Press Release
November 16, 2017

Grace Poe's Ambush Interview Transcript

Poe: 'Di ba humiwalay na? Humiwalay na sila.

Q: Ma'am humilay na. Hiwalay na sila.

Poe: So, ano yung question?

Q: Ano ba yun? Kasi parang nagwo-worsen talaga yung service? Hindi naman siya pwedeng i-stop 'yung operation 'pag ganoon?

Poe: Ito nga yung problema natin, talagang natutulak na tayo halos sa pader. Yung masabi mo, yung MRT halos araw-araw mayroon talagang problema. Doon sa kasawiang-palad na nangyari sa isa nating kababayan na naputulan ng kamay, sintomas pa lang ito, tayo'y nakikisimpatya pero ang malaking problema na nakaamba d'yan na sana huwag namang mangyari ay yung problema talaga sa riles na dapat palitan. Yung signaling system para hindi magbanggaan itong mga tren na ito. Nakita na natin yung nangyari kanina, pinag-uusapan lang natin ang aksidente sa isang tao pero ito, humiwalay ang dalawang bagon. Mabuti na lang, walang nasaktan. Umpisa pa lamang ito kaya nakita na natin ang pagkakamali ng nakaraang administrasyon. Sa tingin ko ang namamahala ngayon ng DOTr ay kailangan nang kumilos at hindi lamang pumuna. Ito na yung ating sinasabi, kasi kami dito sa legislation, nakikita natin yung problema pero sila ang may technicality dapat na ayusin na, magdesisyon na sila. Ito ba'y talagang ligtas o hindi? Sabi nila ligtas pa naman pero pa naman, 'di ba? Iyon yung medyo nakakabahala sa kanilang mga sinabi.

Q: Ma'am should they consider na itigil muna yung operation para masigurado na talagang 100 percent na ligtas bago nila mag-operate ulit?

Poe: Ang kailangan nilang gawin ay siguraduhin na ligtas ang ating mga mananakay. Ngayon, kung kinakailangan na itigil, alam natin na maaapektuhan halos 500,000 mga mananakay pero kung iisipin naman natin ang maaaring bawian ng buhay dahil sa kapabayaan, baka kailangan lulunin natin ito ngayon; pero ang importante talaga ay magdesisyon ang DOTr at 'pag may nangyari, akuin nila ang responsibilidad.

Q: Ma'am, tingin niyo, personally kayo nakasakay kayo doon, medyo mas maganda pa noong panahon na iyon, pero tingin niyo ba, ligtas pa ba siya o talagang medyo kailangan magdalawang-isip na yung mga mananakay ngayon kasi everyday may technical glitch tapos medyo pasama nang pasama.

Poe: Alam mo ngayon walang makakapagbigay talaga, ako kahit ako tanungin dito, hindi ko pwedeng sabihin na talagang masasabi nating ligtas kasi kahit hindi ka naman isang inhinyero, makikita mo araw-araw may aberya, doon pa lamang ay parang nagpapakita na ng sintomas so siguro kinakailangan talaga, may eksperto na itaya ang kanyang pangalan at busisiing mabuti at sabihin kung ititigil o itutuloy ang serbisyo dito. Pero ang DOTr, kailangan na nilang maglahad ng kanilang plano, anong gagawin 'pag ititigil ito? Gaano kabilis ang rehabilitasyon kung saka-sakaling ititigil, isang buwan ba? Ilang buwan? Ilang linggo?

Q: Ma'am sa tingin niyo kailangan ng reassessment ng MRT, LRT kasi hindi lang pala sa MRT may naipit, sa LRT parang 3 weeks ago may naipit din ang binti.

Poe: Yun na nga e, alam mo dapat kahapon pa, dapat nung isang taon pa meron na talagang assessment. Sabi ko nga e, sino talaga ang eksperto na makakapagsabi kung ligtas ito dahil tayo mismo, ang nalalaman lamang natin ay 'pag natapos na ang balita. Mayroong naghiwalay na bagon, mayroong naputulan ng kamay, mayroong pagtigil, mayroong pag-unload. Lahat yan nangyayari araw-araw, pustahan nga e, talo na nga ang pupusta na walang tigil-pasahe (byahe) sa isang araw.

Q: Kailangan ba na may inquiry, investigation kasi apparently ang DOTr laging sasabihin, we're doing everything.

Poe: Kung kinakailangan silang pukpukin ng isa pang pagdinig--pero para sa akin, nagkakaubusan tayo ng oras at ang kaligtasan ng ating mga kababayan ang nakasalalay dito. Hindi ba sila pwedeng kumilos na ngayon na, na hindi sila kailangan pang tawagin dito para i-eksplika? Kasi kung puro eksplika walang gumagana kaya para sa akin, sila ang may engineers, sila ang may mga experts; kung kinakailangan ng emergency release of funds para maayos agad yan, kung kinakailangan kumuha ng eksperto sa ibang bansa para pag-aralan at busisiin ang kaligtasan ng ating mga kababayan diyan e gawin na nila. Huwag na silang mag-isip, kasi kung natatakot sila na maiimbestigahan sila ng COA, ang pwede naman nilang sabihin kinailangang ipasok ang mga taong yan dahil emergency na talaga at kailangan nating ayusin ang MRT.

Part 2
...

Poe: Noong tinanong natin ang DOTr kung ligtas ba ang MRT, ang sabi nila 'ligtas pa naman--pa naman,' pero hindi sila nakakasiguro sapagkat araw-araw may nasisira, may naaksidente. Ngayon, ang mabigat na katanungan ay ito--at siguro ay kailangan nilang gawin--kung kinakailangan ay itigil ang pasahe diyan, ang pagpapatakbo ng MRT--kailangan nilang sabihin. Kailangan maglakas loob sila, dahil magagalit ang taumbayan kasi marami talaga ang mahihirapan na walang MRT, pero ang importante ay ligtas sila; so kailangang mag-desisyon ang DOTr. Kailangan ba ninyong itigil ang pagpapatakbo ng mga tren para talagang mabusisi ninyo o mapag-aralan ninyo ang mga teknikal na bagay na magliligtas sa ating mga kababayan? Yun lang naman ang tanong diyan, ilabas na ninyo ang plano ninyo kung gaano katagal ang rehabilitasyon ng mga tren. Ano ang gagawin niyo? Mayroon ba kayong point-to-point buses na idadagdag, at bibigyan ba ninyo ng kompensasyon na libre ang ating mga pamasahe sa mga panahon na walang pagtakbo ang MRT? Iyan ang tanong natin.

Q: Ma'am complete stop, temporarily, habang inaayos?

Poe: Yun ay dapat talagang sagutin ng DOTr. Basta para sa akin, 'wag nating isugal ang buhay ng ating mga kababayan dahil natatakot tayo na akuin ang responsibilidad.

Q: Clarification, will you demand a thorough report from the DOTr pagdating dito sa mga unreported accidents sa facilities nila?

Poe: Yun nga eh may mga balita nga tayo na naririnig na ito palang naputulan ng kamay ay hindi lamang pala ito. May nangyari na rin sa LRT kung saan naman naaksidente naman ang paa ng isang pasahero kaya kami ay nagpapasalamat sa mga nagrereport sa amin sapagkat ang DOTr mismo ay hindi nagpapadala pa ng report kaya hihingin natin sa kanila iyan. Unang-una, kailangan nating makita bakit nangyari iyon. Pangalawa, nabigyan ba ng tamang medical attention at compensation ang pasahero na iyon at pangatlo, anong ginawa nila para hindi maulit ang ganoong bagay.

Q: Ma'am mahigit isang taon na si Sec. Tugade, do you think resign ba? Hindi niya nasosolusyonan e.

Poe: Para sa akin, sana dapat sa panahon na ito mas maayos na ang pagpapatakbo. Nakakalungot dahil talagang kulang at sa tingin ko dapat isang taong nakaka-intindi talaga ng problema sa trapiko at mabilis kumilos dahil hanggang ngayon minsan tinatanong natin, ano ba ang koordinasyon ng DOTr at DPWH? Parang ang DPWH tuloy-tuloy sila sa kanilang mga proyekto pero ang DOTr maraming plano pero hindi pa rin naipapatupad.

News Latest News Feed