Press Release
December 10, 2017

Transcript of Sen. Grace Poe's Interview
dzBB with Ms. Nimfa Ravelo

Nimfa Ravelo: Good morning po sa inyo ma'am.

Sen. Grace Poe: Hi magandang umaga, Ms. Nimfa at sa lahat ng nakikinig, magandang umaga po.

Ravelo: Good morning po. Ma'am, bukas po matutuloy na po yung pagdinig ng public services committee po tungkol sa jeepney modernization, ano po yung maaasahan ng ating mga kababayan?

Poe: Unang-una gusto nating ayusin ang gusot sa gitna ng DOTr, si Sec. Tugade, at yung mga miyembro ng ibang jeepney organizations katulad ng Piston, kasi ayaw naman natin na maantala pa at ang ating mga kababayan ay mahirapan lalung-lalo na't magpapasko, so paguusapin natin sila para wala na muna ang mga strike na yun.

Ravelo: Ma'am so sinu-sino po ang inyong pinatawag sa hearing?

Poe: Ang talagang hiniling sa atin ng mga jeepney operators ay sana nandoon nga si Sec. Tugade kasi dapat marinig natin mismo sa kanya: ano ba ang maitutulong ng gobyerno at paano ba itong programa ng PUV modernization--so si Sec. Tugade. Nandiyan din ang Piston tapos yung iba pang mga grupo ng mga taxi operators. Inimbitahan din natin yung mga kung sakali ay magiging manufacturers nitong mga bagong jeep. Siyempre, ito ba ay handa na? Kasi gusto nila na maumpisahan na ito next year e mukhang wala pa naman yatang nabubuong mga jeep so papaano iyon.

Ravelo: At saka ma'am, this time dapat po umattend na si Sec. Tugade kasi kaya ninyo nireset ang hearing ay to accommodate him po.

Poe: Tama, siyempre dahil lalamya naman ang hearing na iyan sa pagiisip ng ating mga jeepney operators kung hindi nila marinig mismo sa bibig ni Sec. Tugade--bagama't sila ay nagpulong na raw dati sabi ni Sec. Tugade--siyempre iba na rin na saksi ang buong bayan sa kanyang mga bibitawang pangako bukas kasi kung ito man ay nagfast-track, masasabi natin 'bakit sa hearing ay ganito?' Mapapalagay na rin siguro ang loob ng ating ibang jeepney operators kapag mismong narinig nila sa isang pagdinig ang mga commitments ng DOTr.

Ravelo: Ma'am so itong pagdinig ay siyempre, sabi niyo nga po gusto ninyong pagusap-usapin sila para hindi yung nagbabangayan tapos nauuwi na sa strike, ma'am ano po yung pwedeng legislation para po maresolve yung issue?

Poe: Well, unang-una, hindi naman lahat ng pagdinig sa Senado ay nauuwi sa legislation lalung-lalo na kung nakita naman natin na sapat na ang legislation pero sa puntong ito--tingnan natin bukas kung ano yung lalabas dito. Pero ganito ang malinaw Nimfa, yung bilang ng ating mga jeep sa buong bansa are about 234,000, ngayon kung magbibigay ang gobyerno, sabi nila ng P80,000 para makatulong, iisipin natin kung kaya ba ng gobyerno na tustusan ang ganito karaming mga jeeps? Pangalawa, sapat na rin ba, makakatulong ba talaga sa mga drivers, kasi ganito, kung P80,000 ang ibibigay, e bawat isang jeep ay about P1.6 million. Sabihin na natin 6 percent ang interest nito, lalabas ito na mga P2.1 million sa loob ng 7 years na babayaran nila. Kailangan kumita sila ng malaki dahil sa isang araw P800 ng kanilang kikitain ay mapupunta lamang sa pagbayad dito so natural kung ikaw ay jeepney driver, mamomroblema ka kasi puhunan mo pa lang, 'di ba kasi babayaran mo yung gasolina, babayaran mo yung maintenance; papaano na ngayon kung P800 ay mapupunta lamang sa bayad? Pangatlo, ang budget ng gobyerno ay parang P2 billion lamang pagdating dito sa subsidy, ibig sabihin ang kaya lang nilang tulungan ay 25,000 jeeps out of the 234,000 na jeeps. Papaano nila maroroll-out yan by next year? So sabi ko siguro kailangan magpakatotohanan, unang-una maybe we should do it in highly urbanized cities muna, in phases, sabihin natin Manila muna. Parang hindi naman yata natin pwedeng gawing masyadong ambisyoso muna itong plano na kaagad agad e yung mga plaka nga hindi masupply on time ng LTO, paano pa kaya itong mga jeep na wala pa ngang nagagawa. So yun ang mga question natin bukas.

Ravelo: At saka ma'am kung biglang mawawala yung jeepney, paano maaaccommodate yung mga pasahero, yung mass transport natin problematic.

Poe: Alam mo Ms. Nimfa, ilan ang naka-depende sa jeep. Parang 1 in 5 of our passengers ay jeep ang sinasakyan. About 20 million passengers a day, so 'di ba, kung yung MRT nga 500,000 nasisira, kung itong 20 million maantala at mawawala itong mga jeep na ito, talagang mahihirapan. Pero aminin na natin, ang mga jeep natin luma na talaga, hindi ganoon kaligtas. Hindi convenient, kapag ikaw ay may kapansanan napakahirap, kapag ikaw ay matanda napakahirap. Pangatlo, yung kalidad ng usok grabe 'di ba? Parang kung ikaw ang nasa likod ng jeep na ito, malalanghap mo lahat iyan. Kung ikaw ay pasahero, so, kailangan naman talaga na may mas magandang masasakyan ang ating mga pasahero. Kaya lang, binabalanse natin sa kung ano ang makakayanan natin sa lalong madaling panahon, iyon ang ating pag-uusapan bukas.

Ravelo: So yung kung anuman ang plano doon sa jeepney sector, hindi naman dapat yung abrupt? 'Yung hindi minsanan, isang bagsak, dapat gradual lang, gradual lang kung meron mang pagbabago, ganoon ho ba 'yun?

Poe: Oo, kasi kahit naman sabihin nila ay gusto natin by next year, hindi nila kaya. Iyan naman 'yung totoo, hindi nila kayang gawin iyan kasi ang dami-daming kailangang palitan na mga jeep. Yung prototype, iilang piraso lang iyan kung meron man, kaya nga iimbitahin din natin 'yung Sarao, 'yung mga ibang manufacturers kasi sabi ng DOTr, bibigyan natin ng pagkakataon ang local jeep manufacturers na magkaroon ng produksyon at trabaho, nakausap na ba nila? Meron na ba silang programa para diyan? Kaya bang tustusan at tapusin ang mga kinakailangang ilang units ng jeep? Kaya bukas para malinaw pag-uusapan natin, syempre bukas kasi sabi mo nga, kaya nga ako ay nagpaunlak ng interview dahil sabi mo bukas may live hearing 'yung Dengvaxia, oo importante na issue iyan, very immediate pero kailangan din na malaman ng ating mga kababayan itong mga statistics na ito para, para 'pag sinabi ng gobyerno, 'hindi, papalitan,' Nasa isip natin papano ninyo gagawin iyon? Hindi nga ninyo kayang mag-manufacture ng ganoong karaming jeeps at kaya ba ng ating mga drivers? Alam mo ba 'yung franchise na ii-issue ng LTFRB kapag naumpisahan na itong programa ay 7 years, pagkatapos uutang ang mga jeepney drivers natin at operators, 7 years pa nila mababayaran ang utang nila. So 'pag nabayaran nila ang utang nila, at saka magre-renew na sila uli ng franchise. Parang hindi pa sila makakabawi.

Ravelo: Parang pitong taon, magugutom muna 'yung pamilya ng pitong taon, ganoon?

Poe: Oo tapos, pagkatapos ng pitong taon, tapos na ang permit mo, hindi ka na pwede, unless mabigyan ka uli. So medyo malabo, 'di ba? Malabo talaga 'yung plano kaya itong ating malinawan, bigyan ng pagkakataon ang DOTr pero ang hindi ko talaga papayagan sa hearing ay 'yung gagamitin nila 'yung hearing para magsigawan at magbangayan doon kasi walang mangyayari. Maging maayos ang ating pag-uusap, alam kong nagngingitngit ang lahat pero hindi pwedeng gamitin ang hearing sa publicity, ang hearing ay dapat para magkaroon ng solusyon.

Ravelo: Buti nabanggit ninyo iyon ma'am, kasi ano din, minsan passionate din si Secretary Tugade...tapos 'yung mga militante rin sumasama doon sa ano, kasama na rin ng militant groups kasi 'yung ano, 'yung Piston at saka 'yung mga kakampi nilang grupo, maiinit.

Poe: Iyang si Secretary Tugade, makata 'di ba pag naririnig mo makata, hindi naman, hindi naman vulgar. Ang importante lang mabigyan ng oras 'yung bawat isa. Si George San Mateo, very passionate din iyan so pwede rin talagang mauwi iyan sa medyo kaunting alam mo na, pagtaas ng boses, okay lang naman iyon, mailabas nila ng kaunti pero

Ravelo: Kayo ang referee bukas.

Poe: Huwag lang personal, 'di ba? Stick to the facts.

Ravelo: So ayan po ang aming aantabayan bukas. Ma'am isa, isa na lang, pwede rin ho bang makasama halibawa, ano po, ewan ko kung kailangan ng legislation, kasi Ma'am 'di ba inaresto si George San Mateo dahil doon sa, hindi ko alam kung ano 'yung eksaktong kaso niya pero dahil po doon sa

Poe: Merong Memo Circular ang LTFRB, 'yung memo circular na hindi mo puwedeng pigilan ang public utility, parang sabotage iyon.

Ravelo: Pero based ma'am sa 1938 pa yata daw na circular at batas, 'di ba na hindi nila dapat i-disrupt 'yung pagbibigay ng serbisyo sa tao? Pero paano 'yung freedom of assembly?

Poe: Hindi naman nila dinisrupt. Well, nag-rally sila, okay, naging inconvenient pero hindi naman sila nagtigil pasada. Pangalawa, hindi franchise owner si San Mateo sa tingin ko so, ang dapat doon 'yung jeepney operator kasi si San Mateo lider nila. So, para sa particular Memo Circular ng LTFRB na sinasabi 'franchise holder' hindi ko alam kung swak doon kaya kailangan nga matanong din ang LTFRB, ano ang naging basehan nila? Tama ka, napaka-outdated nito pero kailangan nating masiguro rin na walang isang tao o isang grupo ang magsasabotahe ng serbisyo, lalung-lalo na kung ito ay isang pribilehiyo na binigay sa kanila. So iyan ang kailangan na siguro mahimay bukas.

Ravelo: Ayan, aantabayanan po namin 'yung inyong hearing. Ma'am, maraming salamat po sa inyong oras.

Poe: Maligayang Pasko at maraming salamat po sa inyong lahat.

News Latest News Feed