Press Release
February 16, 2017

Pahayag ni Akbayan Senator Risa Hontiveros ukol sa plano ng SolGen na i-acquit si Napoles sa Luy detention case

Isa itong nakakabahalang balita. Tila isang bangungot. Mukhang isa-isa nang nakakabawi ang iba't-ibang pwersa ng katiwalian sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon mula kay Gloria Macapagal Arroyo, sa mga Marcoses, at ngayon naman, si Janet Lim Napoles. Tila may reunion ang mga korap sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Hindi ko maintindihan kung bakit nag-aabugado sa panig ni Napoles ang ating Solicitor General. Bagama't hindi bago na ang SolGen ay may taliwas na legal na pananaw sa estado, ito ay pambihira dahil nilalabanan niya mismo ang state witness ng gobyerno sa Napoles-pork barrel scam. Parang binaril ng gobyerno ang kanyang sarili paa.

Kung magtatagumpay ang Solicitor General na i-acquit si Napoles sa kasong serious illegal detention laban kay Benhur Luy, malaki ang panganib na magamit ito upang atakehin ang kredibilidad ng state witness at palabnawin ang kanyang mga testimoniya laban sa lahat ng sangkot sa Napoles-pork barrel scam. Kung mangyayari ito, isa itong malaking dagok sa ating kampanya laban sa korapsyon.

Nanawagan ako sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad na magpaliwanag sa isyung ito. Bakit pumapanig ang gobyerno sa mga korap? Iniiwan na ba ng administrasyon ang kampanya laban sa korapsyon at kumakampi na ito sa mga tiwali?

Nananawagan din ako sa taumbayan ng ibayong pagbabantay sa usaping ito, lalo na sa kasong plunder laban kay Napoles at sa iba pang sangkot sa pork barrel scam. Kailangan ipagtanggol ang mga tagumpay laban sa korapsyon ng mga nagdaang taon. Huwag natin hayaan na manumbalik ang dilim.

News Latest News Feed