Press Release
June 12, 2017

PAHAYAG NI SENADOR FRANCIS PANGILINAN SA ARAW NG KALAYAAN

Makabuluhang ika-119 na Araw ng Kalayaan sa ating lahat, marangal na lahing Pilipino na may dakilang kasaysayan.

Bilang isang bansa, marami na tayong pagsubok na nalampasan. Utang natin iyon sa mga nagbuwis ng buhay at nagsakripisyo -- ang ating mga bayani, mga karaniwang mamamayang tumugon sa hamon ng kasaysayan.

Ngayon, marami pa ring hamon ang kinakaharap natin:

1. Patuloy na bumabalot ang kaguluhan sa Marawi City dahil sa banta ng terorismo, aerial bombings, at martial law. Nais nating mga Pilipino na maging malaya mula sa takot at pangamba.

2. Batay sa poverty incidence noong 2015, tinatayang 21.93 milyong Pilipino ang hindi nakakabili ng pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, tirahan, at damit. Pinakamahirap pa rin ang magsasaka at mangingisda. Nais nating mga Pilipino na maging malaya mula sa kahirapan at gutom.

3. Milyon-milyong batang Pilipino ang walang kapasidad na pumasok sa isang pormal na paaralan; kulang ang silid-paaralan at aklat; kulang ang guro at mababa ang sahod. Nais nating mga Pilipino na maging malaya mula sa kawalan ng edukasyon na siyang susi sa tagumpay.

4. Sa pagyabong ng social media, lumaganap din ang fake news na nagbabanta sa katotohanan at nagdudulot ng kalituhan. Nais nating mga Pilipino na maging malaya mula sa fake news at kasinungalingan.

Ang Araw ng Kalayaan noong June 12, 1898 ay tagumpay nating mga Pilipino mula sa mga dayuhang mananakop. Bunga ito ng mahabang panahon ng pag-aaral at paglaban, pagsasakripisyo at pagkakaisa. Ipinagdiriwang natin ngayon itong kahanga-hangang pinagdaanan nating kasaysayan.

Ang paggunita natin sa araw na ito ay pagpapapaalala sa atin na ang kalayaan ay isa sa pinakamahalagang pamana na maiiwan natin sa susunod na henerasyon.

News Latest News Feed