Press Release
September 21, 2018

SI DUTERTE AY DESTABILIZER-IN-CHIEF!

*Talumpati ni Akbayan Senator Risa Hontiveros, Septyembre 20, 2018, Plaza Miranda, sa pag-gunita ng ika-46 na taong komemorasyon ng deklarasyon Martial Law

Magandang hapon sa ating lahat! Isang mainit na pagpupugay sa lahat ng naririto ngayon sa makasaysayang paanan ng Plaza Miranda, simbolo ng katapangan, kabayanihan at dakilang pag-aambag.

Tayo ay naririto ngayon upang gunitain ang kabayanihan, katapangan at sakripisyo ng lahat ng mga kumilos upang ipaglaban ang demokrasya ng bayan mula ng ibalot ng diktador na si Ferdinand Marcos ang buong bansa sa ilalim ng Martial Law, 46 taon na ang nakakaraan. Tayo naririto upang guitain ang ating mga bayani at martir, at isabuhay ang mga demokratikong adhikain na ipinaglaban noon.

Ngunit bukod sa paggunita, tayo ay naririto rin upang buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng sambayanan upang labanan ang bagong banta sa ating demokrasya at karapatang pantao. Tayo ay naririto upang sama-sama nating labanan ang bagong kadiliman at diktaturya na bumabalot sa ating bayan.

At ang katotohanan, ang ating demokrasya na ipinaglaban noon ay muling nasa bingit ng lubhang panganib. Kung hindi pinapaslang ang ating mga kababayan ng mga extrajudicial killers, ang ating mga demokratikong institusyon ay niyuyurakan at sinisira. Bukod dito, labis na pinapahirapan ang mamamayan sa mataas na presyo ng bilihin, bukbok na bigas, mahinang Piso at dagdag na mga buwis. Samantala, ang ating mga kababaihan ay patuloy na binabastos at tinatanggalan ng dignidad. Sa kabilang banda naman, tila binenta na ng gobyernong ito ang ating pambansang soberenya at teritoryo sa gobyernong Tsino.

Hindi maaaring magpatuloy ang ganitong kalakaran. Tama na ang patayan! Tama na ang kahirapan at kagutuman! Tama na ang pambabastos sa ating kababaihan! Tama na ang kapalpakan! Tama na ang kaduwagan sa bansang Tsina! Panahon na para manindigan para sa demokrasya. Panahon na para manindigan laban sa bagong porma ng diktaturya.

Sabi ni Pangulong Duterte, tayo daw ay mga destabilizers. Mayroon daw tayong planong destabilization upang pabagsakin ang kanyang pamahalaan.

Pero ang katotohanan, si Pangulong Duterte ang tunay na destabilizer. Dinestabilize niya ang ating demokrasya. Dinestabilize niya ang ating ekonomiya. Dinestabilize niya ang ating kapayapaan. Dinestabilize niya ang presyo ng bigas at iba pang bilihin. Dinestabilize niya ang ating mga institusyon ng pamamahala. Si Pangulong Duterte ang tunay na destabilizer. Si Pangulong Duterte ay hindi isang commander-in-chief kundi destabilizer-in-chief!

Hinahamon natin si Pangulong Duterte na tigilan na niya ang kanyang kahibangan sa destabilization. Tigilan na niya ang kanyang kahibangan sa paggaya sa kanyang idolong diktador na si Marcos. Magtrabaho naman siya para sa mamamayan. Walang silbi ang matatapang na salita kung duwag naman at walang integridad ang pinuno! Ang gusto ng mamamayan ay demokrasya hindi diktaturya!

Mga kasama, kaibigan sa simbahan at kapwa kababaihan, ngayong araw ng pag-gunita natin sa rimarim ng Martial Law, ating gamitin ang araw na ito upang bigkisin ang ating lakas, talino at pagkakaisa upang ipaglaban ang ating demokrasya.

Maaari nila tayong takutin, ikulong at paslangin, maaari nila tayong lunurin sa fake news at ibalot ang bayan sa dilim, pero hinding-hindi nila makukulong at mapapatay ang ating paninindigan at demokratikong hangarin!

Tuloy ang laban! Mabuhay ang sambayanan!

News Latest News Feed