Press Release
April 1, 2018

MENSAHE PARA SA PASKO NG PAGKABUHAY

Isang mapagpalaya at makahulugang Pasko ng Pagkabuhay sa ating lahat.

Sa muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, pinatotohanan Niya ang Kanyang salita, pinatibay ang ating pananampalataya at ganap na naging tanglaw palapit sa kaharian ng Diyos. Sa kabila ng pinagdaanan Niyang kalbaryo, ng tukso ng demonyo, at kasinungalingang ibinato sa Kanya upang dungisan ang Kanyang pangalan, nanindigan si Hesus bilang pagsunod sa kagustuhan ng Diyos Ama para sa kaligtasan ng sanlibutan.

Bilang tao, inialay ni Hesukristo ang Kanyang sarili upang imulat ang sangkatauhan sa katotohanan, at magabayan tayo sa tamang landas. Bilang bugtong na anak ng Diyos, hindi rin Niya kailanman ginamit ang kapangyarihan sa kasamaan o para yurakan ang karapatan ng kapwa, bagkus naging halimbawa siya ng kabutihan at paglilingkod.

Ganito sanang katangian ang tularan natin, lalo na ng ating mga pinuno sa kasalukuyan. Sa halip na maghari-harian at umabuso sa katungkulan, magmalasakit at pagsilbihan natin ang ating mamamayan, lalo na ang mga kapuspalad at naisasantabi. Lawakan natin ang ating pang-unawa sa pagtugon sa mga tunay na problema, sa halip na maging pasimuno ng kabastusan, kagustuhang makapaghiganti, kayabangan, karahasan, at pansariling kapakanan.

Alalahanin po natin: Ang pagkabuhay muli ni Hesus ang nagbigay daan din sa panunumbalik ng pag-asa--sa pagbabalik-loob at kapatawaran ng ating mga kasalanan. Anumang hirap at bigat ng ating pinagdaraanan, matagal at mahaba man ang ating laban, manalig lamang tayo sa Panginoon, magmalasakit sa kapwa, manindigan sa tama, at tiyak pong magwawagi tayo sa kasamaan at magwawakas ang umiiral na kadiliman sa ating bayan.

LEILA M. DE LIMA

Custodial Center, Camp Crame
1 Abril 2018

News Latest News Feed