Press Release
November 1, 2018

MENSAHE PARA SA PAGGUNITA NG UNDAS

Sa tuwing sumasapit ang panahon ng Undas, mayroon pong magkahalong lungkot at saya ang paggunita sa mga yumao nating mahal sa buhay. Lungkot na dala ng pangungulila sa pumanaw na kapamilya at kaibigan. Gayundin ang kasiyahan na dulot ng pagsasama-sama ng pamilya, pagkukuwentuhan, at paggunita sa masasayang alaala tungkol sa kanila.

Subalit marami ngayon sa atin, na sa likod ng mga ngiti, ay patuloy na nakararamdam ng pighati, lalo na sa mga pagkawala dahil sa di-inaasahang trahedya, o pagiging biktima ng kawalang-hustisya.

Hiling ko po na maisama sa ating mga panalangin, hindi lamang ang kaluluwa ng mga pumanaw, kundi maging ang katatagan ng loob para sa kanilang mga naiwan. Kabilang dito ang mga biktima ng nagdaang mga sakuna at kalamidad, na sa isang iglap, ay tila gumuho ang mundo at pangarap ng kanilang mga kapamilya at kamag-anak.

Ito rin po ang ikatlong Undas sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sa kasamaang palad, sa halip na matigil na ang mga patayan, patuloy pang tumataas ang bilang ng mga biktima ng EJK. Bagay na lalong nagpapaalala at nagpapasariwa sa sakit na nadarama ng libu-libong ina, ama, asawa, anak at kapatid nilang naulila.

Ilang Undas pa kaya ang lilipas bago tuluyang maghilom ang mga sugat na dala ng kawalang hustisya? Ilang araw, buwan o taon pa ang hihintayin natin bago mahinto ang mga pagpatay sa ating bayan na labag sa batas at yumuyurak sa ating mga karapatan?

Ang panawagan sa atin: Kaakibat ng pagbibigay respeto sa ating mga namayapa, isabuhay din natin ang paggalang sa buhay ng ating kapwa. Patuloy po nating ipanalangin na makamit ng ating bansa ang kapayapaan na may katambal na pananaig ng katarungan.

Isang ligtas at makahulugang paggunita ng Undas sa ating lahat.

LEILA M. DE LIMA

PNP Custodial Center, Camp Crame

1 Nobyembre 2018

News Latest News Feed