Press Release
August 21, 2018

MENSAHE SA PAGGUNITA NG IKA-35 NA ANIBERSARYO NG PAGPASLANG KAY NINOY AQUINO

Ngayong araw, ginugunita natin ang buhay, kamatayan, at ang mga ipinaglaban ni Ninoy Aquino--isang ama, naninindigang mambabatas, kritiko ng diktador na si Ferdinand Marcos, tagapagtanggol ng demokrasya, at isang tunay na bayaning Pilipino.

Tatlumpu't limang taon na ang nakalipas, subalit malinaw pa rin sa napakarami sa atin ang imahe ng brutal na pagpatay kay Ninoy. Sa mga nakasaksi noon, at kahit maging sa mga nakapanood ng mga balita at dokumentaryo, tila naririnig pa rin ang alingawngaw ng mga putok ng baril na pumatay kay Ninoy bago pa siya makababa ng eroplano. Sariwa pa sa ating alaala ang duguan at bugbog niyang katawan na sumasalamin sa kung gaano karahas at kawalang konsensya ang may kagagawan nito.

Nagtagumpay man ang mga ganid at kriminal na paslangin si Ninoy, bigo naman silang tuluyang kitilin ang kanyang mga ipinaglalaban. Sa halip na matakot, milyon-milyon ang nakiramay at nagkalakas ng loob na manindigan; sa halip na manatiling manhid at magbulag-bulagan, naging mas mulat sila sa kahabag-habag na kalagayan ng bansa sa ilalim ni Marcos, na kalaunan ay nagbunsod sa pagpapatalsik sa diktador.

Sa makabuluhang legasiya na iniwan ni Ninoy para sa ating demokrasya, hindi nakapagtatakang hanggang ngayon, may ilan pa ring nagtatangkang dungisan ang kanyang alaala, ibaon sa limot ang kanyang mga ipinaglaban, at baligtarin ang kasaysayan gamit ang mga mapanirang propaganda. Ngayon nga po, mayroon na namang diktador na pinuno ang bansa na promotor ng karahasan at patayan, walang galang sa Konstitusyon at nuknukan ng sinungaling. At gaya ng nagdaang diktador, nais lang ni Duterte na ipasa ang kapangyarihan sa mga kaalyadong tiyak na palulusutin siya sa pananagutan sa batas, at sa pinunong hanggang ngayon ay hindi umaako sa kasalanan ng kanilang pamilya para makabalik sa kapangyarihan.

Ang pagpaslang po kay Ninoy ay nag-iwan ng hamon sa mga Pilipino noon na ipaglaban ang demokrasya, na siyang tinugunan ng makasaysayang People Power sa EDSA. Muli tayong hinahamon sa madilim na namang kabanata ng ating kasaysayan. Bilang mga tagapagmana ng demokrasyang ipinaglaban ni Ninoy at ng milyon-milyong Pilipino, ituloy natin ang pagtindig, ang pagkakapit-bisig at pagsasama-sama ng ating tinig para ipaglaban ang katotohanan at katarungan sa ating Inang Bayan.

LEILA M. DE LIMA

Custodial Center, Camp Crame

21 Agosto 2018

News Latest News Feed