Press Release
September 5, 2016

GRACE POE'S AMBUSH INTERVIEW TRANSCRIPT
ON EMERGENCY POWERS

Sen. Grace Poe: Nais kong magpasalamat sa Department of Transportation, natanggap na natin ang kanilang proposed projects at proposed bill para sa emergency powers. Ito ay natanggap ng aming opisina noong biyernes. Ngayon, medyo mahaba-haba ito, kaya kailangang pag-aralang mabuti kaya gusto naming madaliin din. Ang maliwanag dito, para sa kaalaman ng ating mga kababayan, bubuwagin na ang kapangyarihan ng LTO, LTFRB, pati ang MMDA at mga local government units pagdating sa pagmamanage ng traffic. Ito ay magkakaroon na ng isang central authority ng traffic na pamumunuan ng DOTr. Siguro iyan ay si Sec. Tugade at ang kanyang mga maa-appoint dito. Importante na mag-usapusap ang mga ibang ahensya ng gobyerno kung paano magkakaroon ng mas maayos na transition ukol dito. Ngayon, ang isa pang nilagay diyan, yung mga proyekto sa pagpapalawak ng railway system at pati na rin sa ating mga airport, kasama diyan ang mga probinsya.

Pero ang medyo hindi maliwanag sa atin ay ang nilagay nila na 'to decongest traffic in highly urbanized areas,' pero hindi nabanggit ang mga highly urbanized areas gaya ng Cebu, Davao at ung anu-ano ang mga proyekto na gagawin dito. Parang lumalabas lamang ay dito sa Metro Manila nakasentro ang mga plano so gusto natin, ang mga proyekto na agarang maiibsan ang problema sa traffic ay maging malinaw para sa atin kasi marami diyan long-term talaga. Ang gusto natin yung short-term tapos pwedeng sa hiwalay na pagkakataon naman ang long-term. Ngayon ang hinihingi nila ay 3 years na emergency powers pero hindi iyan maaaring umabot ng tatlong taon sapagkat nag-umpisa na ang 17th Congress. So a little short of a few months kung ito ay maaaprubahan namin sa lalong madaling panahon ay mas mabuti.

Q: Yung pagbuwag sa MMDA will be coming to effect once ma-grant ang emergency powers?

Poe: Ang pagbuwag ay sa kapangyarihan lamang nila na mag-institute ng traffic management. Siyempre nandiyan pa din ang ibang functions nila pero magkakaroon na ng central agency para diyan. Ang dahilan kaya nila kailangan ng emergency powers ay ito: magkaroon ng central traffic agency; magkaroon ng mas mabilis na proseso sa pagbili ng mga kailangan nila na mga kagamitan o pagimplementa ng mga proyekto para mas madali ang procurement. Pangatlo para maiwasan ang mga ligal na balakid katulad ng mga TRO mula sa mga lower courts. Lahat yan makakatulong pero, gusto nga natin tingnan mabuti itong mga pinapangako nilang mga proyekto kasi may nabanggit din doon na Mindanao rail, pero hindi nakalagay kung saan sa Mindanao uumpisahan ang Mindanao rail system na ito.

Q: Paano yung aalisin sa MMDA tsaka LGUs yung traffic, yung mga traffic enforcers nila, ano mangyayari doon?

Poe: Yun nga ang dapat pag-usapan sa ating mga pagdinig. Anong mangyayari sa mga traffic enforcers, magkakaroon ba ng consolidation ng workforce? Kasama din diyan kasi ang pagrerelocate ng mga informal settlers, nakalagay din doon. They need the emergency powers para ma-relocate ang mga yan, sa mga lugar na ligtas. Saan nila dadalhin? Yun ang kailangan. Tapos marami tayo, sa mga iba't-ibang ahensya, yung mga contractual katulad doon sa MIAA. Ano mangyayari doon sa 1500 contractual workers nila. Lahat ng mga bagay na yan kailangan nating tutukan pero kasama ng ating mga kababayan, gusto na namin madaliin ito, kasi grabe na yung traffic na ating dinaranas. Pero may mga ibang bagay rin na pwede nilang gawin na hindi kailangan ng emergency powers. Ang NEDA yata ay nag propose ng parang 30-second stop lang for every bus kapag nag da-drop off and pick-up, mga ganoon. Kailangan din natin isipan, kausapin ang DepEd, pwede ba nating agahan ang pagsara ng paaralan pagdating ng holiday. Maaari ba itong maayos, dahil alam naman natin ang lahat ng pagmamadali ginagawa bago mag pasko. Kung mag-uumpisa na itong mga construction dito sa mga, hindi naman kailangan ng emergency powers, makakatulong kung walang mga pasok ang mga bata pero kailangan kausapin ang DepEd ukol dito.

Q: Ma'am with the submission, how soon will you resume the hearings po?

Poe: Ganito ang mangyayari, katulad ng mga ibang committees, magkakaroon ng technical working groups. Mag-uumpisa sa Sept. 8, yung technical working group na yun mas mabusisi ang pagtatanong sa mga sektor kasi, kung iisipin ninyo nagbigay sila ng mga suggested projects pero gusto natin malaman kung kinausap ba nila ang mga bus owners. Alam niyo ang isang gusto pa nila ay yung intermodal transport system pero ang alam ko, hindi pa sila nag-uusap ng stakeholders dito kaya doon sa technical working group, kukunin natin ang listahan sa bawat isa. Isa-submit natin yan sa DOTr para matignan din nila. Ngayon ang pag resume ng ating hearing na malaki ay sa Sept. 22. Bakit? Dahil 64 pages yan, lahat ng local government units na kasama, na maaapektuhan ay bibigyan ng pagkakataon na pag-aralan ang sinumite ng DOTr. Tapos lahat din ng iba't-ibang ahensya na mabubuwag ang kapangyarihan sa trapiko kailangan magbigay ng kanilang suhestyon sa DOTr. So pagdating ng Sept. 22, maaaring pagkatapos nun tuloy tuloy na tayo para makapag submit na kami ng committee report at least sa senado ay matapos natin agad ang emergency powers bill.

Q: Ma'am kailan niyo gustong maibigay yung emergency powers? Within this year? Kasi magpapasko na, mas ma trapik.

Poe: Gusto kong ibigay na iyan at dito sa senado makikita niyo minamadali na natin kaya nga napilitan rin siguro ang DOTr noong ating pinostpone ang hearing dahil ayaw naman natin na puro spekulasyon at drawing lang ang ating pinag-uusapan sa hearing. Sayang ang oras nating lahat imbes na ginugugol sa paggagawa ng tunay na plano. Ngayon, kailan ito matatapos? Minamadali natin ito dito kasi sa darating na mga araw magkakaroon na ng budget hearing. Sa kongreso iyan ang ginagawa nila. Marahil pag natapos na natin ang hearing na ito, ang kongreso naman ang susunod dahil manggagaling naman doon yung kanilang mga proposal sa budget diba so sila naman ang mag he-hearing. Ang aking balak sa senado ay bago mag pasko maibigay na, maaprubahan na iyan dito pero kahit na aprubahan pa natin iyan dito sa senado, hindi iyan maiimplementa agad ng DOTr sapagka't kahit na may emergency powers pa ang procurement process hindi mo rin iyan magagawa ng isang linggo o dalawang linggo. Bakit? Dahil maghahanap ka pa ng mga suppliers para dito.

Q: Pero ma'am doon sa kanilang sinubmit how would you describe it ma'am? Comprehensive ba? Satisfied kayo?

Poe: Ayoko munang pintasan, basahin ninyo. Para sa akin marami dito ang pwede pa nilang mas ma-eksplika ng detalyado sapagka't hindi nakasaad kung saan-saan ang mga lugar na ito at doon sa aking mabilis na pagbabasa nito, kailangan pa nating repasuhing mabuti. Parang nakasentro dito sa Metro Manila pero hindi pa rin buo masyado ang plano doon sa mga ibang lugar katulad ng Davao, Cebu, Cagayan de Oro, mga highly urbanized centers.

Q: Ma'am may coordination ba with your counterpart sa House of Representatives?

Poe: Siyempre kailangan namin paspasan dito sa Senado at kung makakatulong na talagang mag-usap na kami pero hindi pa rin sila pwedeng makipag-usap sa amin dahil hindi pa ata sila nag-uumpisa ng pagdinig nila dahil nga ang inuuna nila doon ay ang budget. So habang nauuna sila sa budget kami naman ay yung pagdinig sa emergency powers. Basta para sa ating mga kababayan lahat tayo biktima dito ng sama ng trapiko kaya gusto na namin tapusin sa senado at kami ay nagpapasalamat nandito na yung plano pero kailangan madaliin din sa lahat ng mga ibang sangay ng gobyerno na ayusin ang kanilang pwedeng magawa ngayon na kahit wala pang emergency powers.

Q: Mayroon kayong estimate ng total cost sa proposal nila?

Poe: Wala pa. Kasi hindi nakaspecify katulad niyan. Mag-proprocure ng mga nightlights sa mga airport. Hindi pa nakasaad doon kung ilan pa ang kailangang idagdag. Basta nandiyan na ang kopya sa inyo, more or less magkakaroon kayo ng idea, pero alam niyo naman, sabi ko nga, bibigyan natin sila ng mas malawak na paggagalawan dito sa emergency powers. Hindi naman natin sinasabi na bawat sentimo ay kailangang tama ang kanilang kompyutasyon pero dapat resonable at dapat may safeguards. Kaya nga diba pangako ko sa inyo, FOI-compliant, kaya yung sulat nila ibibigay ko sa inyo para umpisa na tayo dito. Ngayon pa lang sa umpisa pa lang nakikita na ninyo kung ano ang ginagawa nila at yan ang balak ko sa buong proseso habang kami ang magiging oversight ng implementasyon ng emergency powers.

Q: Para lang categorical, since you said na i-rush na ito. So there is no more question whether the senate will approve it or not?

Poe: No. Of course the Senate still has to do its job. It has to be within the confines of what's legal in the constitution. So we have to be able to assure that it's compliant with that. We have to make sure also that we have the safeguards in place and all the parameters that are needed to ensure the proper implementation of the emergency powers. Pero dito sa Senado, sa nakikita ko sa aking mga kasamahan, lahat naman kami ay sang-ayon na kailangan ng emergency powers basta lamang hindi ito malalagay sa pag-abuso.

Q: Okay. Can we get your comment on the declaration of state of lawlessness? On Davao?

Poe: Unang-una ako ay nakikiramay sa ating mga kababayan sa Davao na nabiktima nitong pagsabog. Para sa akin, importante na gawin natin ang ating makakaya para mahadlangan ang mga masasamang loob na gumagawa niyan sa ating mga inosenteng kababayan. Tungkol po ito sa kapangyarihan ng pangulo na gawin kung ano sa tingin niya ang nararapat, kasama na diyan yung sinasabi niyang deklarasyon na isama ang military dahil ang military ay usually for external threats only. Pero dahil nga dito sa state of lawlessness na nasabi, pwedeng ipasok ang military para tumulong sa mga pulis. Hindi masama iyon. Basta lamang malinaw sa atin na ito ay para sugpuin ang mga banta sa ating kaayusan at dapat nakasentro lamang dito sa mga banta na iyan at hindi pa doon sa mga iba na hindi naman kailangan ng pagpapalawig ng kapangyarihan ng military.

Q: Thank you, ma'am.

News Latest News Feed