Press Release
April 24, 2016

Transcript of interview with Senator Francis G. Escudero

PROGRAM: #ParaPoSaBayan GMA Facebook Jeepney
HOST: Raffy Tima
Interview with Senator Francis G. Escudero (FGE)

TIMA: Magandang umaga po mga Kapuso, ako po si Raffy Tima at ito ang pagpapatuloy ng #ParaPoSaBayan GMA Facebook Jeepney. Ito po ang pagsasanib pwersa ng GMA News at ang nangungunang online social networking site sa buong mundo, ang Facebook para bigyang kasagutan ang inyong mga katanungan sa mga kandidato sa pagkabise-presidente. Isang oras niyo po kaming mapapanood mula rito mismo sa loob ng Facebook Jeepney via Facebook Live at facebook.com/gmanews. Take note, tayo po ang unang nagsagawa ng Facebook Live interview sa mga kandidato sa loob ng jeepney, ang simbolo ng mass transport system sa bansa. Kahapon ay nakapanayam na natin sina Cong. Leni Robredo at Sen. Alan Peter Cayetano. At ngayong umaga naman, nandito tayo ngayon sa Quezon Memorial Circle kung saan makakasama naman natin si Sen. Chiz Escudero. Magandang umaga po Sen. Chiz Escudero.

FGE: Raffy magandang umaga, sa ating mga followers at nagsusubay ng Facebook, magandang umaga din sa inyong lahat, good morning.

TIMA: Kamusta po so far yung kampanya? Of course, sa ibang kandidato talagang medyo nagkakasakit na sa tindi ng ikot niyo sa buong bansa.

FGE: Patapos na, kaunti nalang ito Raffy, dalawang linggo na lang yata. So at least makakapagpahinga na. Ano man ang maging resulta ng halalan, lahat siguro ng kandidato naglu-look forward na iyan sa panahon na makakatulog sila nang mahimbing hanggang, siguro tanghali o hanggang hapon.

TIMA: Diretso na po tayo sa mga katanungan, medyo marami-rami po yung mga nagsubmit ng mga tanong nila via Facebook. Ang una po nating babasahin ay galing kay Philline Recto Ebro. Ang tanong po niya, "Anong gagawin mo kapag ikaw ang nanalo na vice-president, ano ang maitutulong mo sa mga kabataan at sa bansa?" Medyo general.

FGE: Una sa lahat, ang pagkandidato namin mismo ni Sen. Grace pahiwatig at senyal na hindi kapansanan ang pagiging bata. Kami na yata ang pinakabatang tumatakbong tandem sa halalang ito. Pero kaugnay ng plataporma, layunin namin, college graduate para sa bawat pamilya. Aming gagawing libre lahat ng state college at universities sa buong bansa. Ang kailangang pondo para dito ay 12.4 billion lamang. Ito'y wala pang one-half of 1% ng kabuuang budget. Walang dahilan para hindi ito gawin ng gobyerno. Ika nga nila, kapag gusto palaging may paraan, kapag ayaw palaging may dahilan. At pangalawa, ipapatupad namin ang naisabatas na na 'Study Now, Pay Later' program kung saan ang requirement ay iisa lamang. Hindi mo kailangan maging matalino, honor, o scholar. Kailangan lamang gusto at pursigido ka, gusto mo mag-aral, at pursigido ka mag-aral. At pangatlo, para hindi tayo magkaproblema sa Facebook, gagastusan ng gobyerno ang libre at mabilis na Internet sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan. Ito'y bahagi na ng karapatan ng ating mga kababayan pagdating sa paglinang at edukasyon ng ating kabataan. Noong nag-aaral tayo Raffy, library at card catalogue tayo, encyclopedia ika nga. Biruin mo sa dalawapung volume ng encyclopedia, nandoon na lahat ng kaalaman ng mundo mula noong nagsimula ang kasaysayan. Sa ngayon, ayon sa datos ng Google, halimbawa, nagkaroon sila noong 2014 ng isandaang bilyong search sa Google kada buwan. So sa buong taon nagkaroon ng 1.2 trillion searches sa Google. Ganoon na kahalaga ang internet ngayon pagdating sa kaalaman at pagbibigay ng knowledge sa ating mga kabataan.

TIMA: Sir, follow up lang po doon. Sa inyong pag-iikot sa buong bansa, gaano kalaki yung mga concern ng mga tao pagdating sa internet? Kasi hindi lang naman Facebook iyan. Nabanggit niyo nga, pati sa komersyo, information of course, mahalaga iyan. Gaano kalaking concern ito?

FGE: Tuwing nagpupunta kami sa ano mang forum, tuwing sinasabi namin ni Sen. Grace na papabilisin namin ang internet at gagawin naming libre sa mga paaralan, iyan ang pinakamalakas na palakpak. Bahagi din ito ng programa namin sa gobyerno, gusto kasi namin 'No Touch Policy' sa gobyerno. Dahil ang application sa gobyerno, pagbigay ng license, ng permit, dapat internet na rin ang gamit upang sa gayon maiwasan o mabawasan yung abutan ba, yung kindatan ba, at yung bigayan kaugnay ng lagayan sa mga transaksyon ng gobyerno.

TIMA: Ang sunod naman pong tanong ay galing kay Nestor Yambonza Ong. Ang tanong po niya Senator, "Sa tagal niyo na pong naging senador, bakit po ngayon niyo lang tinutulak ang pagtaas ng pensyon? Bakit hindi niyo po iyan ginawa o isinulong sa tagal niyo na naging senador? Dahil po ba halalan ngayon kaya libre ang mangako?"

FGE: Author po kami ng pagtaas ng SSS Pension. Noong mga naunang panahon hindi po naihain ang panukalang batas na iyan bagaman kulang talaga. Ngayon lamang naman napag-aralan na sapat ang pondo ng SSS para magbigay ng mas mataas na pensyon. Sapat na nga, ayaw pa rin ng administrasyon. Isa lamang po ako sa mga may-akda ng SSS Pension at ako ng nagsusulong na maoverride ang veto ni Pang. Aquino. Inaprubahan na po namin iyan sa Senado't sa Kongreso pero matapos i-veto ni Pang. Aquino biglang nag-atrasan lahat ng bumoto noong una dito sa SSS Pension. Hindi nila sinunod po yung prinsipyo na nagsasabing 'my loyalty to my party ends where my loyalty to my country begins'. Karamihan ng nagbaliktaran miyembro ng administrasyon at ng LP, sa Senado man o sa Kamara.

TIMA: Kaugnay po ng tanong na ito, marami pong mga questions usually sa mga candidates na hindi yata nila alam na may ginawa kayo or sinabi niyong talagang ito at nagrerely sila sa mga information na nakukuha sa social media, iyon din po minsan, yung negative dito. Ano pong reaksyon niyo doon?

FGE: Bahagi na siguro iyan ng mundo ng politika. Palaging may kritiko, palaging may magpapa-alala o magsasabing ginawa o hindi mo ginawa ito, sinabi o hindi mo sinabi iyan. Obligasyon namin na manilbihan sa gobyerno, na sumagot, magpaliwanag, at sabihin kung ano ang totoo.

TIMA: Ito naman po yung tanong ni Kimberly Santos, "My question, paano mo matutulungan ang mga OFW na inaapi sa ibang bansa? Mapapangako mo ba na bibigyan mo sila ng pansin kapag kinailangan ka nila? Second, paano mo masasabi na ikaw ang karapatdapat maging vice-president ng ating Republika?"

FGE: Mahaba at komplikado yung tanong, subukan kong sagutin. Bago pa man ako tumakbo, wala pa akong balak tumakbo, bilang chairman on Committee on Finance ng Senado, naglagay ako ng pinakamataas na pondo, dalawandaang milyong piso. Nagmula po iyan sa 10 million pesos lamang para sa legal assistance fund ng mga napapatrouble na OFWs sa ibang bansa. Pero bahagi ng plataporma po namin ni Sen. Grace magtayo ng isang departamento na tututok lang talaga sa ating mga OFWs. Alam po ninyo, bayani ang tawag natin sa OFWs pero hindi naman bayani ang pagtrato natin sa kanila, sa salita lamang at hindi sa gawa. Itong departamentong ito Raffy, tututukan ang mga sumusunod: Una, babawasan ang pila, babawasan ang bayad, magbibigay ng credit window para mas madali ang pagprocess ng papeles ng sino mang Pilipino na gusto magtrabaho sa ibang bansa. Pangalawa, trabaho din ng ahensyang ito tutukan at bigyan ng pansin yung mga Pilipinong ilegal sa ibang bansa, yung mga TNT ba. Hanggang ngayon nagsisilbi pang makapili ang gobyerno. Sarili nating mga embassy officials ang nagtuturo doon sa mga ilegal na Filipino. Dapat imbes na ituro sila, bahagi ng trabaho ng Embahada at Konsulado natin na tiyaking magiging legal ang kasalukuyang hindi gaanong legal nilang pananatili sa ibang bansa. Pangatlo, magtatalaga kami ng isandaang bilyong piso para po sa pondo o startup capital, ng mga sumusunod: Una, pensyon para sa OFWs. Pangalawa, portability ng PhilHealth. Ibig sabihin, miyembro dapat ng PhilHealth ang OFWs at magagamit nila yung card, hindi man zero billing, saang bansa man sila matatagpuan at nang makabawas sa kanilang gastusin kung sila'y magkakasakit habang nasa ibang bansa. At pangatlo, gagamitin din itong isandaang bilyon para kumuha tayo ng retained na mga abogado na sa iba't ibang bansa dahil kailangan local lawyer yung mga iyon. Bawal magpractice ang Pilipino roon kasi maliban na lang kung nakapasa sa Bar o pinapayagan sila. At para magamit bilang pambayad ng blood money. Madalas kasi problema iyan kaya may napapatawan ng parusang kamatayan na Pilipino, wala tayong pambayad ng blood money.

TIMA: Nabanggit niyo po yung mga parusa, papaano po kapag ang naisyu dito ay droga at napatunayan na sila naman ay involved sa drugs na mga Pinoy? Papaano niyo po idi-deal ito?

FGE: Alam niyo para sa akin, ano man ang krimeng ginawa ng Pilipino sa ibang bansa, importanteng nandoon pa rin ang Embahada natin para sa kanila. Para matiyak na yung mga karapatan nila at yung due process rights nila ay mapangalagaan, ano man at gaano man kalala ang kanilang krimeng diumano ginawa sa ibang bansa. Dagdag pa siguro dito, nais ko ring sabihin na kadalasan ang problema ng Pilipino, natutulungan siya sa dulo na. Kumbaga na-convict na no'ng natulungan. Huli palagi pumasok ang gobyerno. At isusulong din namin 'yung tinatawag nating prisoner swap treaty. Mayroon na tayong ganiyang kasunduan. Halimbawa sa Spain. Alam niyo, bilib ka rin sa Spain, isa lamang ang akusadong nakulong, kung maalala mo 'yung Chong case yata sa Cebu, napatawan ng parusang pagkakabilanggo. Nakipagsundo ang Spain sa Pilipinas dahil lang sa isang national na doon i-serve 'yung sentence sa Spain kung saan malapit sa kanyang pamilya at mahal sa buhay. Tayo humigit kumulang walong libong Pilipino ang nakakulong sa iba't ibang bansa sa mundo. Marapat lang isulong ng bansa natin... Ay, 'di... Isulong ng bansa natin ang pagpasa ng mga tratadong ito para sino mang Pilipinong maparusahan ng pagkabilanggo, may option na dito niya i-serve 'yung sentence malapit sa kanyang pamilya at mahal sa buhay.

TIMA: Okay. 'Yung susunod po na tanong, I'm sure napag-usapan niyo na ito ng mga staff mo at I'm sure nasagot mo na ito e.

FGE: Parang mahirap yata 'yan ha?

TIMA: Anyway, tatlo po 'yung nagtanong pero 'yung isa halos...

FGE: Ay! 'Yung pangalawang tanong pala niya.

TIMA: Go ahead po. Go ahead po.

FGE: Lahat po ng tumatakbo bilang ikalawang pangulo naniniwala akong may qualification at may puwedeng maiambag para sa ikagaganda ng takbo ng ating bansa. Hindi po para sa akin ang magbuhat ng bangko o pulaan ang kakayahan o qualification ng iba pong tumatakbo. Lahat po ay miyembro ng kongreso at may angking talino at karanasan na puwedeng ialay sa bayan.

TIMA: Okay. Ito na po 'yung tanong nina nina JV, Toxic Zero, at ni Ademar Ross.

FGE: 'Yung mahirap.

TIMA: "Kuya Keso, tanong ko lang po, bakit ang hilig niyo po sa robotic diction? Pero saludo ako sa'yo, Kuya Keso." Ang tanong naman ni Toxic Zero, "Kung ikaw po ay isang robot, sino ka po at bakit?" At si Ademar, ang tanong naman niya, "Chiz, paano magsalita na parang robot? Ano-anong technique ang kinakailangang pag-aralan? Paki-share naman."

TIMA: Go ahead po.

FGE: Alam niyo, 'pag nagsasalita kasi ako, madalas hinahabol ko 'yung nasa isip ko kaya mabilis ako magsalita. Kasi minsan nakakalimutan ko 'pag hindi ko sinabi agad. Pangalawa, kung magiging robot ako, 'yung kinagisnan natin - idadamay na kita - si Voltes V. (laughs)

TIMA: (laughs)

FGE: 'Wag naman Mazinger Z, okay na 'yung Voltes V. At ano 'yung pangatlo?

TIMA: Ano 'yung technique daw. Gusto niyang pag-aralan yata kung papaano magsalita bilang robot. (laughs)

FGE: Wala e. Hindi naman technique e. Tanungin mo nalang si Heart kung ganoon din ako magsalita noong nililigawan ko pa siya o ganoon din ako 'pag nagpapa-sweet sa kanya.

TIMA: (laughs) Okay. TIMA: Nandito po si Heart sa loob ng ating Facebook Jeepney. Anyway, question number 5 po tayo, galing kay Clifford Valdez. "Idol, sana ikaw talaga ang manalo. Tanong ko lang kung sakaling ikaw ang mahalal bilang vice president, anong gagawin mo para matigil ang digmaan sa Mindanao at sa paanong paraan mo ito aayusin?"

FGE: Ang ugat ng kaguluhan sa Mindanao, isang bagay lamang - kahirapan. Sa mahabang panahon, pinabayaan natin ang Mindanao. Ang tawag nga sa Mindanao Lupa ng Pangako - Lupa ng Pangakong Palaging Napapako. Layunin namin ni Senator Grace gawin na itong Lupa ng Katuparan sa pamamagitan ng paglaan ng pinakamalaking pondo sa kasaysayan ng bansa para sa Mindanao. Ika nga nila sa Ingles, put your money where your mouth is. Hindi puwedeng dakdak ka nang dakdak na may programa ka sa Mindanao, wala ka naman nilalagay na sapat na pera at resources sa Mindanao. Maglalaan po kami isang trilyong piso, katumbas tatlumpung porsyento ng national budget sa unang taon ng aming administrasyon para sa gayon maramdaman talaga ng Mindanao ang pag-ulad na tinatamasa ng Visayas at ng Luzon. Humigit kumulang dalawampu't limang bilyong piso ito kada probinsiya sa Mindanao. Habang may Pilipino kasi na hindi mapakain, mapaaral, o mapagamot ang kanyang mga anak, habang may Pilipino na hindi mabigyan ng bubong o masisilungan ang kanyang pamilya, palaging may Pilipinong aakyat sa bundok, palaging may Pilipino na kakapit sa patalim o gagawa ng krimen. Nais namin tugunan ang problema ng kahirapan habang, siyempre, bukas ang usaping pangkapayapaan sa iba't ibang grupong lumalaban sa gobyerno habang, syempre, tinutugis natin ang anumang criminal elements na gumagalaw doon sa Mindanao. Parang damo lamang 'yan. 'Pag pinutol mo at hindi mo binunot ang ugat, tutubo at tutubo pa rin. Dapat bunutin mo mula sa ugat, dapat sagutin mo ang problema mula sa pinagmulan nito. Kahirapan ang dapat na maging public enemy number one hindi kapwa natin Pilipino.

TIMA: Follow-up ko lang po doon sa tanong ni Clifford Valdez. Sa dami po ng programa - kasi napakarami na po, sinabi pa nga Lupang Pangako ang Mindanao - napakarami nang programang inilaan sa Mindanao pero bakit po kaya parang somehow hesitant 'yung national government na talagang ibuhos 'yung tulong sa Mindanao? At ganoon ba talaga 'yung nangyayari, medyo hesitant ba talaga ang gobyerno?

FGE: Dahil mas maraming tao sa Luzon at Visayas kaysa Mindanao. Sa katunayan, ang Metro Manila lamang kalahati na, mahigit kalahati pa nga ng buong Mindanao. So siyempre 'pag nag-ingay at nagtatalon 'yung tiga-Metro Manila na ma-traffic, edi agad kikilos ang gobyerno. Samantalang sa Mindanao, maski mag-tumbling at mag-sirko 'yung mga tao doon, hindi naman pinapakinggan ng mga nagdaang administrasyon. May kasabihan din tayo: Sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan. Hindi lamang po kalingkingan ang Mindanao, malaking bahagi ito ng ating bansa na dapat kasabay sa pag-asenso at pag-unlad. Hindi po uunlad ang Pilipinas, sa aking paniniwala, kung hindi kasama ang bawat sulok, ang bawat isla ng Pilipinas. Kaya nga ang gusto namin walang maiiwan sa pag-unlad at pag-asenso.

TIMA: Okay. Tanong naman po ni Elionzo Escolar. Ang sabi po niya, "What is your take on Rodrigo Duterte's rape statement?"

FGE: Nalungkot ako sa kanyang pahayag. Hindi na sana nasabi 'yon at hindi na sana pinagtawanan ang isang sensitibong bagay lalong-lalo na may anak din naman akong babae.

TIMA: Okay. Ito medyo personal po 'yung tanong nila Art Arthur Arturo at Coco Bobby. Ang tanong po niya, "Paano mo nagayuma si Heart Evangelista? Share naman po ng tips." (laughs)

FGE: Madalas tinatanong sa akin 'yan.

TIMA: "At kailan daw po kayo magkaka-anak?" Sabi po ni Coco.

FGE: Actually, 'yan 'yung madalas na tanong na palagi kong sinasagot saan mang parte ng Pilipinas ako magpunta. Tanggap ko naman po na hindi ako kasing guwapo no'ng mga natsismis lang sa kanya. Hindi ko naman alam kung totoo talaga 'yon. Natsismis lang naman sa kanya 'yung mga dati daw niyang boyfriend. Sinunod ko ang turo at payo sa akin ng lolo ko. Sabi sa akin ng lolo ko, baka magamit niyo rin 'to: "Chiz, kung gusto mo makapangasawa ng maganda, isang payo ko lang sa'yo" - hindi mo na 'to puwedeng magamit, may asawa ka na e - "kung pipili ka lang ng barkada, kaibigan, at mga kasama mo, siguraduhin mo ikaw na 'yung pinaka-may itsura para kahit na wala kang itsura angat ka at sa'yo nakatingin ang mga tao". (giggles) Kailan kami magkaka-anak ni Heart? Next year namin pinaplano magkaroon ng anak. Pansamantala, practice practice lang muna kami.

TIMA: Okay. Sige po. Medyo honest 'yung questions sayo, Senator. Anyway...

FGE: Honest din naman 'yung sagot.

TIMA: Ang tanong naman po ni Jogar Dencio, "Kung ikaw po ang papalaring maupo bilang bise, ano po ba ang unang limang problemang kinakaharap ng bansa ang agaran niyo pong susulusyonan?"

FGE: Agaran talaga? Pangunahin, kahirapan, para sa akin. Ang ugat ng problema ng bansa, kahirapan o laganap na kahirapan partikular sa sektor ng agrikultura. Pangalawa, problema kaugnay sa kalusugan ng mga Pilipino. Dapat mag-invest tayo sa kalusugan ng ating mga kababayan. Halimbawa, layunin po namin maglaan ng isang bilyong piso para sa kada probinsiya para ma-modernize ang lahat ng provincial at district hospital sa buong bansa. Ito'y kukunin namin mula sa 142 billion na Sin Tax Law o Sin Tax Revenues. Pangatlo, tututukan din po namin ang problema ng pabahay. Dito na lamang sa Metro Manila, halimbawa, humigit kumulang tatlong libong ektarya ang inookupa ng informal settlers. Naninirahan sila nang hindi maayos at walang dignidad. Dapat tutukan 'yan ng gobyerno. May kasabihan po kasi tayo: Ang tao itira mo sa lungga, mag-uugaling daga; itira mo sa koral, mag-uugaling baboy. Pero itira mo at bigyan mo ng maayos at malinis na tahanan, tao rin po at mareresolbahan natin ang problema natin minsan sa peace and order. Kaugnay din po niyan, kung gawin din nating onsite four-story malapit sa kanilang pinagtatrabahuan, pinag-aaralan ng kanilang mga anak, at malilibre natin mahigit dalawang libong ektarya sa Metro Manila para sa dagdag kalye para maibsan ang traffic at para sa open-space para , 'ika nga, maging livable po na city ang Metro Manila. Pang-apat, edukasyon. Nabanggit ko na po kanina ang layunin at balak namin sa edukasyon dahil ito po ang pinakamabisang armas laban sa kahirapan dito po sa ating bansa. At panglima, katiwalian sa pamahalaan. Layunin po namin magsilbing ehemplo kaugnay ng kawalan ng katiwalian sa pamahalaan. Hindi po kami magnanakaw maski na piso. Labing walong taon na po ako sa gobyerno, nakatira pa rin ako sa parehong townhouse na tinitirahan ko. Papanatilihin ko po 'yon hanggang ako ay lumisan ng gobyerno o sa gobyerno. Ia-identify namin ang areas of discretion sa gobyerno dahil, para sa akin, discretion equals corruption. Minimize discretion, you minimize corruption. Eliminate discretion, you eliminate corruption. Ipapasa po namin ang FOI Bill at magpapatupad po kami ng mga kakaibang programa para labanan ang corruption. Halimbawa, tatanggalan po namin ng bulsa ang uniporme ng mga lahat ng mga tiga-Customs at BIR para walang mapaglagyan. Papalitan din namin ang mga lamesa nila. Parang ganito dapat, salamin, walang drawer. Ilan lang iyan sa mga pagbabago na nais naming gawin para mabawasan kung hindi man, masupil na ang katiwalian dito sa ating bansa.

TIMA: Senator, lahat po ng mga binanggit ninyo ay marami magaganda tayong naririnig tuwing kampanya pero ka ba talagang magawa iyan in six years?

FGE: Alin doon Raffy?

TIMA: Lahat ng mga binanggit po ninyo.

FGE: 'Yung sa edukasyon kayang gawin dahil 12.4 billion lang ang kailangan doon. 'Yung sa pabahay, meron ng study na ginawa ang JICA at Australian government funded na kaya ding gawin sa loob ng anim na taon. Onsite ressetlement ito. Sa pamamagitan DBP, kaya po itong mapondohan konti lamang ang investment ng gobyerno dito. 'Yung kalusugan 142 billion Raffy ang income natin mula sa sin tax. Ano ba naman 'yung itabi mo 'yung 82 billion sa isang taon lamang? Para magawa ito sa ating mga provincial at district hospitals. Kung sasabihin nila kulang 'yung pera? Hindi po totoo iyon. Kulang kulang isang trilyon na po na piso ang savings o underspending ng gobyerno mula po noong 2011. May sapat tayong resources para magawa at gawin ito. Sa Agrikultura, sampung porsyento ng budget o 300 billion naman ang ilalagay namin para po tunay na makatulong tayo sa magsasaka at mangingisda. Dahil sa ibang bansa mayaman ang magsasaka, hindi po mahirap ang mangingisda. Sasabihin nila Raffy at sinabi na po sa akin, masyado raw po akong magastos. 12.4 billion sa edukasyon, 300 billion para sa Agrikultura, one trillion para sa Mindanao, 100 billion para sa OFWs. Hindi po gastos ang tingin ko rito, investment po ang tingin ko rito. Investment sa ating magsasaka, investment sa ating mangingisda, investment sa ating OFWs, mga estudyante at gayundin sa kalusugan ng ating mga kababayan.

TIMA: Follow up ko lang po, nabanggit niyo kasi 'yung trilyon na umabot na hindi nagagastos ng gobyerno. Criticized iyan, criticized diyan 'yung ating government. Palagay ninyo po ba parang naging advantage po iyon sa susunod na gobyerno dahil merong ganitong kalaking perang gagastusin?

FGE: Hindi din kasi ang ballpen, last year mas mura kaysa sa ballpen next year. Na hindi ito nagastos, ibig sabihin mas konting tulong ang maipaparating natin sa ating mga kababayan. Kaya para sa akin Raffy, sa totoo lang itinuturing kong krimen ang hindi pag gastos ng resources ng gobyerno, ang hindi pagbigay ng tulong, halimbawa, na bigas at imbes na ibigay sa gutom ay ibinabaon na lamang sa lupa. Dapat krimen iyon dito sa ating bansa.

TIMA: Okay tanong naman po ni Rolando Intal. Ang sabi po niya, "May isang lugar sa Sorsogon na ang mga nag-aaral ay tumatawid sa ilog. Bakit hindi man lang nakapagpagawa si Senator Chiz ng tulay para sa mga kababayan niya na nag-aaral doon? Note: pinalabas po sa Kapuso iyan, please verify po, thanks." So vinerify po namin, lumabas nga po sa QRT. Apat na magkakapatid sa Bulan, Sorsogon tumatawid daw sa labindalawang sapa at tatlong bundok para lang makapasok sa eskuwelahan. Tugon po ninyo sir?

FGE: Hindi ko po distrito iyon noong ako ay Congressman. 1st District Congressman po ako at 2nd District ang Bulan. Pangalawa ang rason po ay ito, 70 million lamang ang PDAF na ibinibigay sa kada congressman kada taon. Ang barangay po sa pangalawang distrito na kasama ang Bulan, kulang-kulang 300 ang barangay po sa aking distrito noon, 257 barangays. Kulang po talaga 'yung pondo para gawin lahat ng kailangan at dapat gawin. Sa parte naman ng National Government, bawal po gamitin ang pondo ng gobyerno ng National Government para po sa barangay road, para po sa footbridge, para sa tulay. Ipinagbawal po iyan ng DBM sa PDAF. Hindi po pwedeng magamit iyan para diyan. Ang pwede lamang gumastos niyan ay local government unit o barangay o munisipyo na alam naman po natin kulang na kulang 'yung pondo. Layunin namin actually, Raffy, sa Gobyernong may Puso namin ni Senator Grace, para maiwasan ang underspending, kung nabibilaukan ang National Government, magdodownload kami ng pera sa mga local govenrment units precisely para magawa ang mga programang ito. Halimbawa, meron tayong BUB na 25 billion, actually papogi lang ito ng administrasyon para kay Secretary Roxas at Congresswoman Robredo, para lang may maibigay sila sa barangay. Pero sa totoo lang itong 25 billion, katumbas nito 5% ng total IRA ng lahat ng LGUs, barangay, munisipyo, siyudad, probinsya sa buong bansa. Diyan sa menu ng BUB, ni wala po iyang footbridge. Bawal nilang gawin kahit gusto nilang gawin. Layunin po namin imbes na gamitin po iyan sa pulitika, ibaba iyang 25 billion sa lahat ng mga LGUs, dagdagan ng limang porsyento ang natatanggap nilang IRA mula sa National Government at ang iba pang mga proyekto at pondo, ibaba din. Kung hindi naman namin kayang iimplement sa National Government, ibigay na namin dapat sa LGU. Dahil sa totoo lang mas alam po ng barangay captain kung anong kelangan kaysa ang mayor. Mas alam po ng mayor kung ano ang kelangan kaysa ang governor. Mas alam po ng governor ang kelangan kaysa sino mang secretary o senador o national official na naninilbihan sa gobyerno. Sorry kung mahaba. (laughs)

TIMA: Okay lang po, okay lang po iyan. Tanong naman po ni Melanie Vidalio. It is all about K12 po. Sabi niya, "Ano naman po ang pwede niyang magawa regarding sa kakulangan ng facilities, materials and teachers lalo na sa Junior at Senior Highschool. Kami pong mga first batch ng K to 12 po ang nagsusuffer lalo na po at upcoming Grade 11 na kami. Napaka dami pa po kasing kulang kaya po ang dami pa pong ang dami pa ding nangangapang students na katulad ko sa magaganap sa Senior High dahil isa po ako sa first batch. Salamat po."

FGE: Alam ninyo ipinagpipilitan ng gobyerno kasing ipatupad iyan this year. Sinabi ko na po last year pa, sinabi ko uli ngayong January, sinabi ko uli ngayong Marso. Mag evaluate po ang gobyerno, kaya ba talagang ipatupad iyan this year o hindi? Kung hindi kaya pwede ba aminin natin at ipagpaliban natin ang implementasyon nito sa darating na taon. Hindi po tayo nagkulang sa Kongreso at Senado kaugnay sa pag appropriate ng pera para maging handa tayo. Ang problema itong gobyerno palpak at mabagal. Halimbawa na lamang Raffy, for last year nag-allocate kami ng 34 billion pesos para magpagawa ng 40,000 classrooms sa buong bansa. As of end of February this year, ni isa sa 40,000 classrooms wala pa silang natatapos. Wala pa silang natuturn over, pero pinondohan namin iyon. Budget deliberations ng 2014, inaprubahan namin palagi on time ang budget bago natapos ang taong 2014. 'Yung pondo available January 1, 2015. February ni isang school building wala pa silang nagagawa. Hindi naman na yata katanggap tanggap iyon. Hindi naman dapat natin ding sikmurain at lunukin ang ganiyang uri ng kabagalan at kapalpakan ng gobyernong ito.

TIMA: Tanong naman po sir ni Eric Wangbu, "Sabi niya, sir what will you do regarding the Comeleak fiasco? At kayo po ba ay nag aalala sa nangyari sa Comelec?"

FGE: Una nilabag nito ang right to privacy ng ating mga kababayan. Dapat Comelec officials ang sisihin dito at pwede silang mademanda sa paglabag sa right to privacy ng ating mga kababayan, criminally o Civilly. Pero mas inaalala ko, Raffy, kung ito na-hack nila at na post nila sa web, baka naman nadagdagan na rin nila 'yung listahan. Baka naman nabawasan na rin nila 'yung listahan. Baka naman na jumble na rin nila 'yung presinto ng mga tao. Ito ang dapat siguro bantayan at tignan ng Comelec. Inassign na po namin ang aming mga abogado at IT experts para po makipag-ugnayan sa Comelec at alamin 'yung extent ng paghahack at kung ano nga ba ang mga security features na idinagdag na nila para maiwasan na muli itong mangyari lalo na kapag dating sa transmission ng mga balota, ng mga boto pala.

TIMA: Satisfied po ba kayo sa ginagawa ng gobyerno at ng Comelec para i-deal itong problemang ito?

FGE: Makakakuha pa lamang ako ng report itong darating na Lunes, bukas, dahil nangyari lamang ito noong nakaraang Huwebes, Biyernes nagpunta 'yung mga abogado namin. So by Monday may feed back na kami mula sa Comelec.

TIMA: Pero palagay ninyo po ba talagang malaking isyu dapat ito? Dahil ang involved dito ay personal information ng mga botante?

FGE: Well definitely sa parte ko okay lang naman public official ako, kahit ilagay ninyo 'yung address ko ay talaga namang dapat alam iyan ng ating mga kababayan. Pero paano 'yung mga pribadong indibidwal na hindi naman talaga nila gustong malaman ng publiko, private naman sila, 'yung ilang detalye kaugnay ng kanilang impormasyon? Marami nga diyan nagtatago ng edad, baka makita bigla 'yung totooong edad nila diyan sa nahack na information.

TIMA: Okay meron pa po doon sa mga nagsubmit ng tanong sa Facebook, meron din pong video confession. So nagtanong rin po sila sa pamamagitan ng video so panoorin po natin 'yung video.

TIMA: Live na po ulit tayo, naputol lang tayo kanina. Nag-end tayo doon sa isang tanong ng isang (inaudible) via video confession. Senator, panoorin po natin.

QUESTION: Senator Chiz, kung ikaw ba ang mananalong bise-president, anong magiging role ni Heart bilang asawa mo na nasa showbiz siya?

FGE: Ang role po niya, nandito siya, ang role po niya, mahalin at alagaan ako at yung mga magiging anak namin. Nag-usap na ho kami ni Heart. Ang kasunduan po namin ay ito, kailanman hindi siya papasok sa politika at sa gobyerno at ako rin, kailanman, hindi ho papasok sa showbiz. Maganda na hong magkaiba ang mundo naming dalawa para pag-uwi namin sa bahay magkaiba yung kwento at pinanggagalingan namin at pwede kaming matuto mula sa isa't isa.

TIMA: So walang crossover po dito?

QUESTION: Hi, good afternoon.

FGE: Hi, good afternoon din po.

TIMA: May second question po tayo para sa inyo Senator. Medyo nagkakaroon lang po ng lag.

FGE: Ang cute naman ni Nanay, naka-shades siya.

TIMA: Umiikot po kasi kami para din magtanong sa mga tao.

QUESTION: I'd like to ask questions to vice-president candidate Chiz Escudero. Gusto ko lang malaman kung ano ang gagawin mo sa mga public hospitals kung ikaw ang ma-elect na vice-president? Dahil sa nakikita ko ay hindi maganda ang ating mga public hospitals, ang kawawa ang mga kababayan.

FGE: Sa pag-iikot ko sa buong bansa, tama po kayo, nakita ko ang kalunos-lunos na kalagayan ng ating mga ospital. Nabanggit na natin ito kanina Raffy, maglalaan kami mula sa Sin Tax Revenue ng isang bilyon kada probinsya para po sa mga provincial at district hospitals. Ang issue po sa kalusugan ng ating mga kababayan ay accessibility. Kapag komplikado na ang kanilang sakit, kapag ang kanilang karamdaman ay hindi na simple, wala nang pasilidad, gamot, o doktor na kayang magpagaling o gumamot sa kanila sa loob ng kanilang lalawigan. Nais po namin gawing accessible ito saan mang sulok ng bansa. At, Raffy, dadagdagan namin, dapat mayroon din pong sapat tayong mga ambulansya para kuhanin at i-pick up ang sino mang nangangailangan ng lunas at may karamdaman at dalhin sa ospital. Hindi lang po mayaman ang may karapatan dapat sunduin ng ambulansya. Higit pa, may kotse naman yung mayaman. Higit pa, yung mahirap dapat bigyan ng access sa ambulansya at ambulansya ang dapat maghatid sa may sakit natin naghihikahos sa ospital.

TIMA: Nabanggit niyo po yung ambulansya, follow up ko lamang po, kasi kung minsan nagagamit na iyon sa politika. Papaano niyo po maiiwasan ito na hindi magamit sa politika?

FGE: Nagfile po ako ng bill, ayaw ipasa ng mga kasamahan ko, bawal ilagay ang pangalan ng sino mang politiko sa ano mang proyekto. Kotse man, tulay man, kalye man, multicab man, o ano pa man.

TIMA: Lalong lalo na sa ambulansya.

FGE: Lalo na po sa ambulansya. Pangalawa, alam po ninyo, pagdating ng ambulansya, ng mga pinapamigay ng PCSO, pagdating po ng mga pickup ng PNP o ano mang kotseng kukuhanin ng gobyerno, isa dapat po ang requirement natin. Dapat nakabenta na yung kompanya ng kotse ng mahigit tatlondaan o limandaang libong sasakyan sa Pilipinas na ganoon din. Para madali ang spare parts, tried and tested na natin, at hindi yung porket mura pageeksperimentohan natin yung Mahindra o ano pang brand na alam naman natin, right-hand drive na ginawang left-hand drive at napakahina pa ng makina. Para po sa akin, ilan lamang iyan sa mga gagawin naming pagbabago kaugnay ng, hindi lang ng ambulansya, ng pagpurchase o procure ng gobyerno.

TIMA: Salamat po. Bukod po doon sa mga napili natin sa Facebook na mga katanungan, bibigyan din po natin ng pagkakataon yung mga nanonood ng live ngayon kasi nagrereact po sila as you speak. So pili po kayo ng dalawa.

FGE: Kahit ano.

TIMA: Kahit ano po.

FGE: Hindi ko alam, hindi ko rin mabasa, Raffy, ang liit.

TIMA: Sorry.

FGE: (laughs) Sorry, tumatanda na.

TIMA: Pili po tayo ng isa rito. Si Doc JD Garcia, nagreact po siya 25 minutes ago. Ang sabi po niya, "Anong stand niyo ni Grace Poe sa Anti-Smoking Campaign ng DOH, balita malakas manigarilyo si Grace Poe? Smoking ay sanhi ng cancer at sakit sa baga kahit sa secondhand smoker, concerned M.D."

FGE: Salamat Dok, sana araw-araw tayo magkape para paalalahanan niyo po kami. Lahat naman yata ng nagsisigarilyo gusto pong magbawas at tumigil. Pinakamahirap lang siguro gawin iyan lalo na kung stressed ka ngayong panahon ng kampanyahan. Sumusunod po kami sa tinatalaga ng batas kaugnay sa mga lugar kung saan pwede at pagpapakita rin sa publiko. Kaisa po kami at isa po kami sa bumoto noong warning signs sa mga pakete ng sigarilyo. Hindi po namin pinayagan na ito'y makaapekto sa aming trabaho bilang mga miyembro ng senado kaugnay sa dapat po nating ituro't ipakita sa ating mga kababayan. Paumanhin, Doc, pero sa totoo lang, minsan magkape tayo. Turuan niyo ako kung paano. (laughs)

TIMA: Pero ano pong sinasabi niyo doon sa mga taong hindi pa naman nagso-smoke? Papaano niyo siya iko-convince na 'wag niyo kaming tuluran?

FGE: Bawal at masama. 'Wag niyo naman talaga dapat kaming tularan. Ganoon naman talaga 'yon. 'Yon din naman ang sinabi ni Pangulong Aquino noong siya'y tumakbo at unang nahalal. At siguro para kay Pangulong Aquino, mahirap din siguro 'yung tumigil dahil sa stress sa trabaho niya. Malamang titigil si PNoy 'pag wala na siya sa Malacañang.

TIMA: Okay. Tanong naman po ni Glenda Mendoza 18 minutes ago. Sabi po niya, "Pakitanong po, anong kongkretong plano niya sa mga guro upang tumaas ang aming suweldo sa pampublikong eskuwelahan?" Teacher po siya.

FGE: Bababaan po namin ang buwis ng ating mga working Pilipinos. Hindi man po namin mapataas ang inyong suweldo, mapapalaki po namin ang inyong take-home pay. Actually, mayroon akong panukalang batas dito: 'yung tax relief law na ang layunin ibalik sa bulsa ng lahat ng manggagawang nagbabayad ng buwis humigit kumulang 39 billion pesos. Kaugnay sa pagtaas ng suweldo ng teacher, saklaw na po 'yan ng SSL4 na pinirmahan sa pamamagitan ng executive order ni Pangulong Aquino. In fact, Raffy, alam mo ba mas mataas ang natatanggap na suweldo ng mga teacher sa pampublikong paaralan kaysa sa pribadong paaralan. Kakaiba ito sa ibang mga sektor kung saan mas mataas ang suweldo sa private sector kaysa sa gobyerno. Dito, mas mataas ang suweldo ng teacher sa public kaysa private schools. Pero aminado po kami kulang pa rin kaya bahagi 'yan ng increase ng suweldo sa SSL4.

TIMA: Okay salamat po. Balik po tayo sa mga Facebook questions na nakuha na namin. Tanong po ni Third Baylon kay Senator Chiz Escudero, "Paano mo masosolusyunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang pagpapanatili ng kapayapaan sa Mindanao kung sakaling ikaw po ang maging bise presidente?" Nabanggit niyo na 'yung...

FGE: Nasagot na po ang Mindanao.

TIMA: Opo.

FGE: 'Yung pagpapanatiling... Hindi ko gagamitin 'yung salitang pagtaas dahil posibleng magtaas talaga 'yan. Kada taon may inflation tayo na 4%. Dapat mapanatili nating abot-kaya ang presyo ng bilihin. Ang mga stratehiyang balak po naming gawin ay ang mga sumusunod: Una, mula sa source doon sa ating magsasaka kaya gusto po namin silang tulungan at akayin sa kanilang trabaho sa produksyon ng pagkain o paghuli ng isda para sa gayon mas mura ang kosto nila at pagpasa nalang nito sa mga consumers. Pangalawa, layunin namin i-identify at tanggalin ang mga middleman na siyang kumikita imbis na mga magsasaka't mangingisda natin. Ito'y masusulusyonan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga agro-industrial centers. Hindi lamang bagsakan, agro-industrial center para 'yung value added mapunta po sa magsasaka't mangingisda o sinumang nagbebenta ng kalakal at hindi po doon sa mga commissioner lamang o middleman lamang.

TIMA: Okay. Salamat po. Ito, tanong po ni Joe Carls, medyo diretsahan. Maikli lang po. "Lasenggo ka daw. Tama ba?" (laughs)

FGE: (laughs) Marunong uminom pero hindi lasenggo. Magkaiba 'yon. Marunong uminom pero hindi manginginom, magkaiba din po 'yon. Madalas lumalabas naman po 'yan 'pag panahon ng kampanyahan: lasenggo, adik, iba ang type. Lahat na ng mga issue lumalabas. Pero tuwing eleksyon lang naman lumalabas 'yan. Pagkatapos ng eleksyon wala na naman po 'yan.

TIMA: (laughs) Okay. Tanong naman po ni Jose Teodoro Rodrigo. "Kung hindi ka tumakbong bise-presidente, sinong kandidato ang iboboto mo bilang bise-presidente at bakit? At bukod kay Senator Poe, sino para sa'yo ang karapat-dapat na manalo bilang pangulo ng Pilipinas at bakit?" Nasa inyo na po kung sasagutin niyo. (laughs)

FGE: Kaya nga po ako tumakbo dahil sa pananaw ko mas may maiaambag ako at mas may kahandaan ako kumapara po sa iba. At kaya kay Senator Grace lamang ako tumandem dahil sa pananaw din at pinagpalagay ko, siya ang pinakakarapat-dapat at may angking kakayahan at talino para pagsilbihan at manilbihan bilang pangulo ng bansa. Pero hindi ko po tinatawaran 'yung kakayahan ng ibang mga kandidato sa pagkapangulo man o ikalawang pangulo. Hindi ko po ugali, gaya nga ng sabi ko kanina, manira o siraan sila para lamang maisulong 'yung aming kandidatura.

TIMA: Okay. Ito naman pong tanong ni CM Punk, question, bagamat hindi siya political question, mukhang gusto niyang i-test 'yung inyong character. Sabi niya - verbatim po namin binabasa lahat ng mga tanong ninyo galing sa Facebook - "Which have it easier in life, men or women?"

FGE: Which have it easier in life? Men kasi po hindi nanganganak ang lalaki. 'Yun siguro ang pinakamahirap at mabigat na puwedeng pagdaanan ng isang tao, 'yung magdalang tao. At least ang lalaki, at least ang lalaki hindi pagdadaanan iyon. Circumcision lang ang pinag dadaanan niya. May anesthesia pa iyon.

TIMA: Kagat lang ng lamok iyon.

FGE: Hindi rin, hindi rin masakit iyon. (laughs) Masakit iyon naalala ko pa iyon hanggang ngayon. Doon pa ako sa Farmers' Market dinala ng nanay ko yung clinic. Dumaan muna kami sa wet market sa katayan ng mga baboy, bago kami dumaan doon. Babae dahil sa pinagdadaanan nila, sa pagdadalantao, At pagpasok ng mga bagong tao at kabataan at bata dito sa ating mundo. Kaya para sa akin mas saludo at bilib ako sa kanila sa pinag dadaanan po nilang hirap kaugnay sa bagay na iyan.

TIMA: Okay salamat po. Ito naman pong tanong ni Alvin Sy, "Sa tingin ninyo po anong karanasan, naranasan o natuto na knowledge", hindi na po namin nirerephrase kasi ang tanong po nila ay ganito, "mo dati na pinaka makakatulong, pinakaimportante at magagamit mo kapag nanalo ka ng bise presidente?"

FGE: Naalala ko turo sa akin ng tatay ko iyon hindi niya sinabi nakita ko lamang. Noong nangyari ang EDSA, 'yung EDSA 1 noong 1986, marami sa aming mga kaibigan, kaibigan ng tatay ko at nakilala ko sa trabaho niya ang nagbago ang buhay bigla. Mula sa alapaap, mula sa langit, mula sa penthouse, sa 25th floor biglang bumaba sa 1st floor. Nakita at natutunan ko na totoo yung kasabihan na yung mga nakakasalubong mo habang paakyat ka, siya ring makakasalubong mo kapag ikaw ay pababa na. Ano ang leksyon na natutunan ko? Hindi dapat magbago ang buhay mo dahil lamang pumasok sa politika o sa gobyerno. Kung ano ka noong pumasok ka, ganoon ka rin dapat kapag lumabas ka. Hanggang ngayon Raffy napapanatili ko iyon. Pumasok ako sa gobyerno nakatira ako sa parehong townhouse. Hanggang ngayon nakatira pa rin ako sa parehong town house. At para sa akin, importante at mahalaga iyon para mapanatili mo ang dignidad mo gayundin ang kalinisan ng pangalang ipinamana sa iyo ng inyong mga magulang. Maraming nagsasabi nga Raffy alam mo, nais ko na ring gamiting pagkakataon ito, noong miyembro ako ng NPC, nasa likod ko raw si Danding Cojuangco. Porket nag-ninong si Bobby Ongpin, nasa likod ko raw si Bobby Ongpin. May tanong lang po ako. Kelangan ba porket bata at mahirap ka may malaking negosyanteng nasa likod mo na lamang palagi? Simple po ako mamuhay. Hindi ko po sila kailangan para mabuhay nang taas noo at may dignidad at para palakihin ang aking mga anak. Bakit hindi ninyo po itinatanong yung mga mayamang congressman at senador kung sino ang negosyanteng nasa likod nila? Bakit po porket ba mayaman sila? Dapat ba kapag mahirap ka palaging may nasa likod mo? Hindi naman siguro.

TIMA: Okay tanong naman po ni Echu Garcia." Tanong ko lang po sa ilang taon na pong naluklok ang ibang mga tumatakbo paulit-ulit na pangako na lang ang nangyayari. Kayo po ba? Kaya po ba naming maramdaman yung mga ipinapangako ninyo? Kasi sa lugar namin hindi namin maramdaman yung kilos ng gobyerno. Mararamdaman mo lang kapag halalan, padamihan ng poster."

FGE: Kaya po gusto kong tumawid sa executive branch mula sa aking paninilbihan bilang dating miyembro ng Kongreso at kasalukuyang miyembro ng Senado dahil tunay naman po talagang napakabagal makita ang epekto ng mga batas at panukalang batas na ipinapasa po namin. Mas ninananais ko maging bahagi ng pagpapatupad ng batas, implementasyon ng mga proyekto dahil nandoon po ang susi ng mabilis na pagpapatupad ng anumang pagbabago na nais nating makita sa ating bansa.

TIMA: Okay tanong naman po ni Irene Labrague. "Kung sakaling kayo ang manalo at kapag may disaster na kailangan ng tulong ng gobyerno. Paano ninyo tutulungan ang mga biktima? Idadaan ba sa lokal o direkta sa mga biktima? Maraming salamat."

FGE: Una sa lahat gagawing angkop at sapat ang tulong. Halimbawa Raffy...

TIMA: Pasensya na po, naputol ulit tayo kanina. Ang katanungan po, Sen. Chiz, na nabitin is patungkol sa mga pondo sa calamity. Idederekta ba sa lokal o sa mga biktima?

FGE: Una sa lahat, yung uri at klase ng tulong, sapat ba at angkop ito bago kung kanino papadaanin. Bato bato sa langit, ang gandang tignan nadidistribute ka ng relief pack sa naanod o nasalanta ng baha o ng bagyo. Nawala yung tahanan at lahat ng kagamitan niya. Bibigyan mo ng tatlo o limang kilong bigas, tatlong lata ng sardinas, ilang sachet ng kape at instant mami noodle, magpapapicture ka at ngingiti ka, tatanggapin noong nasalanta ng bagyo. Tanong, wala siyang bahay, naanod lahat ng gamit niya, pagkatapos niyang tanggapin yung paper bag na nagpapicture, ano pong gagawin niya? Uupo siya sa sulok niya sa evacuation center kasama yung kanyang asawa't anak at tititigan nila yung plastic bag na iyon. Bakit? Paano niya isasaing yung bigas? Saan siya kukuha ng mainit na tubig para sa instant mami o sa kape? At paano niya bubuksan yung lata ng sardinas? Buti sana kung quick release pero yung mga lata ng sardinas ngayon nawala na yung desusi, ito na yung kailangan mo ng abrelata. Dapat ang tulong angkop sa mga nangangailangan, depende kung anong kailangan nila. Halimbawa, sa lalawigan namin, ang ginagawa po namin soup kitchen. Pagtama ng bagyo, soup kitchen muna kami nang unang tatlong araw hanggang pitong araw. Pagkatapos noon, doon lamang kami mamimigay ng relief packs dahil by that time, maski na papaano nakumpuni na nila yung bahay nila at may mga kaunting kagamitan silang nakuha't nagamit na rin, magagamit din, para po sa pagluto. Ang tanong, kanino papadaanin? Para po sa akin dapat magtulungan lahat sa panahon ng kalamidad, wala nang local at national, wala nang private at public, wala na ring mga kulay. Walang pinipili pong kulay, partido o kakilala ang kalamidad. Dapat yung tulong wala na rin pong piliin. Mahirap yung masyado kang magmalinis, huwag mong padaanin sa pulitiko. Parang ginawa ng gobyernong ito sa Yolanda. Yung kapitan mas kilala kung sino yung nangangailangan niyang kababayan at kabarangay, yung mayor mas kilala kahit ano pa apelyido niya. Hindi sana dapat binigyan ng kulay politika ang pagpaparating ng tulong sa ating mga kababayan.

TIMA: Tanong naman po ni Emalyn Santiago Magtoto, "What do you think is the main role of a vice-president?"

FGE: Maging kahalili, maging katulong, at umantabay sa pangulo kung ano mang trabaho ang gagawin niya at magkaroon ng kahandaan na gampanan ang kanyang tungkulin kung siya man ay aalis ng bansa o kung siya man ay may itatalaga o ia-assign sayo bilang katulong niya sa pamamahala. Hindi ibig sabihin nito, kailangan mo nang bumow palagi o sumunod sa lahat ng gusto niya. Ibig sabihin po lamang nito, magkapareho man o magkaiba kayo ng partido dapat magtulungan kayong dalawa para marelsobahan ang mga pangunahing problema ng ating bansa.

TIMA: Ito naman pong tanong ni Roylan Vertudez may kinalaman po sa West Philippine Sea. "Katandem ka ng gusto kong presidente. Tanong ko lang, sangayon ka ba na bumili ng maraming gamit pandigma ang Armed Forces natin at gawing una sa paglalaanan ng budget bago pa sa edukasyon?"

FGE: Bawal po iyon. Sangayon sa Konstitusyon, pangunahin at pinakamalaking budgetary allocation dapat po edukasyon. Hindi po natin pwedeng labagin iyan. Pangalawa, mas sangayon po ako palakasin natin, kaugnay ng West Philippine Sea, ang Coast Guard. Hindi po tayo dapat manguna sa pagmilitarize ng West Philippine Sea. Mas gusto ko gamitin at palakasin ang Coast Guard para sa bagay na ito habang pinapalakas natin ang Sandatahang Lakas kaugnay sa kanilang kahandaan lumaban kung sakaling papasukin tayo. Pero patungkol sa pag-enforce ng mga batas, pangangalaga sa ating mga mangingisda sa West Philippine Sea, mas nais ko po palakasin at bigyan ng sapat na kagamitan ang Philippine Coast Guard. Pero hindi pa rin po ito pwede lumampas sa budget na binibigay sa edukasyon. Highest budgetary priority pa rin po dapat iyon.

TIMA: Tanong naman po ni Mitch Kabatak. Sabi niya, "Ano pong masasabi niyo sa paggamit ni Kris ng choppers?"

FGE: Hindi ako sangayon sa logic ni Presidente Aquino. Sabi niya highest tax payer daw si Kris therefore pwedeng gumamit ng helicopter ng gobyerno. Ibig sabihin po ba kapag mahirap hindi ka pwedeng gumamit ng pasilidad ng gobyerno? Una na naman 'yung malaking binabayad sa gobyerno? 'Pag ikaw ba dahil mahirap ka, wala kang binabayarang buwis, wala kang karapatang sumakay doon? Hindi ako sangayon sa lohikang 'yon at lalong hindi ako sangayon gamitin ang resources ng gobyerno at gamit ng gobyerno sa pangangampanya sa kandidato. Hindi na po tuwid na daan 'yan.

TIMA: Okay. Ito naman po, maraming makakarelate na medyo may edad na nang kaunti. Galing kay Gilbert Boneo. "Ano pong plano niyo sa 40-years old na puwede pa magtrabaho pero hindi matanggap-tanggap dahil sa age requirement?"

FGE: Alam niyo, may nakausap akong kargador sa Pangasinan noong nagpunta ako doon. 'Yan ang eksaktong sinabi niya. Sabi ko kumusta po kayo, kuwentuhan kami ng kaunti. Ang unang sagot, "Okay lang kami," tapos biglang sabi, "Senador, sana 'pag manalo kayo tulungan niyo po kami dito." 'Yan ang eksaktong sinabi niya, Raffy. "Gusto pa po namin magtrabaho, malakas pa po kami. Kami lang ang inaasahan ng aming pamilya pero wala nang tumatanggap sa amin sa trabaho." 40-years old man, minsan nga 37-years old, mas gusto kasi ng mga kompanya bata. Baka sinusunod nilang 'yung kasabihan 'you cannot teach old dogs new tricks'. Pero, para sa akin po, dapat may batas na nagbabawal sa mga kompanya na magdiscriminate. Mayroon tayong batas, Raffy, against age discrimination sa mga bata. Ang kulang natin batas kaugnay ng age discrimination sa matanda. Hindi porke may edad ka na 'yan na ang magiging rason o batayan para hindi ka matanggap sa trabaho lalong lalo na kung may angking lakas ka pa o talino na puwedeng ialay sa pribado o pampublikong sektor man.

TIMA: Mayroon na po bang mga naghain ng kaugnay na batas patungkol dito? Dahil matagal na pong isyu at problema ito lalo na doon sa mga skilled pa rin naman at may kakayahan pa pero, 'yun nga, limited na sila doon sa...

FGE: Hindi batas 'yung nagsasabing hindi na sila dapat tanggapin sa trabaho. Internal policy 'yan ng mga kompanya na sa mahabang panahon hinayaan dahil hindi naman pinagbawal mag-hire ng 40 o 45. Pero dapat siguro ang gawin na natin ngayon dahil nagiging practice na ng mga kompanya, baligtaran natin. Dapat gumawa tayo ng batas na nagsasabing bawal ang age discrimination sa nakatatanda pagdating sa pagtanggap o pagiging qualified na makapagtrabaho.

TIMA: Okay. Ito naman ni El Magnifi Joy. Hindi ko po alam kung, siguro nasa abroad ito. Sabi niya, "Ano po ba ang nagawa niyo sa Pilipinas except 'yung pangshowbiz? Nakilala ko lang kayo dahil kay Heart."

FGE: Kasi po baka ang pinapanuod niyo puro 'yung showbiz lang na mga balita at showbiz lang po na mga program. (laughs) www.chizescudero.com, nandoon po lahat ng aming nagawa mula noong ako po'y pumasok sa gobyerno bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Sorsogon at bilang mambabatas. 18 years na po akong legislator. Ang nahubog at nagawa naming batas humigit kumulang 150 na batas na. Kabilang po, bilang ehemplo - pero nasa website po namin 'yan - bilang ehemplo, ang batas na naglikha ng Department of Basic Education, batas na nag-provide ng early childhood care development. Ito po ang nag-require na dapat bawat barangay mayroon pong daycare center. Batas din po na naglikha ng siyudad, kauna-unahan at kaisa-isahang siyudad sa amin sa Sorsogon. Batas din po na nagpatatag at nagpalakas sa criminal justice system sa pamamagitan ng paglikha ng humigit kumulang tatlong daang korte, nagpalakas sa NBI, nagpalakas sa prosecution service sa Ombudsman at sa Sandiganbayan. At kaugnay naman po ng nagdaang Martial Law, marami kasing nagsasabi "Bakit hindi mo inaway si Senator Marcos kaugnay ng Martial Law?" Naniniwala po kasi ako, gawa at hindi lamang salita. Maski na nagngangawa ako doon, kung wala naman akong ginawa balewala. Mas gusto ko po may ginawa bagaman hindi ngumawa. Pinasa ko rin po ang Anti-Torture Act. Ako po din ang pangunahing author at nagdepensa sa floor ng senado sa Involuntary Disappearance Act. Ito po 'yung sa desaparecidos. At higit sa lahat, ang Human Rights Marcos Compensation Bill na naglayon pagbayarin ang mga Marcos sa mga naapi at nalabag na karapatang pantao noong panahon ng Martial Law. Hindi man po ako nanglait ng kapwa ko kandidato, pinasa ko po ang mga panukalang batas na 'yan para kailanman hindi na mangyari pa at maulit ang nangyari noong panahon ng Martial Law. At mangyari man, ito po'y magkakaroon ng maliwanag na pananagutan na sa ilalim po ng ating batas.

TIMA: Okay. Tanong naman po ni Joey Salvador, itanong daw po namin 'yung isyu ng tanim bala at palawakin niyo na po siguro 'yung state ng ating mga airports ngayon.

FGE: Alam mo, Department of Transportation and Communication. Problema po tayo sa signal palagi, cellphone man o internet. Transportation: rail, air, sea, and land. Rail, sira at palpak at may naaaksidenteng mga bagon sa MRT. Sea, traffic po ang puerto natin. Air, traffic po at may tanim bala ang ating mga airport. Land, traffic po sa Metro Manila at saan mang siyudad sa buong Pilipinas. Wala pong ginawang tama ang Department of Transportation and Communications sa atin pong bansa. Dapat unang una, palitan po natin ang mga opisyal ng DOTC. Palpak, manhid at mabagal po silang gumalaw. Kelangan natin proactive na mga opisyal ng DOTC. Kaugnay ng tanim bala alam mo, bilib ako sa lakas ng loob noong mga gumagawa niyan. Pumutok na, naging balita na, naTV na, na media na, naimbestigahan na pero hindi ko alam saan sila humuhugot ng lakas ng loob o kapal ng mukha na gawin pa rin iyan hanggang nitong linggong ito. Ginawa na, hihingan pa? Kumbaga bistado na yung modus operandi, nagpupumilit pa. Wala kasing tinanggal, hindi kasi inaksyunan at bagkus kinampihan pa ng gobyernong ito yung mga opisyal na pinagdududahan na gumagawa po niyan. Sa pagpasok ng bagong administrasyon dapat papanagutin ang sinumang gumagawa o gumawa niyan para hindi na tularan pa. Nangyayari kasi nagiging idol pa yata ng mga tiga-airport yung mga nagtatanim bala. Dahil minsan na nahuli at nakawala sila.

TIMA: Follow up lang po doon sa tanim bala issue. Sa palagay ninyo po ba talaga sindikato ito? Or posible rin talaga na may nagdadala ng mga anting-anting na bala? Papaano po natin icocontextualize itong isyung ito?

FGE: Tingin ko lahat iyon pare-pareho na. Lahat iyon sama sama na hindi lang isang bagay. May sindikato talaga, minsan may aksidente na talagang nakakadala for one reason or another, dati nang nasa maleta ba. At minsan meron din kasama na rin yung indibidwal na nakakita ginawa kinopya na lang. So lahat ito posibleng totoo, posibleng sabay- sabay nangyayari sa ating paliparan. Pero ano man ang totoo at ano man ang hindi, ang pagkakaiba noong nagkataong nalagyan sa bag ng bala o nagkataong meron palang laman iyon, kung may laman iyon hindi kelangan hingan ng pera. Doon sa sindikato at doon sa indibidwal na kumokopya lang, pareho sila. Nanghihingi ng suhol para maareglo yung kaso o balang nakita nila.

TIMA: Okay tanong naman po ni Nick Sarsenvando. "Tanong ko sa lahat na tumatakbong president at vice president." Sabi niya, "Paano ninyo ipagtatanggol ang teritoryo ng bansa lalong lalo na ang bansa natin sa mga dahuyan na gustong kunin ang ating mga isla na hirap na nga tayo sariling mga rivals ng bansa natin? Paano po ninyo susugpuin ang kriminalidad at droga sa bansa at kahirapan kung isa sa inyo ang napili bilang vice president?"

FGE: Unahin natin ang West Philippine Sea. Atin po iyan. Hindi man lumiwanag ang ating karapatan at mapatalsik natin ang China sa West Philippine Sea sa loob ng anim na taon, importante kailanman, huwag nating bitiwan ang karapatan at pagmamay-ari natin diyan sa pamamagitan ng anumang legal at mapapayapang paraan. Kabilang na ang sinampang kaso, multi-lateral, regional, bilateral, back channel. Basta legal at mapayapa dapat gamitin po natin para hindi mawala sa atin ang pagmamay ari at karapatan natin sa West Philippine Sea. Kaugnay naman ng kahirapan, nabanggit na po namin ang istratehiya namin laban sa kahirapan. Saan po ba matatagpuan ang kahirapan? Sa sektor ng agrikultura. 60% ng mahihirap nating kababayan nasa sektor na iyan. Saan po ba pinaka maraming mahirap na kababayan natin? Sa Mindanao. Kaya po lalaanan namin ng pinakamalalaking pondo sa kasaysayan ng bansa ang sektor ng agrikultura at ang Mindanao Para po matugunan ang problemang iyan. Ano yung huling tanong niya Raffy? Sorry.

TIMA: Tungkol po sa droga.

FGE: Nasabi ko na rin kanina ang ugat ng kriminalidad ay pagkapit sa patalim ng ating mga kababayan na hindi mapakain, mapag-aral, mapagamot o mabigyan ng tahanan ang kanilang mahal sa buhay. Kasabay ng pagsugpo ng krimen, amin ding bubunutin ang ugat ng kriminalidad, kahirapan dito sa ating bansa.

TIMA: Okay well, isang oras na po yung, halos isang oras na po yung lumipas napakabilis po.

FGE: Lugi nga kapag mabilis magsalita mas maraming tanong.

TIMA: Marami pang gustong magtanong, actually, sa Facebook actually pero na inyo po ang pagkakataon para kausapin yung ating mga Facebook viewers and users. Nasa inyo po ang ere.

FGE: Maraming salamat na lang, Raffy, sa pagkakataon sa ating mga, sa mga sumusubaybay sa Facebook. Karangalan ko po na mabigyan ng pagkakataon makausap kayo, makapiling, bigyang linaw ang aming mga mithiin, layunin at plataporma ni Senator Grace. At gayundin po para ilahad sa inyo ang aming mga plano para inyong timbangin, inyong husgahan, kaugnay sa napaka halagang desisyon na gagampanan po ninyo at nating lahat sa darating na May 9. Sa araw po na iyan, tunay na magkakapantay pantay ang bawat Pilipino. Mayaman man o mahirap. Presidente man o hindi, babae man o lalaki, may itsura o wala. Kapag dating ng May 9 tigitig-isa po tayo lahat ng boto. Sana gamitin po natin nang tama at wasto at sana maigawad ninyo sa amin ang inyong tiwala at paniniwala, suporta at tulong para tunay na tapat at sinsero po namin kayong mapagsilbihan. Dahil sa lahat po siguro ng tumatakbo, kami po ay handa at nalalaman ang aming ginagawa. Handa kaming gamitin lahat ng aming karanasan, talento at anumang nagawa namin sa nagdaang panahon para po matugunan ang pangunahing problema ng ating bansa at mga kababayan. Maraming salamat Raffy. Sa lahat po ng sumubaybay maraming salamat din po at magandang magandang umaga sa inyong lahat. Thank you and good morning!

TIMA: Okay, muli po maraming maraming salamat Senator Chiz Escudero. At maraming salamat po sa mga nagpost ng kanilang mga katanungan para kay Senator Chiz at maraming salamat din sa lahat ng nakilahok nag react at nanood sa atin ngayong umaga. Bukas na po ulit natin ipagpapatuloy ang ating vice presidential interview. Lunes po iyan April 25, makakapanayam natin bukas si Senator Trillanes, si Senator Sonny Trillanes ng alas-dose ng tanghali at alas-dos naman ng hapon si Senator Gringo Honasan. Sa ngayon ay naghihintay pa rin po kami ng tugon mula kay Senator Bongbong Marcos para paunlakan yung aming imbitasyon. Patuloy niyo po kaming sundan sa facebook.com/gmanews at mapapanood ninyo po kami ng live dito pa rin po sa Facebook. Ako pa rin po si Raffy Tima at ito po ang #ParaPoSaBayan GMA Facebook Jeepney. Maraming salamat po. Bukas kita kita po ulit tayo!

News Latest News Feed