Press Release
October 19, 2016

SENADO, HINIMOK NI ANGARA NA IPASA ANG 'FOI' BILL

"Panahon na para malinawagan ang bawat Pilipino sa ginawa, ginagawa, at gagawin ng kanilang gobyerno. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang FOI Law, sila'y maging totoong katuwang sa pagbabago at pag asenso."

Hinimok ni Sen. Sonny Angara ang kanyang mga kapwa senador na ipasa muli ang Freedom of Information Act upang tuluyang maibalik ang kumpiyansa at tiwala ng taong bayan sa pamahalaan.

Suportado ng senador ang committee report na nakatakdang ilabas ni Sen. Grace Poe na siyang chairperson ng committee on public information and mass media, sabay sabi na "mahalaga ang pagkakaroon ng malayang daloy ng impormasyon sa pagtayo at paglago ng isang masaganang bansa."

"Noong congressman pa lamang po ako ay paulit-ulit na natin isinusulong na makapagpasa ng isang FOI Law. Sa aking palagay, isa itong susi upang sugpuin ang katiwalaan at pagmamalabis sa gobyerno ng ilang nanungkulan sa pamahalaan," giit ng mambabatas.

Ani Angara, marahil ay napigilan siguro ang mga iskandalong sumabog nitong nakaraang ilang taon kung mayroong FOI na batas na tiyak na mabubuko sa pamamagitan ng mapanuri at mapagmasid na taong bayan.

"Halimbawa na lamang ang mga nagdadalawang-isip at nag-aalanganin na magbayad ng tamang buwis. Wala silang ganang bayaran ang tamang halaga sapagkat sa isipan at mentalidad nila, ito ay napupunta lang naman na sa mga korap na bulsa ng mga taga gobyerno," binigyang-diin ng senador, na siya ring namumuno sa Senate ways and means committee.

Ayon kay Angara, mahalaga na mapanumbalik ang tiwala ng mga mamamayan sa mga namumuno ng bayan. Ito aniya ang magbibigay-daan para tunay na maging "partners of change" ang bawat Pilipino.

"Sa aking pananaw, demokrasya po ang tawag sa anumang sistema kung saan lahat ng mamamayan ay sama-samang nag-aambag para sa ikabubuti ng bayan. Sa isang demokrasya, lahat nagdadamayan. Lahat nagtutulungan," paliwanang ng senador, na nanawagan din sa kasalukuyang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na bigyang pansin ang pagsasabatas ng naturang panukala.

Dagdag pa niya, "panahon na para ipagkatiwala sa ating mamamayan ang impormasyon na magiging daan sa paggampan ng kanilang mga responsibilidad sa ating demokrasya."

"Panahon na para malinawagan ang bawat Pilipino sa ginawa, ginagawa, at gagawin ng kanilang gobyerno. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang FOI law, sila'y magiging totoong katuwang sa pagbabago at pag asenso," ayon kay Angara.

Sa nakalipas na 28 na taon, palaging inihahaing ang FOI bill sa Kongreso at Senado. Nakuha itong maipasa sa Senado nitong nakaraang 14th, 15th at 16th Congress, subalit hindi pa ito pinapalad na maapruba sa Mababang Kapulungan.

News Latest News Feed