Press Release
August 24, 2017

Sen. Bam Aquino's opening statement during Senate probe on Kian Delos Santos killing

"Si Kian ay hindi lang isang numero. Hindi siya isa collateral damage lang. Isa po siyang totoong tao at ang kaniyang buhay ay mahalaga. Bawat buhay sa ating bayan, mahalaga." - Sen. Bam Aquino

Transciption:

Sa mga kasama po natin sa kapulisan, mga resource speakers, Secretary Aguirre, magandang hapon po sa inyong lahat. Siguro maiksi lang yung aking opening statement. Dalawa lang ang pakay natin sa araw na ito.

Unang una po, magkaroon po ng katarungan si Kian. Magkaroon ng katarungan si Kian. Maraming lumalalabas na impormasyon ngayon, pero yung mga pinakamahalagang impormasyon, nakita na naman natin sa sarili nating mga mata - yung CCTV footage, yung hindi pagsang-ayon nito doon sa spot report, yung mga nasabi ng testigo na lumabas na rin naman sa media, yung lumabas po sa autopsy ng PNP, yung lumabas po na mga test, kapag pinagsama-sama mo, kita naman po talaga na pinatay si Kian.

Hindi po siya nanlaban.

Ano po yung katarungan para kay Kian? Nasabi na rin po ito ni President Duterte, yung mga lumabag sa batas should rot in jail. Nasabi po niya iyan. Iyon po ang hinahanap natin, na kung meron po bang kapulisang nanlabis sa kanilang kapangyarihan, na gumawa po ng masama sa ating mga kababayan, dapat po managot. At naniniwala naman po kami, lahat tayo nandito upang hanapan ng katarungan yung bata at yung kaniyang pamilya. Yun naman po yung hinahanap ng kaniyang pamilya din.

Yung pangalawang pakay po siguro, na ito siguro yung isang sisikapin nating mangyari, ay maging totoong tao po si Kian para sa ating lahat dito. Kasi kung wala po yung CCTV footage, si Kian po ay magiging numero lang. Isa lang pong numero na idadagdag doon po sa mga legitimate police operations. Isa pa pong numero na idadagdag dun sa 3,000 napatay sa legitimate police operations, sa libu-libo pang mga napatay dahil sa vigilante killings, napakarami na po ng numero na nilalabas dito sa ating giyera kontra-droga.

Di po siya isang numero. Di po siya isa lang collateral damage. Di lang po siya isang tao na puwede pong mawala na lang na kuwento. Isa po siyang totoong tao, Grade 12 student, may pangarap sa buhay.

General, gusto po maging pulis ni Kian. Iyon po yung kaniyang pangarap. Tumutulong po siya sa kaniyang ama, yung kaniyang mga kaibigan, mahala na mahal po siya, isang totoong tao po siya. May mga nagsabi, bakit niyo ba gustong hanapan ng katarungan yung batang ito? Kasi kitang kita naman po natin, dahil hindi naman dapat siya namatay nang ganun.

Kung nabuhay po siya, posible po siyang naging kasama pa ng ating kapulisan, na isang matino na tao, na lumalaban para sa ating bayan.

Kaya siguro po, aside from looking for justice, personally I'm looking for a commitment from the PNP na seseriyosohin po yung kasong ito at talagang mananagot yung mga kapulisan na gumawa po nito, aside from that, gusto ko po lang maisabi sa ating lahat na tao po si Kian. Hindi lang po isang numero. At iyung kaniyang buhay, 17 years old lang po iyan, mahalaga po iyo. Dahil yung bawat buhay po sa ating bayan, mahalaga. Hindi lang dahil siya ay isang bata, hindi lang dahil kasama siya sa ganitong kaso na karumal-dumal- iisa po siyang Pilipino na may mga pangarap gaya nating lahat. Dapat po mabigyan ng sapat na hustisya.

Ayun lang po, Mr. Chairman, and I commend the Chairman for speedily having this hearing. Maraming salamat po.

News Latest News Feed