Press Release
March 29, 2016

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon by Rey Sibayan ang Henry Uri

Q: Kayo po ang top 1 sa pinakahuling survey ng SWS sa senatoriables. Ano po ang inyong reaksyon diyan?

SPFMD: Ako po ay nagpapasalamat sa ating mga kababayan sa kanilang pagkilala sa atin bilang Big Man ng Senado, bilang Pangulo ng Senado. Pangako po ni Senator Drilon na lalo po tayong magsusumikap na magpasa pa ng mga batas na lalong makakatulong sa ating mga mahihirap, kung tayo po ay makabalik sa Senado.

Q: Bilang Vice Chairman ng Liberal Party, ano po ang inyong reaksyon sa naging hatol ng Sandiganbayan doon sa miyembro ng LP na si Secretary Acosta?

SPFMD: Ipinapakita lang po sa hatol na ito na walang katotohanan ang mga paratang na may selective justice sa paglaban sa korapsyon sa administrasyon ni Pangulong Noynoy. Malinaw po na umiral ang batas dito sa kasong ito ni Secretary Acosta, at lubos na nirerespeto natin ang naging hatol ng Sandiganbayan. Yaan po ang tinatawag nating rule of law, susundin natin.

Of course, may mga remedies naman si Secretary Acosta, mag-aapeal siya para mareview kung tama ba yung hatol ng Sandiganbayan, ngunit ipinapakita lang dito na ang importante, lahat tayo ay pantay-pantay sa ilalim ng batas, kapartido man o hindi. Uulitin ko lang, nagpapatunay ito na walang katotohanan ang mga paratang na may selective justice sa paglaban sa korapsyon sa kasalukuyang administrasyon.

Q: Isa pa pong isyu na gusto namin kayong makausap ay yung sa kampanyahang local, lalo na ngayong may mga areas of concern at mukhang may mga kaso ng election-related violence?

SPFMD:Nakakalungkot po iyan, lalo na yung nangyari sa Calauan. Nandoon kami sa Sta. Rosa noong nangyari iyan, at talagang nagulat kami. Sana po naman ay iwasan natin yung mga atakeng personal, at batuhan ng putik lalo na sa local dahil doon, harap-harapan eh. Iba ang national, iba ang local, dahil sa local, talagang banatan ng banatan.

Ito lang po ang hinihiling natin: Sana po ay panatilihin ng ating mga kandidato ang malinis, maayos at prinsipyadong halalan. Sana po panatilihin ng ating mga lokal na kandidato ang maayos at matalinong diskurso, kung saan ang pinaguusapan ay kung ano ang ating magagawa para sa ating local constituents. Nakakalungkot po at kinukundena natin ang nangyayaring violence sa ating halalan.

This has no place in our democratic system. Siguro, kalma lang, at huwag masyadong mainit, at halalan lang iyan, at pagkatapos ng halalan ay magka-barrio tayo o magka-barangay tayo. So nakakalungkot po ang ganung klaseng nangyayari.

Q: Isa po kayo sa vocal supporters ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ano po ang proposed action niyo dito para ito ay mapalawak?

SPFMD: Una po kailangan natin palawakin itong Pantawid Pamilyang Pilipino Prorgam dahil mayroon tayong mga mahihirap na hindi pa rin kasama doon sa 4.6 million families na beneficiaries dito. Sa kasalukuyan mayroong 4.6 million na kababayan natin ang nasa ilalim ng 4Ps pero meron pa rin yung tinatawag natin na near-poor o yung mga mahihirap na pamilya na kumikita lang ng mas mataas ng konti sa poverty threshold line, pero vulnerable at hindi po sila kasama sa 4Ps. Ang estimate po dito ng DSWD, mayroong pang mga 1.5 million pamilya na medyo mataas lang ng konti sa poverty line. Yan po ay dapat nating isama.

Ganun din po itong 4Ps ay talagang pantawid lamang, at qualified ka kung mayroong kang anak ka na nagaaral hanggang high-school. Eh pano naman po yung mga mahihirap din pero wala namang pinag-aaral na anak, so paano? Sa akin tingin dapat din pong ipasok sila.

News Latest News Feed