Press Release
August 23, 2016

SEN. GRACE POE'S INTERPELLATION TRANSCRIPT ON THE SENATE COMMITTEE HEARING ON EXTRA-JUDICIAL KILLINGS

Sen. Grace Poe: Thank you Madam Chair. Magandang hapon po sa inyong lahat, maraming salamat muli sa inyong pagdalo ngayon para maliwanagan ang ating mga tanong. Alam niyo po, sa kahit na anong laban, dapat kilala natin ang ating mga kaaway. Sigurado ako sa inyong mga intelehensiya, meron na kayo talagang mga pangalan ng mga dapat hanapin. Nais ko lamang itanong kung ito bang mga pangalan na ito lalong-lalo na kung malakas ang ebidensya at kailangan puntahan, ito ba ay nakapaskil ang kanilang mga litrato, o ito ba ay naka-upload sa anumang website ng PNP o ng gobyerno? Para makatulong rin ang ating mga ordinaryong mamamayan at makilala sila para maiwasan sila.

PNP Dir. Gen. Ronald Dela Rosa: Sa ngayon po, your honor, kung wala pa silang warrant of arrest, hindi pa po namin sila pwedeng i-publish, yung kanilang mga mukha. It might be violating the law kung ipupublish natin pero alam ko po sa intelligence mayroon na po kaming mga mukha ng ibang personalities na iyan.

Poe: Ito naman po kasi, marami rin namang mga pronouncements ang mga kasama natin sa gobyerno kahit wala pa namang mga lehitimong kaso o warrant, sinasabi na rin ang pangalan nila, at mga mukha nila ay nakikita na natin sa diyaryo. Maaari siguro kung hindi man banggitin officially na sila ay may kaso pa o talagang guilty na, siguro pwedeng sa law enforcement ninyo sa baba, lahat po sila ay may kopya naman niyan, ng mga hinahanap ninyo. Lahat po ba ng mga police precints mayroong mga kopya ng mga hinahanap ninyo? Mayroon ba kayong top 100 or top 200 na mga hinahanap sa ating bansa ngayon?

Dela Rosa: Your honor, sa police station level po, iba po ang hawak nila, your honor. Sa kanila, mayroon silang sariling top 10 na hinahabol, may mga mukha iyan, may pangalan. Sa provincial level mayroon ding iba. So, bale po, your honor, mayroon po kaming mga mukha.

Poe: Pero yung top 10 na iyon, yan ba ay may mga warrant or not necessarily?

Dela Rosa: May warrant, your honor. Hindi pwedeng ilagay sa wanted list kung walang warrant of arrest.

Poe: So doon lang sa intelligence ninyo ang may kopya ng mga wala pang warrant, pero mayroong basis for questioning?

Dela Rosa: Yes, your honor.

Poe: Okay. Para maliwanagan lang iyan. Tapos, kasi nabanggit din na ang Pilipinas ay kasama sa global drug trade. Hindi ba mismo ang ating pangulo, sinabi rin na marami sa mga big time, wala na rito sa ating bansa, nasa ibang bansa, o kaya ay galing sa ibang bansa. So, mayroon po ba kayong pakikipagtulungan o ugnayan sa intelihensya, halimbawa, ng Tsina? Para matukoy kung sinu-sino itong mga ito na naririto sa Pilipinas, o may kaugnayan sa Pilipinas.

Dela Rosa: Yes, your honor.

Poe: So mayroon kayong pakikipagtulungan. Sila po ba ay maayos naman na nakikitungo sa atin tungkol dito? Dela Rosa: They are expressing their desire to help us, but, I cannot really say na to what extent yung kanilang pwedeng ibigay kasi hindi po natin hawak yung utak na iyon.

Poe: Sa tingin niyo ba pinoprotektahan din nila ang kanilang mga mamamayan at ayaw din nilang masyadong tulungan tayo?

Dela Rosa: Sa ngayon po, your honor, very aggressive po sila sa pag-offer ng serbisyo sa atin. Every now and then tumatawag sa akin at nakikipagmeeting.

Poe: Mayroon bang Chinese triad dito na nag-ooperate sa droga?

Dela Rosa: Yes, your honor.

Poe: Mayroon at natutukoy naman ninyo, nandito ba ang pinaka-ulo nila o wala?

Dela Rosa: Wala po, your honor.

Poe: Pero may mga tauhan sila na kilala ninyong konektado?

Dela Rosa: Mayroon, your honor.

Poe: Sige po. Siguro, kung ito po ay sensitibo, baka pwede ninyong bigyan ang komite ng update kung ano na ang nagyayari. Kahit na hindi na natin i-discuss dito.

Dela Rosa: Yes, your honor.

Poe: Yung isa po na nais nating matanong, kasi mayroon pong tinatawag na parang anatomy ng drug trade. Sino yung ulo, sino yung mga nasa ilalim nito, doon natin natutukoy ang iba't-ibang mga sangkot dito. Pero ganun din sa ating mga kapulisan, mayroon pong order of battle. So, siyempre, kayo po, katulad niyan, nandito kayo ngayon, ang dami ninyong trabaho. Ang dami ninyong kinakausap, ang dami ninyong awards. Mayroon bang nakatukoy na pinuno sa bawat rehiyon na point person ninyo dito sa laban sa droga, sino in charge halimbawa sa Luzon, sa Visayas at sa Mindanao, na kinakausap ninyo na direkta na may responsibilidad kapag hindi bumaba ang insidente ng droga sa lugar nila?

Dela Rosa: We use our chain of command your honor, at the regions. Yung mga regional director. At the provinces, yung mga provincial director, city director, chiefs of police. We use our chain of commands

Poe: So yun din ang inyo, walang specific na appointed mula sa inyo para lamang sa droga? Talagang chain of command.

Dela Rosa: Yes your honor. We use our organizational structure at sila po ang nananagot sa kanilang lugar, kaya po tatanggalin natin sila kung mahina yung kampanya nila sa droga. After 3 months tatanggalin po natin sila your honor.

Poe: Salamat po para mas malinawan. Alam niyo po, noong dati akong namuno ng komite ng public order, ang isa sa nabahala ako ay ang pagkakaalam na ang bawat presinto ay mayroong maintenance and other operating expenses na nung panahon nung 16th Congress, 1,000 per police officer lamang. Itong MOOE na ito pambayad na ng panglinis doon sa presinto, kape, gasolina, kuryente. Hanggang ngayon po ba ganoon pa rin ang budget ninyo para sa MOOE?

Dela Rosa: Yan yung sinusunod na pinaka-standard your honor per capita. 1,000 per head.

Poe: Kasama na po ba diyan yung gasolina, mga patrol nila?

Dela Rosa: Hindi, hindi po your honor.

Poe:Merong separate? Magkano yung allotment para dito?

Dela Rosa: Hindi ko po dala-dala ngayon...

Poe: Siguro po, tama po, para kapag nag deliberate kami ng budget, gaya nga ng sinabi ni Sen. Recto ay matingnan natin kung resonable. Kaya ko naman natanong yan kasi sa mga iba't-ibang lugar o probinsya kung saan napakaliit ng suporta, maski na ng local government dahil wala rin sila masyadong pera. Ang nalaman namin, yung mga local police precincts ay umaasa doon sa may kaya sa lugar na iyon. Ngayon doon sa mga lugar na yun, ang mga may kaya na nais tumulong sa police ay mayroong hindi masyadong magandang intensyon rin. Alam naman natin, huwag na natin banggitin. Pero maaaring ang iba sa kanila ay konektado rin sa droga. Kaya yung allowance ng mga police tinaasan ninyo, masaya kami doon. Kami rin ay nagpapasalamat na ganoon ang inyong polisiya pero dapat din yung pag maintenance nung mga presinto mapataas natin at susuportahan natin ito. Para hindi sila ma-corrupt ng mga kung sinuman ang naghahari-harian doon sa kanilang mga probinsya. Ang isa pang nais kong tanungin, alam ko si Chief Leuterio ay very capable. Ngayon, noong nag-usap tayo nung huling meeting natin, nabanggit po ninyo na nababahala kayo na hindi pulis ang mamuno ng Internal Affairs sapagkat napaka-maselan at delikado ang inyong mga operasyon. At sabi ko naman ay kaya na ninyo protektahan yan. Kung kinakailangan, naisip ko nga, baka dapat kunin din ninyo ang tulong ng military kung papayagan yan para magkaroon ng mas balanse.

Ito lang po kasi ang naisip ko, at hindi ko natanong sa inyo noon, sabi niyo kasi marami pa kayong ginagawa pa, pag natapos na ninyo ang kampanya tsaka na ninyo papalitan at gawing sibilyan. Narinig ko rin po at ako'y masaya na nakapag sumite na kayo sa Pangulo ng mga pangalan ng mga sibilyan na pwedeng mamuno ng IAS. Ito ngayon ang aking nais itanong, sa operasyon ninyo ngayon, na nais ninyong makuha ang inyong layunin na mabawasan ang problema ng droga in 6 months, mas kailangan po kasi natin ngayon ng sibilyan na nandyan. Kasi kapag natapos na ang operasyon ninyo, mas lalo ng hindi kailangan sapagkat ngayon nga ang madaming controversial na mga katanungan ukol sa ibang operasyon ng ating kapulisan. Para hindi na rin kayo, mapulaan, sa tingin ko mas maganda yun. At si Chief Leuterio pwede naman kasing side by side sila doon. Ewan ko kung ano ang istruktura ng intelligence. Wala po akong kwestiyon sa inyong kapabilidad sir, ito lang po talaga nakasaad, kaya nga po pinipilit natin na matupad at alam ko, ang kabaliktaran ninyo doon sa nakaraan na nakaupo diyan, kayo ay action oriented. Kaya umaasa ako na yan ay matutugunan sa lalong madaling panahon.

Nais ko pong tanungin, alam ko natanong na ito. Nais ko lang siguraduhin, na ang police natin na nakakapatay ay bigyan ng tamang psychological briefing ukol dito para hindi rin sila maging hardened, naintindihan nila. Nais ko rin, alam ko rin nabanggit ng pangulo na magkakaroon ng pabuya ang mga magbibigay ng leads tungkol doon sa mahuhuli natin dito sa droga. Alam ko na humihingi ang ating Office of the President ng mas mataas na budget. Nakausap ba kayo ng diretso ni Pangulong Duterte ukol sa pabuya kung ito nga ba ay 2 million sa bawat madadala ng ating kababayan na drug pusher, kasama po ba ang mga pulis dito sa pabuya sir?

Dela Rosa: Wala pong pili yan your honor. Kung ang pulis ay involved sa droga at siya'y nahuli, yung informant po ay makakatanggap ng corresponding reward na ino-offer ni presidente.

Poe: So nag-usap kayo ng ating Pangulo ukol diyan? Magkano po daw ang ibibigay sa bawat informant na magbibigay ng pangalan ng isang pusher?

Dela Rosa: Meron kasi siyang ibang, kasi busy na ako masyado sa aking trabaho your honor. Sabi niya, meron siyang assistant na mag te-take charge diyan sa pagdidistribute basta ang last na nasabi niya sa akin is 5 million yung drug lord talaga, yung malalaking drug lord 5 million ibibigay niya.

Poe: So depende dun sa kanilang anatomy kung saan yung mas mataas?

Dela Rosa: Pag mataas, mas mataas. Pag sa baba, mababa.

Poe: Ang gusto kong malaman, yung pulis mismo, sa sibilyan maaring 5 million, sa pulis din ba makakatanggap sila pag sila ang nakapagtukoy o dahil kasama yan sa kanilang sinumpaang tungkulin, iba naman po ang maaaring ibigay sa kanila. Nabanggit po ba yan ng Pangulo?

Dela Rosa: Nabanggit ng Pangulo yan your honor. Kahit na pulis kasama dun na makakatanggap sa pera na ino-offer niya. Sa amin naman internal, meron kaming ibang reward system diba. Nagbibigay kami ng awards or kung talagang meritorious pwedeng meritoriously promoted yung tao, mapo-promote meron po kaming sariling sistema.

Poe: So sa dami ng mga hinuli, meron na bang nakatanggap ngayon ng pabuya?

Dela Rosa: I presume meron na your honor. Hindi ko lang po inaalam dahil hindi ako nakikialam dahil money matters yan. Hindi po dumadaan sa akin.

Poe: Siguro maganda din na, anong tanggapan sa ating gobyerno ang nag di-disburse niyan? OP?

Dela Rosa: Tanungin ko po si Presidente your honor.

Poe: Siguro pwede tayong makahingi niyan. Kung meron ng nabigyan, siguro kung ito'y makakasama sa kanyang kaligtasan maaari namang executive lang ito, hindi na natin ire-release. Meron pong gustong idagdag si Usec. Cuy, sir.

Usec. Catalino Cuy: Thank you ma'am. There's a recent meeting ng Dangerous Drug Board. There was a resolution prepared allowing or encouraging the different operating units under the Dangerous Drug Board like the PNP, the PDEA, the NBI, to give monetary incentives to their operatives for successful drug operations.

Poe: So mga magkano po? Para lang maintindihan ng ating mga kababayan.

Cuy: Walang pong specified na amount but depende po yun sa availability ng funds.

Poe: At ito'y galing sa budget mismo ng?

Cuy: Respective units ma'am, agencies.

Poe: Hindi galing sa Office of the President intelligence fund? Hindi pa yun?

Cuy: Hindi pa yun ma'am.

Poe: Sige. Ang atin lang babantayan dito ay hindi gamitin ng mga mismong kasangkot ang pabuya na yan na magtututuro sila ng mga kasamahan nila tapos sila makakatanggap ng reward. Tignan din natin kung ano talaga ang mga koneksyon nung mga kasangkot dito. Malapit na yung oras ko. Nais ko lang sabihin, unang-una, sa ating CHR maraming salamat din sa inyong courage na patuloy ninyong ginagawang trabaho. Napakapopular ng laban sa droga at gusto natin lalo na bilang magulang na maging ligtas ang ating mga anak. Pero kasama din nun ang kaligtasan ng bawat inosenteng mamamayan at kailangan kayo diyan.

Sa atin naman pong mga kapulisan, aking mataas na paghanga at respeto sa inyo noon pa man, noong kayo'y iniimbistigahan ko, kasama ko nga si Gen. Magalong diyan sa Mamasapano noon pa. Alam ko delikado din ang inyong trabaho. Gen. Dela Rosa, kung meron akong masasabi tungkol sa inyo, nakaka-usap ninyo ang ating mga kababayan at naiintindihan kayo at yan ay napakahalaga para mabigyan sila ng kapanatagan. Pero paalala rin, na ang kapangyarihan paminsan ay nakakalinlang at pag ikaw ay napapalibutan ng mga taong mga kasama mo lang palagi, baka makalimutan natin na ang atin talagang mandato na talagang tulungan ang ating mga kababayan lalong-lalo na ang mga walang laban. Kaya muli maraming salamat sa inyong mga ginagawa para sa ating bayan lalong-lalo na ang mga walang laban. Salamat.

News Latest News Feed