Press Release
July 2, 2016

Transcript of DWIZ Interview with Senate President Franklin M. Drilon
by Cely Bueno

Q: Ang una po ninyong finile na panukalang batas ay itong magkakaloob ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para iresolve ang problema sa traffic. Sa tingin niyo po ba may mga pangangailangan na talaga dahil sa isa nang uri ng crisis ang sitwasyon ng traffic sa bansa?

SPFMD : Sa akin kailangan. Isa sa mga dahilan sa aking tingin kung bakit buhol buhol ang trapik sa EDSA ay dahil sa kung ihahambing mo sa orchestra, walang conductor eh, puro kanya-kanyang instrumento, nagkakagulo, walang nagbibigay ng iisang direksyon. Halimbawa, alam niyo po ba na sa EDSA ay may limang local government units ang dinadaanan, at may kanya-kanyang regulasyon ang mga iyon, kaya po nagkakagulo.

Kaya po ang ating ginawa sa emergency powers bill, yung MMDA chairman ay siyang bibigyan ng kapangyarihan, tungkulin at responsibilidad para ayusin - at siya lang ang magbibigay ng order kung ano ang dapat gawin sa EDSA, sa loob ng emergency period ay huwag munang pakialaman noong mga local government units. Dahilan sa ngayon, ang MMDA, may 15 alkalde na nakupo sa governing council. Kaya siguro, maiintindihan ng ating mga kababayan na mahirap imanage ang isang organisasyon na may 15 o 17 na naguutos.

Pangalawa sa mga national agencies, yung LTO (Land Transportation Office) at LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) ay hindi po nakikipagcoordinate. Bigay ng bigay ng prangkisa, at hindi nagtatanong sa MMDA kung ano ba talaga ang sitwasyon sa EDSA.

Pangatlo, ang proseso sa pagaayos ng kalsada, mga tulay diyan sa EDSA ay kailangan iklian dahilan sa period of emergency, bigyan natin ng kapangyarihan ang pangulo na mag-decide kung ano ang mas maikling period sa bidding. Kailangan magkaroon ng pagkakataon na mapabilis ang proseso, at hindi yung regular na proseso.

Pangapat, pagbawalan natin ang husgado, maliban sa Korte Suprema na magbigay ng TRO (temporary restraining order), dahil yan po sa ating bansa, wala pong natatalo, palaging dinaya kaya tatakbo sa husgado, ang husgado magiissue ng TRO. Yan po ay ipagbabawal natin sa finile na emergency powers act.

Q: May safeguards po ba diyan sa bill? Ang ikinatatakot po kasi ng iba ay baka po maabuso ang emergency powers at baka may pasukin na mga kontrata na lugi ang publiko.

SPFMD: Kaya nga sinasabi ko na hindi ako pumapayag na walang bidding, iiklian lang natin ang panahon ng bidding. Halimbawa, yung mga bidders ay dapat ilimit natin doon sa mga may mag kakayahan, sa mga pre-qualified bidders, may pili na 3 o 5 na bidders, yun na lang ang pasalihin natin. Hindi yung bubuksan mo sa lahat, tapos kapag hindi mo napili ay dadalhin ka sa husgado. Kaya iyan po ang isa sa mga paraan na may transparency, pero mapapabilis ang proseso.

Q: Mukhang marami naman po sa mga kasamahan ninyo sa Senado ang open sa pagbibigay ng emergency powers sa pangulo dahil nakikita rin nila kung gaano kalala ang sitwasyon ng traffic. Sa tingin niyo po ba mabilis itong maipapasa sa Senado?

SPFMD: Sa palagay ko bukas ang kalooban ng aking mga kasamahan na tingnan at ipasa ito. Kaya aking pong hinihiling kay Pangulong Duterte kung pwede niyang icertify as urgent itong panukalang batas, para po mapabilis ang proseso sa Kongreso.

Q: Ito pong pagfifile niyo ng bill sa emergency powers, ito po ay patunay lamang na kahit kayo po ay from LP, ay talagang supportive kayo sa Duterte administration, sa kanilang magagandang hangarin.

SPFMD: Yung mga hangarin na para sa kaayusan ng ating bansa, yun ay susuportahin natin. Katulad po dito, talagang ating nakikita na kailangan magtulungan tayo, huwag na tayong magkaiba ng landas, dahil iisa naman ang layunin natin, na maayos ang ating buhay, kaya po ang pagaayos ng trapiko sa EDSA, that's a common agenda for everyone, regardless of political affiliation.

Q: Kailan po ba dapat maapprove ang bill na ito? 3-4 months? May ganun po ba?

SPFMD: Sisikapin po natin na bilisan, dahil alam naman natin, may bagong Kongreso, may period na kung saan bubuin mo yung mga committee at iyan po ay hindi kaagan ma-hear kung hindi pa nabubuo ang committee. Hihimukin ko sa pagbukas ng aming Kongreso na agad-agad buuin ang Committee on Public Services at sa kung ano mang committee na marerefer itong Emergency Powers Act for Transportation, para mapabilis natin, and hopefully we have a committee report so we can sponsor it on the floor.

Q: Nabanggit po ni President Duterte na gusto niyang iparepaso ang CCT program. Kayo po nagfile ng proposed bill para ma-institutionalize na ang CCT.

SPFMD: Tama po iyan, sa aking tingin po ay isang bridge program, yung mga mahihirap na ating mga kababayan ay bibigyan natin ng pagkakataon na makatapos ang kanilang mga anak at magkaroon ng edukasyon. Dahil kung mahirap ka at hindi ka makapagpaaral ng mga anak mo, paglaki ng mga anak mo ay mahirap din. This is a vicious cycle na sinisikap natin na ayusin. Marami na - daang libo na ang pamilyang Pilipino na nakaahon sa kahirapan dahil sa 4Ps. Sa ngayon po ay mahigit sa 4.3 million ay nakikinabang sa programang ito.

Aminin na natin na kulang ang programa at trabaho sa ating bansa. Ito po ay pangtawid sa kahirapan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon na ang mga anak ay makapagaral at magkaroon ng laban sa buhay. Kapag tayo po ay may edukasyon, may laban tayo na umahon sa kahirapan.

Yung "dole-out" na sinasabi, talagang hindi mo po maiwasan ang ganung kalase ng critisismo, pero kailangan po natin tingnan sa ngayon. Ito po ay inumpisahan ng nakaraang administrasyon, nilakihan ng Pangulong Noynoy Aquino, at sa tingin, ito po ay para sa kapakanan ng 4.3 million na pamilyang Pilipino, na dapat nating ipagpatuloy dahil nakakatulong ito sa ating mahihirap na kababayan.

Q: Itong si Vice President Leni Robredo na inyong kapartido, hanggang ngayon po ay walang ibinibigay na Cabinet position sa kanya si President Rodrigo Duterte. Ang tanong ng ilan, epektibo niya kayang matulungan ang mga mahihriap, ang mga nasa laylayan ng lipunan kung wala siyang Cabinet position dahil limited lang ang budget ng Office of the Vice President?

SPFMD: Yan naman ay hindi problema, pwedeng maging tulay ang Bise-Presidente Robredo sa pangangailangan ng ating mga kababayan na kanyang nakakausap, at yung sources of assistance. Yan naman ay pwede niyang gamitin ang kanyang position para humiling ng tulong sa mga miyembro ng Kabinete, at sa pangulo. Sa akin po, ang "problemang" iyan ay hindi problema, kayang tugunan.

Q: Hindi po makakahamper sa kanya?

SPFMD: Sa palagay ko hindi naman. Hindi lang agad, kasi you know, she has to ask for sa mga departamento na may budget. Amin ding susuportahin sa Kongreso at sa budget ang tanggapan ng pangalawang pangulo para magkaroon din siya ng sapat na pondo para makatulong sa kanyang adbokasiya - na ang kanyang sinasabi, ang mga nasa laylayan ng ating lipunan" ay kanyang matulungan.

Q: Hindi po ba banta sa kanyang position ang election protest na finile ni Senator Bongbong Marcos.

SPFMD: Para sa akin po, maliwanag na ang nanalo ay ang Bise Presidente Robredo, at ito ay pagkakataon na mapaliwanag at mapatunayan na walang basehan ang protesta ni Senator Bongbong Marcos.

Q: A day after bumaba ni Pangulong Noynoy Aquino sa pwesto, maqyroon po kaagad na nagfile ng kaso sa kanya sa Office of the Ombudsman ukol sa pagkamatay ng SAF44. Sa tingin niyo po ba susulong itong kasong ito?

SPFMD: Obvious na dapat ang tanong dito, "Sino kaya ang nasa likod nito?" Kasi iyan ay kung hindi nagkakamali sinampa na yang kaso na iyan sa Ombudsman, dinismiss ng Ombudsman yung kaso against Pangulong Noynoy, yung nasampahan ng kaso ay si Napenas at Purisima. At maliwanag sa mga hearings sa Senado na walang pananagutan ang Pangulong Noynoy doon sa nangyari. Kaya ang tanong ko, sino ba talaga ang nasa likod ng demanding ito?

Bakit naman paulit-ulit, whereas doon sa imbestigasyon ng Senado, narinig ng buong bansa ang mga sinabi ng mga testigo - sila Napenas mismo na ang nasabi na kanyang plano lang ito, itinago niya kay Secretary Mar Roxas, kay Secretary Volt Gazmin, sa Armed Forces of the Philippines, na hindi niya shinare ang information at inamin na siya ang may kagagawan nitong insidente na ito. Kami rin ho ay nagtataka na on the second day ay si Pangulong Aquino ay hindi na pangulo, may nagsamapa agad ng kaso. So ang tanong ko, sino po ang nasa likod nito? Yan po ang tanong.

Q: You are confident na madidismiss itong kaso na ito?

SPFMD: Talagang halata naman na ito ay pamumulitika at ganti sa Pangulo, siguro yung mga hindi niya napagbigyan noong siya ay nanunungkulan.

Q: Si Senator Ralph Recto, final na po ba ang decision niya na sumama sa minority bloc sa Senado?

SPFMD: Hindi ko alam. Mabuti, tanungin niyo siya, si Senator Ralph ang makakasagot niyan.

News Latest News Feed