Press Release
November 23, 2017

Transcript of Sen. Grace Poe's Interview
Balitanghali with Connie Sison
November 23, 2017

Connie Sison: Magandang tanghali po sa inyo, Senadora Poe.

Sen. Grace Poe: Magandang tanghali Connie at sa lahat ng nakikinig.

Sison: Kukuha lang po kami ng reaksyon ninyo ukol po dito sa nagbitiw sa pwesto na Transportation Undersecretary na si Cesar Chavez.

Poe: Unang-una, ginagalang natin ang kaniyang desisyon. Pangalawa, gusto kong sabihin na si Usec. Chavez ang isa sa pinaka-respectable, ibig sabihin, nakikinig na Usec diyan sa DOTr na madaling maabot, nagbibigay ng pahayag at impormasyon at actually nagtulak pa para mag-file ng mga kaso dito sa mga nagkasala sa atin. Pero pangatlo ay ito, sa tingin ko ang kaniyang pagre-resign ay sintomas lamang ng mas malaking problema. Gusto kong malaman kung ang liderato diyan sa DoTR ay talagang aligaga at nagkakapalpak-palpak na. Kung ikaw man ay under diyan bilang Usec, iniisip mo na sa sistema ng kalakaran ba ngayon baka wala ka ring magawa na maayos kung ang mismong namumuno ay hindi naman talaga nakikinig sa mga payo mo na dapat gawin.

Sison: Yun nga po nabanggit ninyo na hindi kayo naniniwala na out of delicadeza lamang ang kaniyang pagbibitiw. May balak po ba kayong imbestigahan, senator, kung talagang ano ho ang nangyayaring problema sa pamunuan ng MRT?

Poe: Alam ko ang ating mga kababayan ay talagang sawang-sawa na dito sa walang katapusang teleserye na ito ng MRT. Kaya lamang, kaya nagiging ganito sapagka't-- kunwari kami magkakaroon ng hearing may rekomendasyon kami--magfa-file kami ng kaso tapos darating sa mga korte, biglang mapapawalang sala, o hindi man lang maisasama sa kaso ang talagang nasa itaas, mga may malaking kasalanan. Para sa akin, hindi lamang yung mga maliliit ang dapat parusahan kung hindi yung mga namumuno sa kanila kaya sabi ko nga kung magkakaroon ng pagdinig, hindi lamang public services, ibig sabihin yung mismong pagpapatakbo ng mga tren ang ating iimbestigahan kung hindi yung mismong responsibilidad ng mga namuno noon at ngayon kaya nga dapat blue ribbon kasama diyan. Kasi akalain mo araw-araw makikita mo ang mga nakapila, naglalakad, naga-unload, ang tagal-tagal ng kanilang pagdurusa na diyan tapos aba yung iba nagpapakasasa pa rin, walang mga kaso. Halatang-halata naman na kung hindi dahil sa kanila hindi naman aabot sa ganitong perwisyo ang ating nararamdaman. Hindi ito paghihiganti, ito ay pagiging accountable sa ating mga kababayan.

Sison: So pabor po kayo doon sa naging desisyon ng Ombudsman na magsampa ng reklamo sa mga dating opisyal ng nakaraang administrasyon?

Poe: Ako'y pabor talaga diyan kasi at the very least dapat marinig ang kanilang panig. Ito ay pagkakataon nila para mapawalangsala ang kanilang sarili kung mayroon talaga silang depensa. Pero pangalawa ito, ito ang ating medyo ikinakatakot dito. Alam mo yung mga nasa taas diyan, yung mga dating namuno, ang gagaling ng kanilang mga abogado, ang gagaling nilang umiwas sa responsibilidad at pagpipirma. Kahit na sabihin mo walang direct evidence sa kanila, the mere fact na mayroon silang impluwensya sa mga taong naitalaga nila at mga contractor na palpak na kanilang kinuha, sa tingin ko dapat talaga iyon ang ating imbestigahan at tingnan sapagka't ito, ang ginagawa meron nga sa isang binanggit hindi lahat ng legal ay makatarungan. Ang nakikita natin kung sino yung makapangyarihan at mayaman, nakakalusot sa mga kaso. Hindi natin dapat payagan ito kaya kung ang mga korte ay maninindigan na 'e kasi teknikalidad, sa mga batas hindi sila talaga dapat masangkot,' nandiyan pa naman ang Senado para dito ang taumbayan ang makinig at humatol.

Sison: Ma'am, magkakaroon ba tayo ng imbestigasyon tungkol doon sa November 16 incident na kumalas ang isang bagon at marami talagang naperwisyo. Mayroon tayong investigation on that?

Poe: Alam mo Connie, marami kasing anggulo diyan e pero mayroon ngang sinabi sila na mayroon silang nahuling tatlong tao na diumano nagsabotahe diyan. Mayroon ding binabanggit na yung iba naman mga kapabayaan nila. Hindi lamang iyon, kung hindi iyan sinabotahe, bakit nagkaganoon? Kailangan masagot iyan. Pangatlo 'di ba may isa ngang naputulan ng kamay, so isang aksidente iyan, pero isa pang samaritano na intern ang tumulong sa kanya; ang mga empleyado mismo na nandoon nagtuturuan pa daw kung sino ang gagawa, walang may training sa first aid na ganoon or first responders. Sabi pa daw ng security guard 'huwag ninyong kunin ang kamay diyan kasi kailangan pa naming kuhanan ng litrato para sa ebidensya,' so in short talagang kulang sa emergency training ang ating mga empleyado doon. Hindi natin sila sinisisi, nasa management iyan. So lahat ito ay kailangan nating maresolba at malaman sa isang pagdinig.

Sison: Sabi po kasi ng BURI ay tila hindi daw talaga alam ng mga nakaupo diyan sa MRT ang ginagawa nila. Kayo ho ba ano ang tingin ninyo diyan? Nakikita niyo rin ho ba in that way ang sinasabi ng BURI na walang alam yung mga nagpapatakbo ngayon diyan?

Poe: Ang BURI hindi rin ganoon kagaling ha. Alam mo, para sa akin, huwag silang magmamagaling dahil sa kanilang serbisyo ay napakakulang. Pero sa pagkakataon na ito, may punto din naman sila. Talagang marami pa ring kakulangan; katulad niyan kung talagang masigasig ang mga namumuno pwede naman nilang sabihin na 'Alam mo ito ang goal natin, ito ang layunin natin, dapat mapaikli na ang oras ng pagpila, hindi masira ang mga train natin, etcetera. So ito ang mga hakbang na gagawin natin.' Hanggang ngayon hindi malinaw iyan. Pangalawa, yung mga train na inorder sa China na dapat iibsan ang ating pagpila at pag-iintay sa mga train ay hindi naman compatible 'di ba. Ang bigat ng mga train na iyan, bibigay ang riles. Alam mo sabi ko itapon na iyang mga train na iyan. Huwag tayong magtipid na mali. Kung kailangan nating kumuha, umpisahan na natin, napakatagal mag-order ng train. Aabutin iyan ng taon so siguro dapat umpisahan na nila at pagdesisyunan na itong mga train na ito na galing ng China na hindi talaga natin mapapakinabangan.

Sison: Kung ganun kasi parang tapon pera rin po ng taumbayan iyan.

Poe: Talagang tapon pera na iyan kaya nga sabi ko sa iyo, Connie, kailangan itong mga taong nag-order na ito from the beginning--P3.8-billion, tapos P500 million na ang ating nabayaran--kailangang managot talaga sila kasi common sense na lang. Okay sabihin na natin si Sec. Abaya ay hindi naman eksperto sa ganyan pero 'di ba very basic na ang riles natin kaya lamang ang timbang na ganito, e kukuha ka ng overweight, dapat noong umpisa pa lang ay sinauli mo na iyan. Alam mo ginawa na iyan ng Singapore, ginawa na iyan ng ibang bansa na palpak ang ginawa ng Dalian yata, ibinalik nila yung train at hindi nila tinuloy ang kontrata, bakit hindi natin pwedeng gawin din iyon.

Sison: At saka may problema pa tayo sa hindi compatible na riles doon sa bagon, kapag ginawa ho natin, halimbawa sinasabi niyo nga talagang let's move on, mag-order na tayo ng panibagong bagon, papaano po kaya kasi madaling sabihin e pero yung mga mananakay natin na napakaraming umaasa sa MRT ay talagang mahihirapan. Yung alternative po ba sa tingin ninyo na mga transport system ngayon--nandiyan yung P2P, of course nakakatulong diumano--sa tingin ninyo magiging sapat pa iyon kung halimbawa talagang kakailanganin ang ganitong direktang pagtanggal at talagang maging decisive na tayong palitan itong mga ito?

Poe: Alam mo Connie, iyan ang aking talagang ikinalulungkot at ipinagpapaumanhin sa ating mga kababayan. Ang tagal na nating pinaglaban ito, sapagkat, hindi na talaga nakikinig, hindi lang ngayon, 'yung dating administrasyon din. 'Yung point-to-point buses, okay good, A for effort na naglagay sila niyan. Pero remember, there are close to 500,000 commuters daily on the MRT-3 alone that cannot be absorbed by the point-to-point buses so ibig sabihin magdadagdag ng pampasadang mga sasakyan na talagang magkakaroon pa ng trapiko. Pero ang una nating concern ay ito, number one, safety; Number two, ano 'yung plano of action ninyo kung kailangan ninyo ng emergency procurement para makakuha na kayo ng mga pampalit. Umpisahan na ninyo ngayon sapagkat hindi ito nabibili sa SM lang o sa department store o sa Trinoma na bibili ka lang ng isang tren ay ito na. Hindi, 'yun ay customized. You need to make a leadership decision immediately to be able to order alternative so 'yun 'yung aking medyo concern ngayon.

Sison: Ma'am panghuli na lamang po na tanong. Isa rin po kasi sa nabanggit po ni USec. Chavez, si dating Usec. Chavez, na sinasabi na aalis siya para to give way sa mas mabuting makaka-fill in doon sa kanyang iiwanang posisyon o iniwanang posisyon, ano. Meron ho ba kayong naririnig, sino ho ba ang puwedeng pumalit? Kasi ang balita rin ho namin, meron daw ibang mas pinapakinggan, di umano, ang ibang pamunuan nga, I mean 'yung pamunuan po ng DOTr maliban po kay USec. Chavez kaya din siya umalis.

Poe: Alam mo apela ko kay Secretary Tugade, noong umpisa ko naman siya nakausap, mukha namang madali siyang kausapin, ganyan, sana huwag mangibabaw ang pulitika. Hindi naman porke't na kaalyado mo ay yun na ang pinaka-epektibo para sa trabaho. Isipin nila ang mga bagay katulad ng kwalipikasyon at tunay na malasakit sa taumbayan, 'yun ang kanilang dapat na maging layunin--na ang kunin na pampalit, kasi ito talagang si Usec. Chavez, nakikita ko sa ating mga meeting, sa aming mga hearing noon, pagod na pagod na rin sa kanila. Wala siyang sinasabi na nakakastigo sa liderato, siya'y naniniwala sa programa ng administrasyong Duterte na dapat talaga ay magkaroon ng epektibong infrastructure project pero kung isa lang siya at hindi naman siya pinapakinggan. Ako'y may respeto na talaga sa kanya na sabi niya, 'Kung meron kayo sigurong ibang mas magaling kesa sa akin, eh 'di give way,' ibig sabihin hindi siya gahaman sa kapangyarihan at sa puwesto, ang importante sa kanya ay ang effectivity ng kanyang serbisyo, so maraming salamat sa kanya pero Secretary Tugade, sana hindi pulitikal ang inyong appointment kung hindi isang tao talaga na mayroong kakayanan.

Sison: Ma'am, maraming salamat po sa ibinigay ninyong oras dito sa Balitanghali.

News Latest News Feed