Press Release
January 17, 2019

Transcript of Sen. Grace Poe's Ambush Interviews
Bicol Relief Operations

Embarcadero Mall Activity Grounds
Legazpi City, Albay

Q: Mensahe po natin sa ating mga kababayan?

Sen. Grace Poe: Sa ating mga kababayan, Diyos Mabalos po sa inyong lahat. Nais ko pong sabihin sa inyo na ako'y naririto ngayon kasama ang ating mga ibang kaibigan, si Cong. Salceda, para personal na maghatid ng tulong sa ating mga kababayan kasi alam ko naman na marami nang nagpadala ng tulong pero siyempre iba naman 'yung ako mismo rin ang pupunta dito kasi ang laki talaga ng pasasalamat ko sa inyo sa patuloy na tiwala na ibinibigay ninyo sa akin kaya hindi ko rin naman kayo kinakalimutan. Ang daming napinsala dito, 160 na tao, kaya nga 'yung batas na isinusulong ko rin sa Senado na magkaroon ng National Disaster Resilience Department, para rin sa mga sitwasyong ganito.

Q: Marami po talagang naapektuhan, ito may paparating na naman na bagyo. 'Yung department of resilience ang kailangang kailangan. Ano na po ang update doon? May target timeline po ba na dapat itong 2019 sana maipasa na?

Poe: 'Yun talaga ang pakay natin kaya lang sa dami ng isyu na dumaan rin, ito'y nasa committee level pa rin. Kaya siguro dahil nga dito sa nangyari, sinabi na rin ng Presidente na dapat gawing prayoridad ito noon pa sa SONA niya, ako'y makikiusap na rin sa aking mga kasamahan na unahin na itong batas na ito.

Q: Ma'am, certain na daw ang abolition ng Road Board? Mayroon po ba kayong update or comments sa mga proposal ng House then sa Senate?

Poe: Para sa akin, ang dahilan kung bakit nagkaroon ng hakbang para tanggalin ang Road Board ay dahil sa hindi na-momonitor; hindi talaga nakikita kung tama bang napupunta sa mga proyekto ang pera dito. So kung ano pa man ang gagawin ng Senado o Kongreso, basta dapat bantayan na ang road users tax ay talagang mapupunta sa benepisyo ng ating mga kababayan, na hindi manakaw ito. Kaya ako'y sang-ayon kung gagamitin itong tax na ito, nakadetalye sa budget kung saan ba talaga pupunta hindi para bang allocation lang na wala naman talagang nakasulat kung sino ang nagbenepisyo dito.

Q: May mga proposal daw ang House, baka hindi magkatugma doon sa Senate version.

Poe: 'Yan ay kailangan nilang pagdiskusyunan sa Bicam. Kaya nga nagkakaroon ng pagpupulong o Bicameral Conference Committee para masiguro na maayos na magkaroon sila ng kompromiso dito.

Q: Kailan kaya ang Bicam?

Poe: Siguro by next week dapat magkaroon na.

Q: You've mentioned about the budget, paano na po ang 2019 budget na hindi pa rin naipapasa at doon ma'am sa bilyun-bilyong insertions sa DPWH na gustong i-divert sa DOH, pabor po ba kayo doon?

Poe: Dapat kung anuman ang pera na 'yon ay mabantayang mabuti at nakadetalye kung saan mapupunta. Payag ako na mapunta 'yan sa kalusugan, payag ako na mapunta 'yan sa edukasyon at sa pagkain, dahil 'yan ang talagang kailangan ng ating mga kababayan. Malaki na rin kasi ang budget ng DPWH, ang problema minsan nga hindi nagagastos ang pera dahil sa sobrang bagal rin ng ibang contractor 'di ba? So habang nandiyan ang pera, ang daming nagkakasakit, ibigay muna doon, hindi naman nagagamit agad. Tapos, ang sabi naman ng ating Majority Leader sa Senado, by next week maipapasa na natin ang budget sa Senado, tapos Bicam na.

Q: Ma'am, the rail project in Bicol is not included in the budget, among the six priority projects of the government, rail is not included, 'yung Bicol railway project.

Poe: Oo nga, alam mo kung mabigyan tayo ng pagkakataon muli, siguro naman maitutulak na natin 'yan, matagal ko na ring pangarap 'yan kasi 'di ba dati pa talaga 'yung magagandang tanawin makikita mo 'pag nakasakay ka ng ganyan at ligtas. Kung pagpapalain ako at ako'y makakapaglingkod sa susunod na Senado, 'yan talaga ay isa sa itutulak ko.

...

Q: Maliban po sa inyong tatay, bakit po lagi kayong number one sa survey?

Poe: Alam mo ganito 'yon, totoo, kaya lang ako sumikat dahil kay FPJ pero hindi ko kinalimutan 'yung mga itinuro niya sa akin. Ang sabi niya, balewala naman kung anong mga success mo kung hindi ka naman tumutulong; so okay, nagbabalangkas ako ng batas, nagtatrabaho ako sa Senado pero 'pag may ganito, pinupuntahan ko rin kasi paano mararamdaman ng tao na mahal mo sila kung hindi ka naman pupunta. 'Yun lang naman 'yun, tapos alam mo nakakatakot ang nanay ko.

------------------------------------------

Minalabac National High School
Minalabac, Camarines Sur

Q: Doon sa relief operations, let's start with that.

Sen. Grace Poe: Alam mo kausap ko lang 'yung principal dito, talagang halos lagpas tao talaga ang baha. Ang daming pangangailangan din dito ng mga kababayan natin. 'Yun nga nagbigay din ng request dahil ang daming nasirang kagamitan ang eskwelahan. Nagbigay rin tayo ng kaunting tulong.

Q: Reaksyon po sa survey ma'am?

Poe: Siyempre...nagpapasalamat...pero ako naman, dose naman ang slots 'di ba so patuloy lang ang trabaho ko lalo na ngayon dahil may inspirasyon ako na siyempre iba talaga ang nararamdaman mo 'pag alam mong pinagkakatiwalaan ka. Kaya maraming maraming salamat lalung-lalo na sa mga taga-dito sa Bicol dahil dito talaga mataas ang suporta natin.

Q: Balikan ko lang po ang Usman, 'yung pagkakaroon po ng geohazard mapping po, are you going to review that o paano po ang mangyayari po dito?

Poe: Dapat talaga aside from the geohazard mapping, magkaroon ng separate department ng disaster resilience; kasi ang nangyari, kunwari dito nagkaroon ng landslide o nagkakaroon ng problemang ganyan, ang tagal bago makakuha ng mga equipment para magkaroon ng rescue operation. 'Pag may Department na ganito dapat may mga local offices para 'pag mayroong sakuna mabilis ang response time. Isa pa, 'pag nagkabaha o bagyo, hindi naman pagkatapos ng bagyo ay tapos na ang trabaho, mayroong relocation, may rehabilitation, mayroong patuloy na suporta sa pagkain, sa magsasaka, kailangang may nakatutok diyan.

Q: Puwede bang ma-penalize ang mga LGUs na hindi ginagamit ang available resources gaya ng geohazard map?

Poe: Siyempre kailangan talaga ay sanayin ang ating mga local government officials na ma-identify 'yun. Lalung-lalo na ngayon, lalo na 'yung mga kunwari ay katabi ng matarik na bundok na puwedeng mag-landslide o kaya tabi ng ilog. Itong ilog nga natin dito, Bicol river, itutulak ko na bigyan ng funding para ma-dredge na kasi kaunting ulan ay umaapaw so apektado lahat ng naririto.

News Latest News Feed