Press Release
February 16, 2015

Grace Poe Balitanghali Interview Transcript
Office of Sen. Grace Poe
February 16, 2015, 12 noon

CONNIE SISON: At kaugnay naman po sa pagdinig ng Senado, tungkol pa rin sa engkwentro sa Mamasapano, makakausap po natin si Sen. Grace Poe, ang chairperson ng Senate Committee on Public Order. Magandang tanghali po sa inyo Sen. Poe.

SEN. GRACE POE: Hi, magandang tanghali, Connie at sa lahat ng nakikinig po.

SISON: Yes, syempre, gusto po naming malaman ma'am kung ano po ang inaasahan natin sa pagpapatuloy naman ng executive session mamayang hapon? At sigurado na po ba ang pagsalang nina dating SAF chief Police Dir. Getulio Napeñas at PNP intelligence Dir. Fernando Mendez?

POE: Yun ang ating inaasahan. Nagbigay sila ng pahayag na sila ay dadalo at yun naman po talaga ang dahilan kung bakit tayo nagkakaroon ng executive session. Kung saka-sakali pong yung mga pag-uusapan nila ay mga bagay na tungkol sa national security, yun po yung ating tatalakayin mamaya.

SISON: So, ano po yung masasabi nyo or reaction sa salungat na pahayag noong nakaraang linggo kung saan hindi po malinaw kina Sec. Mar Roxas kung sino nga yung nag-inform sa Pangulo ukol po doon sa engkwentro, pero, mismo namang si PNoy ang nagsabi na maaga pa lang po ay nabalitaan na nya ito?

POE: Syempre nakakabahala, sapagkat kailangan ay nagtutugma-tugma yung istorya. Atsaka isa pa, kung papaano nila pinapatakbo rin yung kanilang ahensya at yung kanilang mga responsibilidad. Syempre, bilang mga kinatawan ng Pangulo sa iba't ibang ahensya, responsibilidad nila at kaming lahat bilang napapasama sa isang organisasyon na ganoon, na ipaalam sa pangulo kung ano ang nangyayari, lalong-lalo na kung ito ay mahalaga. Sabi nga nila, hindi nila alam na ganoon na kalala yung sitwasyon kaya isa yan sa talagang kailangang pag-aralan at busisiing mabuti, sapagkat hindi pwede yung miscommunication sapagkat buhay ang nakasalalay.

SISON: That's right, at inaasahan syempre po na mapag-uusapan sa inyong session yung pag-uusap ng pangulo, kasama syempre po sina Napeñas at Purisima. Posible po kayang maibahagi rin ito sa publiko? O kaya naman ay maimbitahan din po ang pangulo sa pagdinig ng Senado?

POE: Sa amin po kasi, hindi pwedeng pilitin po ang Pangulo. Pwede siguro naming kunin ang kanyang pahayag na magpadala ng liham. Tungkol naman po sa mga pinag-uusapan nila kasama ng mga indibidwal, kung ito naman po ay hindi nauugnay sa seguridad ng ating bayan at ito naman po ay mga ibang bagay na pinag-usapan nila, pwede naman po talaga itong ipamahagi sa publiko. Pero, nag-iingat din tayo sapagkat unang-una, kung ang iniimbestigahan dito ay operasyon, patuloy na operasyon o kaya may nasasangkot dito na hinahanap pa natin at yung proseso ng paghahanap doon ay nakataya, syempre pinag-iingatan natin na hindi basta-basta masisiwalat at malagay pa sa peligro ang buhay ng iba. Pero, kapag ito naman po ay para protektahan lamang ang ibang indibidwal, syempre, responsibilidad namin sa Senado, trabaho naming yun na ang una naming obligasyon ay ilabas ang katotohanan. Sapagkat yung aming dapat pakinggan ay yung publiko. Dahil yun naman talaga ang naghalal sa amin sa kanila talaga yung unang interes na dapat namin protektahan.

SISON: Personally ma'am, kayo po ba ay satisfied sa itinatakbo ng imbestigasyon sa Senado ngayon?

POE: Marami na tayong natanong, marami na tayong nasagot. Pero inaamin naming marami pa ding kulang. Tatlong bagay ang kulang diyan. Unang-una ang committee report ng MILF. Kung saka-saling meron silang partial committee report, gusto na nating matingnan yan. Pangalawa diyan yung diumano ay kasangkutan ng isang foregin entity. Dahil syempre meron tayong tinatawag na kalayaan o sovereignty kaya titingnan natin kung naayon ba ito sa mga sinalihan na mga treaty o pagkakasakop sa ibang bansa. Pangatlo, syempre andyan pa rin ang nakabitin na tanong kay General Purisima, na ipapaalam pa niya. So ako, personally, ayaw naman nating tumagal ito dahil, sapagkat yung mga mga kasangkot diyan, yung tinatanong diyan ay may mga trabaho na dapat gawin. At marami pang ibang imbestigasyon na kailangang daluhan. Subalit bago kami makagawa ng rekomendasyon ay kailangan naming makita hangga't maaari ang buong katotohanan. Maaaring hindi lahat na sabay-sabay lalabas yan. Pero hindi naman natin pwedeng basta tapusin ito. Pero ayoko rin namang ang isang pagdinig ay mapupunta lamang dun sa mga bagay na talaga namang hindi naaangkop sa aming imbestigasyon. Halimbawa kung ito ay magiging political show lamang. Kailangan talaga solusyon at katotohanan ang hanapin natin dito. Dahil parang sugat yan eh, mas lalo mong binubuksan at sinusuri, minsan mas lalo talagang lumalala. Kaya konting pag-iingat rin.

SISON: I understand ma'am. Nagpapasalamat po kaming muli sa ibinigay ninyong oras. Maraming salamat po.

POE: Walang anuman. Salamat Connie.

News Latest News Feed