Press Release
April 30, 2019

Transcript of GMA 'News-To-Go' interview with Sen. Francis "Kiko" Pangilinan

ON CANADA TRASH

SEN FRANCIS PANGILINAN: Well, una nagsampa ng kaso ang BOC laban doon sa mga nag-import at nagkaroon ng sentensiya na 'yan at ang utos ng Regional Trial Court ng Maynila ay dapat ibalik itong mga basura na ito sa Canada. 'Yun ang utos ng korte. Nagkaroon din ng kilos ang Ombudsman. Nasuspinde nga 'yung Undersecretary ng DENR dahil nga dito sa kasong ito. Nung panahong ng nakaraang administrasyon, nagkaroon din ng pag-file ng mga protesta ang DFA. 'Yun nga lang nagkakaroon syempre ng negosasyon tungkol dito kaya hanggang sa ngayon patuloy pa rin ang negosasyon at ang balita ko at least doon sa information na nakuha natin ay mukhang tatanggapin na nga ng Canada itong pagbalik ng basura bago nagkaroon ng ganitong pahayag. Pero ang punto ko rito, 'yun nga, matapang tayo pagdating sa basura sa Canada pero 'yung tone-toneladang shabu na pumapasok dito galing sa mga sindikato ng droga sa China, at pati na rin itong pagsakop ng ating mga isla at pagtataboy ng ating mga mangingisda. Eh ang sagot natin ay walang imik o kaya wala tayong magagawa. Hindi ito tama.

ON CHINA

SFNP: At pagkatapos sinabi ng China iyon, hindi ko nakuha ang reaksyon ng ating gobyerno. Tinutulan ba? Sinabi ba na kami ay tinutulak namin ang ruling na pumapabor sa atin? Hindi natin narinig 'yon. Kaya nga sabi ko, parang masyado tayong nakaluhod dito sa dambuhalang China. Pati nga 'yung ating mga trabahador, sabi nung mga kandidato nila sa eleksyon, eh dapat matuto tayong magsalita ng Chinese para hindi nakukuha nung Chinese 'yung trabaho dito sa Pilipinas. Eh talagang hindi tama itong nagiging patakbo o kaya ng polisiya ng kasalukuyang administrasyon tungkol sa panghihimasok ng China.

SFNP: Well, mabuti iyon dahil talaga namang dapat ang itinutulak ng ating gobyerno ay ang ating interes at hindi ang interes ng China. At kung may mga iligal nga na mga trabahador ng China dito, ay hindi dapat silang ginagawang ligal. Dapat sila ay dine-deport. So kinakailangan talagang mas manindigan ang ating gobyerno dito sa panghihimasok ng China sa ating mga karagatan, sa ating trabaho, at pati na rin dito sa ating ekonomiya. Ang mga naging leksiyon ng ibang bansa sa kanilang pakikipag-ugnayan sa China ay maraming kontrobersiya na inaangkin na nga, inako na nga, kinuha na nga ng China ang ilang mga ari-arian ng ibang bansa dahil hindi makapagbayad sa utang. So ito ay kinakailangan talagang busisiin nang husto at napakahalaga na sa darating na halalan ang mga senador na titindig laban sa China o kaya titindig para sa interes ng ating mga kababayan ay ang siyang ihahalal. Hindi 'yung nananahimik dahil nga dito sa usapin na ito.

SFNP: Well, hindi problema ang magkaroon ng maayos na kasunduan sa ibang bansa, magkaroon ng mga agreement na ito sa ibang bansa. Hindi problema yan per se. Ang nagiging problema, ay kapag ang interes ng bansang kausap natin ang nangingibabaw. At doon dapat maging mapagbantay tayo. We welcome these agreements, but these are first steps. Sabi nga nila nung unang bisita ng ating Pangulo sa China, nagkaroon ng 20+ billion or 40+ billion - I forget now - worth of deals. Pero after two years, wala pa atang dyis porsyento doon sa mga kasunduan ang naimplementa. So the devil is in the detail. We welcome these agreements if it will redound to the best interest of the country. And that's where kinakailangan na natin busisiin. Dahil nga 'yung ilang agreements na lumalabas na, 'yung Kaliwa Dam halimbawa at 'yung Chico River Dam project na uutangin natin sa China, eh mayroong mga probisyon doon na kapag hindi tayo nakapagbayad o makapag-default tayo, ay maaari nilang angkinin ang ating mga ari-arian, ang ating mga isla at karagatan, 'yung mga tinatawag nilang patrimonial property, para pambayad sa utang. 'Yan ang nangyari sa ibang bansa at ayaw nating mangyari ito sa ating bansa.

ON LATEST PULSE ASIA SURVEY RESULTS

SFNP: Sabi nga nila ang pinakamahalagang survey, ay 'yung araw ng halalan. At sa aking labing-walong taon bilang senador, ilang eleksyon na rin ang nadaanan natin bilang campaign manager at bilang kandidato, nakita natin, may mga pangyayari na sa huling dalawang linggo ng eleksyon, 'yung mga nasa labas ng top 12 pagdating ng araw ng halalan ay 'come from behind' ika nga at naipapanalo nila. Surprise victory ika nga. Mula number 12 magiging number 1, mula number 13 nagiging number 2, mula number 17 nagiging number 6. So hindi pa tapos ang boxing, ika nga. Ipaglalaban natin ang bawat boto hanggang sa huli. At itutulak natin ang Otso Diretso at ating mga kandidato. Naniniwala tayo na sa huling banda, ang ating mga kababayan, ayaw nila ng mga kawatan, ayaw nila ng tiwali, gusto nila ng mga honest at tapat at totoong mga kandidato at iyan ang ipinaglalaban natin at sana marinig ng ating mga kababayan ang ating panawagan.

News Latest News Feed