Press Release
June 3, 2015

Transcript of interview with Sen. Francis G. Escudero (FGE)
Program: Umagang Kay Ganda
Anchor: Anthony Taverna

TABERNA: Umagang kay ganda po, Senator Chiz. Para maging klaro lang, Senator Chiz. Kayo po ba ay may permiso ni Senator Grace Poe na sumagot para sa mga isyung yan?

FGE: Hindi ko kailangan ng permiso dahil hindi ako ang tagpagsalita niya. Hindi katulad ni Congressman Toby na opisyal na tagapagsalita ni Vice President Binay.

TABERNA: Gusto ko pong malaman kung hindi kayo tagapagsalita, pwede po ba naming sabihin na kaya kayo nagsasalita para na rin kay Senator Grace Poe sapagkat totoo yung mga balita na kayo ang magtatambal sa 2016 elections?

FGE: Hindi rin. Kasi tinawagan niyo ko kagabi e.

TABERNA: Kami pa pala may kasalanan dito. E, di ang sagot niyo po , hindi kayo tatakbong magkasama?

FGE: Wala pa kaming pasya. Nung natanong kami nyan nung nagpunta kami sa ilang lugar, wala pa kaming pinal na pasya.

TABERNA: So, di pa po kayo nag-iikot? Hindi pa kayo pupunta ng Cagayan De Oro?

FGE: Hindi. Nagpunta lang kami sa Bacolod City. Si Grace ang galing sa Cagayan de Oro.

TABERNA: Puntahan na po natin ang isyu, kulang daw po anim (6) na buwan para makatakbo si Senator Grace Poe sa pagka-pangulo. Ano po ang sagot ninyo?

FGE: Una, ano po ba ang pinaghuhugutan ni Cong. Toby. Noong nakaraang buwan, sabi nila Vice President na nais ni Vice President Binay si Grace. Pumirma lang siya sa committee report, tinaggihan lang siya at hindi kinakausap... biglang disqualified naman ngayon. Hayaan ko si Senator Grace na sumagot kaugnay sa particular na sinasabi ni Cong. Toby. Pero para akin, Tunying, ano bang pinaghuhugutan ni Cong. Toby. Of all people, dapat alam niya. Dahil Auntie niya mismo, kapatid ng biyenan niya, eksaktong ganito ang nangyari. Si Congresswoman Imelda Marcos, nilagay sa Certificate of Candidacy niya, seven (7) months residency lamang siya sa Leyte. Ang requirement ay one (1) year. Sabi ng Korte Suprema, it is the fact of residence not the statements made in the COC that will control and dictate kung residente ka nga ba sa isang lugar o hindi. Alam naman siguro nila yan. Alam ko at tiyak ko kung nag-research talaga sila, malalaman din nila yan. Mula pa siguro noong 2004, 2005, kung tama ang pagkakaalala ko, dito na nanirahan si Sen. Poe matapos pumanaw ang kanyang tatay noong December 2004. Madaling patunayan at kayang patunayan yun. Kung saka-sakaling magpapasyang tumakbo si Senator Poe.

TABERNA: Mabuti po at sinabi niyo yan. Sapagkat meron pong isang Law Dean, si Dean La Viña-- ang naglabas po ng statement, nasa abroad kasi sya. Nandito po ang kanyang pahayag sa atin pong mga TV screen, si Atty. La Viña ang sinasabi niya... "This is clearly wrong, Senator Grace Poe is qualified to run for president on the basis of residency. Even if she was abroad for a while and has not lived in the Philippines physically for 10 continuous years, there is such a thing as animus revertendi or the 'intent to return."

FGE: Hindi lang animus revertendi, hindi lang intent to return ang aplikable kay Senator Poe kundi 'actual physical residence sa bansa.' So, pagsamahin mo ang dalawang yon, sobra pa yun at dagdag pa yun sa sitwasyon ng ibang tao. Marami nga at may ilang kongresista diyan ang tinitirhan nilang bahay ay iba sa tinatakbuhan o kinakatawan nilang lugar. So sana maghunus-dili 'ika nga at manalamin ang ilan sa mga nagsasalita.

TABERNA: So yun pong halimbawa, dito ipinanganak si Senator Grace Poe, umalis siya sa Pilipinas. Sabihin nating sa araw mismo ng filing ng certificate of candidacy doon lang siya dumating puwede po siyang tumakbo?

FGE: May desisyon na ang Korte Suprema kaugnay nyan. Depende kung ano ang kinikwestyon mong requirement. Dahil baka mamaya ang requirement-- kung below forty (40) siya hindi pa rin siya puwede tumakbo (laughs).

TABERNA: Sa aspeto ng residency?

FGE: Basta meron kang intent to return ayon sa Korte Suprema, pwede. Dahil hindi mo kailangang patunayan na physically present ka, lalo na kung physically present ka.

TABERNA: May tanong po ako doon? Bakit may inilagay pa hindi ko naman pinahuhulaan sa inyo ang mga nasa isip ng framers ng ating konstitusyon. Pero bakit ilalagay pa ang ten (10) year residency kung ganon din lang pala. Meron naman palang doktrina ng intent to return?

FGE: Actually hindi sa doktrina yon. Pinagdebatihan talaga nila yon. Tinanong ng mga framers ng konstitusyon, ano bang ibig sabihin ng residency requirement? Sabi nila ito ba ay domicile? Ito ba ay residence? Ito ba dapat actual kang nandito? O kasabay ba rito yung intent to return, ika nga o animus revertendi. Ang naging sagot ng framers ng ating konstitusyon, kasama at saklaw yan. Dahil ang layunin lamang nila ay alam, kabisado, may pulso sa nangyayari sa bansa ang sino mang tatakbo sa anumang puwesto. Kaya mas mababa ang residency requirement para sa mas mababang posisyon. Mas mataas ang residency requirement para sa mas mataas na puwesto.

TABERNA: Tapatin nyo po kami, nagulat pa ba kayo dito sa isyu na ito? Akala namin citizenship ang bakbakan e. Bat napunta dito sa residency?

FGE: Residency, citizenship, competence, experience, lahat ng binabato kay Sen. Poe ngayon, yan ang eksaktong binato sa kanyang ama noong nagdaang pagtrakbo nya noong 2004. Hindi na siguro nakakagulat yun. Pero nakakalungkot na yung ginawa sa ama, ginagawa at gagawin din sa anak.

TABERNA: Huling tanong ko po, tatakbo po ba si Sen. Grace Poe sa pagkapangulo at kayo'y Vice President?

FGE: Huling sagot din, hindi ako ang tagapagsalita nya.

TABERNA: Puro abogado na ang kausap natin, tama na ang abogado, bukas na ang ibang abogado. Maraming Salamat Sen. Chiz.

FGE: Salamat.

News Latest News Feed