Press Release
June 12, 2015

Sen. Grace Poe Independence Day Speech

Isa pong mapagpalayang araw sa inyong lahat.

Alam niyo po ako ay bumoboto dito sa San Juan. Ang nanay ko po ay nakatira pa rin dito pero kauna-unahang beses lang po ako nakapunta dito sa inyong lugar, sa inyong munisipyo at napakaganda ng ginawa ni Sen. JV at ni Mayor Guia. Alam niyo po, lalung-lalo na kapag mga ganitong okasyon na binibigyan natin ng karangalan ang ating mga ninuno at ang ating mga bayani, karapat-dapat naman na may isang lugar na maganda, na nagbibigay ng tamang karangalan sa kanila. At pag nakikita ko ito, pwede pala ito sa ating bansa na magkaroon ng kaayusan at kagandahan at disenteng disente ang tradisyon na ginagawa niyo dito sa San Juan. Maraming salamat Sen. JV at Mayor Guia sa inyong political will.

Nakakataba po ng puso ang introduksyon ng aking kinakapatid. Tama po yung sinabi niya, siya po at ako, bagama't iba po ang aming partido nakaraang eleksyon at minsan nagkakatampuhan, ni isang beses hindi ko po pinagdudahan ang kanyang katapatan at pagmamahal sa aming pamilya at sa aking tatay. Alam niyo po, sa pulitika, marami ang nagsasabing magkaibigan kami pero iba ang pinagkikilos. Masasabi ko po na sa umpisa hanggang sa huli at sa mga darating pang araw, si Sen. JV ay tunay na kapatid at kaibigan. Maraming salamat, kapatid.

Sa ika-117 araw ng kalayaan dito sa ating bansa, isang karangalan sa akin na ipagdiwang ang araw na ito, sa bayan na aking pinagmulan. Malalim ang ugat ko sa San Juan, hindi man ako dito pinanganak, dito ako lumaki at nagka-isip hanggang ngayon nandito pa rin ang bahay ng aking ama at ina. Ang magagandang alaala ng aking pagkabata at aking pagdadalaga naririto sa siyudad na ito. Ito pa rin ang tinatawag ko na tahanan dahil naririto at binabalik-balikan ko ang aking nanay. Anak ako ng San Juan at natutuwa ako na makiisa sa mamamayan nito at ako ay proud na maging taga-San Juan sa araw ng ating kalayaan.

Sinisimbolo ng pinaglabanan ang pagbibinyag sa apoy ng mga Katipunero, ito ang unang malaking laban ng katipunan. Walang karanasan sa pandirigma ang katipunero natin at wala silang sasakyan o armas. Tanging tibay ng dibdib, pagmamahal sa bayan at isang baril at maraming itak ang kanilang sandata sa pinaglabanan. Saksi ang lugar na ito sa katapangan at kadakilaan ng halos 800 na katipunero na pinamumunuan ni Andres Bonifacio para kupkupin ang El Pulburin, ang imbakan ng pulbura at ang El Deposito, ang nag-iisang imbakan ng tubig ng ka-Maynilaan at karatig lugar nito.

117 taon mula sa unang taon ng kalayaan, nagpupugay tayo sa ating watawat bilang pagpapahalaga sa kabayanihan ng mga nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng ating bansa. 117 taon mula sa unang taon ng kalayaan, ibang gapos naman ang nagpapahirap sa Pilipinas. Gaya ng binanggit ng ating mahal na Mayor Guia, wala mang dayuhang direktang nakakasakop sa atin sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang opresyon ng ating bansa. Nagawa na natin, ng ating mga Katipunero na ipaglaban sa ating rebolusyon pero patuloy pa rin ang kahirapan at korapsyon.

Sa akin pong parte, may mga batas po akong ini-akda bilang suporta sa rebolusyon bersyon 2015. Ang unang batas pong aking pinaglalaban ay ang pagkakaroon ng libreng pananghalian sa mga paaralan. Ito po ay umuusad na sa Senado at sa mababang kapulungan sapagkat kailangan po na sa ating elementary school, at kung kaya hanggang highschool, bigyan natin ng pagkain ang mga bata. Sapagkat ang ating bansa, ang ating lakas ay ang ating populasyon.

Sabi nila, kaya mas magaling tayo sa ibang mga bansang kalapit sa atin, sapagkat bata ang ating populasyon. Pero papaano naman magiging matalino ang mga batang iyan kung hindi sapat ang kinakain at pumapasok sa paaralan ng gutom?

Ang isa pa po diyan, ang aking isinusulong ay magkaroon tayo ng suporta sa mga nanay na nagbubuntis sapagkat sabi nila, ang utak ng tao ay nadedevelop o nagiging buo sa tiyan pa lamang ng nanay. Kailangan nating bigyan ng tamang sustansya ang mga ito.

At kasama ng aking kinakapatid, isinusulong ko rin at isinulong sa senado at pumasa na po ang Freedom of Information. Alam ninyo po ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin po nito ay bawat mamamayan, mahirap man o mayaman, propesyonal man o magsasaka, ay may karapatan na busisiin ang mga transaksyon ng gobyerno. Ito po ay sapagkat kailangan ang mga pondo o serbisyo na dapat mapunta sa mahihirap, sa ating mga kababayan, sa ating lahat, ay mapunta talaga sa atin.

Para walang sisihan. Walang magsasabing may nangyaring ganito dahil responsibilidad din nating bantayan ang ating kapakanan. At ako ay nagpapasalamat sa aking kinakapatid na bagamat siya ay nasa oposisyon, sya po ay talagang tumulong na maipasa ito sa Senado. Makikita mo ang katapatan sa serbisyo sapagkat kung wala kang tinatago, wala namang dapat ikatakot sa pagbubunyag ng mga dokumento.

Marami pa pong mgaa kailangang gawin sa ating bansa. Pero, ang importante sa lahat ay ang katapatan at pagmamahal at pagsisipag sa serbisyo. Bilang pinakamalapit na bahagi ng pamahalaan sa mamamayan, kayo po ay nasa kritikal na posisyon para alamin ang tunay na kalagayan at pangangailangan ng ating mga kababayan. Ang ating mga local government units. Kahit pa magkaroon ng pinakamahusay na pormulasyon ng polisiya, wala pa ring saysay ito kung walang tulong ng LGUs.

Sa lapit ng mga LGUs sa tao, mayroon kayong kakayahang direktang serbisyohan ang mga kababayan natin. Salamat sa ating mga barangay. Salamat sa ating mga barangay health workers na talaga namang lumalapit sa ating mga kababayan araw man o gabi para tugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Alam niyo po, may dahilan ang Panginoon sa lahat ng nangyayari sa ating buhay. Tama si Sen. JV, pareho kaming anak ng artista. Pero pareho naman kaming bagamat iniisip namin ay iniidolo namin ang aming mga magulang, minarapat na lang namin na manilbihan sa gobyerno sapagkat di nga kami masyadong artistahin. Pwede namang makalusot, paminsan-minsan. Kami ay nage-extra paminsan-minsan, si Sen. JV...

Sabi nga nila, pwede naman tayong sumunod sa yapak ng ating mga magulang. Pero iisipin din natin ang ating kakayanan. At sa tingin ko ang legasiya ng ating mga magulang ay ang pinakaimportante ay ang pagmamahal sa kapwa. Kitang-kita po iyan sa aking ama, kahit hindi po siya nanungkulan sa gobyerno, si FPJ po ay nagmahal at tumulong sa kanyang kapwa. Ang tatay naman ni Sen. JV, ang ating pangulong mayor Joseph Estrada...Napakarami pong programang ginawa noong siya ay alkalde ng San Juan.

At hanggang sa kahuli-hulihan, nang siya ay naging pangulo ng Pilipinas, ang mga inuna rin naman niya ay mga programa sa mahihirap. Importante po na huwag nating kalimutan ang sektor na ito na tunay na nangangailangan ng tulong ng ating gobyerno.

Sa pagwawakas, tayong lahat ay maaaring maging bayani. Winakasan ni Andres Bonifacio ang kanyang tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa" sa mga salitang ito: Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig. At hangga't may dugo'y ubusang itigis. Kung sa pagtatanggol buhay ay mapatid, ito'y kapalaran at tunay na langit" Nawa'y manahin sa bawat isa sa atin ang espiritu ng pag-ibig sa ating tinubuang lupa ngayong araw na ito ng kalayaan at sa mga araw na darating pa. Gaya ng mga bayaning nauna sa atin, magawa sana natin ang ating bahagi sa tunay na pagpapalaya ng ating bansa.

Magandang umaga at maligayang araw sa inyong lahat.

News Latest News Feed