. Grace, ang ilan po sa mga gusto ho dito sa BBL ay magkaroon sila ng sariling COA, magkaroon ng sariling Comelec, magkaroon ng sariling Civil Service Commission, magkaroon ng sariling Human Rights Commission at magkaroon po ng sariling Ombudsman. Lahat po ng ito ay constitutional bodies na nasa ating 1987 constitution. So ito ho ay isa sa mga binabanggit ni Madam Chairperson ng public order committee ng Senate na yun pong COA dahil sa karanasan natin, panahon ni Nur Misuari, nasunog nga yung COA office doon e. Sinunog yung COA office kaya hindi ma-audit. Kaya ang laki po ng slippage, yung nasayang na pera. Pero ma'am dito po sa usapin ng territorial expansion, isa po sa mga laman ng BBL na ito na okay merong plebesito dito sa expanded na areas ng ARMM na magiging sakop ng BBL. But may probisyon dito na dapat daw po payagan ang anuman pong bayan, lungsod o probinsya na kapag nakakalap po ng ganitong porsyento ng botante sa isang plebisito ay maaring magsasabi na sama na kami diyan sa BBL. Ito hong sinasabi na creeping expansion na pwedeng umabot hanggang Palawan, magkaroon ng migration doon ang galing na doon sa BBL areas, dun sila pupunta, eventually dahan-dahan na po, palaki na ng palaki ang BBL area.

Poe: Alam mo marami kasing haka-haka tungkol dyan ano. Yun ang problema, kung ang sariling Comelec nga doon ano, hindi naman siguro yung Comelec na sinasabi mo na gagawin sa ARMM yung National Commission on Elections natin, pero mahirap pa rin. Kasi hindi natin pwedeng sabihin na kailangan mag-eexpand ng mag eexpand kasi baka yung sitwasyon ng panahon ay mag-iba. Maraming nagsasabi nito, kaya kailangan lang natin bantayan. Halimbawa na lang kung yung parliamentary system nila diyan sa BBL ay biglang magsabi, kasama na natin yung mga taga-Sabah, parang isang bansa na kami. Hindi ko naman sinasabi na gagawin nila yun pero ang ibig kong sabihin hanggang saan ba ang kanilang kapangyarihan sa pakikipag-ugnayan LALUNG-LALO na sa ibang teriroryo. Sapagkat kapag nagkaroon sila nito, pwede silang magkaroon ng diplomatic relations at magdeklara ng kanilang alliances. Sa tingin ko ang national government pa rin dapat ang mayroong control tungkol dyan. Pero isipin na natin, may mga lugar sa ARMM na hindi naman lahat ng tao ay sang-ayon sa pagsama dito. Paano ngayon yon? Anong mangyayari sa kanila? Yun po yung mga pwede natin pag-aralang mabuti.

Failon: Yes Ma'am, well said. Dadaan po talaga sa masidhing pag-aaral po at proseso ang panukalang ito before you establish your vote, Madame. That's clear. So, ngayon, how firm is your stand dito po sa demand ng justice sa nangyari po sa SAF 44? Sa paghaharap ng MILF sa mga sangkot dito sa nasabing engkwentrong ito.

Poe: Napakahalaga po nito dahil yan ang unang hakbang para maipakita na pwede natin silang pagkatiwalaan, hanggang saan natin pwedeng gamitin ang dahilan na self-defense. Mayroon nga yung sinasabi doon sa Mindanao, yung kanilang kulturang pintakasi, kung saan dito sa Luzon at sa Visayas kapag nagbabakbakan, syempre you act based on self-preservation, umiwas ka sa gulo. Doon kapag may nagbabakbakan diumano, kahit na sa ibang mga kapitbahay ay pupunta doon sa lugar na yun para magtulungan. Ito kasi ay naging bunga ng matagal ng karahasan sa kanilang rehiyon. So, ilabas sila at idaan sa tamang proseso ng batas at pangalawa, ibalik nila yung mga armas at pangatlo, ituro nila kung nasaan si Usman. Yun yung mga bagay na dapat muna nilang gawin para naman maibalik ang kumpiyansa at makita magkakasama tayong lahat dito. Hindi tayo hiwalay dito.

Failon: Kung inyo lamang po sagutin ang isang katanungan sa isang categorical answer, if not, we will understand it Ma'am no? Ito ba'y magiging kondisyon para ho kayo pumayag na ipagpatuloy ang diskusyon sa BBL?

Poe: Basta ito lang ang masasabi ko, yung sa amin patuloy ang aking pagbabasa at pagaaral ng BBL. Sa ngayon, at pagpsensiyahan niyo kasi medyo emosyunal din tayo sa mga nangyari at mayroon tayong dahilan kung bakit tayo magagalit, sa tingin ko, hindi talaga dapat umusad at least yung relasyon na ganyan kung hindi tayo magkakaroon ng good will rin sa kabila. Pero hindi ko naman sasabihin na itatapon ko rin ito at hindi ko pag-aaralan, hindi ganoon. Patuloy pa rin kasi ito kapag naayos na din naman yan, kunwari nakita natin may good faith sa kanila, on their part as much as possible, ibigay na nila yung pakikipag-usa at pakikipagdalamahati na ganyan, at least handa na tayo, hindi yung para bang mag-uumpisa na naman tayo sa zero. Pag-aralan na natin ito, dahil yang mga legal at teknikal na mga bagay na yan ay pwede naman natin pagaralan habang inaayos rin ang sitwasyon dito.

Failon: Alright Ma'am, sige po. So, kumbaga klaro na yun na itong mga pangyayaring ito, dahil na-hold, nahinto itong BBL deliberation, more time for you to study this law. At least, nagbibigay po ng pagkakataon sa lahat na ito ho talaga ay suriin. Sen. Grace, Monday ho ba ang inyong hearing? Dito ho sa inyong komite concerning sa nangyari po sa Mamasapano?

Poe: Opo, sa Lunes po ang hearing. Alas-diyes ng umaga, dapat po noong February 4, kaya lang nagpadala po ng liham si OIC Gen. Espina, at sinasabi nga niya, naglilibing pa sila ng kanilang mga kasamahan at nagdadalamhati, naiintindihan naman natin yon. So, sabi nila kung pwede sa susunod na linggo. Ang gagawin po natin kasi kadalasan po ang hearing isang beses lamang isang linggo. Hangga't maaari, gagawin ko dalawa o tatlong beses ang hearing dahil nga marami rin trabaho ang ating mga kasama na dadalo dito para matapos na ang hearing at least dun sa Senado.

Failon: Opo. Ma'am sino ho nag-confirm ng attendance for Monday.

Poe: Ang alam ko ang mga nag-confirm, si Sec. Mar Roxas, nag-confirm din si Brigadier Gen. Orense, Sec. Leila de Lima, Sec. Gazmin, Sec. Deles, commander ng 5th ID Pangilinan, Gen. Catapang, Rustico Guerrero, Prof. Wadi. Ang iniintay ko pa po ay sina Gov. Hataman, si Alan Purisima, pero wala pa po akong confirmation kay PNP-SAF Napeñas at saka PNP SAF Tariño. Yun po eh napakahalaga na sana'y dumalo sila. At ang mga survivor natin na sina Christopher Lalan at si Raymond Train. Sila po talaga yung nakakaalam din ng nangyari dun sa ground, kaya kailangan talagang nandun sila. Nananawagan po ako sa kanila na sana naman ay dumalo sila dahil hindi naman kami din titigil hangga't hindi sila dumalo kasi tuloy-tuloy lang po ang ating pagdinig.

Failon: Para po sa kabatiran po ng ating mga tagapakinig, Madam, ano ho, si Raymond Train, ito po yung pinakamataas na rango. Siya po ang team leader ng assault team dito ho sa Mamasapano incident. At least sa inyo ho nanggaling ang pangalan. Siya po ay wala pang kumpirmasyon kung aattend?

Poe: Wala pa po, pero hindi po ba siya nga yung nakakuha nung sample ng DNA?

Failon: Yes, Ma'am.

Poe: At sila yung una pong lumusob doon eh.

Failon: Yes, Ma'am.

Poe: Kaya gusto nating malaman kasi, alam nyo, ang isa pang pag-aaralan natin, bakit isa lang yung entry at exit points nila?

Failon: Yes, Ma'am.

Poe: Aabangan ka na doon. Yun yung mga bagay na talagang dapat pag-aralan.

Failon: Mayroon ba kayong inimbitahan on the side of the MILF?

Poe: Si Ginoong Iqbal ay imbitado po. Hindi pa rin po siya nagconfirm. So, tingnan po natin. Sana din ay makadalo siya dahil kung hindi din po siya pumunta ngayon, ay patuloy lang po ang aming pag-iimbita sa kanya.

Failon: Opo. Papaano po ma'am yung mga sugatan na survivor dito? Kayo ho ba ang pupunta sa kanila to get their statement?

Poe: Yung isa muna, si Lalan, isa po siya sa mga survivor... So, pupunta po siya doon sa hearing.

Failon: Opo, pero wala pang confirmation sa panig ng SAF?

Poe: Sa ngayon, wala pa pong kumpirmasyon. Hindi ko naman po maintindihan sapagkat kung ang isa naman sa kanila ay nagbibigay na naman ng press con, mas maigi na sigurong makarating sila.

Failon: Opo, pero Ma'am si Ginoong Purisima po ay nagconfirm na darating?

Poe: Opo. Nagconfirm na siya. Bago siya magresign nag-confirm na siya. Wala namang dahilan kung bakit ngayon ay hindi siya dapat dumalo. Umaasa naman tayo na dadalo siya.

Failon: You mentioned resigned, bagama't ito ho'y na-ibroadcast din po ng ilang mga estasyon, kasama po ang TV Patrol last night, pero walang confirmation po ang Malacañang dito, but regardless, does that matter sa inyong imbitasyon? Pwedeng sabihin na, "Wala na ako, eh. I already resigned."

Poe: Hindi naman po kasi kahit nga yung mga former officials, kapag mayroong nababagong mga issue at nandoon sila noong panahon na 'yon, kailangan ay dumalo sila. At isa pa rin, gusto lang natin malaman ang kadahilanan ng talagang pagbibitiw niya. Ito ba ay dahil nga mayroon siyang kinalaman dito? O dahil nga nawawala ang kumpiyansa sa kanyang liderato? So pati yung nilalaman ng kadahilanan ng kanyang pagbibitiw ay, sa tingin ko, kailangan din nating malaman.

Failon: Opo. Okay Ma'am. So it's going to be on Monday at 10 o'clock in the morning. Ma'am, we'll be watching. Kami po'y makikinig at magmamasid. And we wish you the best of luck, Ma'am. May God give you the wisdom to discern dito sa inyong gagawin pong hearing, Madam.

Poe: Maraming salamat po. At kung mayroon po kayong mga karagdagang katanungan, pati na po yung mga nakikinig na ipapadala sa inyo thru text at sa tingin nyo manong ito'y maaaring makatulong, pakipadala lang po sa amin. Nandito po kami para malaman nga yung katotohanan na nangyari noon.

Failon: Yes, Ma'am.

Poe: Salamat po.

News Latest News Feed