Press Release
February 13, 2018

MENSAHE PARA SA ANTI-CHARTER CHANGE ASSEMBLY NG MOVEMENT AGAINST TYRANNY

Isang malugod na pagbati sa ating mga kababayan na buong tapang na naninindigan at lumalaban sa nagbabadyang diktadurya sa ating bayan.

Mahigit isa't kalahating taon na sa puwesto ang rehimeng Duterte, pero ano na nga ba ang nagawa nitong pagbabago?

Libu-libong maralitang Pilipino ang pinaslang ng madugong kampanya laban sa droga. Pagpapakulong sa inosente batay sa imbentong mga kaso at pakikipagsabwatan sa convicted drug lords. Panggigipit sa mga kritiko ng gobyerno at sa mga pinuno ng ating independent institutions. Paniniil sa media at kalayaan sa pamamahayag. Pagpuslit ng bilyong halaga ng droga sa bansa mula sa China, at lumala pang kalakaran ng droga sa Bilibid. Lumawak at tumibay na presensya ng China sa ating mga teritoryo. Pananatili ng kontraktuwalisasyong ipinangakong wakasan ni Duterte, idagdag pa ang paglubha ng trapiko, mas madalas na aberya sa MRT, pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa bagong pagbubuwis, mababang pasahod at kawalan ng tiyak na trabaho.

Ilan lamang ito sa mga pangako ng rehimeng Duterte na hindi pa rin natutugunan. At ngayon naman, minamadali pa ng administrasyon ang pagpapalit ng anyo ng gobyerno. Duterte and his cohorts are presenting Federalism as the panacea to the problems of the country. We are being lured to believe that federalism will address poverty, corruption and injustices faced by the marginalized sectors of our society.

Sa dami ng mga paglabag sa batas at paulit-ulit na kasinungalingan ng administrasyong ito, aasa pa ba tayong walang balak si Duterte na pahabain ang kanyang termino? Marapat ding tanungin: Sino nga ba ang mga nagsusulong ng Charter Change? Hindi ba't ang mga politiko ding matagal na sa puwesto at ngayon ay umaaligid kay Duterte para manatili ang kapit sa kapangyarihan? Given the present situation and with Duterte in Malacañang, Cha-Cha will just further strengthen political dynasties and deepen inequality.

Manatili po sana tayong mulat sa tunay na kalagayan at pangyayari sa ating bayan. Kamakailan lang, umusad na ang proseso sa International Criminal Court (ICC) para mapanagot si Duterte at ang ilan pang mga opisyal ng gobyerno ukol sa mga patayang dulot ng War on Drugs. Mahalagang bantayan natin ito lalo pa't nakasasalay dito ang pagtataguyod ng hustisya para sa mga biktima at ang panawagan para sa isang makatarungang polisiya ng gobyerno.

Palakasin pa natin ang ating pagkakaisa, patibayin ang ating mga institusyong nagsusulong ng katarungan at karapatang pantao, at pagtulungan nating imulat ang marami pa nating kababayan sa karahasan, panlilinlang at kawalang katarungan sa ating bansa.

News Latest News Feed