Press Release
March 20, 2016

SEN. JUAN EDGARDO 'SONNY' ANGARA TRANSCRIPT OF INTERVIEW OVER WITH NIMFA RAVELO (BALITANG TODO-TODO)

Nimfa Ravelo: Nasa linya po si Senator Sonny Angara at magpapatulong po tayo sa kanya tungkol sa usaping ito (RCBC money laundering scandal) Magandang umaga po, senator.

SJEA: Magandang umaga Nimfa at sa lahat ng nakikinig sa DZBB, magandang umaga po.

Nr: Sir, tungkol po dito sa inyong iniimbestigahan sa senado na laundering sa Bangladesh money, after two hearings, meron na ho ba kayong initial conclusion dito? Marami pa ho bang tanong o malinaw na kung sino ba talaga ang dapat managot ditto?

SJEA: Well, siguro may mga lumalabas na initial conclusions, pero as to whether marami pa ba kaming mga tanong, marami pa. In fact, dahil medyo komplikado ang mga transaksyon dito, maraming dinaanang proseso, maraming mga dinaanang indibidwal at ng mga institusyon, e parang hindi pa klaro sa amin kung paano ito nakalusot dito sa Pilipinas at hindi pa naitatanong sa - nung dumaan sa remittance company sa PhilRem, kung saan pumunta after the casinos kumbaga. Talagang parang hindi na sinundan yung pera. Umabot na sa mga casino at nung umabot na sa mga indibidwal na binanggit dun sa $81M. So sa palagay ko, sa susunod na hearing, yun na ang dapat talakayin.

NR: Sir, tama ho ba? Susundan po yung mga pera para malaman kung sino yung mga dapat na managot?

SJEA: Kung sino ang dapat managot at - dahil pera po yan, e. Chairman po tayo ng Ways and Means di ba Nimfa? So, pag may kinuhang pera, at wala namang rason na sinabi e, usually, may tax liability yun, may babayarang buwis dahil pag may pumasok na pera, ang teorya ng gobyerno, e, income yun. May kita yun. At pag may kita, unless tax exempt yung mga tumanggap ng pera, usually dapat babayaran yun ng buwis, hindi lamang sa kita pati na rin sa papel na dumaan sa transaksyon. Yung tinatawag na documentary stamp tax or DST. So bawat transkasyon, whether it's remittance, or sa kontrata, kunyari kontrata ng casino dun sa mga naglalaro doon, o yung mga tinatawag na junket operators, yun yung mga nagpapasok ng nga nagsusugal galing sa ibang bansa, yung nag-oorganisa ng mga tourist na yun para magsugal sila sa mga casino dito sa Pilipinas. Yung mga transaksyong ganun, dapat may mga documentary stamp tax din yun.

NR: So, sir yung sa PhilRem pag nagpapalit sila ng or nagko-convert sila ng foreign currencies to peso, may tax din dapat yun? Syempre may income sila, titignan kung nagbabayad sila ng buwis for that?

SJEA: Meron po. Pati rin yung mga perang dumaan sa bangko, kailangan, mag-withhold din yung RCBC or any other bank na kasama dito. Interest income naman ang tawag dyan. Kinukuha yan sa deposito. Yun ay isang final tax na responsiblidad nung bangko na i-remit. So, tatlong tax ang binabanggit dyan. Yung income tax, yung tax sa transaksyon, yung documentaries income dun sa pera ng bangko.

NR: Di po ba napunta eventually yung pera dun sa casino. Buti nabanggit nyo yung junket operator, itatanong ko po sana ito -

SJEA: Ang pagkakaintindi ko sa junket operator, siguro sila yung may mga kontak sa ibang bansa. Ang marami yata ngayon ay galing sa China o kaya sa Korea or even Russia. Ang gawain talaga nila (junket operators) ay mag-ogranize ng tours na ang mga pumupunta ay mga turistang nagsusugal sa mga casino. Yun ang mga tinatawag na - they go on gambling junket dito sa mga casino at sila ang nag-o-organize doon. At siguro, kaya ang pera doon -- ang pagkakaintindi ko, ay bumibili rin sila - ang sinasabing mga pera na iyon ay ibinibili ng mga chip sa casino at inilalalaro yun ng mga sinasabing junket operator o mga kliyente ng junket operators.

NR: So sila pala yung humahakot ng mga sugarol

SJEA: Opo. Yun po ang trabaho nila.

NR: Sir, doon po sa inyong pagdinig, clear na dumaan lahat yung $81M sa Philrem. At from Philrem, kay Weing kang Xu at sa mga junket operator. Nung napunta na sa mga junket operator, blangko na.

SJEA: Ang pagkaalala ko Nimfa, itong president ng Philrem, doon sa halos $81M na dumaan sa kanila, parang may $29M na pumunta sa Solaire tapos yung isang casino, tapos merong $21M na pumunta sa Eastern Hawaiian -- yun ang testimonya niya. Tapos sinabi niya na $30M although gusto kong klaruhin kasi may nabasa ako na $13M- so gusto kong klaruhin kung tama yung pagkakaintindi namin doon sa sinabi niya - $30M ang pumunta dito sa isang Weikang Xu na binanbanggit ninyo. So, pag in-add up ninyo yun, 29 plus 21, is 50 million dollars tapos yung 30 million dollars na napunta rito sa Weikang Xu, it adds up nga na 80 million dollars yun. So, we want to double check the amounts sa pagbalik po ng hearing sa March 29 to make sure na covered yung buong 80 million dollars at pagkatapos non, syempre tatanungin natin sa mga nabanggit nya - na mula roon, saan napunta yung pera.

NR: Kasi sir, meron ding testimony na nagsakay naman daw sa kotse si Maia Deguito ng P20M

SJEA: P20M is about 450 thousand dollars. So yun ngang nabanggit ni Bautista o Philrem, is about 80 million dollars -- siguro yung 1 million dollars doon, siguro sa bawat transaksyon na dinaanan, e, siguro kumuha ng a piece of the action kumbaga. Nabigyan sila. Whether it's legitimate income or illegitimate income, yun ang titignan po natin.

NR: Sir, ang point ko po, noong inilabas ng Philrem, dinala kay Weikang Xu tapos doon sa iba pang dalawa, o kung saan saan man, yung pinagbagsakan ng Philrem ng pera, blangko na po from there.

SJEA: Yes, hindi pa klaro. Kasi itinanong natin doon sa - I think doon sa abogado ng Bloomberry, tinanong natin kung saan napunta ang pera, hindi naman nila alam. Siguro, ang sabi nga nila baka napunta doon sa junket operators. Pero dapat naman kasi may mga dokumento yan. Pero sa ngayon, tinatanggap natin yung mga testimonyang yan, pero hihingi pa tayo ng dokumento para talagang para suportahan yung mga sinasabi na talagang nalipat yung mga halagang binanggit doon sa hearings nung Tuesday at nung Thursday. So, talagang dapat ma-corroborate kumbaga yung mga testigong yun. Otherwise, di natin alam baka naiwan pala yung ibang pera doon sa - hindi pala nailipat yung pera - so, yun ang isang paraan para ma-launder yung pera mismo. Yun ay isang posiblidad.

NR: Sir, kasama po kayo sa closed-door session no? nakatulong po ba yung executive session na yun with Maia Deguito para mas malinawan yung possible na responsable sa laundering?

SJEA: Well, I have to be clear, Nimfa. Kasi, graduation ng isang anak ko, umalis ako nang maaga. Siguro mga ten minutes lang ako don sa executive session. Although, babasahin ko naman yung transcript. Pero palagay ko, makakatulong naman yun so far, as to - ano yung ginawa ni Maia at kung ano yung relasyon niya sa mga ibang testigo at ibang mga masasabi nating sangkot sa mga transaksyong ito.

NR: Sir, si William So Go, dini-deny nya na sa kanya napunta yung pera. Nag-waive siya ng kanyang karapatan sa bank secrecy law kaya po na-discuss po sa hearing noong Thursday yung tungkol sa bank account. Puwede na po ba syang maabswelto? Ligtas na po ba sya rito o hindi pa?

SJEA: Well, sa ngayon, masasabing "he said, she said" sya, e. Hindi pa natin alam kung sino talaga ang nagsasabi ng totoo dyan. At although may mga report nga na forged lang yung mga signature ni Mr. Go, yun ang testigo ng taga-RCBC at hindi raw talaga kanyang account yun kaya willing sya mag-issue ng bank waiver. Pero siguro dapat magtawag pa ng ibang witness na may alam tungkol doon sa meeting at tungkol doon sa transaksyon regarding doon sa bank accounts kung sino talaga ang nagbukas nun at kung sino talaga ang nakakita sa pagpirma nung mga signature card. Kasi pupunta ka sa bangko para pirmahan mo yun, e, hindi ba? So, yung mga ganung klase ng detalye, siguro dapat tignan pa para makita kung sino talaga ang nagsasabi ng totoo.

NR: Tsaka sir, dini-deny nya na nag-open sya ng account nung February 1 na supposedly binuksan po yung William So Go account hindi ba? Hinahanap sa CCTV footage ng RCBC, di ba hindi naman po lahat ng nag-o-open ng account, e, pumupunta sa bangko? Kasi naalala ko yung Jose Pidal account--

SJEA: Kasi pag kilala naman po yung kliyente, pinapadala na lang yung signature cards. Hindi naman conclusive yun, pero kung saka-sakaling meron, ebidensya rin yun na talagang nagbukas siya kung saka-sakaling may CCTV account na nagpunta siya sa bangko. Pero the fact na wala yun, hindi rin naman matibay na ebidensya yun na hindi siya ang nagbukas nung account.

NR: Sir, yung Philrem, paano ho yung kanyang papel dito o yung liability ng Philrem?

SJEA: Well, hindi pa klaro sa atin , dahil Philrem is a remittance company, at nagtataka lang tayo kung bakit kinailangan pa yung serbisyo niya kung pwede namang mag-transact diretso sa bangko. Kasi , ang remittance company, remittance overseas usually ang pinanggagalingan. E dito, in this case, local naman yung depositors. Pera nila. Taga-local hindi ba? Bakit hindi na lang dumaan nang diretso sa bangko? E talagang may itinatago dahil kinailangan pa ang serbisyo ng Philrem.

NR: Parang dumagdag po sa layer..

SJEA: Yes. Parang dumagdag ng layer para mas maging komplilkado yung transaksyon. Pero kung tutuusin, kung lehitimo naman yung depositor dito, at lehitimo yung bibigyan nya ng pera, pwede nyang gawing diretso, di ba? Dalhin na lang sa bangko, palitan from dollars at ipadadala ko na doon sa bibigyan ko ng pera. Pero para talagang ginawang komplikado, e. Hindi pa natin sigurado kung talagang may pananagutan ang Philrem dito, pero siguro dapat tanungin pa sila tungkol dito sa transaksyon, hingian ng mga dokumento doon sa mga sinabi nila para makita talaga kung dumaan ang pera sa kanila for instance, ano yung naging papel nila.

NR: Oo nga po, e. kasi yung RCBC pwede namang sila na ang maglabas ng cash.

SJEA: Opo. Iniisip namin yan, e. Kung minsan, nag-uusap kaming mga senador - bakit kailangan pa sila di ba? Well, sabi nga natin sa bangko, istrikto. Kailangan alam mo kung sino yung ka-transact mo. Siguro kung money launderer ka at may conspiracy dito, siguro gagamitin mo yung Philrem dahil may lehitimong transaksyon yun. So, hindi kukuwestiyunin kung yun ang ginamit mo. Yun ang naisip din natin. Naghanap sila ng lehitimong negosyante, para yung illegitimate transaction ay magmukhang lehitimo kumbaga.

NR: Sir, yung offer ni Salud Bautista ng Philrem na ibalik yung kanilang kinita, ma-a-absolve po ba sila sa anumang pananagutan nila rito dahil magsasauli sila ng pera?

SJEA: Well, hindi pa ako sigurado pero parang hindi, e. Kasi tinanggap nila yung pera, e. Pero pag-aaralan natin ito. Hindi pa po tayo sigurado sa insidenteng yan. At saka wala ako nung sinabi niya yun, Nimfa. Nagulat na lang ako nung mabasa ko sa dyaryo nung Friday after the hearing on Thursday na ibabalik nila yung P10M. Sabi nga nila kasi P500 lang ang kinita nila

NR: Opo noong una. Kayo nga po ang nagtanong noon, at natuwa pa nga kami dahil itinanong ninyo yun.

SJEA: Opo itinanong po natin yun at nakakagulat. Parang buong bansa sabi, 'Ha? Talaga? P500 pesos? Di ba hindi ganun ang business nila? So, titignan natin. Siguro marami pa tayong gustong tanungin ukol sa mga transaksyon na ito. At baka naman ang tingin ng batas, e, good faith naman ang pagbabalik nila ng pera. Baka sakali. Pero siyempre depende na rin yun dun sa findings as to ano yung relasyon ng mga partido. Kung nag-conspire ba sila - may conspiracy ba rito? At kasama ba sila? O nagpagamit sila o hindi lang nila alam na illegitimate itong mga pinanggalingan ng mga perang ito.

NR: So, bago lang po ako mapunta sa AMLA Bank secrecy law, so ilang personality na lang po - Lorenzo Tan, president ng RCBC, yung kanyang general denial na hindi raw niya kilala si Maia, wala syang alam dito sa money laundering, paano po ito ninyo ina-appreciate?

SJEA: Sa panig ni Lorenzo Tan siguro, yun ay kailangang i-establish at responsibility ng bank. Definitely, responsable po itong si Maia Deguito sapagkat siya yung branch manager, pero siguro yung role ni Lorenzo Tan, kung ano talaga ang role niya rito, kung siya ba ay naging pabaya, kung alam ba niyang lahat ang transaksyon - yun siguro ang dapat tignan ng mga awtoridad later. Kasi, kami sa senate, hindi naman kami yung manghuhusga dyan, e. And to be safe, siguro sasabihin na lang ng komite, i-file nyo na lang ang lahat ng kaso dyan, hindi ba? Bahala na sila as a matter of defense kung ide-deny nila yan. Basta ang panig ng senate is to investigate in aid of legislation. Hindi kami in aid of prosecution.

NR: Pero sir, nakakapag-recommend po ang Blue Ribbon Committee di ba kung sino ang mga dapat kasuhan?

SJEA: Yes. Yun nga ang sabi ko, but if the committee wants to be safe, ire-recommend na lang niya na i-file ang lahat ng kaso rito tapos sila na ang magre-raise ng defense nila.

NR: Sir sa ngayon, ang may kaso lang si Maia Deguito? Hindi ba kulang? Sa money laundering po, di po ba ang isa sa mga elemento nyan ay sabwatan?

SJEA: Yes.

NR: So, hindi po ba kayo nagtataka na si Maia Deguito lang ang may kaso sa ngayon?

SJEA: Medyo nakapagtataka nga yan dahil hindi naman siguro niya kayang gawin lahat nang ito hindi ba? Although sya ang naging susi dito sapagkat hindi mabubuksan yung limang bank accounts na unang pinasukan nung 81 million dollars kung hindi siya kasabwat. Although maaaring may negligence nga yung ibang mga kasabwat dito at hindi pa natin talagang alam ang totoong role ni Mr. Go at totoong role ni Philrem, for example. So, sa akin, kulang pa tayo ng impormasyon, e. At kailangan makita pa natin.

NR: Ini-expect nyo po ba na sa March 29 na susunod na hearing nito, umaasa po ba kayo na may bagong irereport sa inyo ang AMLC? Kasi di ba ho, ang pag-phase ng suspicious accounts di ba six months lang? although puwedeng i-extend, pero dapat six months -- mabilis na aksyon, mabilis na imbestigasyon, di ho ba?

SJEA: Yes. Actually, sinabi rin natin sa unang hearing na sa AMLC, kahit hindi covered institutions ang casino, in the sense na hindi sila tulad ng bangko at ng money changers na kailangang mag-report ng covered transactions over 500,000 pesos, or suspicious transactions, e, hindi naman ibig sabihing walang kapangyarihan ang AMLC na kausapin ang ibang ahensya ng gobyerno at tingnan kung ano ang maaaring nangyari sa perang ito. Kasi may tsismis na yung pera nasa casino pa o doon sa mga napuntahan. So, may kapangyarihan ang AMLC sa totoo lang. They can enlist the aid under the AMLA Law - puwde nilang kausapin ang iba't ibang ahensya ng gobyerno para magpatulong. NBI, PAGCOR, PNP. Puwede nilang tanungin - sa tingin nyo, anong nangyari dyan? Pag itinanong sa PAGCOR, kanino ba ibinenta yung chips for example. Sinong junket operator? Tapos pwede nilang itanong sa Bureau of Immigration, nariyan pa ba yung mga tao dyan? Yun ang mga steps na sinasabi natin sa AMLC kailangan nilang gawin. At sabi naman ni Atty. Abad, ginawa nila nung araw ng mismong hearing, pero sa akin, bakit hindi ginawa nang mas maaga?

NR: Sir, yung PAGCOR nabanggit po ninyo - hindi ba meron din sila ritong dapat ipaliwanag? Sabihin nang hindi sila kasama sa covered institutions, hindi sila required na mag-report tulad ng mga bangko, sabi nyo nga po , puwede bang ganun lang? Hindi ba nagkaroon din ng lapses sa kanilang side?

SJEA: Sa akin, may nabasa akong article na sinabi nung representatives ng Pagcor na meron naman silang record kung saka-sakaling pumasok yung mga pera sa casino, may record sila kung sino ang mga bumili - ganun - yung chips mismo. Ganun. Sa akin, lead yun, e. Kumbaga may pupuntahan yun. So dapat sinundan yung ng AMLC at saka ng ibang mga awtoridad.

NR: Pero sir, dahil hindi sila covered institution, ganun lang ba na dadaan under their noses yung -

SJEA: Regulator nga sila, e, so kumbaga, may kapangyarihan sila. Kahit sabihin ng mga casino for example na hindi sila covered ng Anti-Money Laundering Law, e, sasabihin ng Pagcor, for keeping purposes dapat may record din kayo. May listahan din kayo. Puwede naman yun, e.

NR: E dapat sa particular na insidente na ito, hindi puwedeng walang alam o hindi puwedeng ikatwrian ng Pagcor na wala silang nagawa. Dapat pala may nagawa rin sila dito sa laundering ng Bangladesh money.

SJEA: Oo. May mga statement din ang Pagcor na gusto nating klaruhin at sabi nila, 48 million lang daw ang pumasok sa mga casino - so yung mga ganung klase ng statement, puwede sigurong bigyan ng linaw sa susunod na hearing.

NR: Dahil po rito sa insidenteng ito, sabi kailangan daw po na i-relax ang bank secrecy law, at palakasin naman daw ang anti-money laundering act. So, dito po muna sa anti-money laundering act, ano po ang mga dapat baguhin, o idagdag dahil dito sa nangyari sa pera ng Bangladesh?

SJEA: Actually, maugong yung - kung naaalala mo Nimfa - sapagkat chairman nga po tayo ng Ways and Means at kung maaalala nyo na itinutulak nga natin yung income tax reform na hindi gumalaw mula noong 1997 kaya kinain na ng inflation yung kita ng mga ordinary employee o ng mga trabahador kasi 1997 rates pa sila, ang sabi naman ng BIR at ng DOF, o sige, ibaba natin ang income tax pero ang kapalit niyan, bank secrecy at gawing predicate crime sa AMLA yung tax evasion. Kaya nung September 2015, nag-isang hearing po tayo dyan sa committee on ways and means, e. Pero ang lumabas, parang napakalawak naman ng hinihinging awtoridad ng BIR. So doon sa draft bill nila, meron silang hinihinging kapangyarihang tumingin sa mga bank account ng mga iniimbestigahan pa lang. E, ang mga iniimbestigahan nila, halos 30,000 cases. Tapos nung tinanong natin yung assistant commissioner ng BIR, si Asst Comm Ortiz, ang sabi niya, sa bawat kaso merong 10 opisyal ng BIR na puwedeng tumingin sa bank accounts na yun. So, kumbaga, sabihin na natin libu-libo ang mga empleyado ng BIR na puwedeng tumingin - sabi nga natin sa BIR - bumalik na lang po kayo sa amin na may mas safeguard na panukala na iilan lang ang puwedeng tumingin para yung interes din ng depositor ay naproprotektahan. Sapagkat madali namang mag-file ng kaso, e. File lang kayo nang file ng kaso, para matignan yung bank accounts. Hindi ba puwedeng maging fishing expedition lamang yung kapangyarihan na yun at kung unscrupulous o may masamang balak yung nag-iimbestiga, puwedeng gawing pangingikil lamang yung kapangyarihan na yun. So, yun ang ayaw nating mangyari. Gusto nating mabalanse. Every power must have its check and balance ang maybe a limit also. Pero sa akin, pag tinignan naman natin yung bigger picture, talagang yung buong mundo, talagang papunta na roon sa relaxation of secrecy hindi lang dahil sa money laundering kundi dahil talamak talaga yung mga sindikato sa buong mundo, e. At naghahanap sila ng mga lugar at sa tingin nila kasama ang Pilipinas doon, kung saan hindi pa ganun kasikip ang mga financial control. So doon sa mga tanong kung kailangan bang isama ang mga casino, sa tingin ko base rito sa karanasan natin, baka nga dapat na. At doon naman sa ibang tinatawag na institusyon na hindi pa covered tulad ng mga real estate brokers, yung art dealers, yung mga nagbebenta ng malalaking halaga -

NR: So, hindi pa pala po covered ang real estate?

SJEA: Hindi pa covered so, sabi nga nila, one way of laundering money is you buy a condominium, kasi hindi naman tinatanong kung paano ka nagbayad, e. Kung tseke o cash. Usually, ang laundered money is cash. So, gagamitin mo yun, bibili ka ng condominium. Edi nalinis mo na yung pera mo. O kaya bumili ka ng painting kasi hindi naman itinatanong kung paano ka nagbayad.

NR: So parang pag niregaluhan nitong si druglord ng isang Picasso painting -

SJEA: Kung bibili ka ng Picasso -- kasi yung Picasso is $1M malamang, so P50 million na yun. E sa ngayon, hindi naman puwedeng ireport yun ngayon. Kung bumili si individual A ng painting worth P50M -- sa ngayon walang requirement na ireport yun. So, walang natititmbre sa mga awtoridad kumbaga. O kaya, puwedeng bumili ng condominium - so sa mata ng batas, yun ay lehitimong transaksyon pero maaaring yung ipinambayad ay hindi lehitimo.

NR: So kailangan pala sir, yung AMLA kailangang palakasin, dagdagan ang covered institutions para masawata ang money laundering.

SJEA: Palagay ko, kung gusto talaga nating gawing komprehensibo at walang butas ang ating batas sapagkat dito nakita na natin sa transaksyon mismo sapagkat pagpasok ng casino, parang wala nang malay, e. Parang hugas-kamay na rin yung AMLC na - hindi na sa amin yan - hindi namin covered yan, e.

NR: Sir, hindi nila puwedeng ikatwiran na kulang sila ng powers dito sa partikular na insidenteng ito

SJEA: In the sense, mas mahina yung kapangyarihan nila kaysa kapangyarihan nila in relation sa mga convered institution pero hindi naman nangangahulugan na talagang wala silang kapangyarihan.

NR: So yung sa AMLA palalakasin, pero yung bank secrecy law, yun ang ire-relax?

SJEA: Yung bank secrecy law, tulad ng sinabi ko sa AMLA, kasama yan sa pagka-crackdown sa mga international crime syndicate at operations nila na hindi na maililipat yung pera world wide. Yung pag-relax ng bank secrecy, for certain purposes at yung hinihingi ng BIR for tax evasion - actually pabor tayo ron, e kung tutuusin. Pero siguro, for certain amounts - yung larger amounts para hindi na magamit laban sa pangkaraniwang mamamayan. For example, ang tax liability ng isang tao, ang pagkukulang niya ay P50,000 - pati ba naman yun gagamitan ng bank secrecy law? Gagamitin lang yun for transactions of millions of pesos. So yun ang nakikita nating dalawang puwedeng ilagay sa any amendment dito sa bank secrecy. Kung saka-sakali dapat ilimit natin maybe to the commissioner, to the assistant commissioners, di ba? A select group - the secretary of finance. Iilang grupo ng mga opisyales - for certain cases lang over certain amounts. Kumbaga yun yung dalawang limitasyon na puwedeng ilagay para hindi naman matakot yung buong bansa na baka gamitin yun laban sa kanila.

NR: Sir, maaalala ko lang, pati Ombudsman po, parang some months back, hiniling din po na i-relax yung bank secrecy law kasi nga nahihirapan din daw silang mag-imbestiga. So ngayon ang humihingi ng bank secrecy law ay yung AMLC, yung Central Bank at pati yung Ombudsman.

SJEA: Well, sa Ombudsman, puwede rin naman yun. For certain anti-corruption cases. Pero kelangan may mga safeguard. Dahil dito, yung buong isang libong empleyado ng Ombudsman, titingin doon sa bank accounts ng tao.

NR: E, sir, dito sa insidenteng ito, ang concerned, pera ng Bangladesh, ang problema, yung financial community, mga malalaking tao lang daw - kung kayo ang tatangunin, bakit kailangang maging interesado rito ang ordinaryong mamamayan?

SJEA: I think, dito, ang interes ng pangkaraniwang tao, halos lahat naman sa atin may kamag-anak na OFW, so ayaw natin na tumaas yung cost of remittances dahil pag naging suspect na tayo, o minasama na tayo sa mata ng international financial community, sabi nga nila baka tumaas yung cost of doing business ng OFWs natin. Ibig sabihin, yung cost ng pagpapadala ng mga remittance sa mga pamilya nila. Kumbaga, mailimit na lang yan kung sakaling masama ang reputasyon ng Pilipinas, mahihirapan sila - baka tumaas ang cost of sending remittances. Yun ang isa sa mga kinatatakutan natin. At pangalawa, syempre yung reputasyon ng ating bansa. Hindi rin po maganda na ang tingin po sa atin ay kumbaga kuta ng mga money launderer o kaya yung financial system natin, e, parang nagiging instrumento ng mga sindikato. Hindi naman maganda yun. Kahit siguro pangkaraniwang mamamayan ayaw nya na ganun ang reputasyon ng kanyang bansa.

NR: Sir, yung sa bank secrecy, kung aamendahan yan, puwede po bang isama ang imbestigasyon ng senado doon sa mga exempted? Kasi, hindi ba ngayon, sa bank secrecy law, puwedeng mag-imbestiga pag may mga kaso sa korte, pag may impeachment trial, ang senado hindi kasama. E, ngayon po, nag-iimbestiga kayo, ang laging katwiran sa hearing ng RCBC, ni Deguito, meron daw umiiral na bank secrecy law bukod sa AMLA. So, isinasangkalan yung bank secrecy law - pwede po bang ang senado ay mapabilang doon sa institutions na puwedeng makapagbuklat - pag in aid of legislation, puwedng magbuklat?

SJEA: Merong dangers din yun dahil malawak po ang kapangyarihan ng senado o kongreso pagdting sa aid of legislation. Sa mga matinong mambabatas, tama siguro yung paggamit sa kapangyarihang yun, pero sa kamay ng isang mambabatas na may masamang balak, puwedeng ma-misuse yung power na yun. So, maybe one compromise is just - like dun sa money laundering law, ibigay sa korte ang kapangyarihan. Dahil sa ngayon, yung ibang exemptions sa bank secrecy, korte ang nagsasbi kung applicable sya like kung merong litigation involving yung amount of money na pinag-uusapan mismo sa kaso, yung korte ang nagsasabi na we can relax bank secrecy here - it's an exemption to the bank secrecy. Sa ngayon, masyadong malawak yata yung pagbibigay sa kongreso, although ako, member ako ng kongreso, nakikita ko yung danger nung pagbigay sa kapangyarihang yan.

NR: baka maabuso..

SJEA: Opo.

NR: Sir, tungkol pa rin po rito sa isyung ito - - may nagpapatanong lang po - dito sa money laundering, yung iniimbestigahan ninyo - yung RCBC iniimbestigahan nyo yung mismong involvement nito o yung individuals lamang nung bangko?

SJEA: Sa palagay ko, pareho. Kasi, money laundering is a personal crime, pero at at the same time, yung mga bangko may mga responsiblidad din yan sa ilalim ng mga batas natin - may mga 'know your clients' rule, at may kapangyarihan din ang Bangko Sentral na magpataw ng mga multa o kaparusahan sa mga bangko. So, siguro parehong aspeto - pareho silang involved sa kasong ito.

NR: So, abangan natin yung hearing sa March 29 - pero sir - in aid of legislation pero papasara na po yung kongreso. Pagbalik po ninyo sa May, e, uupo po kayo as national board of canvassers, so malabo na kayong makagawa ng batas para po maamendahan ang AMLA or bank secrecy law. So, next congress na po magagawa yun.

SJEA: Most likely sa next congress na. although may posibilidad sapagkat sa calendar namin, may two weeks session pa kami. So, in theory pwede pero sa reality, yung pagtakbo ng batas, kailangan may first reading sa committee, may second reading, may interpellation, may debate, may period of amendments, tapos may third reading, may botohan na kailangan three days ang gap between the second reading and third reading - so talagang medyo masikip talaga. At sabihin na natin may canvassing tayo - ibig sabihin, yung senado at kongreso magmi-meet, para maging board of canvassers - yung tatanggapin nya yung resulta ng eleksyon. Hindi natin alam kung ilang araw yun, so very unpredictable sa totoo lang.

NR: So sir, kausap ko na rin lang po kayo - natatandaan ko may interviews din ako sa inyo dahil kayo ay either vice chairman o acting chairman ng foreign relations committee tungkol sa EDCA. Pinayagan po ng ating Sandatahang Lakas na magamit ng puwersa ng Amerika ang limang kampo ng military natin. Ito po ay sa ilalim ng EDCA di po ba? Ganun lang ho ba talaga yun? Sila lang ang magde-decide? Walang puwedeng magamit na oversight committee ang kongreso para ma-review naman itong pagpapagamit sa ating military bases?

SJEA: Gumagana pa naman ang oversight function ng mga komite ng kongerso tulad ng defense committee, puwedeng patawagin yung mga miyembro ng sandatahang lakas, AFP, at tanungin kung ano ang naging basehan nito, ano yung mga detalye nito. Although kung ang tanong ninyo ay kung kaya bang i-overturn ng kongreso yung desisyon ng Ehekutibo, palagay ko hindi.

NR: Pero would you look into it po yung kung ano ang repercussions -

SJEA: Opo puwedeng gawin po ng committee on defense kasi in-inherit pa sa kanya yung oversight power. Even the committee on foreigh affairs, theoretically kaya ding gawin yun. Pero ang chairman ng mga komite na yan ay parehong kandidato for national office. Si Sen. Santiago sa foreign relations, and sen. Trillanes sa defense. So, in theory nga nariyan yan, siguro hindi napapanahon for the next few months.

NR: SO, sa ngayon po, pagtitiwalaan po muna natin ang executive department sa ganitong mga diskarte?

SJEA: Yes mukhang ganun na nga. Ganun ang implication nung desisyon ng Korte Suprema noong sinabi nilang hindi ito treaty at executive agreement lamang ito na kayang pasukan lamang ng executive branch o ng presidente without the concurrence of the senate.

NR: Pero sir sa inyo po, personally, ano ho ang tingin nyo rito? Okay lang ba ito? Makatiwran po ba?

SJEA: Sa akin, mas maganda talaga Nimfa kung magkaroon tayo ng hearing at tignan natin talaga kahit closed door hearing dahil syempre ang pinag-uusapan natin ay sensitibo at national security. Mas maganda na marepaso rin kahit walang kapangyarihan ang senado na i-overturn o baliktarin yung desisyon ng ehekutibo, pero mas maganda na bilang kinatawan ng taumbayan, e, malaman natin kung ano yung detalye nito.

NR: At saka sir, after all kayo ang treaty ratifying body so meron din kayong say sa foreign policy.

SJEA: E, yun nga, e. sinabi ng Supreme Court na hindi ito treaty, e. Parang nabawasan kami ng kapangyarihan doon pero hindi nga nawawala sa amin yung oversight power at saka mas maganda nga sana kung merong oversight sa mga bagong development dito sa basing agreement.

NR: With that sir, maraming salamat and congratulations kay Manolo.

SJEA: Maraming salamat Nimfa. At sa lahat ng nakinig sa atin, salamat din po at magandang umaga po.

NR: Salamat po. Mga kaibigan ang nakausap po natin, si Senator Sonny Angara po at si Manolo po, yung panganay nyang anak. Nakita naming lumaki dahil lagi pong nakakasama dati ni dating senator Ed Angara, yung kanyang father. Tuwang-tuwa sa kanyang apo.

News Latest News Feed