Press Release
February 11, 2019

TRANSCRIPT OF SEN. GRACE POE'S INTERVIEW
dzRH with Dr. Cesar Chavez

Dr. Cesar Chavez: Senator Grace, magandang umaga po sa inyo.

Sen. Grace Poe: Magandang umaga, Dr. Chavez at sa lahat ng nakikinig, magandang umaga po sa inyong lahat.

Chavez: Senator Grace, batid ng ating mga kababayan na hindi ninyo iniwanan ang isyu ng transportasyon, trapiko, infrastructure, systems and procedures, may kinalaman sa transportasyon, kayo ho ang nagbigay ng boses sa mga araw-araw nahihirapan sa trapiko pauwi sa kanilang bahay at patungo sa kanilang mga tanggapan at paaralan. Sa 2019 national budget ho, may maliwanag ho bang appropriation para maibsan naman ho ang paghihirap ng ating mga komyuter sa trapiko?

Poe: Unang-una, Dr. Chavez, siniguro natin sa ating interpelasyon ng budget na 'yung ipinangako mula doon sa TRAIN law na pagtulong ng gobyerno; halimbawa, maliban pa sa mga nakukuhang discount ng mga student, mga minimum wage earner at mga senior citizen, mayroon pa dapat na nakapatong doon na 10 percent; so kung 20 percent na sila noon, dapat 30 percent na; pumayag naman, yan ay i-implementa ng DOTr.

Ngayon, alam naman din natin na ang mga drayber ng PUV, lalo na ang mga jeep, kasama 'yan sa mga pinakamahihirap sa ating bansa. Kaya siniguro din natin na ang ipinangako ng gobyernong Pantawid Pasada sa kanila ay magkaroon ng pondo sa ating budget. 'Yan naman po ay pinondohan diumano ng P3.85 billion pero siyempre hinihintay pa niyan ang huling pagpirma ng ating Pangulo, pero 'yan po ay nandiyan at nakalaan po sa kanila.

Kasama na rin po ang ibang funding, lalung-lalo na pagdating sa rehabilitasyon ng ating mga pampublikong sasakyan, halimbawa na lang itong MRT at LRT; 'yan naman po ay napondohan dito sa darating na budget.

Chavez: Pagdating ho sa Pantawid Pasada, nabusisi ho ba ninyo, naitanong ho ba ninyo sa DOTr, in particular sa LTFRB, kung naging matagumpay ba, ano 'yung success rate nila sa implementasyon ng Pantawid Pasada sa ating mga tsuper?

Poe: Siyempre 'pag tinanong mo sila, either incomplete ang sagot o kaya'y hindi naman talaga nila masasabi. Basta ito ang totoong lumalabas diyan, noong 2018, nagbigay ng P977 million para sa 170,000-plus franchise holders, ibig sabihin kung ilang jeepney na mayroon sa ating bansa; ang success rate nila, kung mayroon man silang nabigyan, parang 47 percent lamang so may kalahati pa talagang hindi pa nakakatanggap. Marami namang isyu kasi diyan, 'yung iba doon may mga jeep na hindi naman 'yung mismong operator ang nagmamaneho, marami sa kanila either wala na dito sa bansang ito o ibinenta na nila pero ang papel ay hindi pa naayos. So tinatanong ko sa DOTr, bakit naman hindi naging gano'n ang problema noon sa DOTC? Kung mayroon mang nagawa sigurong medyo tama--baka kasi hindi DOTC ang gumawa no'n, parang Department of Energy yata ang namigay. Baka naman kailangan ng DOTr ang tulong ng ibang ahensiya para mas mapabilis ang pagbigay.

Ito pa, 'yung isa pang isyu sa transportasyon, ang ating modernisasyon ng jeep. Okay nga 'yun, Dr. Chavez, dapat naman talagang maging maayos at ligtas ang ating mga pampublikong sasakyan, kaya lang hindi naman nila puwedeng gisahin sa sariling mantika ang ating mga drayber. Kailangan kung magpapautang sila, siguraduhin nilang available ang pera at dapat mababa ang interes at hindi naman napakamahal para mag-comply sa Euro4. Alam niyo, sabihin na nating 170,000 na mga jeep, parang ang namo-modernize pa lang ay 1,000, kasi nga hindi kaya.

Chavez: Wala pang one percent.

Poe: Wala pa po. Kaya nga sinasabi natin na dapat talagang magkaroon ng malinaw na plano ang gobyerno; rationalization ng ruta dahil hindi naman pwedeng 'yung mga pabor lang nila ang bibigyan ng tamang ruta. Katulad niyan ngayon sa PITX, kaya dumami ang kolorum na pumapasok sa EDSA, kasi imbes na tinupad nila ang unang memorandum circular na dapat hanggang PITX lang lahat ng nasa South, hindi e, pinayagan nila ang iba; dapat patas.

Chavez: Double standard. Senator, 47 percent ang accomplishment, may problema tayo sa PITX; problema tayo sa modernization, in fact naipangako ng Pangulo na by January 2019 ay dapat wala nang mga lumang mga pampublikong mga sasakyan. Mukhang hindi nare-realize ito, something's wrong with DOTr, Senator? Ang ibig ho bang sabihin niyan, sa rating ho ninyo ay failure sa 2018 ang sektor ng transportasyon ng gobyerno pagdating sa pagbibigay ng kaluwagan sa mga komyuter natin?

Poe: Alam mo hindi ito personal maski na kanino pero kailangan kong maging tapat sa ating mga kababayan; oo, talagang bagsak din sila, kasi ang problema niyan ang dami nilang dapat nilinaw para sa kalagayan ng ating mga kababayan na hindi nila nililinaw hanggang ngayon. Siguro kung mayroon man akong masasabing medyo maayos-ayos ay nagawan nila ng kahit kaunting pagbabago ang MRT kasi hindi na masyadong nasisira; pero hindi naman natin puwedeng ipagyabang din 'yan sapagkat marami pa ring dapat ayusin doon na hindi pa rin natutupad kagaya ng ipinangako nila, 'yung mga escalator at elevator lang sa mga lugar na 'yun ang dami pa ring hindi maayos. At alam niyo 'yan kasi dati nandiyan kayo kaya siguro ako na lang ang magsasabi, baka na-frustrate rin kayo.

Chavez: Senator, mukhang mayroon ka pang isang frustration ngayon at 'yan ay sa Land Transportation Office (LTO), sa tingin ho ninyo ay masyado ho bang mahal ang inspection bago ang registration?

Poe: Opo, kasi parang ang lumalabas mga P1,800 'di ba? Paano ka naman magpaparehistro ng sasakyan basta-basta 'pag gano'n kamahal? Marami sa ating mga kababayan ang sapat lamang ang kinikita para sa pamilya tapos magpaparehistro ka ng sasakyan na gano'n kamahal. Kaya nga sabi ko, mabuti nga nagpapa-inspect pa, ang problema kasi nito, kapag ganyan kamahal ay hindi na lang magpapa-inspect. Anong mangyayari ngayon? Ang kaligtasan ng ating mga pasahero pati na rin ang ibang mananakay, baka naman mabiktima pa ng isang sasakyan na hindi maayos ang pagtakbo. Kaya sana may pakiramdam naman ang mga ibang tao sa gobyerno, hindi naman dapat ang gobyerno ang kumikita; ang gobyerno dapat sapat lamang ang kinikita para maipagpatuloy ang serbisyo. Mayroon namang pondong galing sa national government para dito sa LTO, sa LTFRB, sa DOTr, 'wag na nilang pagkakitaan pa ang mga kababayan natin.

Chavez: Senator, iwanan ko ang transportasyon, punta tayo doon sa isang pet bill ho ninyo na naging batas at 'yan ay ang national feeding program. Sa unang taon ng implementasyon masasabi ba ninyo na naging successful ang DepEd and to a certain extent DSWD sa pagpapatupad ng national feeding program para sa ating mga kabataan?

Poe: Marami pang dapat ayusin doon sa naging sistema kasi hindi pa naman lahat ng dapat makakuha noon--nitong huling taon--ay nakakuha; pero ang masasabi ko lang--at least sa mga daycare centers at sa ibang mga public school--maraming mga bata ang nabigyan ng tulong, milyun-milyon na po. Maraming salamat sa inyong walang sawang adbokasiya dito, Dr. Chavez, ang National Child Feeding Law, RA 11037 ay naisabatas na dahil 'yan ay isinulong natin at ng iba pang kasamahan ko rin sa Senado, at pinirmahan ng ating Pangulo, 'yan po ay batas na. Lahat po ng mga batang malnourished, mga buto't balat na kailangan talaga ng tulong sa mga public school, mauumpisahan na po sa darating na school year. Mayroon pong nakalaan na P4.9 billion, ang ibig sabihin po nito, tinatayang halos mga halos 3 million ang mabebenepisyuhan dito.

Hindi pa po kasama ang isang ipinaglaban ko rin na batas na kalusugan para sa mga nagbubuntis at sa mga nanay at mga baby; 'yan po ay bibigyan rin ng sapat na tulong ng gobyerno sa mga barangay health centers.

Chavez: Bukas po magsisimulang muli ang kampanya para sa midterm election at kayo ay muling tatakbo sa pagkasenador, kahapon ho ay nakakita ako ng panibagong survey, hindi ko lang mabanggit sapagkat yet to be verified pero doon ho ay number one ho uli kayo, maliban pa sa SWS. Sa survey po nakita ko kayo ay number one kahapon ho kaya lang hindi ko pa puwedeng i-announce sapagkat kailangang humingi ng authority kung dapat ilabas ang survey na 'yon pero kayo ho ay number one doon, maliban pa doon sa January survey ng SWS. Sa muling pagtakbo ho ninyo bilang senador, saan naka-sentro ang mensahe ninyo para sa ating mga kababayan?

Poe: Unang-una, maraming salamat sa tiwala. Alam mo, Dr. Chavez, hanggang ngayon alam ko ang tiwala sa atin ng mga kababayan ay dahil sa alaala ng aking ama, kaya iniingatan ko 'yan. Saan mase-sentro ang aking tungkulin? Unang-una, ipagpapatuloy ko ang aking pagiging tapat sa ating mga kababayan. Wala akong partido...Ang sa akin ay alaala ni FPJ, kaya ang mga tututukan ko: patuloy na mabilis na internet, kaya nga itong sa Mislatel nga ay talagang tinututukan natin; sisiguraduhin din nating ang pagtulong sa ating mga magsasaka ay maipagpatuloy, hindi man natuloy ang coco levy fund, isa pa rin 'yan sa aking isusulong na dapat tumulong sa mga magsasaka--lalung lalo na ngayong ang rice tariffication ay naipasa in both Houses--dapat bigyan sila ng tamang suporta para sa binhi, pataba at makinarya.

Sisiguraduhin din nating may pondo para sa mga programa ng gobyerno para sa pagkain at kalusugan ng ating mga kababayan. At siyempre 'yun ngang sinasabi nating para sa mga drayber at pasahero ay patuloy pa rin ang ating pagtutok diyan, maraming bagay na itinutulak ko na sa awa ng Diyos ay naipasa; katulad ng pagpapalawig at pagpapahaba ng license validity--hindi lamang three years, ngayon five years at kung maayos kang magmaneho hanggang 10 years.

Ito ngang libreng pananghalian sa mga public school na tinulungan din ninyo ako; at siyempre 'yung First-time Jobseekers Assistance Act, hinihintay na lang ang Pangulong pumirma nito; kung ikaw ay bagong naghahanap ng trabaho, dapat wala nang bayad ang mga kakailanganin mo para sa permit ng gobyerno katulad ng BIR Certificate, Barangay Clearance, 'yung mga pagpapa-checkup sa ospital, lahat ng kailangan mo para sa employment mo, dapat libre na 'pag ikaw ay bagong jobseeker o naghahanap ng trabaho.

Chavez: Alright, Sen. Grace Poe, maraming maraming salamat, goodluck at magandang umaga po sa inyo.

Poe: Maraming salamat po sa tulong ninyo.

News Latest News Feed