Press Release
August 21, 2017

Grace Poe's Ambush Interview Transcript
Launch of Quezon Province's First 1,000 Days Program, Lucena City

Q: On drug war. Sa Senado, gusto nyong magkaroon ng fair and impartial na imbestigasyon. Yung kay Leyte Mayor, ang findings ay murder case tapos promoted pa. Paano ninyo matitiyak na wala ng ganyan?

Poe: Ang matitiyak ko lang ay sarili ko, palagi naman kung anong sa tingin kong nararapat, yun ang ating pinaglalaban. Alam nyo, yung dati sa Albuera Mayor-- yung Senado talagang kinondena ito at sinabing 'dapat maalis siya (Supt. Marcos) sa serbisyo, dapat makulong siya, dapat patawan siya ng parusa.' Hindi naman yun ang pinakinggan, pero at least lumabas ang katotohanan sa pagdinig sa Senado. Para sa akin, napakahalagang malaman kung ano ba talaga ang mga kaganapan doon, kasi sabihin na nating pusher siya talaga o runner, sabihin na nating runner, pero talaga bang nanlaban sya, may laban ba talaga sya? Lahat naman tayo ay dapat bigyan ng pagkakataong mabigyan ng tamang proseso. Nakita naman natin yung bata, hawak-hawak na--madinig natin sa mga pulis paano nila i-eeksplika yun. Mahirap nito yung inaabuso, hindi ito dapat contest ng distrito kung sinong pinakamaraming napatay kasi kung magiging contest ito ng patayan, hindi matatapos yun. Paulit-ulit na lang yun dahil may paghihiganti ng mangyayari diyan. Basta pag contest nilang dinadaan ito sa dami ng patayan, walang mananalo dito.

Q: Comment niyo sa ongoing siege sa Marawi?

Poe: Dapat huwag kalimutan ang rehabilitasyon. Yung importante doon, tama naman ang sinabi ng military, marami kasi sa kanila ang nakatago sa bahay-bahay. Ibang klaseng gyera ang nilalabanan natin dito pero huwag nating kalimutan na dapat bumalik na rin sa mga tahanan at matulungan ang mga pribadong mamamayan natin na ayusin ang kanilang kinalalagyan.

Q: Panawagan po sa mga millennials kaugnay sa pagpasa ng FOI bill?

Poe: Opo, importante talaga na ang Freedom of Information ay maipasa kasi papaano natin makukuha yung mga impormasyon sa gobyerno kung itinatago ito. Papaano natin malalaman kung ginagasta ba ng tama ang ating pera. So ang FOI importante di lamang sa media kundi para sa atin. Sabi nila puro fake news di ba? So paano natin mabeberipika? Kailangan natin niyan.

Gusto ko ring sabihin na yung Q1K program ng Quezon ay napakagaling kasi yung mga nanay na nagbubuntis ay naalagaan. Kapag nanganganak sila, yung mga bata mas malusog, hindi nagkakasakit at mas matalino. Kaya sabi ko, itong bill na ito papasa na sa Senado para mabigyan ng pondo ang mga probinsya at local government na tulungan ang mga nanay na nagbubuntis.

Q: Papaano niyo po ito magagawa na maipasa sa Senado?

Poe: Period of interpellation na kami ngayon at marami nang nag-signify na mga senators na gusto nilang magco-author. Sa tingin ko papasa na ito. Kapag naipasa iyon, siyempre mayroong kaukulang funding iyon. Sabihin na natin kung ilang bilyon iyon, ibibigay diretso sa mga barangay health workers at sa local government para yung mga nanay, may vitamins, may check-up, may gatas na iniinom habang nagbubuntis. Kapag nanganak sila may check-up, yung mga bagay na iyon.

News Latest News Feed