Press Release
January 21, 2019

Privilege Speech of Akbayan Senator Risa Hontiveros
on the Lowering of the Minimum Age of Criminal Responsibility

Mr. President, I rise on a point of personal and collective privilege.

Kung sumasakay kayo sa jeep sa Lawton, siguro ay isa kayo sa iiwas kay Buknoy. Dose na taong gulang, siya ay isa sa mga paslit na nagsimula sa paglinis linis ng sapatos ng mga pasahero tapos nagcacarolling-carolling pag pasko. Aminado siya na grumadweyt siya sa pagsasnatch ng mga pitaka at alahas. Matapang ang nanlilisik ang mata niya, bakas na bakas sa kanya ang galit sa mundo.

Marahil ang mga kagaya ni Buknoy ang dahilan kung bakit galit na galit tayo sa mga menor de edad na gumagawa ng krimen. Iniisip natin ang mga kaanak natin na sumasakay ng jeep o naglalakad sa overpass na iniisnatchan, o nagmamaneho at binabato ng itlog ang windshield. Makailang ulit na nating nababasa o napapanood sa balita ang ilang insidente ng mga krimen na kinasasangkutan ng mga kabataan. Andiyan ang nag-viral na video ng ilang kabataang lalaki't babae na pinagtulungang agawin sa isang matandang lalaki ang kanyang bag hanggang sa makaladkad ito pababa ng dyip na kanyang sinasakayan. O kaya yung batang lalaking nakuhanan ng video na sumampa sa pampasaherong dyip at hinablot ang maliit na kita ng drayber. Kamakailan din lang ay may mga nahuling menor de edad sa isang drug raid sa Navotas.

Naiintindihan ko ang takot na nararamdaman ng publiko sa harap ng ganitong klaseng mga krimen. Katulad ng maraming mga magulang, prayoridad ko rin ang kaligtasan ng aking mga anak. Ngunit bilang isang magulang rin, iniisip ko kung ang pagbaba ng aba ng minimum age of criminal responsibility ang kasagutan sa pagsugpo mga nakakabahalang mga krimen na ito? Ang pagkulong ba sa mga bata na dapat nasa paaralan ang kasagutan?

Marahil ay malinaw sa atin ang ilang dahilan kung bakit nasasangkot sa katiwalian ang mga kabataan. Ayon na rin sa pag-aaral na isinagawa ng Council for the Welfare of Children at ng UNICEF kahirapan, at pagdaranas at ang pagiging exposed sa bayolenteng kapaligiran ang ilan sa mga ito kung kaya't marami sa mga children in conflict with the law o CICL ay galing sa mahirap at mga problematikong pamilya. Pagnanakaw naman ang kadalasang krimen na kinasasakungkutan ng mga menor de edad, na kung titingnan ito kasabay ng malawakang kahirapan sa bansa nakatitiyak ako na sa maraming pagkakataon ang pagnanakaw ay nagiging usapin ng survival para sa kanila.

Sa bahagi naman ng mga pag-aaral ng mga eksperto sa Psychology, pinatunayan na malaki ang pagkakaiba ng mga kabataan sa mga full grown adults pagdating sa decision making, propensity to engage in risky behavior, impulse control, and overall maturity. Ito ay ayon sa Psychological Association of the Philippines na tinututulan ang pagbaba ang minimum age of criminal responsibility. Dahil sa mura nilang kaisipan at habang ang utak ay patuloy pang nagde-develop, mas binibigyang halaga ng mga adolescents ang rewards kaysa sa risks. Ito rin ang maaring dahilan kung bakit mas madali silang maengganyo o di kaya maabuso ng iba tulad ng mga kabataang ginagamit ng mga sindikato. Kumpara sa mga may edad na, walang laban ang mga bata sa harap ng pananakot ng mga masasamang loob. Sa kabilang banda ay maaari rin silang magkaroon ng emotional attachment sa mga umaabuso sa kanila.

Ang isa sa naging sagot natin sa problema ng children in conflict with the law ay ang pagsasabatas ng Juvenile Justice and Welfare Act. Ito ay naglalatag ng isang komprehesibo at child-sensitive na sistemang panghustisya na naglalayong panagutin at ireporma ang mga kabataang lumalabag sa batas sa mga kaparaanang nagbibigay-diin sa prevention at rehabilitation. Sa kabila ng batas na ito, ang pagkakaroon pa rin ng mga menor de edad na sangkot sa krimen ay nangangahulugan lamang na nangangailangan ito ng mas malakas at malawak na suporta upang mas maayos itong maipatupad.

Mga mahal kong kasama sa Senado, kapwa tayo nababagabag sa mga krimen na sangkot ang mga kabataan, at handa tayong kumilos upang lutasin ang problemang ito. Nais kong bigyan ng diin na ang pagpapatatag ng Juvenile Justice and Welfare Act at hindi ang pagbaba ng minimum age of criminal responsibility ang makatao, makabuluhan at epektibong paraan. Kung may mga kakulangan sa pagpapatupad ng batas, lalo na sa usapin ng pondo at personnel kailangan itong punuan. Kung kailangan hikayatin ang iba't-ibang sektor ng lipunan na tumulong, ating gawin. Hindi natin maikakaila na karamihan sa mga children in conflict with the law ay biktima ng kanilang sirkumstansya: ipinanganak na mahirap, kulang sa pinag-aralan, biktima ng kapabayaan ng magulang, at lumaki na napapaligiran ng karahasan. Ang pagtrato sa mga kabataang ito bilang ordinaryong kriminal ay isa na namang uri ng pambibiktima at pagtutulak sa kanila palayo sa pagbabago.

Bagama't bihira nating marinig, marami ring kuwento ng tagumpay ang Juvenile Justice and Welfare Council at mga NGOs. Mga kwento ng mga kabataang napariwara "but were able to turn over a new leaf" ika nga, sa tulong ng iba't-ibang mandated programs ng JJWA. At bilang pagtatapos, nais kong ibahagi ang kwento ng Barangay Mintal sa Davao City. Noong 2015, upang hikayating tumiwalag sa pagiging miyembro ng gang ang mga kabataan nagtayo ng Dragon Boat Sports Program ang barangay. Pinili nila ang dragon boat bilang diversion program dahil sa disiplinang itinuturo nito at dahil sa pagiging non-contact sport nito. Nang mga panahon na yon 72 ang nakalistang CICL sa lugar. Habang pinaigi ng Barangay ang programa sa pamumuno ni Kapitan Tata Bargamento unti-unti itong nabawasan: naging 32 noong 2016, 15 noong 2017, at 0 noong 2018. Bilang pagkilala, ginawaran noong Nobyembre ang Mintal Dragons na isa sa Good Practices of LGUs in the Implementation of JJWA. Sa loob ng tatlong taon, nalinis ng Barangay Mintal ang problema nito sa mga kabataang pariwara. Isa ito sa mga konkretong kwento ng pagbabago, kwento ng pag-asa.

Balikan po natin si Buknoy -- twelve years old, pinalaki ng lansangan, at pinagod ng mundo. Noong nagkaroon ng pagkakataon ng tanungin ang pangarap niya, simple ang sagot niya: mabilhan ng bagong radio ang lolang pinakamamahal niya, at magkaroon ng yoyo na umiilaw. Dahil sa dulo, wala naman pinag-iba si Buknoy sa batang Pilipino -- nakakakuha ng kasiyahan sa simpleng bagay at nagsusukli ng pagmamahal na binigay sa kanya.

Mr. President, it has been said that a society will be judged by the way it treats its children. Let us not allow our anger and our frustration to become bigger than our compassion and our decency. Our humanity should be bigger than the sum of all our fears.

As we celebrate the feast of Santo Nino, let us reaffirm our commitment to the welfare of children, all children.

Maraming salamat po.

***Please check against delivery

News Latest News Feed