Press Release
February 8, 2016

SEN. GRACE POE INTERVIEW TRANSCRIPT
Punto Asintado with Martin Andanar and Erwin Tulfo

Martin Andanar: Nasa linya na po natin ngayong umaga siguro ang isa sa pinakamasayang presidential candidate ngayon: Senator Grace Poe. Good morning po. Kung hei fat choi, Ma'am.

Sen. Grace Poe: Hi. Good morning, Erwin and Martin. Kung hei fat choi sa lahat sa inyo pong nakikinig.

Andanar: Congratulations po, Ma'am.

Erwin Tulfo: Congratulations, Ma'am. Ayon sa survey, you jumped as much as 10 points po. Ano pong reaksyon niyo, Ma'am?

Poe: Siyempre ako'y mapagkumbabang nagpapasalamat. Nagulat rin naman ako. Pero, alam niyo, kahit na masaya ka sa survey, hindi ka naman puwedeng maging kampante. Unang-una, ang survey naman papalit-palit talaga 'yan. Pangalawa, mahaba pa naman ito kaya para sa'kin kung ano man yung mensahe na dapat ipaabot, maraming salamat. Binibigyan ninyo ako ng pagkakataon na masabi sa mga kababayan natin na tayo'y patuloy na tumatakbo.

Tulfo: At tingin po ng mga political analyst maging po yung si Professor Holmes ay it could be dahil po doon sa - 'di po ba - nalaglag kayo noong dinisqualify kayo ng COMELEC. But then again, sa Supreme Court medyo sinasabi ni Chief Justice Sereno na she's for foundling, medyo doon po yata nakabawi. Do you think so, Ma'am?

Poe: Alam mo, sa tingin ko, Erwin, ang ating mga kababayan, tayong mga Pilipino, gusto natin yung mga lumalaban lalong-lalo na kung ang pinaglalaban naman natin ay nasa lugar. Ayaw natin yung basta-basta sumusuko. Sabi nga nila, gusto ng mga Pilipino sa mga dehado na mayroon namang kosa. Nakita naman nila siguro 'yon na kahit na tuloy-tuloy ang pambabatikos, lahat ng unos dumadaan, e nakatayo pa rin tayo at hindi naman tayo sumusuko. Basta itong pinaglalaban natin - 'yun nga - mensahe na sana magkaroon na ng tunay na pagbabago sa ating pamamalakad kasi ang dami naman diyan, matagal na rin sila sa pulitika. Ang problema natin hindi naman bago pero pareho pa rin ang nangyayari sa ating mga kababayan. Baka gusto naman nila sumubok ng medyo bago na may kakayanan naman para sa kung ano man ang mga darating na mga pagsubok.

Tulfo: 'Ika nga, Ma'am, ay fresh ideas, 'ika nga, ano po?

Poe: Siguro ganoon na nga 'yon.

Tulfo: Alright. Ma'am, maiba po tayo. Noon, sinabi niyo po last week, I think, na kayo po, yung inyong komite, ay magsasampa ng kaso o magrerekomenda na sampahan ng kasong graft si DOTC Secretary Jun Abaya pero ipinagkibit balikat lang daw po ito ni Secretary. Parang ang sinasabi ay 'go ahead'. Ano po ang reaksyon niyo doon, Ma'am? Parang hindi sila concerned, actually.

Poe: E alam mo naman hindi nga ako nagtaka sa DOTC. 'Yun nga ang sinasabi natin na parang walang pakiramdam. Pinagkibit balikat nila kasi nakita naman natin noong mga una'y wala rin siya sa listahan ng Ombudsman na dapat managot dito nga sa mga anomalya sa MRT. Subalit ako naman po ay kumpiyansa na ang ating committee report ay kumpleto. Mismong chairman - yung chairman ng mother committee na si Senator Serge Osmeña - ay nagsasabi nga na ito'y base sa aming mga findings at sa mga transcript ng mga hearing na mayroon talagang basehan. Sana naman ang Ombudsman natin ay makita rin ang basehan ng aming report at gawin itong basis para nga masampahan na ng kaso yung... May mga private citizens na tumatawag din sa amin at humihingi ng kopya nitong report dahil kung hindi man ang Ombudsman, sila mismo ang magsasampa ng kaso laban dito sa DOTC.

Tulfo: Ma'am, isa pa. May reaksyon po ang Malacañang and they are saying na dapat daw ay huwag sisihin ang DOTC dito sa probelama sa MRT kundi dapat ang sisihin dito ay sila Sobrepeña, yung MRT holdings. Do you agree, Ma'am?

Poe: Hindi ako nagsasabi na walang kasalanan ang maski na anong grupo dito. Yung kay Sobrepeña, nakita natin sa umpisa palang one-sided na talaga yung agreement lalong-lalo na pagdating sa mga ibang ownerships na hinati-hati: Mayroong isa para sa advertising at kung ano-ano pa. Pero hindi rin natin maiiwasan na talagang ang pinakamalaking sana ay may nagawa ay yung mismong mga naka-upo diyan ngayon, yung DOTC, dahil sila naman ang nagpasa kung sino yung maintenance provider. Hindi naman kung sinong grupo 'yan. Lahat may pananagutan dito pero pagdating dito sa mga bagay na sa gobyerno na hindi ginagawa ang trabaho, e alam naman natin. Sino ba ang representative ng gobyerno? Hindi ba si Secretary Abaya naman? Edi dapat siya ang managot. Isa siya sa pinakamalaking pananagutan dito.

Andanar: Ma'am, maiba lang po tayo kasi galing po ako ng Quiapo Church at tayo'y nagsimba doon. Excited na excited na po ang mga tao doon, Ma'am, bukas sa inyong proclamation. Talagang pinaghahandaan niyo ba ito, Madame?

Tulfo: At saka masingit, Ma'am, bago niyo sagutin: why Quiapo, Ma'am? Bakit Quiapo?

Poe: Alam mo, 'yun nga siguro ang dahilan kung bakit 'yun din ang pinili ko dahil ang mga nagpupunta sa Quiapo - hindi lang sa Quiapo kundi sa mga simbahan natin, ano - ay patuloy ang pananalig kahit na maraming hamon sa buhay nila. 'Yan naman ang istorya ng mga Pilipino na kahit na ang hirap na ng dinaranas natin, patuloy pa rin ang ating tiwala at hindi tayo sumusuko. At 'yan ang simbolo, sa tingin ko, nitong Quiapo Church, ano? At bata palang kasi ako, yung nanay ko talagang deboto na ng Nazareno at nalipat niya 'yun sa akin. Ang dami ko ng hamon sa buhay hindi lang naman dito sa pulitika. Pero 'pag pumupunta ako doon gumagaan ang loob ko at marami ding mga nagdadasal doon na para bang pagtapos mong magpunta, 'pag palabas ka na ilalapit sa'yo at sasabihing, "Ay, 'wag kang susuko."...magandang simbolo 'yan kaya patuloy ko lang ginagawa. Sana din sa ating mga kababayan na nandoon makibahagi sila at patuloy na ipanalangin kung anong nararapat para sa ating bansa ay 'yon ang manaig.

Andanar: Ako'y nagtataka lang, senator, kasi ang daming nagtitinda ng ano doon e, ng kandila. 'Di ba partner? I'm sure mayroon na kayong suki doon noon pero siguro ngayon lahat gustong bilhan mo ng kandila. So...

Poe: Alam niyo, ang binibili ko sampaguita.

Andanar: A, sampaguita.

Poe: 'Pag pumupunta ako doon. Hindi ako masyado nakakabili ng kandila pero kung nandoon sila bakit hindi? Marami namang pwedeng bumili lalo na ngayon na maraming mga ibang kandidato ring nagdadasal. (Laughs)

Tulfo: Ma'am, last question po sa akin. I'm sure sa inyo pong paglilibot-libot sa Pilipinas may mga... sa mga sorties ho ninyo may mga lumalapit sa inyo na mga foundling din. Ano hong reaksyon nila na parang finally pinag-uusapan 'yung kanilang estado, 'yung pagiging foundling nila na pinag-uusapan magkakaroon ng landmark decision ang COMELEC sa isyo na ito. Ano hong mga sinasabi nila? Ano pong reaksyon nila na finally, may karapatan na sila ika nga...

Poe: Oo nga.

Tulfo: ... tulad ng mga natural-born citizens ika nga ng ating bayan, Ma'am?

Poe: Alam mo Erwin, actually 2014 pa lang may bill na para iklaro 'yang sa foundling. At ang ironic pa nga, ang nag-file niyan si Senator Lito Lapid pero hindi na ka-calendar ano para sa discussion sa Senate. Nu'ng ako'y pumunta ng Tacloban, nandoon ako sa isang orphanage, 'yung mga bata doon; parang German foundation 'yung nagpapatakbo nu'n, tumulong para i-set up 'yun. 'Yung mga bata talagang alaga, masaya naman sila kahit na 'yung marami sa kanila hindi na nila kilala ang kanilang mga magulang. Nu'ng tinanong ko sa kanila, sino sa inyo ang gustong maging pulis? Maraming nagtaas ng kamay. Sino sa inyo gusto maging teacher? Ganoon din. Tapos nu'ng tinanong ko, sino sa inyo ang gusto maging presidente? Alam mo, halos lahat sila nagtaas ng kamay. Siyempre 'pag bata ka idealistic ka.

Poe: Halos lahat sila nagtaas ng kamay nu'ng tinanong ko kung sinong gustong maging presidente.

Tulfo: Yes, Ma'am.

Poe: At naisip ko at naisip natin na akalain mo kung magkakaroon ng desisyon ang korte na negatibo para sa mga nadampot o mga foundling kahit pulis o teacher o presidente man, hindi pwedeng tumakbo, hindi pwedeng mangarap ang mga batang 'yon. Kaya hindi ito tungkol sa akin lamang at sana naman ako'y nananalangin na maging... hustisya ang manaig dito sa ating Korte Suprema.

Andanar: Ma'am, kasi marami na kasing ano. Marami ng mga naging presidente natin na of course puro pangako sa ating lahat and I'm sure, ikaw, nararamdaman mo rin 'yan e 'no.

Poe: Tama.

Andanar: At ngayon, ikaw, nalalagay ka na, nandoon ka na. 30%. Number one ka na ngayon. Talagang kaunting... tatlong buwan na lang ay malalaman na natin and you will have a big chance of winning. For example, nu'ng 2010 sinabi po ni PNoy na tuwid na daan, itong FOI bill. Tapos 'yun pala...

Tulfo: Nako.

Andanar: 'Yun pala naunsiyame.

Tulfo: Sus.

Andanar: So ngayon pa lang, itatanong namin sa inyo. Ibibigay niyo ba sa amin ang FOI bill?

Tulfo: 'Yun o.

Andanar: Susuportahan niyo ba talaga?

Tulfo: Kung saka-sakali, Ma'am, 'yung FOI na 'yan, Diyos ko po naman.

Andanar: I-record na 'yan, engineer. Para i-play.

Tulfo: I-record. Naka-ready na 'yung recorder natin.

Poe: Martin, Erwin, at sa lahat ng nakikinig. Senador lang ako 'yan na 'yung aking tinutulak at ako'y ginawa ko 'yung pangako na 'yan sa Senado hindi nga lang nakalusot sa Kongreso. Pero kung ako'y pagpapalain ng ating Panginoon at bibigyan ng pagkakataon na manilbihan sa inyo bilang pangulo, 'yan ang uunahin ko. Sapagkat ito 'yun, kung mayroon tayong FOI pwede ninyong bantayan ang aking mga galaw. Pwede ninyong bantayan hindi lang 'yung galaw ko kundi pati galaw hanggang doon sa ibaba. Ayokong sasabihin ninyo na sa umpisa may tinatago na ako. Mas mabuting mayroon 'yan. Ngayon, sasabihin ko bang mahirap na may FOI? Aba, mahihirapan 'yung may tinatago pero kung wala ka naman at bago ka pa naman, at least umpisa pa lang alam mo na ikaw ay tinitignan at binabantayan. So para sa inyo Martin and Erwin ano...

Andanar: Yes, Ma'am.

Poe: ... maraming salamat kasi MTRCB pa lang ako at nu'ng tumakbo bilang Senador, tinulungan ninyo ako na maipaabot ang aking mensahe, plataporma sa ating mga kababayan. Malaking bagay 'yun. Malaking bagay rin na nakita ninyo nakikipaglaban ako basta lang hindi umaabuso at hindi yumayabang. Basta 'yung FOI ay sandata natin at kailangan talaga nating maipasa 'yan.

Andanar: 'Yon.

Tulfo: 'Yan po ang inaantay ng lahat.

Andanar: Feb. 8, 9:25 in the morning, 2016.

Tulfo: Ni-record mo?

Andanar: Ni-record ko.

Tulfo: Ma'am, kung saka-sakali baka magkalimutan na naman tayo kagaya nu'ng pinangako nu'ng isang mama diyan e, nagkalimutan. Nagkanda-letse-letse na. 'Ala na, tapos hindi pa. Anyway, Senadora Grace Poe maraming salamat po ulit Ma'am. Magandang umaga. Mabuhay po kayo't congratulations po muli.

Poe: Ay, nga pala po. Sa lahat po ng mga nakikinig na mga taxi driver natin ano. Mayroong teleserye din ang TV5 na Panday. Si Panday ay foundling rin. Ibig sabihin patunay na...

Tulfo: Akalain mo.

Poe: Sana ay matangkilik ninyo. Maraming salamat po.

Tulfo: Thank you po and good morning.

News Latest News Feed